Kabanata 3
III: Lauro Sapatero
•••
"BAKIT mo sinasampal ang sarili, binibini?" Tanong ng binata.
"Nababaliw na rin yan!" Singit muli ng hamster sa loob ng bota tapos humalakhak ito.
Napalunok muna ng laway si Lily, sa kaniyang palagay ay para na siyang isang labanos dahil alam niyang namumutla na siya. "P-panaginip lang ba ito?"
Napakunot noo ang binata tapos tumawa ito nang nakakaloko, "Umagang-umaga ay nananaginip ka?"
"Ang lahat nang ito ay nangyayari sa kasalukuyan,"
Lumipat ang paningin ng dalaga sa isang punong pabaliktad--- ang ugat ay nasa itaas at ang mga sanga at dahon nito'y siyang nakalubog nang bahagya sa lupa. Doon niya narinig ang malaking boses ngunit buo, sumisingkit ang kaniyang mata sa kakahanap. Kung hindi ito bumuga ng usok ay isang oras ang aabutin sa paghahanap. Nakikita niya na ngayon ang isang insektong parang sanga, may dalang tabako na sobrang liit pero dambuhala ang usok na binubuga kapag ito'y hinithit. Naka de-kwatro ito at kampante na nakaupo sa likod ng higad.
"Kaibigang patpat, mukhang may naligaw sa ating mundo?" Saad ng higad, ang pananalita nito ay sobrang bagal na tila inaantok.
"May rason ang kaniyang pagkaligaw. Matutulungan niya tayo." Tugon ng insektong patpat sabay buga muli ng usok.
"Ah- binibini, halika. Pumasok ka sa aming tahanan."
Natauhan naman si Lily nang magsalita si Lauro, sa palagay niya ay mababaliw na siya dahil sa mga nagsasalitang insekto at hayop. Napansin naman niya ang binata na malapad ang ngiti na parang pinipilit habang diretsong nakatingin papasok ng tahanan.
"K-kape? G-gusto niyo ba ng kape? May kape!" Bungad ng isang aso na nanginginig ang kamay habang hawak ang isang tasa na natatapon ang loob.
Nabigla naman si Lily nang hawakan siya ni Lauro sa magkabilang balikat at agad na pinaupo sa upuang gawa sa bato. Sa ikalawang pagkakataon ay bumagsak na naman ang kaniyang pwet, "Mukhang aatras na lahat ng tae ko kakabagsak ah?" Sa kaloob-looban niya pa.
"K-kape! M-maraming asukal ba ang n-nais?" Tanong ng aso kay Lily, nababakas dito ang panginginig sa kaniyang boses.
Bigla namang sumulpot ang hamster at agad na hinagisan ang binata ng sapatos tapos panay tawa na. Mabuti na lamang at nakailag si Lauro.
"Ah- tama lang sa akin. A-ano ang pangalan mo?" Hindi mapigilang tanong ni Lily sa aso.
Napaayos ng kwelyo ang aso at agad na inilahad ang isang kamay na nanginginig, "A-ako si Verganza. Ano ang i-iyo na ngalan, binibini?"
Napangiti naman ang dalaga at agad na tinanggap ang kamay, "Lily," ramdam niya ang mamasa-masang palad ni Verganza. "Huwag masyadong magkape."
Napaharap si Lauro sa dalaga nang marinig ang ngalan nito, "L-lily? Kakaibang ngalan," Unti-unti siyang humakbang papalapit dito, "Saan ka nanggaling?"
Hindi makakurap si Lily sa mga matang naniningkit ng binata na tila inuusisa ang kaniyang buong pagkatao at kamalian sa buhay. "S-sa..."
"Lauro! Nandiyan ang hukbo ng mga oso! Kasama nila si Sebyong!" Tarantang saad ng hamster. Hindi ito mapakali sa kinaroroonan habang hawak ang mahabang largabista (binocular).
"Itago mo ang ating bisita, Hugo. Bilis!" Utos pa ni Lauro at agad na tumungo sa pintuan ng tahanan. Alam niya tutungo ang mga ito sa kanila.
Agad naman na napatayo si Lily, natataranta na rin siya lalo na ngayon na ang kaharap na si Verganza ay nagtatago na sa ilalim, ramdam niya ang panginginig nito dahil umaalog at parang may lindol sa ibabaw ng mesa.
"Binibini, sundan mo ako!" Agad agad na saad ni Hugo.
Sinundan naman ni Lily ang hamster na nagngangalang Hugo. Kahit na siya'y kinakabahan na sa mga kinikilos nila, "Sino kaya si Sebyong?" Tanong niya sa sarili.
"Dito ka magtago sa lagusang salamin," Mabilis na salita ni Hugo. Agad niyang naitulak si Lily sa loob.
Muntikan pang sumubsob ang dalaga sa sahig nang mapasok siya sa loob ng salamin. Napansin din niya ang paggalaw nito dahil sa matinding riffle effect, parang tubig.
"Huwag kang lalabas diyan, binibini." Pabulong na saad ni Hugo.
Hindi na umimik si Lily bagkus ay inilibot niya ang paningin sa paligid. Medyo maambon at may mga nagliliparang aninipot. Sa unahan ay nakakita siya ng isang mahabang mesa. Nailipat niya rin ang paningin sa mga nakalambitin na mga lampara sa itaas ng mga puno. "Anong mundo na naman ba 'to? Hello? May tao ba rito?" Pagbabakasakali niya pa. Naidala siya ng kaniyang mga paa sa isang punong kahoy pero kakaiba ang istilo nito, naka letter 'Y' at may higaan sa gitna. Marami din ang mga baging na nagmimistulang kurtina sa paligid nito. "Hello?"
"Sino ka?" Matinis ang boses na ito na nanggagaling sa itaas ng puno.
Napaatras si Lily sa nakita. Isang nilalang na nababalutan ng mga iba't-ibang naggagandahang bulaklak ang katawan at ang mukha nitong kulay berde lamang ang nakalitaw. Matangos ang ilong na mahahalintulad sa tinik ng rosas. Ang mga daliri'y mapilantik.
"Sino ka?" Sindak na saad ng naturang nilalang.
Napalunok ang dalaga ng napakaraming laway at tila umaatras na ang kaniyang dila.
SA kabilang dako, hinarap ni Lauro ang matangkad at maskuladong si Sebyong, nakasuot ito ng makapal na damit na may mataas na manggas, may kapa at may sombrerong katulad sa mga mangkukulam. "Magandang gabi- ah- umaga, Ginoong Sebyong!" Magiliw na bati niya rito. "Nais niyo bang magpagawa ng sapatos? May bago akong istilo na tiyak na bagay sa iyong mga-" Napatingin pa siya sa mga paa ng lalaki, bakas sa kaniyang mukha ang pandidiri dahil may malalaki itong kuko sa paa at tinubuan pa ito ng maliliit na kabute. "bagay sa iyong mala-prinsipeng paa!" Tapos napangiti siya nang pilit.
Bigla namang tumawa si Hugo pero natigil lamang iyon nang pinandilatan siya ng mata ni Lauro.
Nanlaki ang butas sa ilong ni Sebyong at hinawakan nang mahigpit sa kwelyo ang binata, "Ako ba'y inyong pinagloloko?! Alam kong may tinatago kayo rito!"
Napangiti muli si Lauro at hindi pinahalatang nasasakal na siya, "Paano mo naman nasabi na may tinatago kami?"
Mas lalong lumaki ang mga ilong ng lalaki,"Dahil alam namin!" dumadagundong ang boses nito.
"Hanapin niyo nga-" Napaigik si Lauro nang bigla siyang ibinagsak sa sahig. Nakita niya ang pagsimulang paghalungkat ng limang oso sa tahanan.
"Alam namin na may nakapasok na ibang nilalang dito sa ating mundo!" Singhal ni Sebyong.
Tumindig muli si Lauro at pinagpagan ang sarili, nainis siya sa mga nasaksihan lalo na ngayon na pinagkakalat nila ang mga sapatos na bagong gawa niya, "Kahit halughugin niyo ang lahat ay wala kayong makikita, hindi niyo kami kayang maliitin at huwag niyo kaming takutin dahil lamang kakampi kayo ng mangkukulam na kulang sa-"
"Lauro!" Pigil pa ni Hugo nang marinig na nag-iiba na ang boses ng binata, nagiging malalim na at alam niyang senyales iyon na magwawala na.
Napatabon ng bunganga si Lauro at ngumiti ulit, "O, Pasensya na," Bumalik sa pagiging kalmado ang boses.
"K-kape, g-gusto niyo ba ng kape?" Aya pa ni Verganza kahit na nanginginig pa rin.
Lumapit si Sebyong at kinuha ang tasa.
"Heto, asukal!" Singit ni Hugo sabay hagis ng asukal na hugis parisukat sa baso ni Sebyong.
Lumapit na ang limang oso sa gawi nila, sabay sabay itong napailing at nagkibit-balikat dahil wala silang nakitang ebidensya.
Naibagsak ni Sebyong ang baso sa mesa at inis na napatingin kay Lauro na nakangiti ngayon sa kaniya, "Kapag nalaman kong may kinalaman sa inyo ang bagong nilalang na nakapasok sa ating mundo, mawawalan kayo ng ulo!"
"Matagal na silang wala," Matalinhagang saad ni Lauro sabay ngiti nang nakakaloko.
Napaismid si Sebyong at tuluyang lumabas ng bahay, "Mga lunatiko!" Pahabol niyang sigaw.
"Muchias Gracias!" Tugon pa ni Hugo at sinabayan niya ng pagtawa.
HINDI makaimik si Lily habang pinagmamasdan ang tatlo na masayang nagkakantahan sa harapan ng hapag-kainan. Kasalukuyan silang naghahapunanan at maraming nakahandang masasarap na pagkain sa mesa. May hamon, leche flan, pan de crema, at may mga nagsasarapang prutas.
Ngunit kahit ganoon kakulay ang nasa mesa at gaano kasaya ang mga nilalang na bago niyang nakilala ay taliwas iyon sa kaniyang nararamdaman. Bukod sa nangungulila na siya sa ama at kapatid ay may isa pang dahilan kung bakit siya nakakaramdam ng lungkot.
Dahil iyon kay Lauro. May nalaman siya patungkol sa binata dahil sa naging salaysay ng babaeng bulaklak kanina na nagngangalang Maryang Halimuyak. Kaya pala nawala sa katinuan ang binata dahil sa kagagawan ng mangkukulam---ang may kapangyarihang itim dito sa lugar ng Marahuyo.
Isang kilala na sapatero si Lauro, seryoso ito at mahal na mahal ang kaniyang trabaho. Maagang naulila sa ama at ina kung kaya ay pinili ang dumiskarte at mamuhay nang mag-isa. Hanggang sa isang araw ay nakilala niya ang babaeng si Eulalia, naging matalik silang magkaibigan. Nagkagusto ang dalaga kay Lauro at agad na nagpahayag ng damdamin pero hindi ito tinanggap bagkus ay nais ng binata na maging magkaibigan lamang sila.
Napuno ng galit si Eulalia, hindi siya makapaniwalang may lalaking tatanggi sa kaniya sa gayong may hitsura naman siya. Sa pagkadismaya ay nilagyan niya ng nakakalasong likido ang bawat tela na gagamitin para sa sapatos na gagawin ni Lauro.
Hindi alam ng binata ang ganoong pangyayari kung kaya ay nagtataka na lamang siya kung bakit bigla bigla na lamang siyang nahihilo at nagsisimula na rin ang pamumutla ng kaniyang balat. Nagiging kulay abo ang kaniyang buhok at ang mga labi'y naging kulay kahel. Sumunod na napansin niya ay ang pag-iba ng kulay ng magkabilang mata, hanggang sa isang araw ay nawala na siya sa katinuan.
At ang tanging gamot lamang upang maibalik sa katinuan si Lauro ay ang laway ng bakunawa.
Natauhan si Lily nang may tumunog na batingaw. Natigil si Hugo at Verganza sa mga kalokohang ginagawa at agad napatayo ang dalawa at dali-daling sinara ang mga bintana.
"Lilitaw na naman ang nakakakilabot na mansyon ni Eulalia!" Bakas sa boses ni Verganza ang takot.
"B-bakit?" Pagtatakang tanong ni Lily. Napasulyap siya sa binatang walang imik at nakasandal lamang ito sa upuan habang ang dalawang paang may bota ay nakapatong sa mesa. Nakahalukipkip ito at seryosong nakatingin sa sahig.
"Tuwing sasapit ang gabi'y lilitaw ang kaniyang lungga. Sila ang nagsisilbing babala sa mga nandirito. Kapag nakita ka nilang pagala-gala ay puputulan ka nila ng leeg!" Nanghihilakbot na saad ni Hugo.
Hindi napigilan ni Lily ang mapatayo at sumilip sa uwang ng bintana. Nanlaki ang kaniyang mga mata sa nakita, isang napakalaking mansyon ang kaniyang nasaksihan, nasa tuktok ito ng isang napakataas na burol. Napapalibutan ang nasabing mansyon ng mga patay na puno at maiitim na malalaking baging. May pagkulog at may maiitim na ulap ang namumutawi, ito'y kakaiba sa lahat.
"Patayin ang lahat ng ilaw," Biglang sambit ni Lauro, "Sapagkat malapit na siya."
Napasingkit ang mata ng dalaga sa mga katagang sinabi ni Lauro, "Unang hakbang, Lily, ang makita kung sino si Eulalia."
----
A/N: Yan po si kaibigang Patpat. Hehe!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro