Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 1

I: Si Lily
•••

NAIKUSOT ng dalaga ang kaniyang mga mata habang nakaharap sa isang computer. Napatingin siya sa isang orasan na nakasabit sa dingding. Tumatama na ito sa alas dyis. Napahikab siya at ramdam na niya ang pagbigat ng kaniyang talukap.

"Ang syota mo ay syota niya, syota ng lahat, syota na nila at syota pa ng bayan. Syinota nang sinyota at syinota at syinooootaa, siyonotaaaaaa ko na ri--- aray!" Napahimas ng batok ang isang binata na kanina pa nakikinig ng mga kanta ng Grin Department at nakiki-sing along pa. Agad na naitanggal nito ang suot na headset.

"Tang*na mo! Kanina ka pa kumakanta riyan. Hindi mo ba alam na tayo na lang dalawa ang natitira rito sa compshop?" Bulyaw ni Lily sa kapatid, antok na antok na siya at halos mahulog na ang dalawang mata niya sa sahig at parang kusa na lamang itong uuwi sa bahay para matulog.

"Hindi pa ako titit!" Buwelta pa ni Lilo sabay kuha sa notebook sa sahig na siyang pinalipad ng kaniyang ate para tamaan siya sa batok.

"Anong titit? Open time ka hoy! Pinagsasabi mo?" Sabay ligpit niya ng mga gamit sa isang maliit na mesa at kinandaduhan na ang kaha. Isa siyang cashier sa isang compshop na hindi niya pagmamay-ari. Studyante siya sa umaga, kahera sa gabi.

"O heto na, log out muna ako ng friendster. Ate, nambabato eh."

"Talagang tatalakan na naman ako ni Madam kapag nakita niya sa cctv na nag overtime tayo rito kahit wala ng customer. Batang 'to!" Saad niya at gigil na isinara ang zipper ng bag at nasira pa ang hawakan nito, "Shet."

"Arat na, tiyak naghihintay na si padre de pamilya sa bahay." Bakas pa rin sa boses ni Lilo ang pagkainis pero naintindihan niya naman ang ate Lily niya. Talagang mahirap maging working student kung kaya ay ramdam niya ang pagod nito.

As usual, nang maipatay ng dalawa ang lahat ng ilaw sa loob ay nag-uunahan na naman silang tumakbo palabas. Parang may karera.

"Balot! Penoy!" Sigaw ng lalaki na nagtitinda ng itlog na kulang sa buwan. Pagkatapos ay piniga ang ulong goma ng torotot habang nakasakay sa bike.

"Kuys! Pabili ng balot." Habol ni Lilo sa naglalako.

"Ilang days ang gusto mo, utoy?" Tanong nito nang makahinto.

"18 days po."

Samantala, si Lily naman nang matapos na ang pagkandado sa pintuan ng computer shop ay sinundan na niya ang kapatid.

"Kuys, malinis po ako." Tanggi pa ni Lilo nang inabutan siya nito ng isang pakete.

"Ha? Sinabi ko bang madumi ka, toy? Tanggapin mo na itong asin." Saad ng tagalako, "Akala mo shabu no? Lakas naman ng amats mo."

"Sorry po. Baka kapag sinubukan ko itong asin na sinasabi niyo, hindi ako makatulog ng isang linggo." Litanya pa ng binata sa tagalako.

Napairap na lamang si Lily at napahalukipkip. "Pasensya na po, manong. Kahit ano na ang iniisip nitong batang 'to eh. Ewan ko ba paano ba ito inere ni mama."

Napailing at napangisi na lamang ang tagalako sabay kuha ng bayad sa binata, "Thank you for purchasing my balot. Bye!"

Nagkatinginan si Lily at Lilo. Nang makalayo na ang lalaki ay doon na sila humagalpak ng tawa.

"Hanep, english spokening dollars." Ani Lilo habang pinupunasan ang maluha-luhang mata dahil sa kakatawa.

Kahit na si Lily ay nawala ang antok nang marinig ang biglaang pagsalita ng ingles ni manong.


ALAS tres pa ng madaling araw nang magising si Lily para maghanda ng aghan at para na rin maaga siyang makapasok sa school. Kahit na parang alon ang pagtapak niya sa sahig dulot ng inaantok pa ay kinaya niyang kumilos.

Nakagisnan na niya ang ganitong gawain, kahit na nakakapagod ay kaya niya itong tiisin. Maagang pumanaw ang kaniyang ina at may mild stroke ang ama. Ang kapatid naman na si Lilo ay nag-aaral pa ng Highschool. Samantalang siya, isang third year college pero irreg.

Pagkatapos niyang maligo at magbihis ay chineck niya ang sinaing kung naluto na ba ito, nagpasalamat siya sa lahat ng santo dahil hindi ito nasunog. Tiyak na kakain na naman sila ng tutong na kanin.

Dumiretso na siya sa sala upang buhayin ang tv, timing naman na kakasimula pa lamang ng MYX  Philippines. Nag-aabang siya mga kantang kasali sa Top 20.

"Ang gwapo talaga ni Rico Blanco. Hays!" Saad niya pa at unti-unting nagkakaroon ng scenario sa kaniyang utak na kung saan sinasayaw siya ni Rico sa hardin. Wala silang binibitawang salita at tanging pagtitig lamang sa isa't-isa ang daan para ipahiwatig ang nais sabihin.

"Ate!"

Natigil ang kaniyang pag d-daydream kay Rico Blanco nang sinigawan siya ni Lilo sa bandang tenga. "Putek naman!"

"Bili ako ng pandesal. Pahingi ng bente." Ani Lilo sabay lahad ng isang palad.

"Magpunas ka muna ng laway mong natuyo sa bibig mo uy." Saad niya sa kapatid sabay suksok ng kamay sa bulsa ng kaniyang palda para kunin ang wallet. "O, heto. Sabihan mo si Mang Salvador na dagdagan niya naman ng ilang piraso. Parang 'di tayo suki." Sabay abot ng bente.

"Yes, ma'am!"

Napailing na lamang siya sa pagiging makulit ng kapatid. Pagkatapos ng ganoong eksena ay naisipan na niyang magluto ng ulam.

PAGKATAPOS kumain ng lunch ni Lily ay naisipan niyang tumambay muna sa library, hindi para magbasa kundi ang matulog. Unang bumungad sa kaniya ang nakapaskil na "SILENCE". Napatingin siya sa isang counter na kinaroroonan ng isang librarian na kamukha ni Ms. Tapia sa palabas na 'Iskul Bukol'. Napangisi na lamang siya dahil may napagalitan na naman itong studyante na sa tingin niya ay isang freshman.

Wala siyang masyadong kaibigan dahil irregular student siya. Marami siyang 9.0 sa kaniyang prospectus na ang ibig sabihin ay drop. Hindi niya kayang buhatin ang walong subject lalo na at isa siyang working student. Okay naman para sa kaniya ang kursong Accountancy, pero 'yun nga, naghihikahos siya minsan sa oras.

Pumunta siya sa isang bookshelf na nakahelera ang mga fictional books. Nagkukunwari siyang mamimili para naman hindi siya mahalatang matutulog lang at para hindi siya tatalakan ng librarian.

Napadpad ang kaniyang mga paningin sa isang libro na kulay itim pero may border na pula. "The Tale of Marahuyo?" Bulong niya sa sarili nang makuha ang libro, "D-dimasilaw?" Basa niya rin sa may akda ng libro.

Binuklat niya ito at tumambad ang unang pahinang blangko, napaismid siya. Inilipat na naman niya ito sa ibang pahina. May mga nakaguhit na mga scenario. Mahahalintulad ito sa mga fairytale at bed time stories na mga libro.

Napatitig siya sa isang guhit na may binatang nakatukod ang isang tuhod habang nakangiti at parang masaya na sinusuotan ng sapatos ang isang matabang elitista. May bilog na salamin ito sa mata at kulay abo ang buhok. "Ang lakas pala talaga ng amats ng may akda ha?" Natatawang saad niya habang binabasa ang iilang salitang nakalapat sa libro.

Ibinalik niya muli ang paningin sa nasabing guhit, "Tae!" Nabitawan niya ang libro at naglikha ito ng kalabog sa sahig na kahoy.

"Silence!"

Narinig niya ang malaking boses ng librarian, hindi na lamang siya umimik at ang tanging nagawa ay nag peace sign sa mga studyanteng nabulabog.

Napalunok siya ng laway nang mapagdisesyunan na pulutin muli ang libro.

"Hindi pwedeng malik-mata lang 'yon! Nakita kong kumindat sa akin ang lalaki sa libro!"

----

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro