Chapter 1
Chapter 1: Ang Tinig ng Kakahuyan
"Pero Amang Hari, siya ang iniibig ng puso ko. Alam kong wala siyang pagmamay-ari na ipagmamalaki, pero ginintuan ang kanyang puso. Ayokong magpakasal sa iba. Siya ang gusto ko. Nakikiusap ako. Huwag mo kaming paglayuin."
Hindi lang labi ko ang nanginginig o ang mga matang namamaga na sa labis na pagluha. Maging ang mga tuhod ko na kanina pa nakatukod sa matigas na sahig.
"Mahal ko siya, Ama. Nakikiusap po ako. Hayaan niyo na lang kaming maging masaya," ang boses ko ay pahina nang pahina habang ang pag-asa ay unti-unting naglalaho.
"Balang araw ay maiintindihan mo rin kung bakit kailangan kong gawin ito," sambit ng Amang Hari. "Tumayo ka na riyan, Prinsesa. Kahit isang dagat ang iluha mo ay hindi na magbabago ang pasya ko."
"Rodalyn Paraiso Milagro!" pabagsak na binuksan ni Mama ang pinto ng kuwarto ko. Napahingang malalim siya nung makitang nakaluhod ako. "Umayos ka na, Anak. Mamaya na 'yang drama mo. Magtitinda pa tayo. Dinamay mo pa Lolo mo."
Napasimangot ako saka tumayo. Pinagpagan ko ang mga tuhod kong namumula na. Panira naman si Mama, eh. Wala pa nga kami ni Lolo sa climax.
"Lumabas ka na riyan, ah?" pahabol pa ni Mama bago umalis.
"Sige, Lo. Ituloy na lang natin ito mamaya," nakangiti kong sabi. "May gusto po ba kayong pasalubong?"
"Basta ligtas lang kayong makauwi," sagot naman niya saka banayad na ngumiti. Ibang-iba sa character na nilaro niya. "Oh, siya. Baka mapagalitan ka pa."
Kinuha ko ang tungkod niya saka binigay sa kanya. Ginamit naman niya 'yong bilang pangkapa para makalabas ng kuwarto ko. Hindi nakakakita si Lolo. Bulag siya noon pa man. Sunog ang kalahati ng mukha niya. Sabi ni Mama ay 'yon ang dahilan kaya siya nabulag.
Bago ako sumunod kay Mama ay naglagay muna ako nang kaunting lipstick. Iniisip ko pa lang na ilang oras naman ang ilalagi ko sa palengke ay napapaiyak na lang ako.
Bakit ba kasi hindi kami mayaman?
Pinagtulungan namin ni Mama na bitbitin ang mga huli niyang tilapia papunta puwesto namin sa palengke. Hindi ko nga maintindihan kung bakit may mga bumibili pa rin. May lawa namang malapit na hindi nauubusan ng isda. Bakit hindi sila humuli?
"Isang kilo nga. Buhay."
"Aalisan ko na ho ba ng kaliskis?" tanong ko habang nagbibilang ng mga isda para timbangin.
"Huwag na. Ang liliit naman. Wala bang bawas sa presyo?"
"Ay pasensya na po. Isang kilo pa rin naman ang ibibigay ko sa inyo," magalang kong tugon. "Suwerte nga po kayo kasi bagong kuha sa lawa ang mga tinda namin. Sa iba po kasi kahapon pa ang tinda nila. Nilagay na lang sa tubig para mabuhay hanggang ngayon."
"Roda," dinig kong babala ni Mama.
Hindi ko naman sinisiraan ang ibang nagtitinda. Nagsasabi lang ako ng totoo. Hindi ko alam bakit sobrang patas ni Mama sa mundo. Hindi naman ito patas sa amin.
"Salamat po." Inabot ko sa Ale ang plastic na may isang kilong isda, kapalit no'n ang bayad niya na halos barya pa.
Style ng iba rito ay bulok na. Kunwari barya ang ibibigay kasi karamihan sa nagbebenta kundi nagmamadali ay tamad naman magbilang kaya minsan ay kulang. Not me. Binilang ko ang mga barya.
"Hoy! Ale, kulang ng piso—"
"Rodalyn" pigil na naman sa akin ni Mama. "Piso lang 'yon. Hayaan mo na."
"Pero saktong isang kilo ang binigay ko sa kanya."
"Mababawasan din 'yon kapag inalisan ng kaliskis." Lumapit sa akin si Mama. Binuksan ko ang bibig ko nung subuan niya ako ng isang hiwa ng hilaw na mangga. "Baka umuwi na rin Papa mo sa makalawa. Malay mo hindi na muna natin kailangang magtinda."
Sa dalawang buwan, isang beses lang umuuwi si Papa. Nagtatrabaho kasi siya sa Manila. Gano'n pa man ay lagi siyang nagpapadala sa amin ng pera. Sabi nga niya ay isasama niya ako ro'n minsan! Isang taon na rin ang minsan na 'yon.
"Puwede kayang sa Manila na lang ako mag kolehiyo, Ma?"
Naglakad ako sa sink para maghugas ng kamay. Wala pa namang bumibili. May mga homework pa pala akong gagawin mamaya pag-uwi ko.
"Magkolehiyo ba talaga o maghanap ng kano na mapapangasawa?"
Maraming napalingon sa amin nung sumabog ako sa pagtawa.
"Ma naman!" natatawa pa rin ako. "Kaya kong pagsabayin 'yan!"
"Hay nako. Tigil-tigilan mo ako, Roda. Maraming scholarship sa paligid." Nilapitan ni Mama ang bumibili para siya naman ang mag-asikaso.
Ako naman ang umupo sa stool. "Mas mataas daw ang kalidad ng pag-aaral sa Manila, Ma. May mga coffee shops pa. May museums. May bars."
"Kapag nanalo sina Mayor Hulyo at Sir Dante sa eleksyon, baka magtayo sila ng bagong school," nakangiting bumaling sa akin si Mama. "Hindi mo na kailangang lumayo."
Humaba ang nguso ko. Mahal ko ang lugar na ito. Pero gusto ko rin namang maranasan ang buhay sa labas. Ang lawak ng mundo para manatili sa iisang lugar at napakaikli ng buhay para hindi sumubok ng ibang bagay.
"Paano kung hindi sila nanalo?" tanong ko.
"Imposible, Roda. Sila na ang hari dito."
"Malakas kaya ang mga kalaban nilang Alvato," bulong ko. "Saka mukhang sawa na rin ang mga tao sa mga Trinidad. Si Donya Remedios, nagiging santa na naman. Hindi ba matapobre 'yon?"
Hindi ko nga alam kung bakit ang bilis makalimot ng mga tao sa lugar na ito. Totoo naman ang mga balita tungkol kay Donya Remedios. Ayaw na ayaw siyang nahahawakan ng mga tao. Hindi niya tinutulungan ang mga nanghihingi ng tulong. At higit sa lahat, feeling untouchable siya. Hindi siya humble.
Alas sais na rin nung makauwi kami. Hindi namin napaubos ang mga tinda. At syempre kapag hindi napaubos, e 'di uulamin namin.
Pagpasok namin ay naabutan namin si Lolo sa sala. Nakaupo siya sa upuan na yari sa kawayan, hawak ang kanyang tungkod, at nakatingin sa malayo.
"Mano po, Lo," nagmano ako sa kanya.
"Magsaing ka na, Roda. Ako na maglilinis ng isda na uulamin natin," sabi ni Mama saka dumiretso sa likod ng bahay. Naroon kasi ang poso kung saan kami nag-iigib.
Dumiretso ako sa kusina. Gaya ng sinabi ni Mama ay nagsaing na ako sa rice cooker. Kahit naman mahirap kami ay may kuryente kami. Ang mahal nga ng bill namin nakaraang buwan. Pumalo sa 400 pesos.
Napatingin ako kay Lolo na sumunod din pala sa kusina. Mabilis ko siyang inalalayan para makaupo. Mahina na kasi siya dahil na rin sa katandaan.
"Kumusta naman ang pag-aaral mo, Roda?" tanong niya.
Umupo ako sa tabi niya. Hinawakan ko ang kamay niya saka minasahe.
"May crush ako, Lolo..." Napangiti ako. "College na siya. Hindi ko alam ano course niya. Pero huwag kang mag-alala, Lo. Malalaman ko rin—"
"Kumusta ang pag-aaral mo, Roda?" ulit niya.
"Okay lang po, Lo." Sumimangot ako. "Nakakapasa naman kahit papaano."
Narinig ko ang mahina niyang pagtawa. "Iyon naman ang importante. Pumapasa ka."
"Sa kanya kaya, Lo? Papasa rin kaya ako?"
"Anong papasang pinagsasabi mong bata ka? Ang tanong ay kung papasa ba siya sa akin."
Napahagikgik ako sa sinabi niya. "Nako, Lo. Feeling ko may abs 'yon. Isang tulak niya lang sa 'yo matutumba ka—"
"Eh kung hampasin ko siya ng tungkod sa ulo?"
"Joke lang, Lolo!" Humagalpak ako.
Pero hindi 'yon joke. Sabi ni Niamh sa akin ay ipapakilala niya raw ako bukas sa kanya! Ang swerte ko talaga sa kaibigan kong 'yon. Mayaman pero mabait. Oo, may pero. Kasi hindi lahat ng mayaman ay mabait.
"Lo, bakit Rodalyn ang pangalan ko?" tanong ko.
"Ano pa ba? Pangalan ng tatay mo Rodel, pangalan ng mama mo Annalyn."
"Ang luma kasing pakinggan—"
"Ang bibig mo, Rodalyn," putol sa akin ni Mama. Nilagay niya sa lababo ang plato ng mga nalinis niyang isda. "Anong gusto mong luto ng isda?"
"Ano po ba ang choices?"
"Pritong tilapia o inihaw na tilapia?"
"Inihaw naman, Ma. Prito na kasi kahapon, eh."
Sabay kaming natawa. Hay nako. Minsan, iniisip kong sana mayaman na lang kami. Pero what if mayaman nga kami, pero iba ang Mama ko? Huwag na lang. I have the best Mom in the whole world!
Habang kumakain ng inihaw na tilapia, bigla kong naisip na ganito na lang ba talaga kami? Gusto ko rin namang umangat sa buhay. Kahit hindi mayaman. Basta 'yung may maihahain akong iba maliban sa tilapia.
"What if mag trabaho ako?" biglang kong sabi sa gitna ng pagkain. "Habang nag-aaral?"
"Disisiyete ka pa lang, Roda. Huwag mo munang isipin ang pagtatrabaho," paalala ni Mama. Pinagsalin niya ako ng tubig. "Saka hindi naman tayo nagugutom, ah?"
Hindi na lang ako kumibo. Hindi nga nagugutom, hindi rin umaangat.
Si Mama na ang naghugas kaya naghilamos na ako. Papasok na sana ako sa kuwarto para gawin ang homework ko pero inutusan muna ako ni Mama na bumili ng toyo. Mag-aadobong tilapia raw kasi siya.
Naglalakad na ako pauwi nung may marinig akong umiiyak. Nanigas ako sa kinatatayuan ko. Kinailangan kong paalalahanan ang sarili na hindi ako naniniwala sa multo.
Lumunok ako bago dahan-dahan na sinundan ang tunog ng iyak. Maraming puno sa paligid. Malakas ang hangin. Maliwanag ang buwan. Mahigpit ang pagkakahawak ko sa toyo.
Hindi malakas ang iyak. Parang iniipit nga ito para hindi marinig. Hindi ako nag-abalang mag tanong o lumikha ng ingay. Basta tahimik lang akong naglalakad.
Hindi ako nahirapan na hanapin kung saan 'yon galing. Dahil hindi naman siya nagtatago.
Mula sa likod ng puno ay nagtago ako at pinanuod siya. Gaya ng palagi, naka puting dress siya na mukhang brown na dahil sa sobrang luma at dumi. May mga butas pa 'yon. Nakapaa siya. Umiiyak habang sumayaw na animo'y ang kanyang pag-iyak ang musika. Ang mga mata niya ay may takip na pulang tela. May banayad na ngiti sa kanyang mapupulang labi. Sa isa niyang kamay ay may hawak na libro.
Gaya ng mga sabi-sabi, mukha siyang diwata na naglalaro lang sa kakahuyan. Sa halip na matakot, sobrang nahiwagaan pa ako kay Dodit.
Sigurado akong nakatago ako at hindi niya napansin. Pero bigla siyang tumakbo nang matulin sa ibang direksyon. Lumabas ako sa pinagtataguan ko at naglakad sa kaninang puwesto niya.
Bumagsak ang atensyon ko sa aking mga paa. Yumuko ako at pinulot ang tuyong talutot na sa tingin ko ay bulaklak. Walang bulaklak sa paligid kaya sigurado akong nahulog ito ni Dodit.
"Rodalyn!"
Kumabog ang dibdib ko nang marinig ang sigaw ni Mama. Hindi ako takot sa multo. Kay Mama, oo naman.
"Ma!" Patakbong sinalubong ko siya.
Halos manlambot ako nung makitang may luha sa kanyang mga mata. Bigla niya akong niyakap nang mahigpit kasabay ng paghampas niya sa balikat ko.
"Ikaw babae ka saan-saan ka pumupunta!" Hinampas niya ulit ang balikat ko. "A-akala ko kung napaano ka na. Inutasan lang kitang bumili ng toyo pero wala ka sa tindahan."
"Sorry, Ma. May dinaanan lang po ako..."
Hindi ko alam bakit hindi ko masabi kay Mama ang tungkol sa nakita ko. Siguro ay alam kong mas mag-aalala siya. Iba man ang tingin ko kay Dodit, hindi mababago no'n na iba rin ang tingin sa kanya ng ibang tao. Na isa siyang hindi mapagkakatiwalaan.
"Halika na. Nag-aalala na rin ang Lolo mo."
Hawak ni Mama ang kamay ko hanggang sa makauwi kami. Sa bungad ng bahay ay nakatayo si Lolo at nakatingin sa malayo. Mas lalo akong nakonsensya.
"Lo..." tawag ko sa kanya.
"Roda? Halika nga."
Napaatras ako nung aktong papaluin niya ako ng tungkod niya. Kahit na hindi nakakakita si Lolo ay malakas naman ang pakiramdam niya.
"Ikaw talagang bata ka. Ang lapit-lapit ng tindahan. Bakit ang tagal mong nakauwi?" tanong pa niya. "Huwag mo sabihing nakipag kita ka pa sa crush mong college?"
Napahagikgik ako. "Nag-kiss lang kami sandali—"
"Talagang—"
"Joke lang po, Lo. Tara na. Pumasok na tayo."
Hindi pa ro'n natapos ang lahat. Hanggang sa loob ay pinagtulungan ako nina Lolo at Mama. Pinagsabihan. Natatawa na lang ako.
"At nasa'n ang toyo?" biglang tanong ni Mama.
Nanlaki ang mga mata ko. "Hala. Nabitiwan ko yata. Sandali. Babalikan ko—"
"Huwag na. Pumasok ka na sa kuwarto mo," sabi ni Mama. Bumuntonghininga pa siya. "Sige na, Anak. Tama na ang pagpapakaba sa amin."
Tumango ako saka na rin pumasok sa kuwarto ko. Umupo ako sa kama saka inamoy ang tuyong talutot ng bulaklak na nahulog ni Dodit. Kaunti na lang ang naiwang amoy ro'n dahil na rin sa sobrang tagal.
Huminga ako nang malalim saka tumulala sa kawalan. Bakit siya sumasayaw habang umiiyak? At nakapiring pa ang kanyang mga mata. May sinasayaw ba siya?
What if ritwal pala 'yon? Na nakikiusap na siya sa mga diwata na ibalik na siya sa mundo nila?
Napailing ako. Napapaniwala na rin ako sa kanila. Ah. Basta. Hindi ako naniniwalang diwata siya. At mas lalong hindi ako naniniwala na bigla na lang siyang sumulpot sa mundo na ito. Nang walang kuwento.
Napangisi ako. Magandang kuwento 'to, ah?
Ano ang kuwento ni Dodit?
Saan ba siya nakatira?
Pinunit ko ang sinusulat kong script tungkol sa prinsesa na nagmahal ng hampaslupa dahil nagsawa na rin ako sa tema na 'yon. Nagsulat ako ng bagong title roon.
Ang tinig ng kakahuyan.
Saka ko inipit ang tuyong talutot ng bulaklak sa pagitan ng mga pahina. Tinago ko na ang script notebook ko pero hindi pa ako humiga sa kama.
Kinuha ko ang make-up kit ko saka ako humarap sa salamin. Nakangiting naglagay ako ng palamuti sa mukha. Pagkatapos ay nagsuot din ako ng puting dress.
Sa harapan ng malaking salamin, ginaya ko ang pagsayaw ni Dodit sa kakahuyan. Ang mahinang pag-ikot, pagtingkayad, pagngiti, pagkumpas ng mga kamay, habang nakapikit. Sa hindi malamang dahilan, gumaan ang pakiramdam ko.
"Rodalyn? Tulog ka na ba?"
Mabilis akong humiga sa kama. Nagtaklob ng kumot. At nakatulog.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro