Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Track 5: Ours

“HUY, Jessey, may nakakita raw sa inyo kahapon ni TJ sa Nuvali, ah?”

Napairap ako nang marinig ang malagong na boses nf kapatid ko. Kababaeng tao. Nilingon ko siya. Nakatayo siya sa may hamba ng pinto ng kwarto ko.

“Hindi ka ba marunong kumatok?” pagtataray ko.

Hindi niya pinansin ang pagtataray ko, sa halip ay lumapit siya sa kama ko kung saan ako nakaupo. Umupo siya sa tabi ko at itinukod ang dalawang kamay sa kanyang likuran.

“Nagkikita pa rin pala kayo?”

“Ano naman ngayon?”

Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya. “Kinakabahan lang ako dahil baka malaman ni papa."

Itinuon ko ang paningin ko sa romance book na binabasa ko bago siya pumunta rito. Pero kahit paulit-ulit kong basahin iyon ay hindi pumapasok sa isip ko ang mga salita roon. Muli kong iniangat ang paningin sa kapatid ko.

“Haharapin ko na ngayon ang galit ni papa hanggang sa tanggapin niya kami, Jersey.”

Napangiti siya sa sinabi kong iyon.

“Hindi ka na takot?”

“Natatakot pa rin pero magiging matapang na ako para kay TJ,” nakangiting ani ko.

“Mabuti ka pa matapang. Pahingi naman ng tapang,” biro niya na bahagya kong ikinatawa.

Around 3 p.m. ay nagkita kami sa mall ni TJ. Kahapon lang ulit kami nagkita after a month. Nag lie low muna kami dahil nalaman ni papa ang tungkol sa amin mula sa isang kaibigan niya. Nakita kami nito na magkasama at agad na ibinalita iyon kay papa. Sa sobrang galit niya akala ko’y masasaktan na niya ako nang araw na iyon. Mabuti na lamang napigilan siya ni mama.

Nagkakilala kami ni TJ noong college dahil iisang university lang ang pinasukan namin. Ngayon ay pareho na kaming nagta-trabaho. Minsan na naming napag-usapan na magsama na sa iisang bahay. Pero sabi ko sa kanya ay gusto kong gawin iyon kapag may basbas na kami ni papa. Sa mga magulang niya naman kasi ay okay na kami. Sa mga magulang ko na lang talaga ang problema. Mabuti na lamang at iginalang naman niya ang desisyon kong iyon.

Hindi ko maipagkakaila ang mga tinging hindi kaaya-aya mula sa ibang tao dito sa mall habang nakatingin sa magkahawak naming kamay ni TJ. Gusto ko silang tawanan dahil mukha silang tanga. Parang namang ngayon lang sila nakakita ng mag jowang magka-holding hands.

Sanay na ako sa ganoong tingin tuwing magkasama kami ni TJ. Noon nga ay mas malala pa dahil mismong ang ibang kaibigan namin ay ganoong tingin ang ibinibigay sa amin. Nasanay na lang kami, dahil alam naman namin ni TJ na hindi kami matatanggap ng lahat.

Kumain kami sa paborito naming restaurant at nanood ng sine. Sinusulit dahil magiging busy na naman sa trabaho dahil Monday na ulit bukas. Ngayon ay narito kami sa pantalan malapit sa aming lugar. Dito kami dumiretso pagkagaling sa mall. Nakaupo kami sa loob ng kotse niya habang pinag-uusapan muli ang mga balak namin kapag nagsama na kami sa iisang bubong.

“Kailan mo gustong harapin ko ang magulang mo?” tanong niya habang hawak ang kamay ko at pinaglalaruan ang singsing na ibinigay niya sa akin noong third nniversary namin last year.

“Ikaw, kung kailan ka handa.”

“Matagal na akong handa, Jessey. Hinihintay lang kita dahil alam kong mahirap din ito para sa ’yo,” aniya.

Napangiti ako. Ito ang isa sa minahal ko kay TJ. Palagi niyang ikinokonsidera ang mararamdaman ko.

“Kapag sinabi kong bukas?”

“Eh, ‘di bukas.”

”Okay lang sa ’yo?” naninigurong tanong ko.

Ngumiti siya bago pinagsiklop ang mga kamay namin at mataman akong tinitigan sa mga mata. “Okay na okay. Alam mo namang matagal ko na ‘tong gustong gawin.”

“Sige. Bukas sabay tayong haharap kina papa.”

Malawak ang ngiti nang unti-unting inilapit ang kanyang mukha sa akin at dinampian ako ng halik sa labi.

"Excited na akong makilala sila, mahal."

***

SINABI ko kay Jersey ang tungkol sa balak naming iyon ni TJ at sinuportahan naman niya kami. Kinagabihan ay nagtaka pa sila papa dahil sa mga nakahain sa hapag. Nagpa-deliver ako ng pagkain para sa pagdating ni TJ.

“Anong mayroon?” tanong ni papa. Si Mama naman ay seryosong nakatingin lang sa akin pero alam kong gusto na rin niyang magtanong. Bago ko pa masagot ang tanong ni papa ay may kumatok na sa pinto.

“Excuse po,” sabi ko at saglit na umalis sa kusina para pagbuksan ang kumakatok na alam kong si TJ. At tama nga ako.

“Bakit nagdala ka pa?” tanong ko nang mapagbuksan ko siya at nakitang may dala siyang paper bag mula sa isang restaurant. “‘Di ba sabi ko na ‘wag na?”

“Ayokong pumunta dito na wala man lang bitbit, Jessey,” natatawang aniya.

Napailing ako. “Tara na nga." Hinawakan ko siya sa kamay at hinila papunta sa kusina. Nang makarating kami roon ay nakaupo na sila Mama sa hapag. “Ma... Pa...” tawag pansin ko sa kanila. Sabay silang napatingin sa pinto ng kusina kung nasaan kami ni TJ. Maging si Jersey ay napansin kong lumingon rin.

“Good evening—"

“Anong ginagawa mo rito?!” Dumagundong ang malakas na boses ni papa kasabay ng pagtayo niya. “Sino’ng may sabing papuntahin mo ‘yan dito, ha, Jessey!”

“Pa!” nananaway na tawag ni mama sa kanya pero hindi siya nito pinansin dahil nanatili itong nakatingin sa amin. Mariin ang pagkakatitig niya sa amin.

“Anong kalokohan ‘to, Jessey?! Sinabi kong itigil n’yo na itong kahibangan ninyo!” malakas ang boses na sabi muli ni papa.

Nataranta akong napalingon sa mga bintana. Nag-aalala ako dahil baka naririnig ng mga kapitbahay ang boses niya dahil sa lakas niyon.

“Pa, naman! Mahal ko po si TJ,” naiiyak na sabi ko. Naramdaman ko ang paghawak ni TJ sa kamay ko kaya napatingin ako sa kanya. Nanatili itong nakatingin kay papa.

“Mahal? Nahihibang ka na Jessey! At ikaw lalaki ka, lumayas ka dito sa pamamahay ko!”

“I’m sorry, Sir, pero narito po ako para hingin ang kamay ni Jessey.”

Napasinghal si Papa at parang natatawang tiningnan si TJ. “Hingin ang kamay? Sinabi kong itigil n’yo na ito tapos hihingin mo ang kamay?” galit na galit na aniya. Napapailing si Mama na nasa tabi nito habang malungkot na nakatingin sa amin.

“Mahal ko po ang anak n’yo, Sir, Ma’am, kaya wala po akong planong itigil ang relasyong mayroon kami. Handa ko po siyang ipaglaban ang kung ano'ng mayroon kami ni Jessey.” Bakas ang paninindigan ni TJ habang sinasabi iyon.

Tinitigan ni papa si TJ pero mahahalata pa rin ang galit sa kanyang mukha. “Lalaki ang anak ko, hijo,” mariing ani Papa kay TJ.

“I know that, Sir.”

“Mahal mo pa rin siya kahit lalaki siya tulad mo?” Sa unang pagkakataon ay nagsalita si Mama.

“Yes, Ma’am.” Naramdaman ko ang muling paghigpit ng hawak ni TJ sa kamay ko kaya naman napatingala ako sa kanya. Nakita kong nakangiti na siya habang nakatingin sa mga magulang ko. “Hindi ko po lolokohin ang anak ninyo kung iyon po ang ikinakatok n’yo. Mahal ko po si Jessey. Tanggap ko ang lahat sa kanya. Kahit sabihin ninyo pong hiwalay ko siya ay hindi ko po iyon magagawa. Walang kasarian ang pag-ibig at sana ay huwag ninyong ipagkait ‘yon sa anak n’yo.”

“Hindi ka ba natatakot sa sasabihin ng mga tao?" si Mama.

“Mas natatakot po akong mawala si Jessey, Ma'am. Wala lang po ang naririnig namin. Ang mahalaga po sa amin ay isa't isa."

Nag-uunahan sa pagpatak ang mga luha ko habang naririnig ang mga sinasabi ni TJ. Tiningnan ko sila Papa nang may pagmamakaawa. Nagkatingingan sila ni mama. Ilang segundo lang ay napabuntong hininga si Papa at si Mama naman ay nakangiting tumingin sa amin.

“Pumapayag na kami. Ibinibigay na namin ang basbas namin sa inyo.”

Napanganga ako at nagkatinginan kami ni TJ. Muli kong hinarap sila Mama. Naiiyak akong lumapit sa kanila at yumakap.

“Thank you po, Ma, Pa!”

“Basta ipangako mong magiging masaya ka,” ani papa at sunod-sunod akong tumango habang nakayakap sa kanila.

“Masaya ako para sa inyo,” ani Jersey na niyakap ako.

Hindi ako makapaniwala na matatanggap kami ni papa. Si Mama ay alam kong susuportahan ang kaligayahan ko kahit ano pa iyon. Pero kay papa ay iba. Akala ko ay mahihirapan pa kaming kumbinsihin siya.

Natapos ang dinner na iyon na busog na busog ang puso ko sa sobrang sayang nararamdaman. Isang linggo na ang nakakalipas at ngayon ko balak na lumipat sa tinutuluyan ni TJ. Nasa biyahe na kami at masayang nakikinig ng radyo habang nag-uusap. Napangiti ako nang tumugtog roon ang kantang itinuturing kong theme song namin ni TJ. Ang Ours ni Taylor Swift.

Tulad sa kanta, alam kong marami pa ring hindi aprubado ang relasyon namin—kakilala, kaibigan, o kapamilya man. Alam ko ring maraming nag ja-judge sa amin as if kilala nila kami. Pero wala akong pakialam sa lahat ng iyon basta tanggap kami ng mga pamilya namin... At basta kasama ko si TJ.

Nakangiti ko siyang nilingon, saktong nakatingin rin siya sa akin, at sabay kaming napakanta.

The stakes are high, the water's rough.
But this love is ours.

the end

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro