Track 15: it's time to go
Continuation of Track 10: Should've Said No. ❤️
♪♪♪
Pagkatapos ng halos isang buwang pananatili sa bahay ng mga magulang ko ay umuwi na ako kay Luigi. Ilang beses niya akong pinuntahan sa'min pero hindi ako sumama. Ngayon ay uuwi ako para bigyan ng pagkakataon ang sarili ko na magbigay ng isa pang pagkakataon. Pagkakataon na makinig kung sakaling gusto na niya umamin sa ginawang panloloko sa akin.
Kagabi ay nakaupo ako sa beranda ng aming bahay nang lumapit sa akin si mama. Naalala ko ang pag-uusap na ginagawa namin kagabi.
"Isang buwan ka na dito, Kaye, pero hindi mo pa sinasabi sa akin ang dahilan."
Napalingon ako kay mama at nakitang nakatingin siya sa akin. Unti-unting tumulo ang mga luha ko ng hawakan niya ang kamay ko. Wala pa siyang sinasabi pero para bang napakarami na niyang sinambit kapag tinitingnan ko ang mata niyang puno ng awa at lungkot.
"Alam kong may problema kayo ng asawa mo. Hinihintay ko lamang na magsalita ka pero hindi ko na kinakaya ang makita kang umiiyak, anak. Sabihin mo kay Mama ang problema. Makikinig ako."
Luhaan at humahagulgol kong ikinwento kay mama ang lahat ng nalaman ko tungkol kay Luigi at sa babae niya. Simula pagkabata ay wala akong lihim na hindi sinabi sa aking ina. Ultimo mga naging crush ko noon ay alam niya. Ganoon kami kalapit sa isa't isa. Pero ang problema namin ni Luigi ay napakahirap para sa'kin na ibunyag kay mama. Dahil tulad ko, minsan na siyang niloko ni papa.
Palagi niyang sinasabi na handa siyang maramdaman muli ang sakit na pinagdaanan niya noon, huwag lang namin iyong maranasan sa hinaharap. Kaya alam kong masasaktan siya ng sobra kapag nalaman niyang nagloko ang asawa ko tulad ng ginawa ni papa, alam kong iiyak siya kapag nakita niyang umiiyak ako at alam kong masasaktan siya kapag naramdaman niya ang sakit sa puso ko.
"Likas na yata sa mga lalaki ang mahumaling sa iba kahit pa may karelasyon na siya o may asawa na. Mahirap sabihing 'wag lahatin, dahil kahit ang pinakamatinong lalaking nakilala mo ay nagawa kang saktan," ani mama habang yakap ako. Patuloy ako sa tahimik na pagluha.
"Mahirap magpatawad lalo na't hindi mo inaasahang magagawa niya iyon," dagdag ni mama. Ganoong ganoon din ang naiisip ko. Hinaharap ako ni mama sa kanya at nakangiting pinunasan ang pisngi ko. "Pero ang kapatawaran ay para sa lahat, anak. Dahil ang bigat at sakit sa puso ay kailangan mong pakawalan. Kung hindi, ikaw rin ang masasaktan ng matagal na panahon."
"Paano kung hindi siya humihingi ng tawad, 'Ma? Paano ko siya patatawarin?"
" Ang pagpapatawad ay hindi ibinibigay sa taong humihingi no'n. Ang pagpapatawad ay ibinibigay dahil gusto mong pakawalan ang sakit na idinulot niya sa'yo."
Nakangiti ngunit luhaan akong tumango. "Magagalit ka ba, 'Ma, kapag sinabi kong naiisip kong makipaghiwalay na kay Luigi? Sobrang sakit ng ginawa niya na tipong nagiging bato na ang puso ko. Ano po bang kailangan kong gawin?"
"Hindi ko sasabihing manatili ka sa relasyon niyo, anak, pero hindi ko rin sasabihing huwag na huwag kayong maghihiwalay. Minsan na akong nasaktan at alam ko ang pakiramdam ng nauubos. Umuwi ka. Bigyan mo ng pagkakataon ang sarili mo at si Luigi. Mag-usap kayo. Pagkatapos ay malalaman mo ang lahat ng nais mong gawin."
Iyon nga ang ginawa ko. Umuwi ako sa bahay namin ni Luigi. Wala pa siya ng dumating ako. Marahil ay nasa trabaho dahil byernes, o baka. . . Kapag talaga nasira na ang tiwala mo, hindi mo na mapipigilang mag isip ng mali.
Nang dumating si Luigi kinagabihan ay bakas sa mukha niya ang pagkagulat ng makita ako. Dali-dali siyang lumapit sa akin at niyakap ako ng mahigpit.
"I missed you!" aniya habang yakap ako.
Pero bakit gano'n? Wala akong maramdaman? Bakit hindi ko maramdaman ang sinseridad doon? Bakit hindi ko maramdaman sa puso ko ang pagkasabik ngayong nakita ko na muli siya.
Sa mga nagdaang araw dito sa bahay namin ay hindi pa ulit namin nabubuksan ang usapin tungkol doon. Isang linggo na yata akong nakakauwi rito. Hinihintay kong siya mismo ang unang magsalita tungkol doon. Sabihin sa aking ang tungkol doon ay walang katotohanan. Oo, kahit alam ko sa sarili kong hindi ako maniniwala ay gusto ko pa ring marinig sa kanya 'yon. Pero hindi niya ginawa. Akala niya ba ay nakalimutan ko na 'yon?
"Kamusta kayo?" walang gana kong tanong habang kumakain kami ng agahan. Natigilan siya sa pag nguya at nag angat ng tingin sa akin.
"Nino?"
Tinaasan ko siya ng kilay. "Ng babae mo."
"Anong babae? Wala akong babae," aniya at nagpatuloy sa pagkain.
Napangisi na lamang ako dahil ramdam ko ang pagkabalisa niya at ang pag iwas sa pinag uusapan. Parati ko siyang tinatanong ng gano'n. Minsan ay naiirita na siya pero wala akong maramdaman. Gustong gusto ko siyang magpaliwanag, pero hindi niya ginagawa. Hindi niya ba na-realize na iyon ang hinihintay ko? Simula noong araw na makita ko ang mga litratong iyon, ang matagal na pamamalagi ko sa amin, kahit isang beses hindi siya nagpaliwanag.
"Umamin ka na," sabi kong muli isang araw.
"Wala akong aaminin. Wala akong ginawang masama."
Gustong gusto kong banggitin ang tungkol kay Von, na bestfriend niya mismo ang nagsabi sa akin. Pero hindi, ang gusto ko ay ang pag-amin niya. Ang kusa niyang pag-amin. Dahil ayokong aamin lang siya dahil sa naiipit na siya sa sitwasyon. Gusto kong maisip niya na nasasaktan na ang asawa niya. Araw-araw naman akong umiiyak, minsan nga ay nakikita niya pa. Lalo kapag nakikita ko ang polo at relo na suot niya sa picture. Pero wala siyang ginagawa. Maski yakapin ako at magsorry lang siya, sapat na sakin. Pero hindi. Kapag nakikita niya akong umiiyak ay para bang nagbubulag bulagan siya.
Wala na ba akong halaga sa kanya? Hindi na ba siya nasasaktan kapag nakikita akong umiiyak? Dahil gano'n siya noon. Maski ang malungkot ako ay big deal para sa kanya kaya gagawa at gagawa siya ng paraan noon para mapasaya ako. Pero nagbago na ang lahat ng iyon ngayon.
Isang araw ay nagpunta ako sa office nila. First time kong pumunta rito pero kilala ko naman ang boss niya at nagsabi ang dadaan ngayon. Hindi ko lang alam kung nabanggit niya iyon kay Luigi.
Nang makaakyat sa floor nila Luigi ay may guard doon. Nagtanong ako at sinabing kauumpisa lang ng lunch break ng mga ito. Eksakto sa dating ko. Itinuro ng guard ang pantry at duamretso ako roon. Pagkabukas ng pinto ay parang mga bubuyog ang narinig ko dahil sa halo-halong pag-uusap ng nasa sampung katao yata.
Agad kong nakita si Luigi sa isang lamesa. Sa kanan niya ay nakaupo si Von na tahimik na kumakain. Sa kaliwa naman niya ay nakita ko ang babaeng may bob-cut na buhok. Katulad na katulad ng nasa litrato.
"K-kaye," gulat na ani Von ng mapalingon sa akin.
Kita ko ang simple niyang pagbunggo kay Luigi kaya napatingin sa akin ang asawa ko. Ngumiti ako at lumapit sa lamesa kung nasaan sila. Saktong may bakanteng upuan sa harap jilang tatlo kaya doon ako umupo.
"Nag la-lunch na pala kayo. Sayang naman at nahuli ako," sabi ko habang isa-isang inilalabas ang mga pagkain sa paperbag.
"Kaye, bakit nandito ka?" tanong ni Luigi. Nag angat ako ng tingin sa kanya pero agad ding inilipat ang tingin sa babaeng katabi niya.
"Hi! I'm Kaye, Luigi's wife," nakangiting pagpapakilala ko at naglahad ng kamay. Bakas sa mukha niya ang gulat. Hindi ko alam kung nagulat siya sa pagdating ko o sa pakikipagkilala ko. . . O pwede ring pareho.
Nakita ko ang paglingon niya kay Luigi bago ako hinarap muli at nagpakilala. Nakangiti ako habang naroon, pero ang puso ko durog na. Ramdam ko ang pagkabalisa nila habang naroon ako. Ramdam ko ang tensyon. Ramdam kong may itinatago sila sa akin kahit hindi nila sabihin.
Hindi ko na kailangang ng paliwanag ni Luigi. Hindi ko na kailangan ng paghingi niya ng sorry.
Sapat na sa aking niloko niya ako.
Sapat na sa aking hindi na niya magawang umamin.
Sapat na sa aking hindi na darating ang araw na hihingi siya ng tawad.
Dahil ang nararamdaman ko ay wala na. Ubos na. Said na. Wala na akong amor na maramdaman habang nakatingin sa mukha ni Luigi. Mukhang hindi ko inakala na titingnan ko na puro sakit ang maaalala.
"Sometimes giving up is the strong thing
Sometimes to run is the brave thing
Sometimes walking out is the one thing
That will find you the right thing"
Tiningnan ko ang babaeng katabi ni Faye ng marinig kong tumugtog iyon sa kanya cellphon. Napangit ako ng tumingin siya sa akin. "Salamat."
"Ha?" takang tanong niya.
Ngumiti lang ako at tumayo. Walang sali-salitang naglakad ako paalis roon. Rinig ko ang pagtawag ni Luigi at Von. Pero nakangiti akong nagpatuloy sa paglalakad habang nakangiting inalala ang isa pang sinabi sa kanta.
"You know in your soul
When it's time to go"
the end
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro