Track 12: Never Grow Up
"TRY to never grow up."
Parati kong naririnig ang mga katagang 'yan kay mama, noon na hindi ko maintindihan kung bakit niya 'yon sinasabi. Noong mahinog ang isip ko ay palihim ko na lang na tinatawanan si Mama kapag binabanggit niya 'yan. Kasi, bakit naman gano'n ang sasabihin niya, 'di ba? Hindi naman kami habang buhay na bata. Lahat ng tao ay lumalaki at tumatanda.
Sa lahat ng bagay ay gusto niyang gawin namin ang makakapagsaya sa amin. Suportado niya kami sa mga gagawin at pangarap namin. Minsan nga ay naiisip kong masyadong maluwag si Mama sa amin ng nakakatanda kong kapatid. Naisip ko na hindi naman siya nagagalit sa amin, parati niya kaming iniintindi. Iyon ang isa sa naging dahilan kung bakit kahit anong gustuhin ko ay ginagawa ko, kahit alam kong makakasama na 'yon sa akin.
"Em, cutting tayo."
"Em, yosi tayo."
"Em, inom daw tayo kina Jimuel."
"Em, tara daw mag bar."
At age of eighteen, napakarami kong natutunang bagay na alam kong hindi dapat ginagawa ng taong nasa ganitong edad. Napariwara ako. Napabarkada ako. Hindi ko alam kung nalalaman ba ni mama ang mga ginagawa ko. Siguro ay wala siyang ideya dahil hindi naman ako sa bahay nakatira. Magkasama kami ng kapatid ko dito sa apartment na malapit sa university na pinapasukan namin.
"Kapag hindi ka pa tumigil diyan sa pinag gagawa mo isusumbong na talaga kita kay mama," galit na sabi ni kuya nang minsan niya akong nahuling naninigarilyo dito sa apartment.
"Isumbong mo. Hindi naman magagalit 'yon."
"Subukan mo lang ako!" nagbabanta pa niyang ani.
Ipinagpatuloy ko ang ganoong bisyo at minsan ay napapabayaan ko na rin ang pag-aaral ko. Pero isang gabi ay hindi ko inaasahang mapapaaway kami sa lugar na pinuntahan namin para dumayo ng billiard at ng pag-iinom.
Naospital ako dahil sa tinamong mga sugat dahil sa sobrang pagbugbog na ginawa sa akin. Halos hindi ko na maimulat ang isa kong mata. Gising ako nang dumating sila Nama sa ospital. Iyak siya nang iyak habang yakap-yakap ako. Noon ko lang naramdaman na ang sakit palang makitang umiiyak siya. Gusto ko siyang yakapin at patahanin pero hindi ko magawa dahil hindi ko maigaliw ang katawan ko.
Ilang linggo akong namalagi sa ospital. Nalaman ni mama ang lahat ng kalokohang ginawa ko. Maging ang mga bagsak kong grades na pinagtatakpan ko lang tuwing itinatanong nila ni papa. Kahit ang kapatid ko ay hindi sinabi iyon. Sabi niya ay hinihintay niyang kusa kong aminin 'yon, na hindi ko ginawa.
Ngayon ay pinapanood ko si Mama na nagtatalop ng mansanas. Nakaupo siya malapit sa kamang hinihigaan ko. Kami lang dalawa ang narito dahil pumasok si Kuya sa school at nasa trabaho naman si Papa.
"Gusto mo bang malaman kung bakit parati kong sinasabing try to never grow up?"
Nagulat ako sa biglang pagsasalita ni mama. Nanatili siyang nakatingin sa tinatalupang mansanan habang sinasabi iyon at ngayon lang ako nakangiting nilingon. Hindi ako nakasagot pero tinitigan ko siya.
"Napakalupit ng tadhana at ayokong masaktan kayo ng kapatid mo, Em. Ayokong saktan kayo ng kung sino man, pisikal man o sa usapang pag-ibig. Ayokong mabulag kayo sa mga bagay na akala ninyo ay mabuti ang maidudulot pero hindi. Ayokong matutunan ninyo ang mga bagay na ginawa mo ngayon," malumanay na ani mama.
Unti-unting pumatak ang mga luha sa kanyang mga mata. Nasasaktan akong makita siyang ganito. Hinawakan niya ang kamay ko kaya napatingin ako roon at hindi na muling naiangat ang paningin kahit pa nang muli siyang magsalita. Nakatungo akong lumuluha habang pinapakinggan siya. Habang dinadama sa puso ko ang bawat salita niya.
"Alam kong iniisip mong dahil maluwag ako kaya mo nagawa 'yang mga bagay na 'yan. Naging maluwag ako hindi para gawin mo ito, anak. Naging maluwag ako dahil gusto kong maranasan mo ang mga bagay na alam kong hindi mo magagawa dahil hindi ka habang buhay na magiging bata. Nang banggitin ng kuya mo ang tungkol sa mga bisyo mo, nasasaktan ako." Napaangat ang luhaan kong mga mata kay mama. Hindi ko inaasahan na alam niya na noon pa ang mga iyon. "Naisip kong matalino ka at maiisip ring mali ang lahat ng ito. Akala ko sapat na ang mga pangaral at gabay ko para maging bukas ang isip mo sa tama at maling gawain. Pasensya na kung nagkulang ako, anak."
Umiling ako habang humahagulgol dahil sa mga sinabi ni mama. "Hindi totoo 'yan, Ma. Ako ang nagkamali at hindi kayo. Naging bulag ako. Akala ko ay isa ito sa mga sinasabi niyong gawin ko habang bata ako. Akala ko ito ang makakapagpasaya sa akin. Pero hindi pala. Sorry, Ma. Sorry po!"
Hinawakan ni mama ang mukha ko at nakangiting pinunasan ang luha roon. "Marami ka pang haharaping pagsubok habang tumatanda. Wala pa sa kalhati ang nararanasan mo, Em. Sana maging aral sa 'yo ang lahat ng ito."
Sa sinabing iyon ni mama ay naisip ko na sana ay magawa ko ang sinasabi niya parati. Pero alam kong hindi pwede 'yon kaya naman babaunin ko ang mga naranasan kong ito para may sandata ako sa mga pagsubok na kakaharapin.
Pinapanood ko ngayon ang mga video noong bata pa kami. Halos lahat ng mahahalagang okasyon ay may video kami at hindi iyon nakakaligtaan ni mama. Nakangiting kong pinapanood ang mga iyon dito sa kwarto ko habang nagpapagaling pa rin. At habang pinapanood ang mga iyon isa lang ang nasa isip ko. . . I don't wanna grow up. Wish I'd never grow up.
THE END
A/N: Maikli lamang ito pero sana ay may aral kayong matutunan. LSS ako sa Never Grow Up, sana kayo rin. :D Thankyou for reading! ❤️
The song can be interpreted in anyway you want, it depends on the perspective of the individual.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro