Track 11: Out Of The Woods
"Palagay ko ito ang tamang daan."
Tiningnan ko ang daang itinuro ng boyfriend kong si Geil. Tinitigan ko iyon. Saglit lang at napailing na agad ako. Wala akong matandaan na dumaan kami roon. Bukod sa maraming puno roon ng mahogany ay masyado ring matalahib. Ang natatandaan ko lang na nadaanan namin kanina ay puro puno lang ng mahogany.
"Palagay ko rito ang tamang daan." Turo ko sa kanan namin. Tinitigan niya rin iyon.
"Okay, sige. Subukan natin diyan."
Muli na niyang dinampot ang malaking backpack na pinaglalagyan ng mga gamit namin at isinukbit iyon sa kanyang likod. Nagsimula na muli kaming maglakad. Ilang minuto na nang magsimula kaming bumaba ng bundok na iyon pero hanggang ngayon ay hindi pa namin nakikita ang tamang daan. Natatawa na lang kami kahit alam naming naliligaw na kami. Exciting daw kasi, sabi niya. Exciting nga. Exciting at the same time, nakakatakot. Parang relasyon namin.
"Mukhang tama na nga ang nadaanan natin," aniya nang madaanan namin ang isang maliit na sapa.
"Are we out of the woods yet?" hinihingal at putol-putol kong tanong.
"Yeah... I thinks so."
Ang tanong na 'yon, para sa akin, ay hindi lang sa paglalakbay na ginagawa namin para makalabas ng bundok na ito. Kung 'di para rin sa relasyon namin. Kailan ko nga ba masasabing tuluyan na kaming nakaalis sa danger zone ng aming relasyon?
Nakilala ko si Geil two years ago. Bokalista siya ng isang banda at isa sila sa mga nag gi-gig sa bar na pagmamay-ari namin ng kaibigan kong si Red. Naging masugid ko siyang manliligaw. Noon pa lang nakita ko na ang labis na pag-ayaw ng mga magulang ko sa kanya pero itinuloy ko pa rin ang pakikipagrelasyon sa kanya.
Lumala ang pagtutol ng mga magulang ko sa naging relasyon namin. Sabi ng mga ito hindi raw ako makakayang buhayin ni Geil sa pagbabanda lang nito. Iyon lang kasi ang tanging pinagkakaabalahan ni Geil, bukod doon wala na siyang iba pang trabaho. Pangarap niyang sumikat sa larangan ng pag-awit. Sa taglay niyang galing, may tiwala ako na darating ang araw na makakamit niya iyon at makakaawit sila sa harapan ng libo-libong tao.
Ang pagtutol ng mga magulang ko at ang balang araw na pagsikat niya ang tanging nakikita kong problema namin. Nagsusumigaw ng Danger! Hindi dahil may malaki kaming problema na kinakaharap ay hindi na magiging masaya ang relasyon namin. Si Geil ang tipo na adventurous, samantalang sapat na sa'kin ang nagbabasa lang ng libro sa isang tabi. Si Geil ang nagbigay ng kulay sa buhay ko. Kung saan-saan niya ako dinadala, tulad ngayon. Ilang ulit niya ring iponangako sa akin na hindi aalis sa tabi ko kahit anong mangyari. Pero kasi... Hindi no'n nagawang panatagin ang puso ko. Walang relasyong hindi kumakaharap sa problema , pero masarap sa pakiramdam kapag panatag kang magpapatuloy kayo kahit ano'ng mangyari. Sa amin ni Geil hindi. Walang kasiguraduhan.
Alam ko, matapos ang masaya at exciting na paglalakbay naming ito, uuwi kaming nakangiti pero matatapos ang araw ko na itatanong sa sarili kung magpapatuloy ba ang relasyon naming ito. Kung malalampasan ba namin ang mga pagsubok. O kung hanggang saan nga ba ang itatagal namin. Ganoon naman lagi. Araw-araw. Gagawa ng masaya at exciting na bagay, pero matatapos sa pagtatanong ng ganoon.
Masasabi ko pa kaya sa sariling... We're already out of the woods?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro