Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Track 10: Should've Said No

Ano’ng gagawin mo kapag ang taong pinagkatiwalaan mo ng buong-buo ay nagawa kang lokohin? Matatanggap mo pa rin ba siya? Patuloy mo pa rin ba siyang mamahalin?

Ano’ng gagawin mo kapag ang taong inakala mong hindi ka kayang lokohin ay nasa harapan mo ngayon dahil sa nagawa niyang kasalanan?
Nasa harapan mo siya, hindi para humingi ng tawad kung ‘di para itanggi ang kalokohang nagawa niya.


Papatawarin mo ba siya? Pero paano mo mapapatawad ang taong hindi naman humihingi ng kapatawaran? At ang isa pang tanong, papatawarin mo ba siya kung humingi man siya ng tawad sa’yo sa kabila ng lahat ng maling ginawa niya? Sa kabila ng sakit na ipinadama niya sa’yo?


Mahirap sagutin ang lahat ng ‘yan, lalo na kung nausok na ang ilong mo sa galit dahil ayaw niyang umamin sa kasalanan niya kahit huling-huli na siya sa akto. Kahit may ebidensiya ka ng hawak.

“Wala akong ginagawang masama, Kaye,” mahinahong aniya na nakapagpakulo lalo ng dugo ko.

“Oh, talaga? Eh, ano ‘yung nakita ko?” mahinahon ko ring ani.

Nakasandal ako sa hamba ng pinto ng apartment na tinutuluyan namin. Matalim ang tinging ipinupukol ko sa kanya. Hindi niya iyon nakikita dahil nakatalikod siya sa gawi ko. Nakasalampak siya sa sofa; nakatutok ang paningin sa nakabukas na telebisyon. Hindi ko alam kung naiintindihan niya ba ang palabas doon sa kabila ng pagtatalong ginagawa namin.

“Hindi nga ako ‘yon!” aniya na parang naiinis na base sa tono ng pananalita niya at dahil sa pagkamot na ginawa sa kanyang ulo.

Napalayo ako sa sinasandalan at nagpunta sa harap niya. “Aba, ano, ako pa gaganyanin mo?! Ikaw pa ang may ganang magalit, ha?!”

Salubong ang kilay niya nang mag-angat ng tingin sa’kin. “Ang kulit mo kasi! Sinabi ko na ngang hindi nga ako 'yon!”


Natatawa akong napasinghal. “Paanong hindi magiging ikaw, ha?! Sige nga ipaliwanag mo! Patunayan mo sa’king hindi ikaw ‘tong nasa litrato!” Pabalang kong ibinato sa kanya ang cellphone ko. Nasambot niya iyon. Tinitigan niya nang mabuti ang litrato habang patuloy ako sa pagsasalita. “Sige, ipaliwanag mo ‘yan! Patunayan mo sa’king hindi ikaw ‘yan, Luigi. Gumawa ka ng mga tangang dahilan! PSige, paniwalain mo ‘ko!”


Habol ko ang hininga habang tinitingnan ko siyang tahimik lang na nakatingin sa cellphone. Ni hindi niya magawang magpaliwanag nang maayos. Panay lang siya sa pagtanggi na hindi siya ‘yung nasa pictures at wala siyang ginagawang masama. Sunod-sunod na pumatak muli ang mga luha ko habang pinagmamasdan siya. Kanina pa ako umiiyak at ramdam ko na ang pagod sa mga mata ko. Ramdam ko na ang pamumugto niyon.

Kaninang umaga pa kami nagtatalo tungkol sa bagay na ito. Hindi ko makalimutan kung paanong nangatal ang mga kamay ko noong matanggap ko ang message na iyon mula kay Von—ang bestfriend ni Luigi.

Kagigising ko lang kahapon ng umaga at iyon agad ang nakita ko pagkabukas ko sa cellphone ko. Pictures ng dalawang tao na magkayakap at magkalapat ang mga labi. Noong una ay nagtataka pa ako kung bakit nagpadala ng ganoong litrato si Von, pero nang pagmasdan ko nang mabuti ang mga litrato ay nakilala ko ang lalaking naroon. Walang iba kung ‘di ang magaling kong boyfriend.

Kitang-kita sa mga litratong iyon na suot niya ang longsleeve na iniregalo ko sa kanya noong 5th Anniversary namin. Kitang-kita sa mga litrato ang suot niyang relo na magkasama naming binili. Kitang-kita sa litrato ang pagmumuka niya kahit pa madilim at bahagyang nahaharangan ng babaeng kasama niya at kayakap. At hindi ako pwedeng magkamali na ang babaeng iyon ay officemate niya dahil minsan na itong nagpunta rito sa apartment noong birthday ni Luigi.

Kahit na panay ang pag-iyak ko at kahit pa naninikip na ang dibdib ko ay pilit kong pinigilan ang sarili kong huwag hambalusin ng unan si Luigi. Mahimbing na mahimbing pa itong natutulog at hindi man lang namamalayang umiiyak na ako dahil sa kanya. Dahan-dahan akong lumabas ng kwarto at umiiyak kong tinawagan si Von.

“Hello, Von.”

“Kaye,” aniya na parang inaasahan nang tatawag ako ngayon.

“Ano ’yong sinend mo? Bakit may gano’n?” Parang nagmamakaawa ang boses na tanong ko. Sana ay sabihin niyang wala lang iyon. Na hindi iyon totoo. Na prank lang ito dahil April 1 ngayon. Pero sinong niloloko ko? Ano, kukuha sila ng ganoong pictures para lang i-prank ako?


“Si Luigi kasi Faye...” Narinig ko ang malalim na pagbuga niya ng hininga bago siya nagsalita muli, “Matagal ko na siyang pinagsasabihan na itigil na ‘yan, eh. Naaawa na rin ako sa’yo at hindi ko para kunsintihin ‘yan sa kalokohan niya.”

“Matagal na?” Gulat kong tanong. Parang iyon lang ang tumatak sa isip ko sa mga sinabi niya.

“Oo. Noong August pa sila may relasyon ni Charise. Pasensya na, Kaye, kung ngayon ko lang sinabi. Akala ko kasi saglit lang ‘yang kalokohan ni Luigi at titigil rin...”

Patuloy pa rin ang pagsasalita ni Von pero hindi na pumasok iyon sa isip ko. Dahil ang sinabi niyang noong August pa nagsimula ang relasyon ni Luigi at ng Charise na iyon ang tumigil sa utak ko at hinarangan ang iba niya pang sinasabi.

Ibig sabihin ay walong buwan na ang relasyon nila? Ganoong katagal na akong niloloko ni Luigi? Nanggigigil ako at hindi ko matanggap na nagawa niya akong lokohin. Hindi ko matanggap na pinagtaksilan niya ako. Hindi ko matanggap na sinasaktan niya ako ng ganito. Nasaan na ang pangakong ako lang at wala ng iba? Bakit ngayon may kahati na ako sa kanya?

Panay ang tahimik kong pag-iyak sa sala nang umagang iyon habang pinagmamasdan pa rin ang mga pictures nila Luigi at Charise. Para silang nasa rooftop. Marahil ay sa rooftop ng opisina nila. Sinave ko iyon at binura ang message ni Von. Ayoko nang idamay pa siya rito. Nagpapasalamat na lang ako na sinabi niya ito sa akin.

Pumasok muli ako sa kwarto at kinuha ang cellphone ni Luigi na nasa tabi nito. Binuksan ko iyon at tiningnan lahat ng naroon pero wala akong nakitang kahina-hinala. Tahimik ko ‘yong ibinalik sa tabi niya at luhaan siyang pinagmasdan.

Limang taon na ang relasyon namin ni Luigi. Kahit kailan ay hindi ko naisip na magagawa niyang magloko dahil siya ‘yung tipo ng tao na tahimik. Kung hindi niya kaibigan ay hindi siya magiging madaldal o baka nga hindi niya kausapin. Good boy rin ang tawag sa kanya ng mga kaibigan at kakilala namin dahil tulad ko, ganoon rin ang tingin nila kay Luigi, hindi kayang magloko. Lahat ng gawin ay puro kabutihan lang.

Pero ngayon hindi ko maipaliwanag ang sakit na nararamdaman ko. Hindi komatanggap na nagawa niya akong pagtaksilan. Umasa akong hindi niya 'yon magagawa. Ni minsan ay hindi ako nag-isip ng masama tungkol sa kanya. Ni minsan ay hindi pumasok sa isip ko na baka lokohin niya ako. Ni minsan hindi ko naisip na makakaya niyang gawin ang ganoong bagay. Ni minsan ay hindi ko pinaghinalaan lahat ng ikinikilos niya dahil panatag ako, panatag ang puso ko.

Hindi ko muna siya kinumpronta noong umagang iyon. Kung anu-anong ginawa ko para makahanap ng sapat na ebidensya. Masyadong malabo ang nasa litrato. Para bang hindi iyon sapat sa akin. Nag tanong-tanong ako sa mga kaibigan niya at mga katrabaho. Pakiramdam ko nagmukha akong katawa-tawa dahil sa mga ginawa ko. Pero lahat sila ay walang sinabi, lahat sila ay walang alam.

Pinagmasdan ko rin muna siya ng ilang araw. Lahat ng galaw niya ay pinapansin ko. At gusto kong matawa sa sarili ko na ngayon ko lang napansin na may mga pagbabago na pala sa mga ikinikilos niya. Sa sobrang panatag ko hindi ko na napansin na may ganoon na pa lang pagbabago na nangyayari.

Noon naman kahit iwan niya lang ang cellphone niya kung saan ay okay lang. Ngayon kahit sa banyo ay bitbit niya ‘yon. Noon naman kapag may tumatawag sa kanya ay hindi siya lumalayo, pero ngayon talagang todo kung makalayo. Ayaw na ayaw iparinig sa akin ang pag-uusapan nila ng kung sino man. Kapag tumunog ang cellphone, kahit text lang mabilis pa sa alas kwatro kung damputin niya iyon. Nakakatawa siya!

Noon naman hindi siya palaayos sa sarili. Ngayon ay maya’t-maya niyang chine-check ang kabuuan. Noon naman kahit ano lang na damit ang madampot sa tokador, pero ngayon masusi niya iyong pinagkukumpara kung alin ang mas maganda. Palaging gusto mabango siya. Nakakatawa na noon kahit wala siyang perfume kapag papasok sa trabaho ay okay lang. Pero ngayon ay halos ipaligo niya iyon. Mga simpleng pagbabago pero ngayong may nalaman akong ganito ay napakalaking bagay ng mga pagbabagong iyon para sa akin.

Hindi ko maipaliwanag ang biglang pagkawala ng emosyon sa puso ko nang hindi siya umamin ng araw na iyon noong komprontahin ko siya. Patuloy niya iyong itinanggi. Patuloy niyang sinasabing hindi siya ang lalaki sa litrato. Patuloy niyang sinasabing wala siyang ginagawang kasalanan. At dahil doon nakaramdam ako ng kawalang gana sa relasyon namin. Kapag nagsasabi siya ng I love you, hindi ko ‘yon masagot. Lahat ng bagay na gawin niya ay para bang wala na lang sa akin.


Ilang buwan na akong narito sa bahay ng mga magulang ko. Hindi ko kayang makita pa siya. Paulit-ulit na bumabalik sa isip ko ang mga litratong iyon. Paulit-ulit ko siyang pinapaamin pero hindi talaga siya nagsasabi ng totoo. Naiisip ko na, kaya ko naman siyang patawarin basta umamin lang siya at ‘wag na akong pagmukaing tanga. Pero hindi niya ginawa. Pinili niyang magsinungaling pa.

Ngayon ay tahimik akong lumuluha habang pinapakinggan ang kantang pinapatugtog ng kapatid ko. Katulad sa kanta, gusto ko siyang tanungin, "was she worth this?"

Itutuloy...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro