prologue
💞 beshties 💞
11:58 PM
Jordiii:
got my ferry tix. by 2pm tomorrow, nandiyan na ako sa isla.
Pia:
Yay! Can't wait!
Missed you lots, Jordicakes💕💕💕
Jordiii:
missed u girlies too hahaha
Pia:
Kinakabahan ka no?
Jordiii:
it's been three years
hindi ko alam ano magiging reaction ni mama at papa
baka masampal ako hahahahaha
Pia:
Girl! Your pops is like the most righteous law-abiding person in this hell-hole. Mama mo naman, church leader. Papagalitan ka nang todo? For sure! Pagbubuhatan ka ng kamay? 45% chance lang.
Jordiii:
geez that makes me feel so much better 🙄
Pia:
If I were your parents pagagalitan din naman kita hahaha Ikaw ba naman bigla na lang maglaho na parang bula after mag-drop out hahahaha
Jordiii:
come on now, u know what happened and why i did that.
Pia:
Sorry, daughter of the year
Jordiii:
i swear babawi na ako sa kanila
Mashaaa:
Bawi ka rin sa amin, jordiloves 🥰🥰🥰
Jordiii:
Ilang sapak?
Mashaaa:
Kiss lang pu 😗🥰
Pia
Kiss ka raw ni Linc HAHAHHAHAHHAHAHA
Mashaaa:
Can u not???
Jordiii:
wait, naglayag na ba ang masha-linc ship?
Mashaaa:
Gusto nyong shipain ko kayo????
Pia:
Kapag si Masha, buy 1 and take 1 lagi ang mga tinda sa convi store tapos laging may discount
Kapag ako, candy bilang panukli ang offer lagi???
Bastos, Lincoln. Bastos.🥲
Jordiii:
hahahahaha aminin, at some point in our lives, nagkaroon tayo ng crush kay linc. pogi, masipag, matalino, at higit sa lahat, ubod nang bait. no wonder paborito siya ng lahat ng naging teacher natin mula elementary
Mashaaa:
MABAIT? HAHAHAHAHA 💩
Baka nakakalimutan ninyong noong high school tayo, pinakalat niyang buntis ako?!
Pinatawag ang parents ko sa principal's office!!!
Kinailangan ko pang umihi sa pregnancy test kit para lang maniwala mga magulang ko na hindi ako preggy!!!
Jordiii:
are you sure siya talaga ang nagpakalat non? parang ang hirap kasi talagang paniwalaan na magagawa niya yon
he's like the nicest guy in rosamond island
Mashaaa:
That's what they said about Ted Bundy before he butchered a bunch of girlies
Pia:
Come on. Jordi's right. Remember no'ng natagusan ako tapos pinahiram niya talaga sa akin ang jacket niya para matago ko ang likod ng skirt ko? huhuhu
Jordiii:
Or no'ng kinarga niya ako patungo sa clinic after ako matamaan ng baseball bat ni Justin?
Mashaaa:
Jordiloves, that was your Kuya
Pia:
Yeah... Si PJ ang kumarga sayo patungo sa clinic. I remember it clearly. Dahil don, nag-uncrush ako kay Linc tapos lumipat ako sa fans club ng kuya mo.
Jordiii:
oh hahaha my bad?
Pia:
Nga pala, alam na ba ni PJ na babalik ka na?
Jordiii:
akshwali, kayong dalawa pa lang ang nasabihan ko na babalik ako hahahaha
Mashaaa:
He'd be happy to see you again, Jordi
Jordiiii:
Btw, if di ako tanggapin ng mama at papa ko, let me stay in your place pls hahahaha
Pia:
Of course!!! The other day, papa was asking about u. Musta ka na raw etc hahaha
Jordiiii:
Ano sabi mo?
Pia:
Siyempre kunwari wala akong alam hahahaha my papa is the friendliest person that i know, pero alam kong sa sobrang friendly niya, nagiging marites siya nang wala sa oras hahahaha baka mamaya masabi niya pa sa popshie mo
Jordiii:
hahahahaha naalala ko nong tumambay ako sa inyo tapos ginawan niya ako ng champorado ❤️❤️❤️ he even fixed my bike! hahahaha
Pia:
That's my papa! hahaha
Ughhh craving for champorado bigla
Jordiii:
paluto ka hahahaha
Pia:
kanina pa sila tulog hahaha
Jordiii:
wawa hahaha
wait nawala si masha hahahaha
Pia:
Probably watching kdrama na namern
Jordiii:
hahahaha typical masha
Pia:
Nga pala, I think I saw something weird the other day?
Jordiii:
Weirder than Smoeki?
Pia:
Omg I think nag-aaway ang parents ko.
Jordiii:
kala ko tulog na?
about sa aircon na naman? hahaha
Pia:
Moom yelld papa's full name
shit
brb
Malabo man, tila ba naririnig ni Pia ang boses ng kanyang inang sumisigaw.
Ibinaba niya ang cell phone ngunit nanatiling nakahawak dito nang mahigpit. Tumayo siya mula sa malambot na kama at dahan-dahang lumapit sa nakasarang pintuan ng kanyang silid.
Katapat lamang niya ang kuwarto ng mga magulang kaya naman unti-unti niyang nilapat ang kanyang tainga sa pintong gawa sa kahoy. Humugot siya ng hininga at lumunok bago pinakiramdaman ang paligid.
Katahimikan. Ito ang kanyang agad na napansin. Sa sobrang tahimik, rinig na rinig niya ang bawat magkapares na tibok ng kanyang puso.
Unang tibok, pangalawang tibok. Unang tibok, pangalawang tibok. Unang tibok, pangalawang tibok. Lumalakas at bumibilis ang tunog sa bawat paglipas ng sandali, hanggang sa bigla niyang mapagtantong hindi na ang tumitibok niyang puso ang kanyang naririnig kundi bakas ng mga paang tumatakbo patungo sa kanyang kinaroroonan.
Isang napakalakas na puwersa ang tumama sa pinto, sa harapan mismo ng kanyang mukha. Sa sobrang gulat, napatili siya't paatras na bumagsak sa sahig. Sa sobrang gulat, hindi siya nakakilos at napatitig lamang sa pinto, punong-puno ng gulat at takot ang mga mata.
"Pia, takbo!" Umalingawngaw ang palahaw ng kanyang ina. Sa sobrang lakas, nakawala siya sa gulat na gumapos sa kanya.
Nakita niyang umikot ang doorknob kaya mabilis siyang tumayo. Nang makitang bahagya nang bumukas ang pinto, dali-dali niya itong tinulak pasara at mabilis na pinindot ang lock. At kahit nanginginig man ang mga kamay, dali-dali niyang naitrangka ang pinto sa pamamagitan ng isang sliding lock.
Tila ba naging blangko ang isip ni Pia at ang natira lamang ay ang desperasyon niyang makatakas mula sa kapahamakan. Sing bilis ng kidlat niyang nahila ang kanyang desk at iniharang ito sa harapan ng pinto. Hindi siya nakuntento't naglagay pa siya ng isa pang silya bilang dagdag na harang.
"Tulong! Tulungan n'yo kami!" Sumigaw siya nang sumigaw lalo na nang makita niya ang mabilis at marahas na pag-ikot ng doorknob. Mayroon na ring kung anong matigas na humahampas sa pinto.
Kaagad na tumakbo si Pia patungo sa kanyang bintanang gawa sa jalousie. Hinawi niya ang kurtina, hindi humihinto sa pagsigaw. Para mang sasabog ang kanyang puso sa takot at kaba, nagawa niya pa ring matanggal ang isang piraso ng parihabang salamin mula sa balangkas ng bintana.
Nasa pangalawang palapag ng tahanan ang kanyang silid kaya naman tanaw na tanaw niya ang mga kabahayan sa paligid, pare-parehong tahimik at tila tulog ang mga namamahay.
Sandaling huminto sa pagsigaw si Pia nang maalala ang payo ng kanyang kaibigang si Jordan. Sa kabila nito, ang mga kamay niya naman ay patuloy sa pagtanggal ng mga parihabang salamin.
Wala sa sariling napilingon si Pia at nagimbal siya nang makitang nawawasak na ang pinto dahil sa kung sino mang bumabangga at humahampas rito. Unti-unti na ring natutulak ang kanyang mga iniharang na bagay.
"S-Sunog!" Tumili si Pia sa abot ng kanyang makakaya. "Sunog!" Binigay niya ang lahat ng lakas sa bawat sigaw at paghila ng mga salamin.
Tuluyang nauwi sa iyak ang kanyang mga sigaw nang makita ang mga kapitbahay na nagsisilabasan mula sa kani-kanilang mga kabahayan.
"Nasaan ang sunog?!" Nagsigawan pa ang ilan sa mga ito.
"Tulong! Tulong! Tumawag kayo ng pulis! May gustong pumatay sa amin! Tulong!" Kung ano-ano ang lumalabas na salita mula sa bibig ni Pia, makamit lang ang atensyon at tulong na kailangan.
Nagtakbuhan ang ilang mga kapitbahay patungo sa harapan ng kanyang tahanan. Isa sa mga ito ang kababatang si Clark. Sa sobrang pagmamadali, lumabas ito ng bahay na walang saplot pang-itaas.
"Pia?! Nasaan ang mga magulang mo?!" bulalas ni Clark na bakas pa ang kalituhan sa inaantok na mukha.
"Clark, tulong! Clark! A-Ang mga magulang ko! P-Please—" Nang makitang sapat na ang butas sa bintana, unti-unting lumusot si Pia, hindi na baleng wala siyang maapakang kahit ano. Wala siyang pakialam kahit pa mataas ang kanyang kahulugan.
Akmang tatalon na si Pia ngunit nagimbal siya nang bigla na lamang may humigit sa kanyang paa. Napatili siya at pilit na nagpumiglas, ngunit tuluyang may humila sa kanya pabalik sa loob ng silid.
Tumilapon si Pia sa sahig, umiiyak at nanginginig sa takot. Sa kabila nito, pilit pa rin siyang gumapang. Sinikap niyang tumayo, ang mga mata ay nasa pintuan nang wasak. Ngunit bago pa man siya makatakbo palabas ng silid, bigla na lamang may tumama sa kanyang ulo. Sa sobrang lakas, muli siyang bumagsak sa sahig.
Hilong-hilo si Pia. Napahawak siya sa kanyang ulo at kaagad siyang may nahawakang malapot at mainit na likido sa kanyang buhok—dugo.
Umikot siya paharap sa salarin at tuluyang gumuho ang kanyang mundo nang makita ang sarili niyang ama na hawak-hawak pa ang ngayo'y basag nang piraso ng salamin.
"Papa?!" Napahagulgol si Pia dala ng matinding takot at kalituhan. Napatitig siya sa mukha ng amang walang kaemo-emosyon, dilat na dilat ang ubod ng pulang mga mata.
Itinaas ng ama ang piraso ng salamin at itinutok sa kanyang mukha ang matalim nitong dulo.
***
Isa sa mga residente ang umakyat sa bakuran at nagbukas ng gate upang makapasok ang ibang kasamahan.
"Pia!" Humahangos at litong-lito, kaagad na pumasok si Clark sa tahanan ng kababata. Abot-langit ang kanyang takot dahil hindi na niya naririnig ang mga sigaw nito.
Kasama ang iba pang mga kapitbahay, sama-sama silang umakyat sa hagdan upang saklolohan ang dalaga. Ngunit pagdaling nila sa tuktok ng hagdan, pare-pareho silang natigilan nang makita ang isang ginang na nakahandusay sa sahig at naliligo sa sariling dugo. Bukod sa tadtad ng saksak, bali-bali ang mga braso nito at nakalabas pa ang mga buto.
"Tita." Napatakip si Clark sa kanyang bibig, hindi makapaniwala.
Dali-daling nagsilapit ang ilan sa kanila patungo sa ginang lalo't nagagawa pang gumalaw ng mga mata at daliri nito.
"Pia!" Wala sa sariling napasigaw si Clark at tumakbo patungo sa silid ng kaibigan.
Pagdating mismo sa tapat ng wasak na pinto, pare-parehong natigilan si Clark at ang kanyang mga kasamahan nang makita ang isang lalakeng nakaupo sa sahig at tila ba may pinapalo-palo sa sahig. Nang mas lumapit pa sila, nakita nilang may hawak palang isang piraso ng salamin ang lalake at hindi lang nito basta-bastang hinahampas ang sahig—kaswal nitong sinasaksak ang mukha ni Pia na ngayo'y punit-punit at yuping-yupi na.
---
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro