Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 14

Chapter 14

Baby

"Seryoso ka ba na sasama ka sa pagtitinda namin ni Tiya Magda sa palengke?" tanong ko kay Theo matapos kong makababa sa sala.

"Oo. Nasa labas na nga ang kotse ko." Napalinga siya sa paligid. "Si Tiya mo?"

"May inaasikaso pa sa kusina. Puwede ka pang umatras. Wala ka namang gagawin doon at mababagot ka lang," pangungumbinsi ko naman para hindi siya sumama.

"Tutulong nga ako sa pagtitinda," giit niya. "Mas mababagot lang ako sa bahay. At least sa palengke, nando'n ka."

Uminit ang pisngi ko sa pahapyaw niya. Hindi natagalan ang paghihintay namin kay Tiya dahil lumabas na rin siya mula sa kusina. Maagap siyang sinalubong ni Theo at kinuha mula sa kanya ang malaking basket na puno ng mga gulay.

Halata naman ang saya sa hitsura ng tiyahin ko nang walang pagdadalawang isip niya itong ipinaubaya kay Theo.

"Tayo na at marami ng tao ngayon sa palengke," untag ni Tiya Magda.

Nauna siyang lumabas ng bahay. Sumunod naman kaming dalawa ni Theo sa likod niya. Pinuntahan namin ang sasakyan niya. Ibinaba niya muna sa lupa ang basket at pinagbuksan si Tiya Magda ng pinto ng sasakyan.

Nagpasalamat ang tiyahan ko at pumasok na sa loob.

"You take your seat in front with me," maagap niyang paalala sa akin nang akma na sana akong susunod kay Tiya sa pagpasok sa may backseat.

Isinara ko ang pinto at sinunod ang gusto niya. Pumasok ako at naupo sa front seat. Napatingin ako sa salamin ng sasakyan at nakita ang paglalagay niya ng basket sa likod nito. Ilang sandali pa ay pumasok na rin siya.

Tama nga si Tiya at marami ng tao sa palengke. Nag display kami kaagad ng mga dalang gulay. Madaling lumapit ang iilang mamimili sa amin. Madalas silang sumusulyap kay Theo na nakatayo sa tabi ko. Lalo na kung babae ang napapadaan. Pansin ko na kahit wala naman silang interes sa mga gulay, napapalapit pa rin sila dahil kay Theo.

"Lalagyan ko lang ng tubig itong balde para hugasan itong ibang gulay," si Tiya sabay abot sa itim na balde na nasa ilalim ng mesa.

"Ako na po," agap ni Theo.

Napangiti rito ang tiyahin ko. Ibinigay niya ang balde kay Theo.

"Doon lang sa dulo. May poso roon." Itinuro ni Tiya ang deriksiyon nito.

Pansamantalang umalis si Theo para mag-igib ng tubig. Naiwan naman kaming dalawa ni Tiya at inasikaso ang mga mamimili.

"Ang guwapo naman noong assistant ninyo, Magda! Boyfriend ba 'yon ni Clau?" usisa kaagad ni Aling Corazon nang makaalis na si Theo.

Mahina man ang boses niya, dinig na dinig ko pa rin mula sa gilid. Nagpanggap lang ako na walang naririnig. Dahil kapag alam nilang narinig mo, umaasta na silang obligado kang sumagot.

"Ikaw talaga. Napakatsismosa mo," palatak ni Tiya sabay abot ng isang supot ng talong.

Umismid ang babae at tinanggap ang supot. Nag-abot na rin siya ng kanyang bayad. Bago siya umalis ay napasulyap muna siya sa gawi ko.

Nagkatinginan kami ni Tiya. Hindi rin kami nakapag-usap dahil may lumapit na namang ibang customer. Abala ako sa pag-aasikaso ng bumibili ng kangkong nang mahagip ng tingin ko si Leslie. Awtomatikong naging tahimik ang buong palengke at tanging bulong-bulungan lang ang namayani sa paligid habang palihim siyang tinitingnan lalong-lalo na ng mga tindera.

Kasama na naman niya sa magkabilang gilid ang mga alipores niya. May mga bagay pa rin talagang hindi nagbabago.

Taas noo at puno ng kumpiyansa siyang naglalakad. Bumagal lang ito nang dumapo ang mayabang niyang tingin sa gawi namin ni Tiya. Naningkit ang kanyang mga mata. Mapangutya siyang ngumisi at nagpatuloy na sa paglalakad. Sa pagkakataong ito, pinupuntirya na niya ang deriksiyon namin.

"Well... Totoo nga ang balita na nandito ka ulit," bungad niya matapos huminto sa harap ng mesa namin.

"May bibilhin ka ba?" kalmante kong tanong sabay lipat ng bimpo sa kabilang balikat. "Ampalaya?"

"Kakaiba pa rin talaga ang tabas ng dila mo." Ibinaba niya ang tingin sa mga gulay namin at may pangmamaliit sa kanyang mga mata. Tiningnan niya ulit ako. "Akala ko ba nakalipad ka na? Bakit ka bumagsak ulit?"

Nagtimpi ako. Kung papatulan ko siya ay tiyak na panibagong gulo na naman ang aabutin nito. Itinikom ko ang bibig at sinulyapan ang mga alipores niya. Ang mga kaklase ko dati na siyang nakakita sa nangyari noon... Pero noong tinanong sila ng mga awtoridad ay wala raw silang nakita.

Nag-iwas sila kaagad ng tingin na para bang nakakapaso ang tingin ko. Ibinalik ko ang atensiyon kay Leslie na ngayon ay isinuyod na ang mga mata sa paligid ng palengke.

"Mabuti na rin 'to para sa'yo," pagpapatuloy niya. Kung makaasta siya ay iniisip niya talagang nakikinig ako sa bawat salita niya "Dito ka naman talaga nababagay at..."

Hindi niya nasundan ang sinasabi. Napansin ko ang pagtitig niya sa isang deriksiyon. Nagtaka ako dahil sa unti-unting pagbabago ng tingin niya. Naging interesado at may pagkamangha ito bigla. Bahagyang umawang na rin ang kanyang mga labi.

Sa kuryosidad ay sinundan ko ng tingin ang tinititigan niya. Nakita ko si Theo na hawak sa isang kamay ang baldeng puno ng tubig.

Walang pake na naglakad si Theo pabalik sa pwesto namin sa kabila ng mga titig ng mga taong nasa palengke. Inilapag niya ang balde sa gilid ng mesa nang makahinto na siya sa tabi ko.

Bawat kilos ni Theo ay sinusundan ni Leslie at ng mga alipores niya ng tingin. Nilubayan na nila ako.

Tumikhim si Tiya Magda. "Punasan mo iyang pawis sa noo ni Doc Theo, Claudine."

Napaubo ako sa utos ng tiyahin. Bukod kay Theo ay dinig din iyon ng lahat.

Mas lumapit pa sa akin si Theo at bahagyang yumuko upang mailapit ang mukha niya sa akin. He looked at me expectantly. Masyado ng tumahimik ang buong paligid. Ramdam ng buong katawan ko ang pag-aabang nila sa gagawin ko at hindi pa nakatulong dito ang ayos din ni Theo na halatang umaasa ring pupunasan ko talaga ang pawis sa noo niya.

Napaubo ulit ako at na-conscious na sa sarili. Dahan-dahan kong kinuha ang bimpo na isinampay sa balikat.  Wala sa sarili akong napasulyap na muna kay Leslie at nakita kong naging estatwa na siya sa kinatatayuan. Pasadya akong tumikhim at dahan-dahang idinampi ang bimpo sa noo ni Theo. Napapikit siya sa ginagawa ko.

It felt like forever. At dahil naging super conscious na ako sa nakabibinging katahimikan, huminto na ako sa pagpunas sa pawis niya. Humarap ako kina Leslie. Nakita kong hindi naman siya sa akin nakatingin kundi kay Theo.

Matamis niyag ngumiti. "Hi! You must be the Doctor Theo who's renting Mang Teban's house. Hindi ko inaasahan na makikita kita..." napatingin ulit siya sa mga gulay namin, "rito."

Kumunot ang noo ni Theo at hinarap na rin siya.

"Yes, I'm Theo," he replied politely.

Lalong napangiti si Leslie at naglahad ng kamay sa ere.

"I'm Leslie Minerva. Sa amin nabili ni Mang Teban ang lupa na kinatitirikan ng bahay... Actually, malawak talaga ang lupain na pagmamay-ari namin dito sa buong San—"

"Leslie Minerva, you say?" pagputol ni Theo sa pagdadaldal niya.

"Yes!" Lalo lang na lumapad ang ngiti ni Leslie.

Sinulyapan ako ni Theo. I noticed the look of recognition in his eyes. Napabalik tanaw ako sa naging pag-uusap namin ni Kuya Baldo noon tungkol kay Leslie. Naroon din si Theo. Hindi kaya....

"Do you need something?" sa malamig na boses ni Theo naitanong.

Nakompirma ko na naalala nga niya ang tungkol kay Leslie!

Naging bahaw ang ngiti ni Leslie. Unti-unting nilubayan ng kulay ang mukha niya. Mabilis niyang ibinaba ang kamay niyang inilahad niya sa ere na hindi naman tinanggap ni Theo.

Kinuha ng bagong dating na customer na isang matandang babae ang atensiyon ko kaya pansamantala ko munang ibinaling ang tingin sa kanya. Nanigas naman si Leslie sa kinatatayuan niya kaya hinila siya ng isa sa mga alipores niya para tumabi at makadaan ang matandang bibili.

Inasikaso ko siya dahil biglang nawala si Tiya Magda. Inabutan ako ng supot ni Theo kaya inilagay ko sa loob ang mga gulay na pinili ng matanda.

"Isang daan po lahat," sabi ko sa matanda. Hindi pamilyar ang mukha niya kaya naisip ko na baka bago lang din sa bayan.

"G-Ganoon ba? Naku, bawasan mo na lang, hija," nahihiya niyang sinabi.  "Singkuwenta pesos lang kasi ang dala kong pera..."

"Okay lang po. Puwede na po 'yang singkuwento ninyo," mabilis kong sinabi at iniabot na sa kanya ang supot ng mga gulay.

"Nakakahiya naman! B-Baka malugi kayo." Hindi niya pa rin tinatanggap ang supot na iniaabot ko.

Umiling ako at hindi napigilan ang ngumiti. "Hindi po. Kunin niyo na po."

Nahihiyang napasulyap ang matanda sa grupo nina Leslie na nanatili pa rin pala sa gilid. Bumaling ulit siya sa akin at maluha-luhang ngumiti.

"S-Salamat, hija. Napakabuti mong bata," aniya at tinanggap na ang supot at napatingin siya sa katabi kong si Theo. "Ang suwerto nitong asawa mo sa'yo..."

Uminit ang pisngi ko sa maling akala ng matanda.

"H-Hindi ko po siya asawa," agarang pagtatama ko. Gusto kong pumikit lalo na nang maisip na may iilan pang pasimpleng nakikinig sa amin. Tulad na lang ng grupo ni Leslie na wala pa rin yatang balak na umalis.

Theo only chuckled. Palakaibigan niyang nginitian ang matandang babae na naguguluhan ng nakatingin sa aming dalawa.

"Manliligaw pa lang po," sabi ni Theo. "Umaasa pang sasagutin."

Ngayon ay hindi lang mukha ang naramdaman kong mainit. Pati na buong katawan ko.

Tumango-tango ang matanda at may sinabi siya na hindi ko na napakinggan pa dahil abala ako sa pakikinig sa malakas na kabog ng puso ko. Inabutan niya ako ng bayad na wala sa sarili ko namang tinanggap. Nagpasalamat na siya at nagpaalam.

Nag-angat ako ng tingin kay Theo at nakita siyang nakatitig sa akin sa namumungay na mga mata. He gave me a small smile.

"You were kind to her," aniya sa mahinang boses.

Ngumiti lang ako at hindi na nakapagsalita. Nang balingan ko ng tingin ang kinatatayuan nina Leslie kanina ay hindi ko na sila nakita pa.

"Fold it like this... and then roll it over... "pag-iinstruct ko kay Theo.

"Like this?" aniya sabay tingin sa suman na gawa ko. Isang oras na naming ginagawa ito. Iniwan na nga kami ni Tiya Magda sa kusina at ipinaubaya na sa amin ang pagluluto ng suman.

"Hold both the ends..." gabay ko kay Theo na sobrang focused sa kanyang ginagawa.

Ang cute tingnan ng suman kumpara sa malaking kamay niya.

"Nakuha ko na yata," bulong niya at unti-unti nang iniikot ang suman hanggang sa magkorteng parang ice candy na ang nakabalot na dahon dito.

"Now, fold the ends para maisara siya," utos ko.

Ipinakita ko sa kanya kung paano ito gawin. Agaran naman niyang ginaya ang ginagawa ko at mabilis itong nakuha.

"Very good!" natutuwa kong komento. "Ngayon, thirty pieces ang gawin natin!"

Inabot kami ng isa at kalahating oras sa buong proseso ng paghuhulma lang ng suman. Pinagtulungan namin itong ilagay sa loob ng kaldero. Si Theo na rin ang nagsalang nito sa umaapoy na kahoy sa dirty kitchen namin.

Biglang pumasok si Ate Meryl sa kusina na sapo sapo ang malaking tiyan.

"Luto na ba?" nakangiting tanong niya sa amin.

"Kasasalang pa nga lang ni Theo sa apoy!" natatawa kong sinabi.

Tinanaw niya ang kalderong nakasalang. Humakbang siya palapit sa mesa at unti-unting naupo sa plastik na stool.

Lumapit ako sa nakasalang na kaldero at inayos ang nagbabagang panggatong para hindi masayang ang apoy.

"Clau..." Dinig kong pagtawag ni Ate Meryl.

"Mamaya pa 'to maluluto, Ate," sabi ko na hindi siya nililingon at bahagyang napaubo pa dahil sa usok.

"Clau, manganganak na yata ako..."

Umalerto kaagad ako at pati na rin si Theo na nakatayo sa may lababo. Katatapos lang niya maghugas ng kamay. Sabay kaming lumapit kay Ate Meryl sa kinauupuan niya.

Tumingin sa akin si Doc Theo. Nakapuwesto siya sa harap ni Ate. Nakaluhod ang isang tuhod niya sa sahig. Alam ko ang tahimik na tanong sa kanyang mga mata.

"Hindi pa niya due for another four weeks," sabi ko sabay iling.

Ibinaling ni Theo ang mapanuring tingin kay Ate Meryl. May namumuo ng pawis sa bandang noo ng asawa ng pinsan ko.

"Pakiramdam mo ba may kung anong mahigpit at humihilab mula sa likod at ibabang parte ng tiyan mo?" tanong ni Theo sa kanya.

Napadaing si Ate Meryl sa sakit at tumango.

"She's starting to have her contractions," sa mahinang boses sinabi ni Theo sabay baling ng tingin sa akin.

Awtomatikong dumapo ang mapaghanap na tingin ko sa binti ni Ate Meryl.

"Pumutok na rin ang panubigan niya," bulong ko habang pinagmamasdan ang likido na dumadaloy pababa sa kanyang binti.

"Ilang minuto pa bago tayo makakarating sa pinakamalapit na ospital dito?"

Mabilisan akong nagkalkula sa isipan. "Isang oras mahigit..."

"Hindi na ako makakaabot!" Nahimigan ko na ang panic sa boses ni Ate Meryl. "Lalabas na talaga. Kayong dalawa na lang ang magpaanak sa akin!"

Mariin kong tiningnan si Doc Theo. Tumango rin siya.

"Alright. First, I want you to calm down, Meryl," banayad na utos ni Theo. Nakikita ko na ulit ngayon ang pagiging doktor niya. "A calm mother makes all the difference," dagdag pa niya at saka.

Paulit-ulit na nagbuga ng malalim na hininga si Ate Meryl. Sinusubukan na niyang pakalmahin ang sarili.

"Kaya mo pa bang tumayo at maglakad papunta sa kuwarto kung sa'n may kama o hindi na?" tanong ulit sa kanya ni Theo.

"K-Kaya pa naman...."

Pinagtulungan namin ang pag-alalay kay Ate Meryl palabas ng kusina. Nakasalubong namin si Kuya Baldo na may bitbit na softdrinks.

"A-Anong..." Malakas siyang napasinghap nang maintindihan ang kasalukuyang nangyayari. Ibinaba niya ang hawak na softdrinks sa mesa at siya na mismo ang alertong nagbukas ng pinto ng kuwarto kung saan sila tumutuloy.

"Okay. Bahagya kitang pauupuin sa kama," sabi ni Theo. "It's a good way to deliver. Susuporta sa'yo mula sa likod ang asawa mo."

Iyon nga ang ginawa namin at inalalayan si Ate Meryl na makapuwesto sa kama tulad ng utos ni Theo.

Bago pa siya makabaling sa akin ay ako na ang alertong humarap sa kanya.

"Alam ko na ang gagawin," agap ko.

Madali akong lumabas ng kuwarto at nagtungo sa kusina. Kumuha ako ng batya at nilagyan ito ng maligamgam na tubig. Kumuha rin ako ng iilang malinis na tuwalya at ang kabibili ko lang na hand sanitizer.

Dumaan muna ako sa kuwarto at kinuha ang gloves na hindi ko pa nagagamit. Bumalik ako kaagad sa kuwarto matapos itong gawin.

Inilapag ko sa kama ang mga kinuhang gamit katabi ng mga lampin na inihanda na rin nina Ate Meryl. Ang gloves naman ay ibinigay ko kay Theo. Isinuot niya ito.

"Dito lang ako sa gilid niya kung sakaling kakailanganin kong hawakan ang mga binti niya," sabi ko kay Theo at kusa nang ipinuwesto ang sarili.

"You got a watch with you?" si Theo na nasa paanan ni Ate Meryl.

Tinanguan ko siya. "Ako na ang magty-time."

He nodded.

Iilang contractions pa ang hinintay namin. Ang paulit-ulit na mararahas lang na pagbuga ng hininga ni Ate Meryl ang naririnig sa apat na sulok ng kuwarto.

"You've done this plenty of times?" Hindi ko na naiwasan ang pagiging kuryoso at natanong na talaga siya. Lalo na at hindi naman siya obstetrician.

"Well... I had a basic training in obstetrics. It's one of the core clinical rotations we did during our third year of medical school." Nagpokus na ulit siya kay Ate Meryl. "Okay, we're set now. I want you to push with the next contraction. Titingnan natin ang mangyayari."

"Pang ilang pagdeliver mo na 'to ng baby?" tanong ko na naman habang mariing hinahawakan ang isang binti ni Ate Meryl.

Umalingawngaw na sa buong kuwarto ang sunud-sunod na malalakas na pag-ire ni Ate.

"My second one," tugon ni Theo habang kinakapa na ang maaaring paglabas ng sanggol. "Ramdam na ng kamay ko ang ulo ng baby mo, Meryl. Hingang malalim... pigil... Alright, more push now. Gusto na rin niya talagang lumabas."

Isang pinakamalakas na ire sa huling pagkakataon ang pinakawalan ni Ate Meryl. Halos magsugat ang braso ko dahil sa sobrang diin ng pagkakahawak niya rito.

"You're doing great, Meryl. Just the... and here she is!"

Ang sobrang liit tingnan ng sanggol sa malalaking palad ni Theo. Pero habang tinitingnan kung paano at gaano ka banayad niya hawakan ang sanggol, naramdaman ko ang malaking concern niya rito.

Umaksiyon kaagad ako at kinuha ang pang-clump sa umbilical cord. Ibinigay ko ito sa kanya. He did the necessary things. Of course he skipped the cutting of the umbilical cord. Si Kuya Baldo ang gagawa nito.

Kinuha ko rin ang tuwalya at binasa ang dulo nito mula sa batya. Piniga ko muna para hindi masyadong basa.

Nilapitan ko si Theo at maingat na pinunasan ang ilong at bibig ng baby. Habang pinupunasan ang maliit na katawan niya ay lumabas ang kauna-unahang matinis na iyak niya. I watched her color change to a dusty rose. Ngumiti ako.

Nagkatinginan kami ni Theo. Ngumiti rin siya sa akin at may kung anong dumaan sa mga mata niya nang tuluyan na niyang ipinasa ang baby sa mga kamay ko. Sa naunang minuto ay nag monitor muna kami ng paghinga ng baby.

Isang beses akong tinanguan ni Theo at kinuha ko itong senyales. Hindi ko pa ibinalot ang makapal na lampin sa katawan ng baby. Humakbang ako palapit sa kama at maingat na ibinigay siya sa kanyang inang umiiyak. Ang unang yakap ng ina.

Nakita ko ring umiiyak na si Kuya Baldo sa gilid ni Ate Meryl. Sabay nilang pinagmamasdan ang kanilang anak. Ginawaran niya ng banayad na halik sa noo ang kanyang asawa at may ibinulong dito.

Nilapitan ako ni Theo at marahan niya akong inakbayan. Napahawak ako sa baywang niya.

"It was nice working with you again, Nurse Abigail Claudine Manalo," sabi niya sa mahinang boses. Iniiwasang makaistorbo sa pamilyang nasa kama.

Mula kina Kuya ay inilipat ko ang tingin kay Theo. Nahahawakan ako ng saya na ipinapakita ng mga mata niyang nakatitig sa mukha ko.

Malapad akong ngumisi habang nakatingala sa kanya.

"The pleasure is mine, Doctor Cain Mattheo Hemendez."

Maginhawa siyang nagpakawala ng hininga. Ginawaran niya ng marahang halik ang noo ko. Nanatiling nakadampi sa noo ko ang mainit niyang mga labi.

Pumikit ako at dinama ito. "Sinasagot na kita, Theo," bulong ko sa paos na boses. I closed my eyes again and felt his tight embrace.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro