Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 39

THEO

NAGISING AKO NA wala na si Ales sa bahay.

Sobrang sakit pa ng ulo ko pagkabangon ngayong tanghali dahil sa dami ng nainom ko kagabi. Akala ko nasa kwarto lang si Ales kasi hinayaan ko muna siyang mapag-isa, pero nakita ko 'yung nilagay niyang papel sa ref. Iniwan niya ako.

Hindi pa ako naniwala nung una kaya hinalughog ko 'tong buong bahay hanggang sa labas, pero wala talaga siya. Wala na ang iba niyang mga damit, pati laptop niya, wala. Ilang beses ko na rin siyang tinawagan at tinext pero hindi siya sumasagot.

Tangina, gulong-gulo na ang utak ko. Hindi pa ako nakakabawi sa inamin niya sa 'kin kahapon, tapos ito na naman. Sinabi niya naman sa sulat na babalik siya, pero hindi ako matahimik. Lalo niya talaga akong pinag-aalala.

Binilisan ko na ang pagbibihis, tapos kinuha na ang susi ng kotse ko at lumabas ng bahay.

Hindi ko alam kung saan ko uumpisahang hanapin ang asawa ko. Naisip ko lang si Jazz. Sinubukan ko siyang tawagan kanina, pero hindi siya sumasagot kaya pupuntahan ko na lang. Sana lang magkasama sila. Siya lang ang alam kong pwedeng takbuhan ni Ales.

Wala pa rin ako sa sarili hanggang ngayon. Nagpakalunod na ako sa alak para sana mamanhid ako kahit papaano, pero walang silbi.

Nanginginig na naman nga ang mga kamay ko habang nagmamaneho. Hindi ko matanggap ang nangyari kay Ales. Parang isang malaking bangungot. Kung hindi niya lang talaga ako pinigilan kahapon, sinugod ko na ang pamilya niya at 'yung hayop na Eithan na 'yon na gumalaw sa kanya.

Sagad sa buto ang galit ko kaya hindi ko napigilang mapagtaasan ng boses si Ales. Pero hindi ako galit sa kanya. Umpisa pa lang, alam ko nang hindi niya 'yon magagawa sa 'kin. Hindi siya gano'ng klase ng babae. Kaya nga hinintay ko muna siyang makauwi at makapagliwanag kahapon kahit na gustong-gusto ko nang sumabog dahil sa mga litrato na pinadala sa 'kin ng kapatid niya.

Tanginang pamilya 'yon. Mga halang ang bituka! Awang-awa ako kay Ales. Hindi niya ginustong maranasan 'yon at wala siyang kasalanan. Ang dami kong gustong itanong sa kanya pero hindi ko na tinuloy kasi alam kong nahihiya siya sa nangyari. Mas inisip ko pa rin ang nararamdaman niya kaysa sa sarili kong galit.

Pero hindi ibig sabihin no'n, hindi ako gaganti. Alam kong ayaw ni Ales at pipigilan niya pa rin ako, pero hindi pwedeng hindi ko pagbabayarin ang lahat ng nanakit sa kanya. Hindi ako matatahamik.

Ilang saglit pa, nakarating na rin ako sa bahay nila Jazz. Hindi ko alam kung makikita ko siya rito, pero sana.

Pagbaba ng sasakyan, dumiretso agad ako sa gate para mag-doorbell.

Medyo nakahinga ako nang maluwag nung si Jazz mismo ang lumabas ng bahay para pagbuksan ako.

Takang-taka nga siya pagkakita sa 'kin. "Oh, Theo? Anong meron? Sorry, hindi ko nasagot ang tawag mo kanina."

Sinilip ko ang bahay nila mula rito sa gate. "Nandito ba si Ales?"

Natigilan siya. "Ha? Wala. 'Di ba sinabi ko na sa 'yo na hindi pa ulit kami nagkikita ni Ales?"

Bigla na naman akong nanghina. Napaiwas na lang ako ng tingin sabay hilot sa noo ko.

"Ano ba talagang nangyayari?" nag-aalalang tanong niya sabay pinagbuksan ako ng gate. "Pumasok ka muna, ang init dito sa labas."

Pumasok na lang din ako kahit na wala na akong gana at ayoko na sanang magtagal.

Pinatuloy niya ako sa loob ng bahay at pinaupo sa sala.

"Pasensya na, Jazz," sabi ko na lang agad. "Ayokong makaistorbo. Hinahanap ko lang talaga si Ales."

"It's okay. Wala pa naman ang mga anak ko ngayon, eh. What do you mean na hinahanap mo si Ales? Nawala siya? Nag-away ba kayo?"

"Hindi. May problema lang. Lumipat na kami sa bahay, pero bigla siyang umalis. Pagkagising ko kanina, wala na siya. Akala ko magkasama kayo kaya ako pumunta rito."

"She's not here. Tinatawagan ko siya kasi nga sabi mo, yayain ko siyang lumabas. Pero hindi niya ako sinagot. What's the problem? Sobrang bigat ba para bigla siyang umalis?"

Hindi na muna ako nagsalita. Hinilot ko lang ulit ang noo ko kasi sumasakit na naman. Ayokong sabihin sa kanya ang mismong nangyari dahil mas lalo lang mahihiya si Ales. Kailangan ko siyang protektahan.

"Theo?" muling tanong ni Jazz. "Anong problema?"

Bumuntonghininga ako sabay tumingin na ulit sa kanya. "May alam ka ba tungkol sa pamilya ni Ales?"

Bigla siyang napaatras at pinanlakihan ng mga mata na para bang may alam na agad siya kahit wala pa akong sinasabi. "Oh my god. Please don't tell me they did something."

"May alam ka nga?"

"Marami. They're the most evil people I have ever known. Kaya lumayo sa kanila si Ales at kaya madalas ko siyang kinu-kupkop. Anong ginawa nila?"

Napayuko ako. "Ayaw nila sa 'kin. Sinaktan nila si Ales. Kung pwede ko lang sanang ikwento sa 'yo lahat, pero ayokong ilaglag ang asawa ko."

"I understand. Hindi mo kailangang ikwento sa 'kin kung masyadong private. But I am very willing to help. Sinong nanakit kay Ales?"

"'Yung kapatid niya."

"Si Audrey?"

Tumango ako.

"That's new," sagot niya naman. "Ang alam ko, tahimik lang si Audrey. 'Yung mama niya talaga ang masama ang ugali."

"'Yun na nga e. Masyadong siyang nagtiwala sa kapatid niya. 'Yung Audrey na 'yon at 'yung gagong si Eithan ang nanakit kay Ales."

Napakuyom ako ng kamao kasi naalala ko na naman ang ginawa nila. "Ngayon hindi ko alam kung saan ko hahanapin ang asawa ko. Hindi siya sumasagot sa 'kin. Tsk, bakit ba kasi kailangan niya pang umalis. Naiintindihan ko naman ang sitwasyon niya. Hindi naman ako galit."

"I'm sorry to say this, Theo, pero ganyan talaga si Ales. She always runs away when things get heavy. Sakit na talaga niya 'yan na nagtatago siya. But don't worry, she'll be back."

"Alam ko naman. Pero hindi ko kayang mapanatag, lalo na't alam kong nasa paligid lang ang pamilya niya."

"What help do you need to protect Ales?"

Tiningnan ko siya. "Alam mo ba kung saan ko mahahanap si Eithan? Hindi pwedeng hindi ako makakaganti sa kanila."

"Yes, I know where he works."

• • •

Nagpaalam na agad ako kay Jazz matapos kong makakuha ng impormasyon.

Sinabi niya rin sa 'kin na tatawagan niya agad ako kung sakaling malaman niya kung nasaan si Ales. Nag-aalala pa rin ako sa asawa ko at hindi pa rin ako titigil sa paghahanap, pero ngayon, haharapin ko muna ang mga nanakit sa kanya.

Pagkasakay ko sa kotse, tinawagan ko agad si Arkhe.

Ilang saglit lang, sumagot agad siya. "Oy. Bakit?"

"Arkhe, nasaan ka?"

"Namamasyal kami ni Sab. Bakit?"

"Kailangan ko ng tulong niyo."

"Anong nangyari?" Naging seryoso na rin ang boses niya, nahalata niya sigurong problemado ako.

Huminga ako nang malalim bago sumagot. "May nanakit kay Ales. Kailangan ko ng backup. Pwede mo bang kausapin si Isabela? Alam kong marami siyang koneksyon na pwedeng makatulong sa 'kin."

"Walang problema kay Sab 'yan. Sino bang kalaban mo?"

"Pamilya ni Ales."

Hindi siya nakasagot.

"Nakita mo naman kung paano ang asta sa 'kin ng nanay niya," dagdag ko. "May gusto akong gantihan at ipakulong, pero kailangan ko ng po-protekta sa 'kin. Matutulungan niyo ba ako?"

"Oo naman," sagot niya agad. "Kauusapin ko si Sab. Sabihin mo lang kung anong eksaktong kailangan mo."

"Sige, tatawagan ulit kita. May haharapin lang ako." Nagpaalam na muna ako sa kanya, tapos binaba na ang tawag.

Hangga't maaari, ayoko sanang humingi ng tulong kahit kanino. Pero kailangan ko sila Arkhe at Isabela ngayon dahil malaki 'tong babanggain ko.

Alam kong malakas ang kapit ni Sab dahil mayaman ang pamilya niya. Natatandaan ko, sila rin ang tumulong dati nung may nakaaway na grupo sila Ark. Kailangan ko rin siya para may proteksyon ako kung sakaling balikan ako ng pamilya ni Ales.

Tinext ko lang si Arkhe, tapos nagmaneho na paalis.

Una kong haharapin si Eithan. Alam ko na kung saan siya nagta-trabaho kaya wala na siyang kawala sa 'kin.

Dumiretso ako roon at naghintay sa parking sa loob ng building para abangan siya. Alam kong gabi pa siya lalabas. Mas ayos 'yon para walang ibang makakita sa pagbasag ko sa mukha niya.

Hindi na ako mapakali. Nanginginig na naman 'tong kamao. Kapag naaalala ko ang sinabi sa 'kin ni Ales, naguumapaw ako sa galit. Wala na akong pakialam kung baliktarin pa nila akong lahat, basta nakaganti ako para sa asawa ko, sapat na sa 'kin.

Mayamaya lang, nakita ko na rin si Eithan na lumabas ng elevator.

May kausap siya sa cellphone at ang saya-saya pa ng itsura niya na para bang wala siyang ginawan ng kasalanan.

Bumaba na ako ng kotse.

Nagdilim na agad ang paningin ko kaya bago niya pa mabuksan ang sasakyan niya, sinugod ko na agad siya.

"Tangina ka!" Walang habas kong inuntog ang ulo niya sa kalapit na pader!

Hindi siya nakapalag. Pagharap niya sa 'kin, duguan na siya at nanginginig sa takot. Bumagsak siya sa sahig at tarantang gumapang palayo sa 'kin.

Sinundan ko agad siya at hinigit sa damit. "Kilala mo ako?"

Hindi siya makasagot. Nanginginig lang siya habang tumutulo ang dugo sa gitna ng noo niya.

Tumayo ako at tinadyakan siya sa mukha. Napasigaw siya dahil dumugo na rin ang ilong niya.

Lumuhod ulit ako para muli siyang kwelyuhan. "Ano, kilala mo na ako?"

Tumango-tango siya habang naiiyak na sa takot.

"Anong ginawa mo sa asawa ko, ha?"

"N-nothing."

Sinapak ko siya sa mukha. "Anong ginawa mo sa asawa ko!"

"Nothing!"

"Hindi ka talaga sasagot nang maayos? Pinagsamantalahan mo si Ales!"

"I did not! Inutusan ako ni Audrey na patulugin siya at gawin lahat ng gusto ko, pero hindi ko siya ginalaw."

"Ginagago mo ba ako?" Dapat sasapakin ko ulit siya, pero takot na takot na siyang umilag.

"I-I'm telling the truth, I did not touch her!"

"'Yung mga litratong pinadala sa 'kin ni Audrey? Anong ibig sabihin no'n, ha? Kung hindi mo ginalaw ang asawa ko, bakit may mga kuha kayong gano'n!"

"That was Audrey's plan! Yes, I still like Ales, but I did not take advantage of her. I only drugged her and that's it! Pinalabas ko lang na may nangyari sa 'min dahil 'yon ang gusto ni Audrey."

Pinanggigilan ko ang kapit sa kanya. "Walang nangyari sa inyo?"

Umiling-iling siya. "Wala."

Binitiwan ko na siya. Sa sobrang takot niya, gumapang ulit siya paatras hanggang sa makasandal siya sa pader.

Pinanlisikan ko siya ng tingin. "Siguraduhin mo lang na nagsasabi ka ng totoo. Dahil kung hindi, hindi lang 'yan ang aabutin mo sa 'kin. Saan ko mahahanap si Audrey?"

"Casino."

Binato ko na ang susi ng kotse niya sa mukha niya bago ako tumalikod at bumalik sa sasakyan.

Nagmaneho agad ako paalis ng parking lot. Nagdidilim pa rin ang paningin ko pero pinilit kong makalayo agad bago pa may makahuli sa 'kin.

Pagkaliko sa sumunod na kanto, hininto ko muna ang sasakyan para magpakalma ng sarili.

Medyo nawala naman na ang init ng ulo ko dahil sa inamin ng gagong 'yon. Walang nangyari sa kanila ni Ales. Gusto ko nang maniwala, pero kailangan ko pa ring makasiguro.

Nagmaneho na ulit ako para puntahan naman si Audrey.

Hindi ko alam ang itsura niya, kaya tinext ko muna si Jazz at tinanong na rin kung saan 'yung casino na tinutukoy ni Eithan. Nagbaka sakali lang ako na baka may ideya siya, pero buti't alam niya at sinabi niya agad sa 'kin.

Mabilis akong nakarating dito sa casino. Dito daw palaging nagwawaldas ng pera ang kapatid ni Ales. Nakukuha niya pa talagang magsugal kahit na palubog na ang mga negosyo nila.

Paikot-ikot ako rito sa loob hanggang sa makita ko na ang hinahanap ko.

Hindi siya mahirap mamukhaan. Sa tawa niya pa lang habang naglalaro, alam ko nang siya 'yung demonyong nang-set up kay Ales.

May kasama siyang dalawang lalaki na halatang-halata na nilalandi niya. Ang lagkit ng mga yapos niya sa mga ito na kulang na lang makipaghalikan na siya. Napangisi ako. Akala ko ikakasal na siya para sa negosyo nila, pero may baho rin pala siyang tinatago.

Nilabas ko ang cellphone ko para pasimpleng kuhanan ng litraro ang pakikipaglandian niya. Tangina niya, ang dali niyang pinakita sa 'kin kung paano ko siya magagantihan.

Pagkatapos ko siyang kuhanan, unti-unti na akong nagpakita sa kanya.

Napatuwid agad siya ng upo at pinanlakihan ng mga mata nung mapansin na niya ako. Doon pa lang, alam ko nang kilala niya kung sino ako kahit na hindi pa kami nagkikita.

Ang bilis niyang kinuha ang bag niya sabay tumayo at patay malisyang lumabas ng casino.

Sinundan ko agad siya hanggang sa makarating siya sa dulong banyo na wala na masyadong dumadaan. Dapat papasok na siya sa loob, pero sinugod ko na siya at mariing hinigit sa braso.

"Audrey Lim."

Nataranta siya at sinubukang kumawala. "L-let go of me! I don't know you!"

"Hindi mo ako kilala?" Hinigpitan ko ang pagkakakapit sa braso niya na kulang na lang, balian ko na siya ng buto. "Tinext mo ako para makipagkita at nagpadala ka ng mga litrato sa 'kin, hindi mo ako kilala?"

Nanginig siya sa takot. "N-no."

"Sinungaling!" Lalo kong diniinan ang kapit sa kanya sabay inipit siya sa pader. "Ako lang naman ang asawa ng kapatid mo na pinagkaisahan niyo!"

Naluha na ang mga mata niya at dapat bubunot na siya ng cellphone galing sa bag, pero inagaw ko agad 'yon at binasag sa sahig.

"Ano!" singhal ko. "Hihingi ka ng tulong? Ngayon natatakot ka?"

"W-what do you want?!"

"Gusto kong pagbayaran mo ang ginawa mo kay Ales. Anong klase kang tao? Hindi ka nasusuka? Paano mo nasikmura na gawin 'yon sa sarili mong kapatid!"

"Wala akong ginawa sa kanya. It was Eithan who drugged her!"

"Pare-parehas lang kayo! Nakaharap ko na si Eithan at inamin niya sa 'kin na wala talaga siyang ginawa kay Ales. Totoo ba 'yon? Pinalabas niyo lang ba na may nangyari sa kanila?"

Hindi siya sumagot.

Kinuha ko ang cellphone ko at hinarap sa kanya ang mga litratong nakuha ko kanina. "Nakikita mo 'yan?"

Lalo siyang nanginig sa takot. Nanlaki ang mga mata niya sa nalaman ko at parang hindi na siya makahinga.

"Huling-huli ko ang pakikipaglandian mo," sabi ko sa kanya. "Ano kaya kung ako naman ang magpadala nito sa mapapangasawa mo?"

Bigla siyang napaatras. "You can't do that to me. Hindi mo alam kung sinong binabangga mo!"

"Alam ko. At hindi ako natatakot na ilabas 'tong mga litratong nakuha ko para tuluyan kayong bumagsak."

Pinilit niya nang kumawala sa 'kin. Dapat aagawin niya ang cellphone ko, pero nilayo ko at hinawakan ko ulit nang madiin ang kamay niya.

Impit na siyang napasigaw. "Ano ba talagang kailangan mo! Money? How much do you need?"

"Ang gusto ko, sabihin mo sa 'kin ang totoo. May nangyari ba talaga sa asawa ko at sa gagong Eithan na 'yon, o palabas niyo lang ang lahat?"

"I-I don't know."

Lalo akong napikon! Pinilipit ko na ang kamay niya hanggang sa mapasigaw na naman siya sa sakit. "Sasagutin mo ako nang maayos o babalian kita?"

Tuluyan na siyang napaiyak. "I-it's not true. Eithan did not rape her. Everything was just a setup."

Binitiwan ko na siya.

Halos matumba siya sa sahig habang hawak-hawak ang pulso niya na muntik ko nang balian.

"Tigilan niyo na kami ni Ales kung ayaw mong kumalat 'tong mga litrato mo." Dinuro ko siya. "At sabihin mo diyan sa nanay mo, hindi niyo kami mapaghihiwalay kahit na ano pang gawin niyo. Ipakukulong ko kayo at sisiguraduhin kong babagsak kayong lahat."

'Yon na lang ang sinabi ko. Tumalikod na agad ako at umalis bago ko pa tuluyang makalimutan na babae siya.

Nanginginig ang buo kong katawan pagkabalik ko sa kotse.

Ngayon na nasiguro ko nang wala talagang nangyari sa pagitan ni Ales at ng Eithan na 'yon, mas lalo akong nagkaroon ng lakas na hanapin ang asawa ko. Kailangan niyang malaman na walang ginawa sa kanya si Eithan at wala siyang dapat ikahiya.

Kinalma ko ang sarili ko at dapat bubuhayin na ang makina ng kotse nang bigla akong makatanggap text galing kay Jazz.

| Theo, I already know where Ales is. |

TO BE CONTINUED

• • •

AUTHOR'S NOTE: This story is only until Chapter 40 + Epilogue. If you want to read the complete version, you may subscribe to my Patreon at www.patreon.com/c/barbsgaliciawrites. Thank you so so much for the support!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro