Chapter 24
THEO
WALA NA KAMI ni Ales.
Ilang buwan na rin mula nung nagpaalam ako sa kanya. Wala eh, hindi ko talaga napanindigan pagkatapos kong malaman na hindi niya pala ako mahal. Mas masasaktan lang ako kapag pinatagal ko pa, kaya pinutol ko na agad.
Umuwi muna ako rito sa Batangas. Ginawa ko 'to para sana mas madali akong makalimot, pero tangina araw-araw ko pa rin siyang naaalala. Hanggang ngayon iniisip ko pa rin kung anong nangyari sa 'min. Kung bakit biglang nagkaganito lahat. Parang kahapon lang, masaya pa kami tapos ngayon, biglang wala na siya sa buhay ko.
Nung gabi na nagpaalam ako sa kanya, dapat talaga kauusapin ko siya nang personal.
Pumunta ako sa apartment niya no'n. Pero pagdating ko, nanghina na naman ako. Alam kong hindi ko kayang magpaalam sa kanya nang harap-harapan kaya tinawagan ko na lang siya.
Naka-park lang ako sa labas ng building nila no'n habang magka-usap kami. Hindi naman siya masyadong nagsalita, pero naiintindihan ko dahil ako 'tong nang-iwan. Pakiramdam ko lang kasi wala ng saysay magpatuloy. Ayoko na hanggang kama lang kami kasi gusto ko talaga siya.
Lugmok na lugmok tuloy ako rito sa Batangas. Mag-isa akong umiinom ngayon. Wala naman kasi dito si Arkhe. Hindi niya pa alam ang nangyari sa 'min ni Ales. Ang hirap sabihin kasi nung huling beses na tinawagan ko siya, alam niyang masayang-masaya ako.
Ngayon tangina para akong namatayan. Sa dami ng mga naka-relasyon ko, kay Ales talaga ako pinaka-nadurog. Masyado kasi akong umasa na makakasama ko siya hanggang huli. Siguradong-sigurado na sana talaga ako sa kanya.
Gusto ko nga siyang kumustahin. Kahit malaman ko lang sana kung ano nang pinagkakaabalahan niya. Kung napasa na ba niya 'yung manuscript niya, o kung mapa-publish na siya. Kaso galit siya sa 'kin. Hindi ko na matawagan, eh. Mukhang binlock niya na yata ako sa lahat. Naiintindihan ko naman. Ang sakit lang talagang tanggapin na nauwi sa ganito lahat. Parang hindi na kami magkakilala.
Humithit ako sa yosi ko sabay natulala na lang ulit.
"Kuya Theo?"
Natauhan ako nung biglang dumating 'tong pinsan kong babae, si Unice.
Nginisian ko siya. "O, buhay ka pa pala?"
Alam niya ang nangyari sa 'min ni Ales. Kinwento ko sa kanya nung dumating ako rito kasi wala akong ibang makausap. Siya lang din naman ang interisadong makinig sa 'kin.
"Parang ang tagal mo akong hindi kinulit, ah," dagdag ko.
Hindi naman siya umimik. Yumuko lang siya sabay lumapit sa 'kin. May dala siyang plastic.
"Ano 'yan?" tanong ko.
"Pulutan mo. Binilhan kita. Isaw tsaka Betamax."
"Bakit mo 'ko binilhan? Naaawa ka ba kasi alam mong broken hearted ako?"
"Hindi po."
Hindi siya makatingin sa 'kin. Parang ang bait yata nitong batang 'to ngayon. Hindi ako sanay.
"May kasalanan ka, 'no?" sabi ko.
Hindi siya makasagot.
"Ano nga, may kasalanan ka?"
Yumuko siya sabay tumango. "Sorry, Kuya Theo."
Ngumisi na lang ulit ako tapos kumuha ng isang stick ng isaw galing dito sa plastic. "Ano bang ginawa mo?"
Bumuntonghininga siya bago sumagot. "Last time kasi nung wala ka at hawak ko ang phone mo, tumawag si ate Ales. "
Natigilan ako at napatitig sa kanya. "Tumawag si Ales?"
"Opo, kuya. Nataranta ako kaya nasagot ko. Pero binaba niya rin agad kaya hindi ko siya nakausap. Kinabahan ako no'n kasi baka magalit ka kaya binura ko agad 'yung call history sa phone mo at hindi ko sinabi sa 'yo."
"Kelan 'yan?"
"Matagal-tagal na. Mga one month na siguro 'yon. Nakokonsensya ako kaya sinabi ko na. Sorry, Kuya Theo."
Hindi ko alam pero imbis na magalit, bigla akong nabuhayan ng dugo. Tumawag pala siya sa 'kin? Ibig sabihin ba no'n gusto niya pa akong makausap?
Tumayo na agad ako at tinapik-tapik sa ulo 'tong si Unice. "Wag kang mag-alala, hindi ako galit. Pero sana sinabi mo agad."
Iniwanan ko na siya.
"Oy, Kuya Theo! Saan ka pupunta?"
"Kay Ales. Susubukan kong makipagbalikan."
"AYON NAMAN PALA!" Bigla siyang humiyaw. "Tama 'yan, kuya Theo! Umamin ka na kay ate Ales. Wag mong hahayaan na maging TOTGA mo siya!"
Tangina natawa na lang ako. Binanggit niya na 'yang TOTGA na 'yan sa 'kin nung kinwento ko sa kanya ang nangyari sa 'min ni Ales.
Hindi ko pa alam kung ano 'yung TOTGA. The One That Got Away pala 'yon. Tama siya, hindi pwedeng maging gano'n ko si Ales. Bahala na kung anong mangyari, basta pupuntahan ko na siya at aamin na ako.
• • •
BUMYAHE AGAD AKO pa-Maynila kinabukasan.
Parang nakalimutan ko lahat ng lungkot at kaduwagan ko dahil sa sinabi ni Unice. Loko 'yung batang 'yon. Hindi na lang sinabi agad. Konting pag-asa lang naman ang kailangan ko para ganahan ulit.
Hindi nga lang ako mapakali ngayon habang nagda-drive. Sinubukan ko uling tawagan si Ales kanina, pero hindi na nagri-ring. Ewan ko kung nagpalit na ba siya ng number o naka-block na talaga ako. Nakakakaba, pero iniisip ko na lang 'yung sinabi ni Unice para lumakas ang loob ko.
Bandang tanghali nung nakarating ako sa apartment niya. Pero malas kasi wala na pala siya rito. Matagal-tagal na rin daw lumipat sabi nung guard.
Bigla na naman tuloy akong nanghina. Sa mga oras na 'to, hindi ko alam kung saan siya pupuntahan, hanggang sa naisip ko si Jazz. Doon muna ako dumiretso.
Nag-doorbell agad ako pagkarating sa bahay nila Jazz.
Nahihiya ako kasi ang tagal na rin nung huli akong humiling sa kanya, at sigurado akong alam niya kung anong nangyari sa 'min ni Ales. Pero bahala na. Gusto ko lang talagang malaman kung nasaan ang kaibigan niya ngayon.
Ilang saglit lang, lumabas na rin si Jazz.
Natigilan agad siya nung nakita ako. "T-Theo?"
Ngumiti ako nang mapait. "Hi. Pasensya na, biglaan. Gusto lang sana kitang makausap."
Biglang umanghang ang itsura niya, pero nilapitan niya pa rin ako. "Buhay ka pa pala. Akala ko namatay ka na simula nung inawanan mo sa ere si Ales."
Sa sinabi niya pa lang, nasiguro ko nang malaki talaga ang galit nila sa 'kin. Pero tanggap ko kasi kasalanan ko naman talaga.
"Sorry," sabi ko. "Kaya kong ipaliwanag ang nangyari. Pwede ba kitang makausap?"
"No. I'm busy. Inaalagaan ko ang anak ko."
"Kahit saglit lang."
Huminga siya nang malalim, tapos binuksan na ang gate. "Okay, five minutes."
"Gusto ko sanang makita at makausap si Ales, pero wala na siya sa apartment niya."
"Yeah, she moved out a month ago. Marami raw kasi kayong memories do'n."
Napangiti ulit ako nang mapait. "Kumusta na siya?"
"Oh, she's very okay. Malapit ng i-release ang bago niyang libro."
"Talaga? Buti naman nakapagpasa siya ng manuscript. Masaya ako para sa kanya. Alam kong pangarap niya 'yon." Huminga ako nang malalim. "Jazz, gustong-gusto ko siyang makita. Baka pwede mong sabihin sa 'kin kung saan na siya nakatira, o kung anong bago niyang number."
"No. I can't tell, and I won't tell you."
"Minsan lang ako humiling sa 'yo. Alam kong nasaktan ko siya kasi bigla akong nawala, pero mahal ko ang kaibigan mo."
Bigla naman siyang ngumisi na parang hindi siya naniwala sa 'kin. "Mahal mo na siya kasi nawala na siya sa 'yo?"
"Hindi. Matagal ko na siyang mahal."
"So why didn't you tell her?"
Napaiwas ako ng tingin kasi hindi ko alam kung paano ipaliliwanag nang mabilisan sa kanya ang bagay na 'yon.
Bumuntonghininga naman siya. "Well, wala na rin namang mangyayari kahit umamin ka ngayon. I'm sorry to say, but you're too late."
Napakunot agad ako ng noo sabay balik ng tingin sa kanya. "Anong ibig mong sabihin?"
"Wag mo nang hanapin si Ales kasi nakalimutan ka na niya. May bago na siyang boyfriend."
Napabagsak ako ng mga balikat. "Bagong boyfriend?"
"Yeah. His name is Khalil, he's also a writer. Bagong lipat sa publishing house namin. Inaasar-asar lang namin sila ni Ales nung una, eh ayon, nagka-developan."
Para akong nabingi sa sinabi niya. Na-blangko agad ang utak ko. May mga sinasabi pa nga siya sa 'kin pero hindi ko na marinig at hindi ko na rin maintindihan.
'Yung pakiramdam ko ngayon, pahiyang-pahiya ako. Lahat ng lakas ng loob na binaon ko papunta rito, nawala. Ni hindi ko na magawang makatingin sa kanya.
"I'm sorry, Theo," sabi niya pa. "Sinayang mo kasi si Ales. She's different. Hindi mo alam kung anong kaya niyang gawin para lang makalimot."
Nawala na ako sa sarili. Pumeke na lang ako ng ngiti para itago ang lungkot ko. "Pasensya na sa lahat. At salamat sa oras. Mauna na 'ko."
'Yun na lang ang kinaya kong sabihin. Tumalikod na agad ako at dapat aalis na, pero nilingon ko pa siya ulit. "Huling tanong na lang. Minahal ba ako ni Ales?"
"Does that still matter? Panindigan mo na lang 'yang pang-iiwan mo kasi burado ka na sa isipan niya."
Hindi na ako nakalaban. Dumiretso na ako sa pag-alis bago pa ako tuluyang bumigay.
Hinang-hina akong napatungkod dito sa pinto ng kotse. Ngayon ko naramdaman lahat ng bigat. Nanginginig ang mga kamay ko.
Tangina, hindi ito 'yung inaasahan kong sagot. Alam kong posible akong masaktan sa desisyon kong hanapin si Ales, pero hindi ganito katindi. Hindi ko alam kung paano isasaksak sa utak ko lahat ng narinig ko.
Oo, hindi ko siya pwedeng kwestyunin kung bakit niya 'to nagawa kasi alam kong meron din akong kasalanan sa kanya. Pero bakit ang bilis niyang nakahanap ng bago? Bakit galit na galit sila sa 'kin na para bang hindi rin ako umasa at nasaktan? Hindi niya yata talaga ako mahal.
Natauhan ako nang biglang nag-text sa 'kin si Jazz.
Binasa ko agad. May binigay siyang address. Wala naman siyang ibang sinabi, basta address lang ng isang coffee shop. Alam ko na kung sinong makikita ko sa lugar na 'yon.
Kahit na wala pa ako sa sarili, sumakay na agad ako sa kotse at nagmaneho para puntahan si Ales.
Para akong gago ngayon na pinaniniwala ang sarili ko na hindi totoo ang sinabi ni Jazz. Walang boyfriend si Ales. Tangina hindi ko alam kung saan ako pupulutin kapag napatunayan kong may bago na nga talaga siya.
Balisang-balisa ako pagkarating sa coffee shop na sinabi ni Jazz.
Pagkababa ko ng sasakyan, natanaw ko na agad si Ales mula sa malayo. Nakatutok siya sa laptop niya. Dapat masaya ako ngayon kasi nakita ko na ulit siya pagkatapos ng ilang buwan, pero hindi gano'n ang nararamdaman ko ngayon. Ang bigat pa rin ng dibdib ko.
Bago pa ako makapasok sa loob, may lalaki na biglang umupo sa tabi ni Ales.
Nanigas agad ako sa kinatatayuan ko. Kitang-kita ko na sumaya ang mukha niya sa pagdating nung lalaki, tapos naglambingan na sila.
Yumuko agad ako kasi hindi ko siya kayang makita na gano'n. Hindi ko alam kung paano ko igagalaw ang mga paa ko, basta pinilit ko nang umatras at bumalik na lang sa kotse.
Pagkasakay sa loob, tuluyan na akong namanhid. Wala na akong ibang maramdaman kung 'di 'tong bigat ng dibdib ko.
Totoo pala talaga. Hindi ko na alam kung anong mas masakit. 'Yung mawala siya sa 'kin o 'yung makita siya na masaya kasama ang ibang lalaki.
Sinandal ko ang ulo ko sa upuan kasi parang maiiyak na lang ako. Tangina durog na durog ako ngayon.
Sobrang laki ng sinayang ko. Mahal na mahal ko si Ales pero wala na akong laban, talo na agad. Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari, sana umamin na ako sa kanya kahit pa wala akong makuhang kapalit. Sana pinilit ko na lang at hindi ako naduwag para hindi siya nawala sa 'kin.
Habangbuhay kong pagsisisihan na hindi ko siya pinanindigan.
TO BE CONTINUED
Bitin ba? Read six (6) advanced chapters of this story on my Patreon! Go to www.patreon.com/barbsgaliciawrites.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro