Prologue
Tathriana Torres
Ang pagtilaok ng manok ng aming kapit bahay ang nagpagising sa akin. Kaagad akong nagunat unat. Bagsak ang magkabilang balikat ko habang pababa sa aking kama. Marahan kong itinaas ang nakalaylay na manggas ng aking suot na oversized shirt.
"Tathi! Gumising na!" sigaw ni Mama mula sa baba. Napakamot ako sa aking batok. Sabado naman ngayon pero ang dami pa ding trabaho. Walang pahinga, bawal ba magpahinga pag mahirap?
Bumaba ako sa hagdan naming gawa sa kahoy. Rinig na rinig ni Mama ang pagbaba ko dahil sa suot kong malabakyang tsinelas. Dumiretso ako sa may lamesa, kumuha ako ng bagong hangong chicharon at kinagat iyon.
"Hoy!" sita sa akin ni Kuya Jasper na may kasama pang pagbatok.
"Aray ko naman!" sita ko sa kanya tsaka ko siya sinamaan ng tingin. Inismiran lang ako ng aking pinsan. Siraulo, naalog pa ata ang utak ko. Exam pa naman namin next week para sa finals. Running for Valedictorian pa naman ako.
"Pag itong utak ko naalog" sita ko pa sa kanya pero nginisian niya lamang ako.
Napatingin ako sa pintuan, mabilis akong nagtungo duon ng makita ko si Papa. Basang basa ito ng pawis. "Nagjogging nanaman po kayo Papa?" natatawang tanong ko sa kanya habang nagmamano.
Nginitian niya ako at tsaka muling tinuro ang gawi ng lupang gustong gusto niya. Araw araw niyang ikinikwento sa akin kung gaano niya gustong mabili ang lupa. Papatayuan niya daw ng malaking pagawaan ng chicharon at sa tabi ay kainan.
"Bibilhin ko iyon para sayo Papa. Pag mayaman na ako" paninigurado ko pa sa kanya. Kaagad siyang nakipagapir sa akin. Pinagalitan nanaman kami ni Mama ng maabutan kaming ganuon.
Masyado daw kasing mataas ang pangarap namin ni Papa. Dapat at makuntento na lamang kami kung ano ang meron kami. Matapos kong tumulong sa pagbabalot ng chicharon, naligo ako at nagbihis. Gagala muna ako sa labas kasama ang ilang mga kaibigan.
"Tathi! Tanghali ka nanaman nagising" sita sa akin ng aking kaibigan na si Charlie.
Tumaas ang gilid ng aking labi. Sa lahat ng kaibigan ko, siya lang ang totoo. Yung iba kaibigan ko lang pag may kailangan sa akin. "Umuwi diyan yung bunsong anak ng mga Serrano. Kalaro mo dati iyon di ba?" panguusisa niya sa akin.
Tinanaw ko ang isa sa mga chicharon outlet ng mga Serrano. Ang chicharon nila ang isa sa pinakasikat sa buong bulacan. Ang sa amin ay nagsisimula pa lamang. Wala pang pangalan.
"Hindi naman masyado" pagtanggi ko sa kanya. Bukod sa mayaman si Sera, mas matanda siya sa akin ng ilang taon kaya naman mas maaga siyang nagdalaga. Napunta din ng manila kaya naman mas lalong napalayo sa aming mga kalaro niya dati.
Siniko ako ni Charlie. " Laban pa nga kayo spaghetti pababa dati eh" natatawang asar niya sa akin kaya naman inirapan ko siya.
Napakamot ako sa aking braso. May maliliit na butlig duon, hindi ko alam kung saan galing. "Mukhang ginagalis ka nanaman Tathi" pangaasar pa ni Charlie sa akin.
"Shuta! Anong galis ka diyan...bungang araw lang ito" laban ko sa kanya pero hindi siya naniwala.
Wala akong palag ng hilahin niya ako papunta sa open court ng barrio namin. Maghahanap nanaman ito ng bagong crush. Nakita ko ang mga lalaking naglalaro, ilan sa kanila ay pamilyar ang mukha sa akin. Higher years sa school namin ang mga iyon.
"Libre mo ako fishball" kalabit ko kay Charlie ng makita ko ang nagtitinda ng fishball na kaagad pinagkaguluhan ng mga tao. Hindi naalis ang kanyang mga mata sa court. Nagawa niyang kumuha ng limang piso sa kanyang bulsa.
Napaawang ang bibig ko. "Eh palamig? Baka mabulunan ako" reklamo ko sa kanyan.
Bayolenteng napakamot si Charlie sa kanyang batok. "Shuta! Mag ice tubig ka na lang" asik niya sa akin kaya naman malungkot akong lumapit kay Kuya fishball.
Kagaya ng iba ay nakitusok na lamang din ako. Habang ginagawa iyon ay narinig ko ang chismisan ng ilang mga kababaihan. Mga college students na ata ng mga iyon. Mukhang active sa activities ng munisipyo kaya naman pakalat kalat dito sa may centro.
"Sa lunes ang dating ng bisita ni governor. Balita balita daw na balak magtayo ng malaking negosyo dito" rinig kong usapan nila. Imbes ba magfocus sa pinaguusapan nila ay sa sawsawan ng fishball ako nakatingin. Hindi ako makasawsaw dahil nakaharang silang tatlo duon.
"Ang sabi sabi. Iyon daw ang magmamana ng malaking companya ng pamilya nila. Kagragtaduate lang daw ng college" rinig ko pa ding usapan nila. Kahit ayaw kong marinig iyon dahil wala naman akong pakialam ay wala na akong magawa.
"Excuse po. Makikisawsaw po ako" pagkuha ko ng atensyon nilang tatlo. Bumaling sila sa akin na parang nandidiri pa.
"Ano ba yan. Napakachismosa ng mga bata dito...akala mo talaga may alam" pagpaparinig nila sa akin. Humaba ang nguso ako. Ano kayang problema ng mga ito.
"Yung fishball naman ang isasawsaw ko ah" sambit ko habang pinapanuod ang pagmartsa nila palayo. Shuta, mga siraulo.
Bumalik ako sa pwesto kung nasaan si Charlie. Hindi ko na siya inalok pa ng fishball dahil baka hindi niya tanggihan magkaroon pa ako ng kahati. " Oh may bago ka ng crush?" panguusisa ko pa sa kanya.
Umiling siya sa akin. Nanatili pa din ang kanyang tingin sa court. Sumunod ang tingin ko sa court habang kumakain ng fishball.
"Running for Valedictorian ka di ba?" tanong niya sa akin in the middle of nowhere.
Tinanguan ko na lamang siya. This time nilingon niya na ako, bago sa akin at napatingin pa muna siya sa stick ng fishball na hawak ko. Kaagad kong dinilaan ang stick para hindi na siya makahingi.
"Shuta ka!" asik niya sa akin sabay batok. Imbes na magalit ay natawa na lamang ako.
"Kasali ka duon sa magwewelcome ng bisita ni Governor sa lunes? Mga valdectorian daw at mga scholars eh"
Nagkibit balikat na lamang ako. Wala sana akong pakialam, kaagad lamang naging interisado sa sumunod niyang ikinwento sa akin.
"May kainan sa hall after. Isama mo ako para masaya" utos pa niya sa akin. Napangiwi ako.
"Bakit sasalubungin pa? Airport ba ito?" tanong ko pa sa kanya kaya naman sinamaan niya ako ng tingin.
"Gaga half ng scholarship mo galing sa pamilya nuon" kwento pa niya na ikinalaki ng mga mata ko.
Marami akong nalaman tungkop sa bisita ni Governor mula kay Charlie. Hindi ko alam kung saan niya iyon nakuha, minsan talaga nagugulat na lang ako sa mga ikinikwento niya sa akin. Parang lahat na ata ng balita sa bayan namin alam niya. Pwede ng reporter.
Isa hanggang dalawang linggo magistay ang bisita ni Governor dito sa bayan namin. Balak nilang tulungang umunlad ang bayan namin sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga commercial buildings.
"Naku, baka kuhanin nila ang bundok tralala natin" pamomorblema ko pa kay Chalie. Linggo iyon ng umaga.
Naglalakad kami patungo sa school. May meeting kami sa school para sa event bukas. Nagalala ako para sa tambak ng buhangin sa may bakanteng lote. Duon kami palaging naglalaro at nakatambay. Dahil sa tagal nuon duon, tinawag na namin iyong bundok tralala.
"Hindi bundok iyon Tathi. Valedictorian ka ba talaga?" sita niya sa akin. Napanguso ako. Medyo sentimental kasi ako sa mga bagay bagay kaya naman medyo mahirap para sa akin na bitawan ang palaruan namin duon.
Walang katao tao sa schoop dahil linggo. Iilan lamang kami para sa meeting na ito. Nakaupo kaming lahat sa stage habang hinihintay ang teacher namin. Nagaasaran pa ang ilan, at isa na ako sa inaasar. Hindi ko alam kung bakit trip na trip ako ng mga kaklase ko.
"Nakawig nanaman si Tathi" puna ng isa. Sinamaan ko lamang siya ng tingin. Bahagya akong napasuklay sa buhok kong hanggang balikat. Medyo bagay naman sana sa akin ang gupit. Ang kaso medyo sabog iyon.
"Mag pa straight ka nga ng buhok ng ngumanga yang mga shutang yan" inis na bulong ni Charlie sa akin.
"Wala akong pera pagparebond. Naubos ang ipon namin dahil sa pagsisimula ng chicharonan. Hindi pa kami nakabawi" kwento ko kay Charlie kaya naman siya ang nalungkot para sa akin.
Late ng 30 minutes ang teacher namin. Hindi na kami nagulat pa dahil ganuon naman talaga. Nagumpisa siyang ipaliwanag sa amin ang buong program. Kasabay kasi bukas ang awarding ng mga graduating na scholar ng munisipyo. Hindi lang puro para sa bisita ng governor ang lahat. Tatayo din ata iyong speaker kaya medyo pinaghandaan talaga.
"Sino ang valedictorian ng 4th year?" tanong nito. Adviser siya ng ibang year kaya naman hindi niya kami kilala lahat. Napataas kaagad ako ng kamay.
Napangiwi siya ng makita ko. Narinig ko ang tawanan ng mga kamagaral mula sa likod. "Wala na bang iba?" tanong niya na ikinagulat ko.
Sa huli ay natahimik din siya. Mukhang narealize na may pagkakamali siya. "Makakapagasyos ka naman di ba?" tanong niya ss akin. Wala ako sa sariling tumango sa kanyam hindi ko din alam kung anong klaseng ayos ba ang gusto nila.
Lutang ako habang naglalakad kami pauwi ni Charlie. Panay ang salita nito dahil sa nangyari. "Maganda ka naman Tathi eh, medyo dugyot nga lang. Kung makakapagayos ka, siguradong maraming magkakagusto sayo" puri pa ni Charlie sa akin.
Nginisian ko siya. "Wala akong pera, wag mo na akong bolahin" sita ko sa kanta dahil sigurado akong magpapalibre nanaman ito ng icescrumble.
Hinapas niya ako sa aking braso. "Gaga totoo. Mukha ka lang dugyot at galisin pero ikaw ang pinakamaganda sa batch" sabi pa niya na ngayon ay mas seryoso na.
Hindi ko siya pinansin. Umuwi ako sa aming bahay at tumulong sa pagbabalot ng chicharon. Habang nagbabalot at kumakain ako kaya naman panay ang palo ni Mama sa kamay ko.
"Mama maaga daw po ang awarding bukas, maaga kayong gumising ni Papa ha" paalala ko sa kanya. Masipag sila sa trabaho, madaling araw nga kung gumigising pero pag dating sa mga events sa school tamad na tamad.
"Ang kuya Jasper mo na lang muna ang pupunta. May lakad kami ng Papa mo" sagot niya sa akin kaya naman napasimangot ako. Si kuya jasper nanaman eh late din naman palagi ang isang iyon. Magisa nanaman akong aakyat sa stage.
"Mama naman..." pagmamaktol ko pero nagtaas lamang siya ng kilay.
"Sa graduation mo kumpleto kami, wag lang magalala"
Napakamot na lamang ako sa aking batok. Buong akala ko ay hindi din nila ako sisiputin kahit sa graduation ko. Bukod sa pag bubussiness nina Mama at Papa, isa dij siya sa mga pinagkakatiwalaan sa bahay nina Governor. Karamihan sa mga katulong duon ay siya ang nagpasok.
Madaling araw ng lunes ng pinuntahan ako ni Charlie sa aming bahay. Nagpresinta ito na siya na ang magaayos sa akin para sa program na iyon. Hindi naman na ako nagreklamo pa dahil gusto ko din namang maging presentable. Nakakatamad nga lang minsan kaya mas madalas akong dugyot kagaya nang sabi niya.
"Shuta ang kapal ng buhok ko. Hindi na ako magtaka kung may kuto ka"
Halos mapangiwi ako sa klase ng pagkakahila niya sa aking buhok. Halos matanggal ang anit ko sa sobrang sakit nuon. "Shuta bakla, baka wala na akong buhok mamaya" daing ko sa kanya kaya naman napatawa siya.
Napanguso na lamang ako habang nakatingin sa aking repleksyon sa salamin. "Oh ayan magliptint ka lang, nakakatakot kang make up-an masyadong maputi baka mamaya magmukha ka lang bakla" reklamo ni Charlie kaya naman napatango na lamang ako.
Bukod sa buhok kong makapal at malawig sa bagsabog ay tampulan din ng tukso ang pagiging maputi ko. Para ako palaging may sakit kaya naman ang asar nila sa akin palagi ay naglalakad na bangkay.
"Papahabain ko na nga yang buhok ko eh" pagbibida ko pa kay Charlie tukoy sa buhok kong haggang balikat ko lang.
Yung liptint na ginamit niya sa labi ko ay ang liptint na nilagay niya din sa aking pisngi. Napanguso ako, amoy laway na tuloy ang pisngi ko.
Saktong alasyete ng magkasama kaming umalis ni Charlie patungo sa school. Malayo pa lang ay rinig na namin ang malakas na stereo sa gilid ng munisipyo kung saan gaganapin ang ceremony.
"Oh Tathi, hindi na ikaw ang magdadala ng bulaklak sa harapan si Maricris na" salubong sa akin nung teacher na nagmeeting sa akin.
Wala naman sanang problema duon ang kaso ay bigla akong nangamba. "Pero ako po ang Valedictorian di ba?" panguusisa ko pa sa kanya. Para akong binuhusan ng malamig na tubig ng nagkibit balikat lamang ito.
Wala sa sarili akong napatingin kay Maricris at sa mga kasama niyang kaklase din namin. Tawang tawa ito, gandang ganda sa sarili habang ipinagmamayabang ang kulot niyang buhok.
"Shuta talaga, pag yan ang naging Valedictorian. Luto talaga" gigil na sabi ni Charlie sa aking tabi.
Para akong tinanggalan ng lakas. Kinabahan din sa kanyang konklusyon. Apat na taon sa highschool ang pinaghirapan ko para lang maging Valedictorian. Gusto ko ding pumasok ng UP at duon magaral para sa scholarship.
Wala akong imik ng magsimula ang program. Nakaupo na ang lahat at ilang minuto na lamang ay darating na si Governor at ang aming panauhin. Tamad kong binasa ang malaking tarpuline na nakasabit sa stage. Duon ko din nakita ang pangalan ng taong hinihintay nila.
Cairo Ashton Herrer
Napanguso na lamang ako at napairap. Siguradong isa lamang yang panot na matandang may malaking tiyan. Yung tipong magsasalita sa harapan at magpapatawa. Kami naman tong mga uto uto na magkukunwaring natatawa sa kanya.
Nabalik ako sa wisyo ng marinig ko ang paganunsyo nila sa pagdating ni Governor. Tamad akong lumingon sa may entrance at halos mapanganga sa aking nakita. Sa tabi ni Governor ay isang lalaking mas matangkad sa kanya. Matipuno ang katawan, matangos ang ilong, ang gwapo!
Napanganga ako, literal. Ngayon lang ako naattract sa lalaki ng ganito buong buhay ko. Nagtambol ang aking dibdib. Crush ko na siya.
Sinundan ko ng tingin ang paglalakad nila paakyat sa may stage. Naramdaman ko ang pagsiko ni Charlie sa akin. "Yan ang bago kong crush" pagdeklara niya kaya naman sumimangot ako.
"Crush ko din siya" laban ko sa kanya na ikinatawa niya.
"Wag kang magalala, madami tayo" nakangising sabi niya pa sa akin. Sinundan ko ang tingin niya sa likuran at nakitang marami ding babae ang nagbubulungan habang nakatingin kay Cairo.
Ngayon lang ako naging attentive sa isang school program. Kung minsan ay ayaw ko talaga ng mga program sa schoop dahil mas gusto kong sa loob ng classroom na lamang kami at nagaaral. Hindi maalis ang tingin ko sa kanya sa harapan.
Marahan kong inilagay ang ilang tikas ng buhok ko sa likod ng aking tenga. Pakiramdam ko ay napatingin siya sa akin. "Tumingin siya sa akin" kinikilig na bulong ni Charlie sa akin. Napaawang ang bibig ko.
Tumingin din siya sa akin! Laban ko din sana sa kanya pero sa huli ay naisip kong baka pareho lang kaming naghahallucinate.
Mas lalo akong namangha nang magsalita na siya sa harapan. Buong buo ang kanyang boses, lalaking lalaki. Nakakapanindig balahibo. Pansin ko ding hindi siya palangiting tao. Bilang ata sa kamay ang nagawa niyang pagngiti habang nasa stage siya. At oo! Binilang ko talaga iyon. Kung ngingiti naman ay hindi man lang umaabot hanggang tenga. Masyadong seryoso.
Sa kanyang pagsasalita. Nalaman kong kakagraduate lamang niya ng college sa manila. At may plano siyang umalis ng bansa at magaral para sa MBA niya sa spain. NapapaWow na lamang kami, hindi naman siya nagmamayabang ng ikwento iyon sa amin pero namamangha kami.
Mas lalo akong nanghinayang. Ako sana ang magdadala ng bulaklak sa harapan na hawak na ngayon ni Maricris. Malalapitan ko sana si Cairo. Sayang talaga!
Pagkatapos ng kainan sa may hall ay hindi ko na siya muling nakita pa. Ang sabi ay dumiretso na kaagad ito sa mansion nila governor at duon mananatili. "Sayang, may picture na sana kayo ngayon ni Sir Cairo kung ikaw ang nagdala ng bulaklak sa harapan" pangaasar pa niya sa akin kaya naman sinimangutan ko siya.
Sa huli ay certificate at busog na tiyan lang ang napala namin sa program. Nagpaalam kaagad sa akin si Charlie na uuwi na sa kanila dahil tutulong pa siya sa gawaing bahay. Lumupaypay ang katawan ko habang papalapit ako sa aming bahay.
"Wala na nga akong mahanap na iba eh"
Naabutan ko ang problemadong si Mama. Umurong tuloy ang dila ko. Gusto ko pa naman sanang magsumbong sa kanya na mukhang nagkakaroon ng dayaan sa magiging valedictorian.
"Kulang ang tao sa Mansion, hindi ko alam kung saan pa ako hahanap. Halos lahat ng kilala ko dito ay lumuwas na sa manila" pagpapatuloy pa ni Mama.
Bayolente akong napalunok. "Mama ako po!" hiyaw ko sabay lapit sa kanya. Hinawakan ko pa ang manggas ng kanyang suot na tshirt.
"Naku Tathi tigilan mo. Hindi laro iyon" suway niya sa akin.
Hindi ko siya napilit nung unang beses kaya naman nagfocus na lamang ako para sa dalawang araw na finals namin. Habang nasa school ay ang bisita pa din ang usap usapan. Ilang beses daw namataan itong pagala gala sa bayan. Sayang hindi ko man lang natiempuhan.
Sa pangalawang araw ng exam namin. Magisa akong naglakad pauwi. May ibang lakad din kasi si Charlie at ayokong sumama duon. Napatakbo ako ng makita ko si Kuya fishball. Kaagad akong kumuha ng stick at tsaka tumusok. May ilang kalalakihan din ang nasa gilid pero hindi ko sila pinansin.
Panay tusok ako sabay kain. Sa sobrang stress ko ay hindi ko na halos nabilang ang kinain ko. "Ilan na ang nakain mo neng?" tanong ni Kuya Fishball.
Naawang ang bibig ko. "Wala pang limang piso kuya" ngiting asong sagot ko sa kanya kahit ang totoo medyo kabado.
Binitawan ko na ang stick dahip baka mas lalo pa akong magkasal. Kinuha ko ang limang piso sa bulsa ko ay iaabot ko na sana iyon kay manong ng may pumigil sa kamay ko.
Nanlaki ang aking mga mata. Si Cairo ang nasa aking harapan ngayon.
"Shuta!" hindi makapaniwalang sambit ko. Masama ang tingin niya sa akin.
"Hindi lang limang piso ang nakain mo bata. Lolokohin mo pa si Manong" matigas na sabi niya sa akin. Kaagad na naginit ang aking pisngi dahil sa pinaghalong kilig at hiya.
Bayolente akong napalunok. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. "Hindi ko naman..." hindi ko na naituloy ang sasabihin ko ng kaagad siyang dumukot ng pera sa bulsa ay ibinigay iyon kay manong. Malaking halaga iyon.
"Hindi naman na ako bata" Seriously Tathi!? Iyon talaga ang pinaglaban mo?
"Nag cutting ka pa" akusa niya sa akin kaya naman napanguso ako.
Ang sungit naman neto. Aalis na sana siya ng kaagad ko siyang pinigilan. "Ako nga po pala si Tathriana. Tathi na lang po" ngiti ngiting pakilala ko sa kanya. Ipinahid ko pa sa suot kong palda ang kamay ko para ipakita sa kanyang malinis iyon.
Bumaba ang tingin niya sa nakalahad kong kamay. "Anong ginagawa mo?" masungit na tanong niya sa akin.
"Nagpapakilala po" sagot ko sa kanya. Tumalon ang puso ko ng ngumisi siya sa akin. Mas lalo siyang gumwapo. Nakakainsulto ang ngising iyon pero ayos lang.
"Hindi mo kailangang magpakilala dahil hindi naman ako makikipaglaro sayo bata"
Napaawang ang bibig ko. Nahihiya kong binawi ang kamay ko. "Pwede pong magpapicture?" subok ko pa din. Sayang baka hindi ko nanaman siya makita after neto.
Mas lalong nandilim ang kanyang paningin. Muli niya akong tiningnan mula ulo hanggang paa. Bago niya ako inirapan.
"Maligo ka muna. Ang dungis mo" panlalait niya sa akin bago niya ako tinalikuran.
(Maria_CarCat)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro