Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 27

Hayaan na lang








Pakiramdam ko ay hindi sapat ang yakap na iyon. Mas gusto ko pa sanang patagalin, ngunit alam kong hindi na pwede at nakakahiya na iyon lalo na't agaw pansin na kami kanina sa mga tao sa loob ng cafe, yun nga lang sa pagtakbo ko papalapit sa kanya habang umiiyak ay isang scene na.

Imbes na maupo sa upuang kaharap ni Senyorito baby ay magkatabi kaming naupo. Maya't maya pa din niyang pinupunasan ang tumatakas na luha sa aking mga mata. Bumagsak ang mga mata ko sa aking mga daliri na kanina ko pa pinaglalaruan.

"How's your first day?" marahang tanong niya sa akin. Pilit kong ikinalma ang aking sarili bago ko siya sinagot.

"Ok lang po. Orientation lang..." sagot ko sa kanya kaya naman tumango siya. Nanatili ang titig niya sa akin na para bang pilit siyang may hinahanap sa aking mukha.

Nang mapansin niyang medyo naging ilang na ako dahil sa kanyang pagtitig ay nagtiim bagang siya at nagiwas ng tingin. "What do you want? I'll order for us" tanong niya sa akin. Lumipad ang tingin ko duon sa counter kung saan may malaking estante na may lamang iba't ibang klase ng pastries. Alam kong mahal ang mga iyon.

"Uhmm..." hindi ko magawang makaubo ng salita. Nagtaas siya ng kilay sa akin at isang beses pang pinasadahan ng kanyang hinlalaki ang aking basang pisngi.

Bayolente akong napalunok ng maramdaman ko ang hininga niya sa banda ng aking tenga. Hanggang sa mariin akong napapikit ng marahan niyang halikan ang aking ulo.

"Let me feed you first" bulong niya sa akin at kaagad tumayo duon at hinawakan ang aking kamay palabas duon sa starbucks.

Dahil taghali at napuno ng halos estudyante ng Bulsu ang mall ay medyo nahirapan kaming makahanap ng makakainan ni Senyorito baby. Hawak hawak pa din niya ang aking kamay, hindi maalis ang tingin ko duon. Kahit pa nasa labas na kami ng mansyon at hindi na ako hardinera ay ramdam na ramdam ko pa din ang agwat naming dalawa. Hindi lamang sa edad kundi sa estado ng aming buhay.

"Ok lang ba dito? Ayokong malipasan ka ng gutom" marahang sabi niya sa akin pagkapasok namin sa may bonchon. Eksaktong may umalis kaya naman kaagad kaming nakakuha ng upuan na pang apatan.

Marahan akong tumango. "Ayos lang po" sagot ko sa kanya.

Tipid niya akong nginitian, nagpaalam siya sandali na oorder sa may counter. Inabala ko ang sarili ko sa cellphone ko. Duon ko lang napansin ang ilang text mula kay Charlie at kay Mama.

Charlie:

Ingat sa paguwi!

Mama:

Umuwi ka kaagad, Tathi.

Hindi ko na nagawa pang magreply sa kanila. Siguro mamaya ay magiisip na lamang ako ng pwede kong ipalusot. Pinatay ko ang cellphone ko at muling bumaling kay Senyorito baby na hanggang ngayon ay nakapila pa din sa may counter para umorder. Hindi nakatakas sa aking pansin ang kakaibang tingin ng mga tao sa kanya. Halos lahat sila ay napapalingon at napapatitig sa kanya.

"Parang nakita ko na yan sa tv!" sabi ng isang babae, nasa kabilang lamesa silang apat na nakita kong nakasuot din ng uniform ng bulsu, ibang course nga lang.

Muli silang nagbulungan tungkol kay Senyorito at sigurado akong parepareho silang namamangha sa kanya. Sino ba ang hindi?

"Ang gwapo. Tsaka halatang mayaman..." sabi pa ng isa hanggang sa nagkagulo ulit silang apat ng itinaas ng isa ang kanyang cellphone.

"Sabi na siya yun eh. Herrer pala...mayaman yun!" namamanghang sabi ng babaeng may hawak na cellphone. Para bang nakilala nila si Senyorito duon sa kung anong tinitingnan nila.

"Yung ate ko, duon nagtratrabaho sa isa sa mga companya nila"

Bumagsak ang mga mata ko sa mesa. Alam ko naman ang lahat ng iyon. Pero ang ipamukha sa akin na hindi lamang siya basta bastang tao ay mas lalong nagpapaliit sa akin. Sino nga ba naman ako? Pakiramdam ko ay hindi ako deserving sa atensyong ibinibigay niya sa akin.

Muling nabaling ang atensyon ko sa aking cellphone ng umilaw iyon. Message mula kay kuya Jasper ang kaagad kong nakita.

Kuya Jasper:

Uwi kaagad tathi. Delikado pa ngayon, wag kang sasama kung kanikanino.

Napakagat labi ako sa aking nabasa. Nakaramdam ako ng guilt dahil duon. Pero hindi naman kung sino sino lang si Senyorito baby. Kaibigan ko siya, hindi naman siya delikado at alam kong hindi niya ako sasaktan.

Muling napaangat ang tingin ko sa grupo ng mga babae sa kabilang lamesa ng muli kong narinig ang kanilang mga bulungan. Duon ko lang napansin ang papalapit na si Senyorito sa akin.

Napanganga ako dahil bukod sa tray na hawak niya ay may isang lalaking crew pa na may hawak ding tray ang nakasunod sa kanya. "Move, gusto kong tumabi sayo" sabi niya sa akin na hindi ko naman kaagad nakuha.

"Usod, Tathriana. Tabi tayo..." paguulit niya kaya naman kaagad akong tumango at lumipat sa isa pang upuan para makaupo siya sa aking tabi. Buong akala ko kasi ay sa tapat ko siya uupo.

Mas lalong lumakas ang bulungan ng mga babae sa kabilang mesa. Hindi ko nga alam kung bulungan pa iyon. Tumikhim si Senyorito baby kaya naman nalipat ang tingin ko sa kanya. Nagulat ako ng makita kong mariin ang tingin niya sa akin.

"May problema?" tanong niya sa akin na mabilis kong inilingan.

Nagsimula kaming kumain. Imbes tuloy na makakain siya ng maayos ay mas inuuna pa niya ako. Panay ang lagay niya ng kung ano ano sa aking pinggan.

Pinanuod ko siya habang inaasikaso niya ako, nagawa niya iyon kahit ang kabila niyang kamay ay may arm sling pa. "Kamusta na po ang Papa mo?" tanong ko.

Nanatili ang tingin niya sa aming pagkain. "Nasa ICU pa" tipid na sagot niya.

Parang may kung anong bumara sa aking lalamunan. "Sino po ang nagbabantay?" tanong ko. Hindi ko din maintindihan kung bakit siya nandito.

"Ang mommy at kapatid ko"

Nagiwas ako ng tingin. Pero hindi pa din nawala sa aking isipan ang tanong. Ano naman kayang ginagawa niya dito? Impossibleng pumunta siya dito para lang makita ako.

"Bakit po kayo nandito?" tanong ko sa kanya.

Tsaka lang siya tumingin sa akin. "Para sayo. Tathi" sagot niya sa akin. Nanlaki ang aking mga mata kasabay ng paginit ng aking magkabilang pisngi.

"Pero...pero po..." hindi ko magawang ituloy ang aking sasabihin. Kung magpupumilit akong magsalita ay paniguradong mauutal lang ako.

"Tsaka, inaasikaso ko din ang kaso. Tumutulong ako sa mga tito ko habang hindi pa bumababa ang hatol..." seryosong sabi niya sa akin, napakurap kurap ako. Nagawa niyang sabihin iyon sa akin habang nakatitig sa akin samantalang ako naman ay kaagad na binalot ng kahihiyan.

"Galit ka ba sa Papa ko?" tanong ko kahit alam ko namang nonsense at obvious naman ang sagot. Sino namang hindi magagalit sa taong nanakit sa sarili mong ama? Ang tanga mo, Tathi!

Tumikhim siya. "Magsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi. Pero hinihintay ko pa ang hatol..." seryosong sabi niya sa akin. Nagiwas ako ng tingin sa kanya pero kaagad niyang hinawakan ang baba ko para muling magtagpo ang aming mga paningin.

"Tathi, labas tayo dito. You can ask me anything...ayokong nagdududa ka sa akin" marahang sabi niya kaya naman tipid akong tumango sa kanya.

Halos araw araw na kaming nagkikita ni Senyorito baby. Kung minsan pa nga ay sinusundo niya ako sa tapat ng university. Halos maubusan na din ako ng dahilan kay Charlie hanggang sa isang araw ay kinailangan ko ng umamin sa kanya. Literal na nalaglag ang panga niya ng aminin ko iyon sa kanya.

"Shuta ka! Hindi ka ba natatakot?" nagaalalang tanong niya sa akin.

Break namin ngayon kaya naman nakatambay na muna kami sa may labas ng court kung saan may nakakalat na lamesa sa ilalim ng lilim ng mga puno. Panay ang talak ni Charlie habang kumakain ng chichirya, dahan dahan naman ang ginagawa kong pagsimsim sa hawak kong buko juice.

"Impossible. Kung ako yun, pati sayo magagalit ako" sabi pa niya.

Napanguso tuloy ako. May point naman ang aking kaibigan, kahit sino naman siguro. Pero hindi ko kasi magawang magduda kay Senyorito baby. Ramdam ko ang senseridad sa kanya.

"Paano kung sa huli, malaman mong ginagamit ka lang niya?" mapanghamong tanong niya sa akin. Natigil ako sa pagkagat sa aking straw dahil sa kanyang naging tanong sa akin. Ilang beses din iyong naglaro sa aking isipan, pero takot na takot akong bigyan iyon ng sagot, bumibigat ang loob ko sa tuwing iniisip ko iyon.

"Hindi niya iyon gagawin" laban ko kay Charlie.

Nagtaas siya ng kilay sa akin, halatang hindi magpapatalo. "Paano nga Tathi eh?" masungit na tanong pa niya.

Nagkibit balikat ako habang marahang pinipisil ang baso ng buko juice na hawak ko. "Patay kang bata ka..." pananakot niya sa akin kaya naman sinamaan ko siya ng tingin.

Habang naghihintay kami para sa susunod na klase ay kaagad na napatili si Charlie. Nagulat ako dahil duon kaya naman sinundan ko ang tinitingnan niya. Papalapit sa amin ay ang grupo nila Jan. Pawis ang mga ito, naka suot ng pangbasketball at nagtatawanan.

"Nagtry out siguro iyan para sa varsity" sabi ni Charlie kaya naman napanguso na lamang ako at nagiwas ng tingin sa kanila.

Kulang na lang ay maging hugis puso ang mga mata ng shuta! Hindi ko na sana papansinin hanggang sa maramdaman ko ang presensya ng mga ito sa aking likuran.

"Hi Tathi...Hi charlie" bati sa amin ni Jan, sa kanyang likuran ay ang mga kaibigan niyang patuloy sa pagkwekwentuhan.

Sandali kong nilingon si Jan at tsaka siya tipid na nginitian. Buong akala ko ay kagaya ng iba naming schoolmate ay iiwas din siya sa amin dahil sa naging issue.

"Kamusta ang pagiging first year college?" tanong niya sa amin. Hindi na ako nagabala pang sumagot dahil mas malugod na sinagot iyon ng aking matalik nakaibigan.

Sa gitna ng kanilang paguusap ay dumating ang grupo nila Maricris, malayo pa lang ay nakaplaster na sa kanyang mukha ang pandidiri sa amin. "Jan, bakit kayo nakikipagusap sa mga anak ng criminal?" bungad niya.

Sinamaan ko siya ng tingin pero hindi niya iyon napansin dahil nakatutok ang kanyang paningin kay Jan at sa mga kasama nito na para bang nagrerecruit siya ng mga kakampi.

"Tumigil ka nga Maricris" iritadong suway ni Jan sa kanya.

Kita ko ang pagkairta sa kanyang mukha tsaka siya bumaling sa akin. "Delikado ang lumapit sa kanila, hindi din sila dapat kinakaibigan..." laban ni Maricris. Dahil sa namumuong tensyon ay napahinto din sa pagkwekwentuhan ang mga kaibigan ni Jan at nakinig sa hinaing ni Maricris.

"Wala kang pakialam sa kung sino ang gusto kong kaibiganin" madiing sabi ni Jan. Napakagat labi ako, lalo na ng makita ko kung paano pumungay ang mga mata ni Charlie habang nakatingala kay Jan. Siraulo! Inaaway na kami dito pero parang lumilipad pa sa alapaap ang shuta!

Umirap si Maricris bago humalukipkip. "Dapat diyan, tinatapon palabas ng sta. maria. Nakakahiya sila...at ang tuition ng mga iyan! Paniguradong galing sa pagiging criminal ng mga tatay nila!" mahaba habang paliwanag niya. Naikuyom ko ang aking kamao hanggang sa hindi ko na napigilan ang sarili ko.

Ang natirirang buko sa baso ko ay kaagad kong isinaboy sa pagmumukha ni Maricris. "Hindi lang yan ang aabutin mo sa oras na hindi ka tumigil. Rinding rindi na ako sayo!" sigaw ko sa kanya at kaagad kinuha ang mga gamit ko sa lamesa.

"You bitch!" asik niya at tangkang susugurin ako ng mabilis na humarang si Jan sa kanya. Hindi ko na alam ang sumunod na nangyari, basta ay mabilis ba akong nagmartsa paalis duon.

Hindi ko sila masisisi, pero ang araw araw at paulit ulit na ipamukha sa aking anak ako ng isang criminal ay hindi ko na kaya. Kung ganuon naman pala ang tingin nila sa amin ay bakit lumalapit pa sila, hindi pa ba sapat na nakakulong na ang Papa namin at iniiwasan na kami ng lahat? Kailangan bang isampal iyon sa pagmumukha namin? Kailangan bang naglagay pa ako ng karatula sa noo ko? At sabihing Oo! Anak ako ng isang criminal, nanakit si Papa para sa pera.

"Tathi..." tawag ni Charlie sa akin. Marahas kong pinunasan ang luha sa gilid ng aking mga mata.

"Hinding hindi ko gagamitin ang pera na iyon para sa pagaaral ko. Hahanap ako ng ibang paraan para makapagbayad ng tuition" madiing sabi ko kay Charlie. Napatango tango siya.

"Yan din ang iniisip ko. Hindi ko din kayang galawin ang pera na iyon" pagsangayon niya sa akin. Nagtuloy tuloy ang pagtulo ng aking mga luha.

"Sana hindi na lang ito nangyari!" pumiyok na sabi ko. Sobrang bigat sa dibdib, gustuhin ko mang magpakatatag at maging matapang ay hindi ko magawa. Kahit ilang beses kong sabihin sa sarili ko na hindi ako isang criminal dahil iba si Papa at iba ako ay hindi ko magawa, simula ng mangyari iyon ay halos nakaukit na din iyon sa aking balat.

Unang linggo pa lang ay madami na kaagad requirements na kailangang naming ipasa. Panay tuloy ang punta namin ni Charlie sa computer shop. Kung minsan ay duon ako dumidiretso pagkagaling ko sa malolos matapos kong makipagkita kay Senyorito baby sa robinsons. Hindi din nama kami nagtatagal duon, matapos kumain ay ihahatid niya ako sa may bocaue. Pagkababa duon ay sasakay ako ng jeep diretso paSta. Maria.

"Oh, hindi ka naman sasabay?" tanong ni Charlie.

Umiling ako. Alas tres ng hapon at magkikita muli kami ni Senyorito baby sa may robinsons pero bago duon ay may kailangan muna siyang asikasuhin sa may malolos capitol. Tumikhim si Charlie.

"Text mo ako pagpauwi ka na, magkita na lang ulit tayo sa computer shop" sabi niya sa akin kaya naman napanguso ako.

"Siguro kung uuwi na din ako ngayon, pwede na tayong dumiretso sa compu..."

"Shhh. Paguwi mo na!" asik niya sa akin maya naman napatawa ako. Mas gusto niya kasing sa gabi kami nagtutungo sa computer shop.

Sumakay ako ng tricycle patungo sa malolos capitol. Hinanap ko kung saan nakapark ang sasakyan ni Senyorito baby. Kanina pa siya nandito kaya naman siguradong tapos na din siya sa kung ano ang gagawin niya.

Mas naging mabilis ang lakad ko ng matamaan ko ang kulay itim niyang jeep wrangler. Sa tabi nito ay ang isang kulay itim na sports car. Sa harap nuon ay may nakalagay na Volvo.

Unti unting napawi ang ngiti ko ng matamaan ko si Senyorito baby na may may kausap na may edad na lalaki. Kahawig niya ito, katulad niya at matikas din ang katawan at gwapo kahit may edad na. Siya ang nakaharap sa aking gawi, nakatalikod si Senyorito baby sa akin, halatang seryoso ang kanilang pinaguusapan hanggang sa lumipat ang tingin sa akin nung lalaki. Isang tapik niya lang kay Senyorito baby ay kaagad na itong lumingon sa akin.

"Mauuna na ako. Magingat ka pabalik ng manila" paalam nung lalaki. Sandali pa niya akong tiningnan, tipid siyang tumango sa akin bago siya pumasok sa kanyang sports car.

Huminto ako sa tabi ni Senyorito baby habang pinapanuod namin ang pagalis ng sasakyan. Isang beses pa itong bumusina bago tuluyang umalis. "That's my tito Axus" sabi niya sa akin, tipid akong ngumiti bago tumango.

"Let's go" yaya niya sa akin at pinagbuksan pa ako ng pintuan papasok sa kanyang sasakyan.

Napanguso ako habang pinapanuod ko siyang umikot pasakay sa may driver seat. Nakita ko na iyon sa tv, mas lalo akong na start struck ng makita ko siya sa personal. Sayang at hindi man lang ako nakapagpakilala...pero iniisip ko ding hindi ito ang tamang panahon na makipagkilala sa kanila. Lalo na't anak ako ng nanakit sa kanilang pamilya.

Tahimik kami ni Senyorito baby sa byahe patungo sa robinsons. Gusto ko tuloy itanong sa kanya kung alam ng pamilya niyang nakikipagkita siya sa akin, ano na lang ang sasabihin nila? Kung ganuon, Marahil ay hindi nila alam?

Pumasok kami sa may greenwich. Sa halos araw araw na punta namin dito ay halos makainan na namin ang lahat ng pwedeng makainan dito. Matapos niyang umorder ay nagsimula na kaming kumain.

"Tungkol sa kaso po ang inayos niyo sa capitol?" tanong ko sa kanya. Napainom siya sa kanyang tubig at tsaka tumango sa akin.

Napadila ako sa aking pangibabang labi, hindi ko alam kung bakit bigla bigla na lang akong kinabahan. Kaya naman sa mga sumunod na minuto ay mas pinili ko na lamang hindi magsalita at kumain ng tahimik.

"Nakadalaw ka na sa presinto? Nakausap mo na ang Papa mo?" tanong niya sa akin. Nagulat ako, dahil sa tanong na iyon ay halos mahirapan akong lunukin ang pagkain sa aking bibig.

Umiling ako bago bayolenteng nilunok ang pagkain. "Ayaw po akong padalawin nina Mama duon. Tsaka may pasok na kaya...walang oras" medyo naiilang na sagot ko.

Sa ilang beses naming pagkikita ay ngayon lamang naming mapaguusapan ang tungkol sa kaso, karaniwan kasi ay tungkol sa school at sa trabaho niya ang topic namin. Baka nanibago lang siguro ako? Wala namang masama, hindi ba?

Nagigting ang panga niya at nagiwas ng tingin. "They like that land so much...ano ba ang balak gawin ng Papa mo sana duon?" tanong niya sa akin.

"Uhmm..." nawalan ako ng sasabihin. Parang biglang hindi ko na alam kung paano magkwento sa kanya.

Bumagsak ang tingin ko sa pagkain sa aking harapan. "Gusto po iyong bilhin ni Papa para patayuan ng negosyo, hindi naman po ang buong lupa...yung kapiraso lang nuon kagaya nung mga tindahan na nakahilera sa may sta. clara" sabi ko. Kahit hindi nakatingin sa kanya ay ramdam ko ang titig niya sa akin.

Tumikhim siya. "Hey..." marahang tawag niya sa akin ng mapansin niyang hindi pa din umaangat ang tingin ko sa kanya.

"Baby, are you not comfortble with that? I'm sorry..." marahang sabi niya sa akin. Napanguso ako at kaagad na umiling.

"Wala problema sa akin" pagsisinungaling ko. Kahit ang totoo ay katakot takot na kaba na ang nararamdaman ko. Pakiramdam ko, sa mga oras na nagsasalita siya ay hindi siya si Senyorito baby. Pakiramdam ko ibang tao siya, o masyado lang akong guilty at paranoid? Hindi ko alam.

Hindi na ulit siya nagtanong tungkol duon. Sumasagot ako sa kanya sa tuwing may itinatanong siya sa akin, maayos akong nakakasagot sa kanya basta ay hindi iyon tungkol sa kay Papa.

"I have something for you..." sabi niya sa akin. Nanlaki ang aking mga mata ng makita ko ang isang kulay puting paper bag na may apple sa gitna. Malaki iyon, hindi kaagad ako nakapagreact.

"Ano po ito?" naguguluhang tanong ko.

"A laptop. Para hindi ka na pumunta sa computer shop. Ayokong pumupunta ka duon" seryosong sabi niya sa akin kaya naman halos malaglag ang panga ko.

"Mahal po ito, hindi ko matatanggap" giit ko. Mariin siyang umiling.

"You need that, kailangan mo yan sa pagaaral Tathi"

Napakagat ako sa aking pangibabang labi. Hindi ko ata kayang tanggapin iyon. That was too much. "Pero senyorito..."

"Cairo. Tathriana...call me Cairo" pagtatama niya sa akin.

Lutang ako ng umuwi sa aming bahay. Wala akong nagawa kundi ang bitbitin pauwi sa aming bahay ang paper bag ba may lamang laptop. Ayoko sananang tanggapin iyon pero nagpumilit si Cairo.

Bumalik ako sa wisyo ng tumambad si Kuya Jasper sa aking harapan. Nakakunot ang kanyang noo at kaagad bumagsak ang kanyang paningin sa hawak kong paper bag. "Saan nanggaling iyan?" mariing tanong niya.

"Bigay..."

"At sinong gago ang..." hindi niya na naituloy ang tanong niya ng manlaki ang kanyang mga mata. Hinarap niya ako, kaagad kong nakita ang galit sa kanyang mga mata.

"Tathriana, nakikipagkita ka sa Herrer na iyon?" asik niya sa akin.

Bayolente akong napalunok. "Gagamitin ka lang nuon laban sa Papa mo!" asik niya sa akin. Gigil na gigil.

Marahan akong umiling. "Hindi po..."

Hinawakan niya ako sa magkabilang balikat. Halod alugin niya ako para lang magising. "Kalaban natin iyon! Kalaban iyon!"

Nanghina ako. Ni kahit isang salita ay wala ng gustong lumabas sa aking bibig. "Masasktan ka lang. Sasaktan ka lang nuon. Tathi!" marahan na ngayong sabi niya sa akin na para bang napagod na din siyang pangaralan ako.

Nanatili ang tingin ko sa sahig. Hindi ko na alam, naghalo halo na ang nasa isip ko maging ang nararamdaman ko. Pagod na ako, at gulong gulo na.

"Natatakot ako..." sumbong ko kay Kuya Jasper. Nanatili ang titig niya sa akin. Unti unting tumulo ang luha sa aking mga mata.

"Natatakot akong gagamitin niya lang ako laban kay Papa...natatakot akong hayaan siya" pagamin ko. Napasinghap si Kuya Jasper.

"Tathriana!" mariing tawag niya sa akin.

"Hahayaan ko na lang..." pumiyok na sabi ko sabay hagulgol.

Naramdaman ko ang yakao ni Kuya sa akin. "Makabayad man lang sa nagawa natin sa kanila. Hayaan na lang..." pagsuko ko.

"Ang sabihin mo, mahal mo na iyon. Tathriana bata ka pa! Mawawala din yan. Mabilis mawala ang batang pagibig...wag kang magpapaubos!" pangaral niya sa akin. Pero buo na ang desisyon ko.

























(Maria_CarCat)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro