Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 25

Target









Iyak ako ng iyak habang nasa loob ng bus. Wala na akong pakialam kung pinagtitinginan ako ng ibang pasahero, basta gusto ko lang ilabas ang bigat ng dibdib ko. Sobrang lungkot, para akong malalagutan ng hininga dahil sa sobrang lungkot.

Bayolente akong napalunok ng lumapit sa akin ang konduktor para kuhanin ang bayad ko. Kaagad akong kumuha ng pera at sinabi sa kanya kung saan ako baba. Habang nagbibigay ng ticket ay nakatingin pa din siya sa akin. Hindi ko siya pinansin, nanatili ang mga mata ko sa may bintana. Ito namang si manong! Chismoso pa ata!

Mas lalo akong napaiyak ng sandaling huminto ang bus sa may kanto papunta sa mansyon dahil may bumabang pasahero. Mula sa main road ay kita ang magarang bubong ng mansyon dahil sa laki nito. Nanginig ang labi ko, bukas pagpasok ko duon ay wala ng senyorito baby. Wala na siya at sobrang lungkot nuon.

Pinunasan ko ang mga luha sa aking pisngi ng maramdaman ko ang pagvibrate ng aking cellphone. Napakagat labi ako para pigilan ang paghikbi ng makita kong kay Senyorito baby galing ang message na iyon.

Senyorito baby:

Hindi din madali para sa akin ito. But we need this. I promise you, babalik ako.

Mas lalong kumirot ang dibdib ko. Ilang oras pa lang kaming nagkakahiwalay ay miss na miss ko na kaagad siya. Pakiramdam ko hindi na magiging normal pa ang lahat para sa akin sa mga susunod na araw. Sa maikling panahon na nandito siya sa bulacan ay nasanay na ako sa presencya niya.

Ako:

Maghihintay po ako. Promise!

Paninigurado ko sa kanya. Nakailang buntong hininga ako para lang pakalmahin ang sarili ko. Maging matapang ka Tathi! Tatagan mo ang loob mo, ihanda mo ang sarili mo, para sa oras na magkita kayo ulit ni Senyorito baby, hindi ka na bata.

Senyorito baby:

Wag ka ng umiyak.

Mapait akong ngumiti sa mensaheng iyon. Kahit gustuhin ko mang hindi umiyak ay kusang tumutulo ang luha ko para sa kanya. Masyado akong naattach, ito ang unang beses na naramdaman ko ito kaya naman hindi ko tuloy alam kung paano ako magrereact para ihandle ito.

Ako:

Opo, hindi na po ako iiyak.

Senyorito baby:

Good girl.

"Para po!" sigaw ko ng makita kong muntik na akong lumagpas sa kanto papasok sa bahay namin. Napakamot si Manong konduktor sa kanyang ulo dahil sa biglaan kong pagsigaw. Napanguso ba lamang ako at nagmadaling bumaba sa bus.

Bagsak ang magkabilang balikat ko habang naglalakad pauwi sa aming bahay. Sumisinghot singhot pa ako, takot na mapansin ni Mama ang aking pagiyak. Pero siguradong mapapansin niya dahil sa pamamaga ng aking mga mata. Hindi ko tuloy alam kung anong isasagot ko sa oras na magtanong siya. Bahala na.

Kumunot ang noo ko at sandaling napahinto sa paglalakad ng mapansin ko ang pamilyar na sasakyan mula sa mansyon. Sino kaya ito? Bisita namin?

Patakbo akong umuwi sa aming bahay. "Mama!" sigaw na tawag ko sa kanya pagkapasok ko sa main door. Nagulat ako ng makita ko si Senyorita Lumi sa aming sala. Nakaupo ito kaharap sina Mama at Papa. Nabigla din ako sa biglaang paguwi ni Papa.

Napaawang ang bibig ko ng makita ko ang pagkakangisi ni Senyorita Lumi habang nakatingin sa akin, bumaba ang tingin ko sa nakalapag niyang cellphone sa aming center table. Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Hanggang sa lumipat ang tingin ko kina Mama at Papa. Blanko ang ekspresyon ni Papa habang nakatingin sa akin, pero si Mama kitang kita ko ang galit sa kanyang mga mata.

"Nandito po ako dahil nagaalala ako para kay Tathi" pekeng sabi ni Senyorita.

"Ba...bakit po? Ano pong meron?" tanong ko sa kanila.

"Tathriana!" galit na sigaw ni Mama sa akin kaya naman napaiktad ako. Hindi na ako nakagalaw pa ng mabilis siyang tumayo at sumugod sa akin.

Halos mabingi ako dahil sa lakas ng pagkakasampal niya sa akin. "Lourdes!" sigaw na suway ni Papa sa kanya. Lumapit na din ito para pigilan si Mama.

Hinaklit ni Mama ang braso ko. "Anong ginawa mo ha!? Anong ginawa mo!?" galit na galit na sigaw niya sa akin. Hanggang sa nakita ko na lamang ang kanyang pagluha.

"Hindi kita pinalaking ganyan! Saan kami nagkulang sayo? Bakit pumatol ka sa matanda!?" umiiyak na sigaw niya sa akin. Halos lumuwa ang mata ko dahil sa gulat, nagsimula na ding manlabo ang aking mga mata dahil sa mga luha.

Nagpabalik balik ang tingin ko sa kanilang dalawa ni Papa. "Mabuti po'y aalis na ako. Wag po kayong magalala...hindi po ito makakalabas, malaking eskandalo po ito kaya naman hindi papayag si Daddy na lumabas ito. Lalo na't sa bahay pa namin nangyari" paalam at paliwanag ni Senyorita Lumi.

Napatingin ako sa kanya. Tumaas ang isang sulok ng labi niya at tsaka bahagyang tumaas ang kanyang kilay na para bang natutuwa siya sa sinasapit ko ngayon.

Yumuko si Papa sa kanya. "Salamat senyorita. Humihingi kami ng paumanhin sa inyo lalo na kay Governor" pagpapakumbaba ni Papa. Napaawang ang labi ko, gusto ko sanang magsalita ngunit walang lumabas sa aking bibig.

Nang tuluyang makalabas si Senyorita at napadaing ako ng hilahin ni Mama ang manggas ng damit ko. Niyugyog niya ako gamit iyon. Halos mapunit ang tshit na suot ko dahil sa panggigigil niya.

"Bakit Tathi!? Bakit!?" sigaw na tanong niya sa akin. Umiiyak akong umiling.

"Wala po kaming ginagawang masama. Mabuting tao po si Senyorito. Ako po ang may kasalanan!" pagako ko.

Mas lalong tumigas ang mukha ni Mama. Napahagulgol ako kasabay ng paghawak ko sa aking pisngi ng muling lumipad ang palad niya sa aking pisngi. Halos mamanhid iyon dahil sa sakit at lakas ng pagkakasampal niya.

"Ako po ang may kasalanan. Ako po..." paulit ulit na sabi ko habang umiiyak.

Mas lalong nagwala si Mama. Hindi na niya napigilan pa ang sarili na hatawin ako ng hampas at ilan pang sampal. "Tama na iyan Lourdes, tama na..." madiing suway ni Papa sa kanya. Hindi ako nanlaban, hinayaan ko lamang siyang saktan ako.

"Diyos ko! Theodore ang anak mo!" sigaw ni Mama at nanghihina siyang umupo sa kaharap kong upuan. Halos habulin niya ang hininga dahil sa pagod at galit. Napahawak siya sa kanyang dibdib kaya naman mas lalong bumigat ang dibdib ko. Kasalanan kong lahat ito.

Napatingin kaming tatlo sa pagdating ng humahangos na si Kuya Jasper. "Anong nangyayari dito?" gulat na tanong niya. Hinihingal din siya, marahil galing siya sa pagtakbo. Walang pumansin sa kanya, napatingin ako kay Papa ng tumikhim ito. Nakatayo siya ngayon sa gitna ng aming sala, nakapamewang.

"Bakit kay Tathi ang lahat ng sisi? Mas may isip ang lalaking iyon, siya dapat ang lumayo sa anak natin!" madiin at galit na sabi ni Papa.

Nakita ko ang pagkalaglag ng panga ni Kuya Jasper. Nagiwas ako ng tingin at muling hinarap si Papa. Nakapikit na ngayon si Mama na pilit pinapakalma anv kanyang sarili.

"Wala pong kasalanan si Senyorito dito. Ako po talaga...ako po ang nangulit sa kanya, ilang beses niya po akong sinuway" paliwanag ko kay Papa. Nanatili siyang nakatitig sa akin, hanggang sa marahan siyang umiling.

"May kasalanan pa din ang lalaking iyon. Nasa matinong pagiisip ba siya? Sa tingin mo? Para halikan ka?" mahinahon pero matigas na sabi ni Papa.

Bumagsak ang tingin ko sa sahig. "Gusto ko po siya, at may gusto siya sa akin. Hihintayin niya daw po ako pag pwede na..." hindi ko na naituloy pa ang paliwanag ko ng mapanuyang tumawa si Mama.

"At naniwala ka naman? Galing sa mayamang pamilya ang isang iyon. Malaki ang mundong ginagalawan niya. Tathi masyado ka pang bata para sa mga ganyan!" pangaral ni Mama na muling tumaas ang boses.

Muling tumulo ang luha ko. "Naniniwala po ako" laban ko. Naniniwala ako kay Senyorito baby, hihintayin ko siya. Hihintayin ko yung sinasabi niyang babalik siya para sa akin.

Napailing iling na lamang si Mama. Muling napatikhim si Papa. "Kakausapin ko si Governor bukas. Hindi pwedeng si Tathi lang ang may kasalanan dito. May kasalanan din ang lalaking iyon, porket ba mapera sila ay matatakasan na nila ito? Hindi ako papayag!" galit na sabi ni Papa.

Pinaakyat niya na ako sa aking kwarto. Ramdam ko ang galit ni Mama sa akin dahil sa hindi niya pagpansin, kita ko din ang pagaalala sa mga mata ni Kuya Jasper para sa akin. Nagiwas na lamang ako ng tingin sa kanila. Mas lalo lang bumibigat ang dibdib ko.

Napatitig ako sa screen ng aking cellphone ng makita ko ang kakapasok lang na message ni Senyorito baby.

Senyorito baby:

Nasa manila na ako. Can I call?

Nakita ko ang panginginig ng kamay ko habang nakahawak sa cellphone. Mas lalo kong naramdamang wala na siya, na sobrang layo niya na sa akin ngayon. Kailangan ko kaya siya ulit makikita? Makakausap? Hindi sapat ang text at tawag. Iba pa din pag nakakasama mo yung tao sa personal. Miss na miss ko na siya.

Ako:

Maghahanda lang po muna ako.

Reply ko at kaagad binitawan ang aking cellphone para maligo at makapagbihis ng pantulog. Nang matapos ko ang lahat ng iyon ay muli akong nagsend ng reply sa kanya na pwede na siyang tumawag. Ilang sandali pa lang pagkasend ko nuon ay nakita ko na kaagad ang pangalan niya sa aking screen.

"Hello po..." pagbati ko. Pinakinggan kong mabuti ang tunog mula sa kabilang linya, dinig ko ang mabibigat niyang paghinga.

"Hi" paos na sambit niya. Muling uminit ang gilid ng aking mga mata.

"Nakauwi na po kayo sa bahay niyo?" panguusisa ko. Ayokong iparamdam sa kanya na hindi ako ok. Kailangang iparamdam ko sa kanya na normal lang ang lahat dito.

"Yeah. Nandito na" sagot niya sa akin. Ilang minuto naming pinakinggan ang paghinga naming dalawa. Hanggang siya na ang bumasag sa katahimikan.

"I miss you..."

Halos mapasinghap ako sa lambing ng kanyang pagkakasabi. Gusto ko tuloy ulit umiyak kahit sobrang hapdi na ng mata ko dahil duon.

"I miss you too po. Wala ka na po bukas sa mansyon" malungkot na sabi ko. Narinig ko ang mahina niyang pagngisi.

"Isang linggo ka na lang duon, hindi ba? Next week na ang start ng klase mo" tanong niya sa akin. Napatango tango ako kahit hindi naman niya iyon nakikita.

"Opo, isang linggo na lang. Pero malungkot pa din po. Sanay akong nasa garden kayo sa tuwing nagtratrabaho ako" kwento ko sa kanya. Narinig ko ang pagtikhim niya mula sa kabilang linya.

"We can video call. Habang nag tratrabaho ka, habang nagtratrabaho din ako" suwestyon niya sa akin. Muli akong napatango.

"Pero, baka po busy kayo. Wag na po..." pagtanggi ko. Kahit ang totoo ay gusto ko iyong naisip niya.

"Kailan ako naging busy pagdating sayo?" tanong niya sa akin. Napanguso ako.

"Lagi ka naman pong busy eh" laban ko. I heard him chuckle a bit.

"Akala mo lang iyon..." ramdam ko ang pagngisi niya ng sabihin iyon.

Nagusap kami ni Senyorito baby hanggang sa antukin na ako. Napabuntong hininga ako ng ibaba ko ang tawag, napatitig ako sa  kisame. Duon ko lang naramdaman ang sakit ng aking katawan, ang sampal ni Mama at ang mga paghampas niya sa akin kanina.

Maaga akong gumising kinaumagahan para pumasok sa mansyon. Kahit tamad na tamad akong bumagon ay ginawa ko pa din. Tahimik akong bumaba sa may dinning. Nakaupo na duon sina Papa at Kuya Jasper samantalang si Mama naman ang nagpabalik balik sa kusina para ilapag ang mga pagkain sa lamesa.

Nakatuon ang tingin nilang dalawa sa akin. Hindi naman ako nagawang tapunan ng tingin ni Mama. Galit pa din siya sa akin.

"Halika na dito at nang makakain na" tawag sa akin ni Papa kaya naman kaagad akong lumapit sa hapag at umupo sa aking upuan. Naramdam ako ng hiya, ganito pala yung feeling na nalaman ng mga magulang mong nakipaghalikan ka. Parang gusto ko na lang magpakain sa lupa.

Tahimik kami habang kumakain hanggang sa nagsalita si Mama. Nanatili ang tingin niya sa kanyang plato kahit para sa akin naman yung sinasabi niya. "Huling araw mo na ito sa mansyon. Tapusin mo ang natitirang trabaho mo at magpaalam ka ng maayos kina Manang bobby" seryosong sabi ni Mama. Napatango na lamang ako.

Matapos kumain ay umalis na din ako. Nasa aking cellphone ang atensyon ko habang naglalakad sa main road kung saan sa gilid nito ay makikita ang malawak na bukurin.

Ako:

Good morning po, Senyorito

Nangangat ako ng tingin matapos kong isend iyon kay Senyorito baby. "Taho..." sigaw ni manong. Kumirot ang dibdib ko, bakit kaya maging sa taho eh siya ang naiisip ko. Hindi ko tuloy mapigilang lumingon sa aking likuran. Umaasang makita siyang tumatakbo papalapit sa akin galing sa pagjojogging niya. Pero wala. Walang senyorito baby, wala na siya dito sa bulacan.

"Oh. Ang lungkot mo ata ngayon?" puna ni Manong guard sa akin.

"Puyat lang po" sagot ko. Napangisi siya.

"Halata nga, ang laki ng eyebags mo" pangaasar niya sa akin kaya naman napanguso ako.

Pumasok na ako, malungkot akong napabaling sa may garahe. Wala na duon ang itim na jeep wrangler ni Senyorito baby. Mas lalong lumaki tingnan ang garahe dahil sa pagkawala nito. Hays, buti ba lang last day ko na ngayon. Baka kung tumagal pa ako ng isang linggo dito ay mabaliw lang ako.

"Oh Tathi" bati sa akin ni Manang bobby. Ramdam ko ang lungkot sa kanyang boses.

"Sinabi sa akin ng Mama mo na huling araw mo na dito ngayon. Ang lungkot naman, kakaalis lang ni Senyorito Cairo tapos ikaw naman ngayon" pagdradrama ni manang bobby. Parang gusto ko na lang siyang yayain na magiyakan. Magdamayan dahil sa nararamdaman naming lungkot.

Hindi kagaya ng nakagawian ay hindi na ako dumaan sa mah kitchen. Baka maiyak lang ako pag nakita ko ang coffee maker, baka umasa lang akong nanduon siya at nagtitimpla ng kape. Ni hindi ko na nga din tiningnan yung lamesang palagi niyang ginagamit sa may garden. Nagtuloy tuloy lang ako duon sa mga halaman.

Inabala ko ang sarili ko duon. Hanggang sa hindi sinasadyang napatingin ako sa malayong duyan. Ilang beses akong napahugot ng malalim na paghinga para lang tanggalin ang bigat sa aking dibdib. Ang lungkot lungkot naman dito.

"Sa susunod na bakasyon. O kaya naman sa tuwing may libre kang oras. Dalawin mo kami" sabi ni Manang bobby sa akin habang kumakain kami ng tanghalian sa may kitchen. Nginitian ko siya at tipid na tinangaun. Napatitig ako sa coffee maker, hanggang sa lumipat ang tingin ko sa may dinning table na bakante na ngayon. Walang senyorito baby.

"Maagang umalis si Senyorita Lumi kanina. Madilim pa lang..." rinig kong kwento ng isa sa mga kasambahay.

"Naku. Nakita ko ding umalis si Engr. Crystal kanina. Luluwas daw ng manila. Baka susundan si Senyorito!" kinikilig na sabi ng isa. Kumunot ang noo ko.

"Shh. Ano ba yan, tigilan niyo iyan" galit na suway ni Manang bobby sa kanila. Nagulat ako ng nakatingin siya sa akin, kita ko ang pagaalala sa kanyang mukha. May alam ba si Manang?

Hindi ko namalayan ang oras. Nang pumatak ang orasan sa ala singko ay nagpaalam na ako sa kanila. Kita ko ang kalungkutan sa kanilang mga mukha. Ilang beses kong pinasadahan ng tingin ang garden, kitchen at ang loob ng mansyon. Hindi ko alam kung kailan ulit ako makakapasok dito. Dito sa lugar ba ito, nakilala ko si Sentorito baby. Mananatiling espesyal ang lugar na ito para sa akin.

Mariin akong napapikit pagkalabas ko ng mansyon. Kailangang ipagpatuloy ang buhay. Kung gusto kong dumating ang oras na magkita kami ulit at pwede na ang lahat, hindi dapat ako nagpapakulong sa nakaraan. Hindi ako makakausad kung palagi lang akong magpapakain sa lungkot.

"Ok na din iyon. Para naman may pahinga ka, bago tayo magpasukan" sabi ni Charlie sa akin ng magkita kami sa may court. Nakatayo kami at busy sa pagtutusok ng fishball. Napatango tango ako.

"Kaya nga..." sabi ko na lamang.

Hindi masyadong nagtetext si Senyorito baby ngayon. Pero nagtext siya kaninang umaga, nung tanghali at nung hapon bago ako umalis sa mansyon. Maraming trabaho daw ang sumalubong sa kanya sa companya nila dahil sa matagal siyang nawala at nabakasyon.

Naglako ako ng chicharon kasama si Charlie ng mga sumunod na araw. Sinasamahan din niya ako sa tuwing inuutusan ako ni Mama na magdeliver sa mga tindahan.

"Exercise na din ito" nakangising sabi bi Charlie sa akin habang naglalakad kami patungo sa isang tindahan na babagsakan namin ng dalawang supot ng chicharon na may lamang singkwenta na plastick ng maliit na chicharon sa isang plastick bag.

Nginitian ko lamang siya at tinanguan. Hindi pa din ako gaanong pinapansin ni Mama. Kinakausap niya lang ako sa tuwing may itatanong siya sa akin o kung may iuutos siya.


Matapos ang pagdedeliver namin ni Charlie ay napagpasyahan naming umupo na muna sa may burol kung saan palagi kaming tumatambay. Ilang mga bata din ang naglalaro sa may malawak na halamanan, ang iba ay nagpapalipad pa ng saranggola. Tahimik kaming kumakain ng turon ng tumunog ang cellphone ko.


Makahulugan niya akong tiningnan ng makita din niya kung sino ang tumatawag sa akin. Si Senyorito baby iyon.


"Hello po..." pagbati ko.


"Hi. Anong ginagawa mo ngayon?" tanong niya. Napanguso ako, nakakamiss ang boses niya. Pero mas nakakamiss kung nasa harapan ko siya ngayon.


"Kumakain po ng turon, nakatambay" sagot ko. Narinig ko ang mahinang pagtawa niya sa kabilang linya.


"Uh huh. Wag kang magpapagabi sa daan. Nandyan si Dad ngayon sa sta. clara. Susubukan kong tapusin lahat ng trabaho ko ngayon, para makasama ako bukas" kwento niya sa akin kaya naman nanlaki ang aking mga mata.


"Talaga po?" excited na tanong ko sa kanya. Hanggang sa naalala kong hindi ako pwedeng makipagkita sa kanya. Mas lalo lang lala ang lahat pag ginawa ko iyon.


Sandali lang din kaming nagusap ni Senyorito baby, lalo na't hanggang ngayon ay nasa opisina pa niya siya para magtrabaho. Naimagine ko tuloy siyang nakasuot ng itim na coat and tie tapos ay nakaupo sa malaking office table. Ang gwapo! Ano kayang itsura ng opisina niya?


Maaga akong gumising kinaumagahan para tumulong kay Mama sa pagbabalot ng chicharon. Medyo lumakas ang benta namin ngayon, balita ko kasi ay may malaking problema ang mga Serrano ngayon sa manufacturing company nila kaya naman maging ang chicharon bussiness nila ay apektado din.


Maagang umalis si Papa kasama ang papa ni charlie at ilan pang mga kasama nila. Nagtaka pa ako ng maabutan ko sila ni Mama na seryosong naguusap. May inabot na makapal na sobre si Papa kay Mama
Nagkainitan pa sila ng pilit tinatanggihan iyon ni Mama pero nagpumilit din si Papa.


Muli akong sinamahan ni Charlie, pakiramdam ko ang kaya niya ako sinasamahan dahil may crush siya sa isa sa mga pinagdedeliveran namin. Siraulo talaga.


"Sabay na tayong mamili ng gamit ha!" paalala niya sa akin kaya naman tinguan ko siya. Sinabihan na din ako ni Papa kanina tungkol duon bago siya umalis kanina na wag na daw akong magalala at may pera na pambili ko ng gamit.


Senyorito baby:

Byahe ba kami papunta diyan. Susubukan kong puntahan ka.


Nanigas ako sa aking kinatatayuan ng mabasa ko iyon. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa kanya na hindi na pwedeng magkita kami. Baka mamaya ay may makakita sa akin duon at isumbong ako kina Mama at Papa. Hindi na muna ako sumagot, magiisip na muna ako ng pwede kong ipalusot, kaya naman inabala ko na muna ang sarili ko. Hindi ko maiwasang matuwa habang naiisip na malapit lang ulit siya sa akin.

Normal naman sana ang lahat para sa araw na iyon hanggang sa magulat kami ni Charlie ng sumalubong sa amin ang kanyang Mama. Kasama ang ilan naming kapit bahay.


"Ano pong nangyayari?" tanong ni Charlie sa Mama niya. Humahangos silang lahat, hanggang sa natanaw ko ang paparating na lumang pick up namin na minamaneho ni Kuya jasper, sa front seat at si Mama.


"Ang mga ama niyo! Dinampot ng pulis!" galit at naiiyak na sabi nito sa amin. Nagulat din ako.


"Bakit po?" natatarantang tanong ni Charlie.


"Suspek sila sa pagkakabaril nung mga Herrer. Marami ding nadamay!" sagot ng mama niya na mas lalong nagpabato sa akin.


"Parehong may tama yung mag ama. Pero kritikal yung Alec Herrer!"


"Eh si Senyorito po? Yung anak?" nanghihinang tanong ko.


"May tama din! Iyon ang target, humarang lang yung tatay" halos manlamig ako. Hindi ko alam kung paano ako makakabalik sa aking sarili.





















(Maria_CarCat)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro