Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 9

Inihatid ako ni Fabian sa bahay. Kaagad din naman siyang lumarga paalis. Tinanaw ko ang papalayong kotse nito hanggang sa tuluyan iyong mawala sa paningin ko. Ang kaninang ngiti ko ay unti-unting napawi.

Ngayon na nasa bahay na ulit ako ay nanumbalik sa puso ko iyong bigat. Iba iyong pakiramdam ko sa reyalisasyong bumalik ako rito sa bahay. May halong takot, pangamba, naroon din iyong pag-aasam.

Kaya siguro ni minsan ay hindi ko inisip na maglayas noon, kasi nasa puso ko pa rin iyong pag-asang darating ang isang araw na mamahalin din nila ako. Alam ko naman na lahat ay may hangganan. Sigurado ako na makakamit ko rin ang bagay na iyon.

Hindi man ngayon, malay natin at bukas pala. Minsan ay nakakapagod, hindi mo alam kung hanggang kailan ka maghihintay. Pero sa lagay ko na sila lang iyong mayroon ako, sila lang ang alam kong malalapitan ko kaya patuloy akong kumakapit.

Kahit papaano rin ay laking pasasalamat ko iyong mayroon akong natutuluyan. Nabibigyan pa rin naman ako ng pagkain, may sariling kwarto rin. Sa madaling salita, sa loob ng bahay na ito ay may sarili akong mundo— iyon ang basement.

Napapagalitan lang naman ako kapag lumalabas ako. Napaparusahan kapag may nagagawang mali. O minsan din ay wala lang magawa at ako ang pinagtitripan nila, pero lahat iyon ay tiniis ko. Kung gaanon nila ako mahalin, okay lang.

Nakagat ko ang pang-ibabang labi. Mayamaya nang pumasok din ako sa loob ng bahay. Tangkang dederetso sana ako sa basement, huli ko na rin naalala na nasa taas na nga pala ang kwarto ko.

Bumalik ako at nagmamadaling umakyat. Nagkulong lang ako sa kwarto sa buong maghapon. Hindi ko nasilayan sina Mommy at Daddy kanina, paano ay busy din sila sa kani-kanilang business.

Itinulog ko ang natitirang oras sa hapong iyon. Nang mag-ala sais ay nagsimula na akong mag-ayos. Matapos maligo ay pumasok ako sa malaking walk-in closets ni Ava. Mas malaki pa yata ito sa kabuuang kwarto ko na naroon sa basement.

Pinasadahan ko ng kamay ang mga nakasabit na dress doon. Nakakamangha at para akong nasa loob ng isang fairytale. Lahat ay kumikinang sa paningin ko, lahat ay magarbo at mamahalin.

Habang inisa-isa ko iyong tingnan ay naghahanap na rin ako ng pwedeng maisuot para mamaya sa girls night out na sinasabi ni Frankie. Sa totoo lang ay ayoko naman talagang sumama, pero tama iyong sinabi ni Fabian, para makilala ko rin sila.

At oo, para magkaroon din ako ng experience sa ganoong klase ng lugar.

Kinuha ko ang isang napiling dress. Wala rin akong pagpipilian dahil walang pantalon na nakatago si Ava. Gusto ko sanang suotin iyong nakita kong trouser, kaya lang ay naisip ko na hindi ganoon ang pormahan ni Ava pagdating sa ganitong bagay.

Inilapat ko iyong dress sa katawan ko. Ito na iyong pinakahaba sa lahat ng dress na naroon. Ang iba ay literal ng gown. Umabot ang dress sa gitna ng hita ko. Sa liit nito ay mukhang hapit ito sa katawan ko.

Bumuntong hininga ako. Ilang sandali nang dahan-dahan ko iyong isuot. Sa kulay nitong baby pink ay umangat ang kulay ko. Hindi naman ako sobrang itim, hindi rin morena kung maituturing.

Maputi pa rin naman, hindi nga lang sobrang kinis at lambot katulad ng balat ni Ava. Parang boring gano'n, walang buhay. Napanguso ako at inikot ang katawan sa salamin. Tama nga ako na humahapit ang tela nito sa kurbang mayroon ako.

Lantad din ang balikat at collarbone ko, ganoon pa man ay long sleeve ang naturang dress. Kumuha ako ng ilang palamuti kagaya ng kwintas at hikaw. Hindi ako maalam sa fashion-fashion, kaya pinipili ko lang din iyong ibabagay sa suot ko.

Tinerno ko ang dress sa isang pares ng silver strap sandals na may dalawang inches ng heels. Ilang bag naman ang idinikit ko sa katawan habang tinatanaw ang kabuuan sa sariling repleksyon.

Bandang huli ay napili ko iyong clutch bag, puno iyon ng silver glitter at maganda ang disenyo. Hindi nagtagal ay lumabas ako at naupo naman sa vanity mirror. Nasa harapan ko na iyong mga make up.

Inihanda ko na ito matapos ko ring mag-practice bago natulog kanina. Mayroon akong reference at iyon ay ang make up ni Ava na nasa front page ng isang kilalang magazine. Iyon ang ginaya ko.

Mahirap para sa katulad kong hindi maalam pagdating sa ganitong bagay. Nanginginig pa ang kamay at daliri ko sa bawat galaw na ginagawa ko. Minsan ay nakakailang ulit ako, lalo iyong parteng liquid eye liner.

Halos mabura ang mata ko. Ilang tissue ang nasayang. Kalaunan ay nagawa ko rin. Kamuntikan na akong sumuko. Pinakahuli ay ang lip gloss sa ibabaw ng kulay pula kong lipstick. Napanganga ako nang makita ang resulta sa salamin.

Overall, okay naman na. Pwede na sa first timer. Pwede nang pagtiyagaan.

Napaismid ako at tumayo na rin. Isang pasada ng mamahaling pabango sa buong katawan ay tuluyan akong lumabas ng kwarto. Mabagal pa ang paglalakad ko, natatakot na baka makita ako nina Mommy.

Nang makababa sa sala ay napahinga ako nang maluwang. Dere-deretso akong lumabas ng bahay ngunit hindi pa man din ako tuluyang nakakaalis ay nakarinig ako nang malakas na tikhim sa likod ko.

"Is that really you, Ada?" Nang lingunin ay bumungad sa paningin ko si Mommy.

Naroon siya sa hamba ng pintuan. Nakahilig ang katawan at ang mga mata ay mapanuring nakatingin sa akin. Panay ang hagod ng tingin niya sa katawan ko habang ang sulok ng labi ay nakataas.

Pagak siyang tumawa.

"So, mukhang feel na feel mo ang katauhan ni Ava my dear. How was it, Ada?"

Bumuka ang labi ko para magsalita, pero kaagad din natigil sa ere nang humakbang siya palapit sa akin. Natulala ako sa kaniya. Lalo noong hinawakan niya ang dulo ng buhok ko, anyong inaayos ngunit puno naman ng pang-uuyam ang itsura.

"Ang ganda mo pala talaga kapag ginagaya mo si Ava. Tingin mo nga kaya ay matatanggap ka ng mga tao dahil lang sa pagkakaalam nilang ikaw si Ava?" Pinagtaasan niya ako ng kilay, muli siyang natawa at nailing-iling. "Honestly, hindi ko gusto itong idea ni Fabian na kunin mo ang katauhan ni Ava, kasi hinding-hindi ko itataya ang pangalan ng anak ko sa katulad mo, Ada. Wala lang akong magawa dahil sa kasunduan namin ni Fabian."

Kasunduan... alam ko na iyon.

Kapalit nitong ginagawa ko, nitong pagpapakasal ko kay Fabian ay ang pagme-merge ng dalawang company. Ito ang bayad pansamantala at hindi ko alam kung kailan ito babawiin.

Hindi ako makapagsalita dahil wala rin naman akong masabi. Kahit kailan ay hindi ko pa nagawang sumagot kay Mommy, kahit iyong pagtatanggol lang sa sarili ko ay hindi ko rin magawa.

"Ava! Yuhooo!" Rinig naming dalawa ni Mommy mula sa kalayuan.

Nang balingan ay nakita namin si Frankie na naroon nakasakay sa isang sasakyan, kasama niya si Faith. Pareho silang kumakaway sa gawi namin. Sa back's seat naman ay nandoon din si Faye.

"Hi, Tita! Sa Vineyard lang kami!" sigaw ni Frankie na siyang nakaupo sa driver's seat.

Napangisi si Mommy. "All right. Please, do take care of my daughter, okay?"

"Yes, Tita! Makakaasa ka."

Napatitig ako sa mukha ni Mommy. Kahit pagpapanggap lang iyon ay naramdaman ko ang kirot sa puso ko, na imbes sakit ang maramdaman ko ay tila pagpupugay pa.

Nilingon ako ni Mommy, kapagkuwan ay ipinatong niya ang dalawang kamay sa magkabilaang balikat ko. May halong diin at panunuyo nang pisilin niya ako roon. Ngumiti siya, iyong hindi halatang plastik.

"Sulitin mo na ang mga araw mo, Ada— este, Ava Constanse. Sana maging masaya ka, hmm?" Mayamaya nang maging mapang-asar ang ngiti niya, lumapit siya sa tainga ko upang bumulong. "Sige na, umalis ka na. Sana ay hindi ka na bumalik pa rito."

Isang masayang ngiti ang ipinakita niya kina Frankie, Faith at Faye. Kumaway din siya sa mga ito. Animo'y hangin naman kung maglakad ako palapit sa kanila. Bumukas ang pinto sa back's seat at doon ako naupo.

"Ang swerte mo talaga sa Mommy mo, Ava. Grabeng pag-aalaga sa 'yo, todo suporta pa sa lahat ng ginagawa mo. Mahal na mahal ka. Si Mommy kasi ay may pinapaboran," anang Frankie na mukhang nagtatampo.

"Ganoon talaga kapag nag-iisang anak, lahat ay isusubo na lang. Swerte ka talaga, Ava," dugtong ni Faith na nasa passenger's seat.

Gusto ko silang tawanan, itama ang mga sinabi. Pero hindi ko magawa dahil natulala na lang ako sa kawalan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro