Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 8

Ada... hindi Ava.

Maliit akong napangiti. Gusto kong isipin na nagkamali lang siya ng bigkas, pero gusto ko ring paligayahin kahit saglit ang puso ko. Gusto ko na kahit sa maikling oras ay gumaan din ang pakiramdam ko, kahit na sa gabing lang iyon.

Kinaumagahan ay nagising akong wala na sa loob ng kwarto si Fabian. Tunay nga na sa pahabang sofa ito natulog kagabi habang ako ay naroon sa king size bed niya. Nakakahiya na ako pa talaga ang natulog dito gayong kwarto naman niya ito.

Pinilig ko ang ulo, kapagkuwan ay tumayo na rin. Minabuti kong ayusin ang buhok ko. Sinuklay ko lang iyon gamit ang mga daliri sa kamay. Hindi ako sanay na ganito ito kaikli, abot lang kasi hanggang gitna ng aking leeg.

Paalis na sana ako nang biglang bumukas ang isang pinto sa gilid. Iniluwa nito si Fabian, suot ang kulay itim niyang pants. Medyo basa pa ang buhok nito at tumutulo ang tubig mula sa kaniyang balikat, pababa sa nakalantad niyang dibdib.

Alam ko na matipuno na ang katawan ni Fabian kapag may damit siyang pang-itaas, pero ngayon na kitang-kita ko bawat guhit ng kaniyang abs, maging ang mga muscles niya sa braso ay literal na nakakatunaw.

Ramdam ko ang panginginig ng dalawang tuhod ko. Huli ko na ring na-realize na nakatitig din siya sa akin. Naabutan ko ang mapanuri niyang mga mata dahilan para bumagsak ang panga ko.

Mabilis pa sa kidlat na tumalikod ako. Kamuntikan pa akong madapa nang patakbo kong tinungo ang pinto kung hindi lang nahawakan ni Fabian ang tiyan ko. Naroon siya sa likod ko at nakaalalay sa akin.

Napasinghap ako sa naging posisyon namin. Kaagad akong umahon at saka pa siya nilingon sa pagitan ng leeg at balikat ko. Roon ay halos manuot sa ilong ko ang ginamit niyang mouthwash.

Naghahalo rin sa pang-amoy ko ang sabon at shampoo nito. Sa sobrang bango ay bigla akong nahiya. Kagigising ko lang, wala pa akong hilamos, o ni mumog. Kaya madali ko ring tinakpan ang aking bibig.

"Uuwi ka na?" senswal niyang bulong sa tainga ko na naging mitsa para magsitayuan ang balahibo sa batok ko.

Tumango-tango ako bilang pagsang-ayon, literal na ayaw magsalita. Hiyang-hiya ako sa sarili, hindi lang dahil sa alam kong amoy ko. Kung 'di pati sa katotohanang nag-iinit ang katawan ko sa hindi ko malamang dahilan.

"Ihahatid kita," dugtong ni Fabian. "Pero hindi ka ba muna kakain?"

Sinagot ko ng iling ang tanong niya. Ilang sandali nang bitawan din niya ako. Inayos niya ang tindig ko. Para akong nanlalambot na kagustuhan ko pang umupo muna saglit.

"Kumain na muna tayo," muli niyang anyaya ngunit todo iling ako.

"S—sa bahay na lang," sabi ko habang nananatiling nasa bibig ang kamay.

Pinagmasdan ako ni Fabian, ang mukha niya ay tila nalilito sa inaakto ko. Lalo akong lumayo sa kaniya. Mabibigat ang mga paa ko nang ihakbang ko iyon. Hinawakan ko ang seradura ng pinto sa kaniyang kwarto.

"Uuwi na ako."

"Teka, magbibihis lang ako!" Maagap na tumalikod si Fabian at naghanap ng damit niya sa kaniyang walk-in closets, animo'y natataranta pa.

Sa labas ko na siya hinintay. Nakatayo lang ako roon habang naglalakbay ang mga mata sa bawat paintings na nakasabit sa hallway bilang palamuti. Malalaki iyon at mukhang gawa ng isang magaling na artist.

Nilapitan ko ang isa sa pumukaw ng atensyon ko. Malaki ang frame nitong gawa sa kahoy, agaw pansin din dahil sa nilalaman nitong pinta na inukit gamit ang langis. Mula naman sa ibaba ay naroon ang tila pamagat nito at kung sino ang gumihit.

"An austere lady, by Fabian Ambrose Iverson," bulong ko sa hangin.

"An austere lady with no comforts or luxuries," boses galing sa likod ko, hindi ko namalayang nakalabas na pala si Fabian sa kaniyang kwarto.

Kasabay nang panlalaki ng mga ko sa gulat ay ang pagpulupot ng kamay ni Fabian sa baywang ko. Napakurap-kurap ako. Umawang ang labi ko. Hindi naman ako makapagsalita, bagkus ay natulala na lamang ako sa painting na nasa harap namin.

Imahe iyon ng isang babae na naroon sa gitna at animo'y naglalakad ang postura. Makikita ang yaman mula sa background nito dahil sa malaki, magara at eleganteng bahay, mansyon kung ituturing.

"And having an extremely plain and simple style," segunda ni Fabian.

Ngunit napakasimple lang ng damit at ayos ng babae sa painting. Bahagya siyang nakatagilid dahil tinatanaw nito ang bahay sa kaniyang likuran. Kaya kalahati lang ng mukha nito ang nakikita ko.

Ang kaniyang buhok ay umaalon dahil sa hangin. Kung titingnan at base sa interpretation ko, mukha siyang paalis mula sa mansyon— o hindi niya gusto na umalis ngunit iyon ang alam niyang tama.

Kung tutuusin, parang ako lang din.

"Ang ganda..." buntong hininga ko. "Hindi ko alam na marunong ka palang magpinta."

Mahinang natawa si Fabian. "Iyan ang huli kong nilikha. Sa susunod na magpipinta ako, gusto ko ay masaya na ang babaeng iyan."

"Kilala mo siya?" Nilingon ko si Fabian sa gilid ko, naabutan ko ang paninitig niya sa akin kaya nagbaba rin ako ng tingin.

"Sort of? Well, hindi pa sobrang kilala. Gusto ko pa lang na makilala."

Tipid akong ngumiti at tumango. Hindi rin nagtagal nang sabay na kaming bumaba ni Fabian. Ang kamay niya ay nananatiling nasa baywang ko, tipong inaalalayan ako. Naaasiwa ako ngunit hindi ko naman magawang magreklamo.

Nadaanan namin ang dining area, naroon na ang kaniyang pamilya at mukhang hinihintay kami. Saglit lang nagpaalam si Fabian sa kanila. Hinila rin ako palabas ng kanilang bahay. Mula naman sa likod ay nakasunod ang mga kapatid niya.

"Uuwi ka na, Ava? Hindi ka pa ba muna kakain? Sayang at nagluto pa naman ako ng paborito mo," ani Faith.

"Babawi na lang ako sa susunod, Faith. Pangako at ako na ang magluluto!" magiliw kong sinabi, gustong pantayan ang alam kong energy ni Ava.

"Eh? Hindi ka naman marunong magluto 'di ba??" bulalas niya, rason para manlaki ang dalawang mata ko.

Oo nga pala. Spoiled brat nga pala ang kapatid kong iyon, kaya kahit ang magprito ng itlog ay hindi niya alam.

"Ah... ano, nag-aral ako habang nasa Boracay ako," kaagad akong bawi.

Sana kagatin.

Pinagtaasan niya ako ng kilay. Dinanggi pa nito ang balikat ko.

"Sus! Talagang naghahanda ka na sa pagpapakasal kay Kuya, ah?"

Todo ngisi si Faith. Pati si Fabian ay sinusundot niya ang braso. Wala namang sinasabi si Fabian at nakangiti lang. Nakatingin lang din siya sa akin, tuloy ay hindi ko magawang tumitig sa kaniya.

"May girls night out nga pala kami mamaya. Sumama ka, ah!" anang Frankie.

Umawang ang labi ko. "Titingnan ko pa— titingnan ko pa ang schedule ko."

"Huwag mo kaming lokohin, Ava! Kahit busy ang schedule mo ay nagagawa mo pa ring tumakas para sumama sa amin." Humalakhak si Frankie.

"Sige... ite-text ko kayo."

Ngumuso si Frankie. Hindi na rin naman na siya dumugtong at nginingitian lang ako. Tuluyan na kaming nagpaalam. Ilang buntong hininga ang pinakawalan ko nang makaupo ako sa back's seat.

"Do you even have a cellphone?" tanong ni Fabian kaya binalingan ko siya sa tabi ko, umiling naman ako at mahinang natawa.

"Wala. Hindi pa ako nagkakaroon ng cellphone," nahihiya kong pahayag. "Si—sinabi ko lang iyon para tantanan na nila ako, para rin hindi sila makahalata na hindi naman talaga ako si Ava."

"You're good at acting though." Nakita ko ang pagkibot ng labi ni Fabian, animo'y nangingiti ngunit pinipigilan lang niya.

Nagkibit ako ng balikat. Hindi ako sigurado sa mga inasta ko kanina. Hindi ko alam kung ganoon ba nila nakilala si Ava. Alam ko na kulang pa ang acting ko, pero sa susunod ay gagalingan ko pa.

"Anyway, gusto mo bang sumama sa kanila?" dagdag niyang tanong. "Pwede ka namang sumama, to experience socializing, and to get to know them better. Isipin mo na lang na nakalaya ka mula sa pagkakakulong mo at ngayon mo magagawang gawin lahat ng gusto mo. Feel free to do whatever you want. Wala kang limitasyon, walang magbabawal."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro