Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 4

"Ito na ang magiging kwarto mo," anang Aling Rosa na naghatid sa akin dito sa ikalawang palapag ng bahay.

Hindi ko maintindihan. Ilang araw lang ang nakalipas simula nang pag-uusap na iyon nina Mommy at Daddy kay Fabian. Hindi ko na rin nakita si Fabian at laking pasasalamat ko iyon, pero ano itong nangyayari?

Si Aling Rosa na ang nagbukas ng pinto sa kwartong iyon. Bumungad sa paningin ko ang maaliwalas na loob nito, ang pintura ay pinaghalong pink at white. Lahat ng gamit ay kumikinang at animo'y bago.

Pumasok si Aling Rosa dahilan para sundan ko siya. Pinasadahan ko ng tingin ang bawat sulok nito. Hindi ito simpleng kwarto lang, hindi rin bodega o bagong kulungan ko— kwarto ito ni Ava Constance.

Ngunit ano itong sinasabi ni Aling Rosa na magiging kwarto ko ito? Alam ba ito nina Mommy at Daddy? Malamang. Hindi naman magdedesisyon si Aling Rosa ng ganito kung walang pahintulot ng magulang ko.

Wala akong maintindihan. Kailan man ay hindi sila natutuwa na mahakawan ko ang gamit na pagmamay-ari ni Ava, kaya bakit nila ipapagamit itong kwarto niya sa akin? Nahihibang na ba sila?

Imbes na isipin pa ang bagay na iyon ay kumawala sa utak ko ang reyalisasyong baka ito na nga ang hinihintay ko— na rito na magsisimulang tatanggapin nila ako, na totoong mamahalin na nila ako.

Sa naisip ay nakagat ko ang pang-ibabang labi, hindi pa ako sigurado kaya ayoko munang matuwa. Ganoon pa man ay grabe nang nagsasaya ang puso ko. Para akong hihimatayin habang naglalakad.

"Dito ka na muna at lalabas na ako. Kapag may kailangan ka ay pwede mo akong tawagin," ani Aling Rosa.

Hindi ko na siya nagawang pansinin pa, narinig ko na lang ang pagsarado ng pinto at abala kong tinitingala ang malaking picture frame ni Ava na nakasabit sa dingding, nasa harap lang ito ng kaniyang queen size bed.

Kuha ito ni Ava sa Paris Fashion Week, sobrang ganda niya rito at bawat anggulo niya ay napakaperpekto. Wala akong maipintas, talaga nga namang kahit sino ay hanga sa angking ganda niya.

Nagbaba ako ng tingin sa isang whole body mirror na nasa gilid lamang nito. Roon ko natanaw ang sarili. Sa totoo lang ay magkamukha kami ni Ava, walang duda na kapatid ko nga talaga siya.

Pareho kaming nagmana at nakuha lahat ng facial features ni Mommy, pero dahil namulat si Ava sa mga beauty and skin products ay mas angat ang ganda niya. Mas maputi siya, malaporselana ang kutis, walang split ends ang buhok at makinis ang balat.

Tunay ngang naalagaan siya, samantalang ako ay napag-iiwanan ang itsura. Ni hindi ko napahiran ng lotion ang braso ko, walang sunscreen na ginagamit at hindi alam kung paano gumamit ng make up.

Umikot ako upang tingnan ang kabuuan sa salamin. Pareho lang kami ng tangkad ni Ava, ang boses ay iisa lang din. Ang kaibahan lang siguro namin ay ang ugali. Kung ako ay nasanay sa tahimik, siya ay hindi.

Kilala siyang sikat na modelo, sanay siyang nakikisalamuha sa iba't-ibang tao. Mahilig siya sa mga girly stuff. Maganda ang fashion taste at lahat ng damit ay magagara, kung hindi rin maiikli ay maninipis naman.

Pinangangalandakan niyang isa nga siyang anak ng fashion designer. Maingay si Ava, ibig sabihin ay madaldal at hindi nauubusan ng sasabihin. Makulit, kalog at palabiro. Kaya marami rin ang kaibigan.

Ang dami pala talagang dahilan para kainggitan ko si Ava. Literal na lumaki akong may inggit sa kaniya, hindi lang sa mga bagay na nakukuha niya, kung 'di dahil sa atensyon at pagmamahal na ibinibigay sa kaniya nina Mommy at Daddy.

Marahan akong naupo sa dulo ng kama. Hindi ko alam kung bakit ako narito. Wala akong ideya, pero nilubos ko na iyong pagkakataon ko. Masaya na akong nakapasok ako rito. Ngayon na nga lang din yata ako napadpad sa ikalawang palapag ng bahay.

Dumating ang hapon, pumasok si Aling Rosa sa kwarto ni Ava para sunduin ako, sakto at katatapos ko lang maligo. Nangunot ang noo ko habang sinusundan siyang naglalakad. Mayamaya nang pumasok kami sa isa pang kwarto mula sa dulo nitong palapag.

Nagulat ako nang makita roon si Mommy. Prente siyang nakaupo sa isang sofa at tumayo lang noong makalapit ako sa harap niya. May ilan pa siyang kasama na naroon.  Nanlaki ang mga mata ko, kaagad na umahon ang takot sa puso ko.

"Mabuti at naligo ka na," seryoso niyang pahayag, nasa boses pa rin ang tila pandidiri. "Umupo ka roon at aayusan ka nila."

"Ho?" gulantang kong banggit.

"Don't ask too many questions, I'm starting to get irritated," mataman niyang sinabi at nakita ko ang pag-irap niya.

Umimpis ang labi ko. Ginawa ko ang gusto ni Mommy at para akong estatwa na hindi gumagalaw sa kinauupuan ko habang inaayusan nga nila ako. Hindi na ako humihinga. Mula pa sa salamin sa harap ay kitang-kita ko ang pagbabago ng itsura ko.

Mula sa buhok kong na-blow dry, na ginupitan din hanggang balikat. Bagsak na bagsak iyon at may kaunti rin akong bangs. Nilagyan naman ako ng eye shadow, maskara at fake eyelashes.

Maganda ang pagkaka-blend ng blush on sa pisngi ko, tumugma sa kulay pulang ipinahid sa aking labi. Kumikinang din sa paningin ko ang malaking bilog na hikaw sa magkabilaan kong tainga, maging ang kwintas ko.

Dahan-dahan namang ipinasuot sa akin ang ilang singsing mula sa dalawang kamay ko. Ilang minuto pa ang nakalipas, sabay kaming lumabas ni Mommy mula sa walk in closets na nagmukhang dress shop.

Isang silk gown na kulay peach ang humuhubog sa katawan ko. Sa suot ko pang three inches stiletto ay halos matalisod ako. Sa paglabas pa namin ay kaagad na natigil ang mga mata ko kay Fabian.

Hindi ko alam kung kailan pa siya naroon, o kung tama bang kararating lang niya. Nakaupo ito sa pahabang sofa, ang mga binti ay nakakrus habang ang itsura niya ay para bang nayayamot.

Sa sobrang gulat ko ay gumewang ang heels ko at kamuntikan na akong matalisod. Mariin lang hinawakan ni Mommy ang balikat ko at sapilitan akong itinayo. Halos magsugat sa balat ko ang matulis nitong mga kuko.

"Hi—hindi ko kaya..." bulong ko at ngayon ko na-realize, ano ba itong ginagawa namin?

"Umayos ka, Ada!" mariing giit ni Mommy sa mahinang boses.

Nagawa pa niyang tampalin ang braso ko dahilan para mapangiwi ako. Muli kong nilingon si Fabian. Naabutan ko ang mariin niyang paninitig kay Mommy hanggang sa tinalunton niya ng tingin ang kabuuan ko.

Huminto ang mga mata niya sa mukha ko. Matagal kaming nagkatitigan at para akong napapaso nang mag-iwas ako ng tingin. Napansin ko ang pagtayo ni Fabian kaya halos mangatog ang dalawang tuhod ko.

"What can you say, Fabian?" tanong ni Mommy at proud na ipinaharap ako sa kaniya. "She looks like Ava, doesn't she?"

Nangunot ang noo ko. Tuluyan akong binitawan ni Mommy. Sa sinabi niyang iyon ay unti-unting pumasok sa utak ko ang huling itsura ni Ava, ganito nga kaikli ang buhok niya at ganitong-ganito siya manamit.

Ibig sabihin nito ay natuloy pa rin ang pagbebenta nina Mommy at Daddy sa akin kay Fabian? Kaya nga siya narito, hindi ba? Kaya nila ako pinaganda at pinagmukhang si Ava Constance Valentino.

"She looks better though." Mapang-asar na tumawa si Mommy. "Anyway, lalabas muna ako. You two can get along here."

Napasinghap ako. Sinundan ko ng tingin si Mommy at kasabay niya sa paglabas ang mga nag-ayos sa akin kanina. Tangkang hahabulin ko si Mommy ngunit tuluyan nga akong natalisod at nawalan ng balanse.

Hindi ko alam kung paanong nangyaring nasalo ako ni Fabian. Hawak niya ako sa baywang ko at ngayon ay naka-bend ang katawan ko habang siya ay nakadukwang sa akin. Halos lumuwa ang mga mata ko.

Itinulak ko siya sa dibdib niya, rason para mabitawan niya ako. Napasalampak ako sa sahig at natulala sa kawalan. May mga hint na ako na nabubuo, pero hindi ko alam kung paaano ko iyon ilalarawan sa isipan ko.

"Stop crying, Ada," malumanay na sambit ni Fabian, kapagkuwan ay lumuhod sa harapan ko at dinungaw ako.

Hindi ko namalayang tumutulo na naman ang luha ko. Sa kahihiyan ay itinaas ko sa ere ang isang kamay bilang pantakip sa mukha ko para hindi ako makita ni Fabian.

"Stop crying..." ulit niya, marahan pa niyang hinawakan ang kamay ko. "Let's just say... this is your only way to be free from this house, especially from your parents."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro