Chapter 3
Halos tawanan ko ang sarili nang halos magmukha na akong baliw. Paano at paulit-ulit sa utak ko iyong sinabi ni Fabian.
Hindi lang pala siya natural na may magandang itsura, mukha rin naman siyang mabait. Hindi ko alam kung kailan naging sila ni Ava, may isang araw lang noon na inakala kong magnanakaw siya at narito siya sa bahay. Doon ko siya unang nakita.
Napag-alaman ko na lang na boyfriend nga siya ni Ava at nagpaplano na silang magpakasal. Hindi ko rin alam kung hanggang saan ang kaalaman ni Fabian patungkol sa akin, pero sigurado akong alam niyang hindi ako anak ni Aling Rosa.
Tahimik lang siya dahil maging siya ay takot din kay Mommy, o baka mas madaling sabihin na wala naman siyang pakialam sa akin para ipagtanggol ako. Nakakatawa na iniisip ko pa talaga na mabait siya.
Bumuntong hininga ako. Maghapon ko nang hinanap si Cali sa kasuluk-sulukan ng basement ngunit wala talaga siya. Natatakot na ako na baka tama ang hinala kong ipinatapon siya ni Mommy.
Kaya ano man din ang takot ko na mapagalitan ay mas takot ako sa katotohanang mawawala sa akin si Cali. Malakas na kumakabog ang dibdib ko sa tindi ng kabang nadarama.
Halos kumawala ang puso ko kaya sapu-sapo ko ang aking dibdib. Nang makatuntong sa kusina ay saglit kong sinilip ang labas. Wala namang tao at imbes din na dumeretso palabas ng sala ay lumiko ako patungo sa isang pinto na palabas sa likod ng bahay.
Nilakad ko ang pathway sa gilid ng bahay hanggang sa mapadpad ako sa pool area. Gabi na at madilim ang paligid, hindi naman siguro ako makikita rito. Wala rin namang tao kaya nagpatuloy ako.
"Cali..." mahinang sambit ko, lahat na ng sulok ay sinuyod ko ngunit wala talaga.
Kinakabahan na ako at naiiyak. Nanginginig ang mga binti ko nang tahakin ko ang daan papunta sa main entrance nitong pool area. Mula naman sa pavilion ay natanaw ko ang tatlong taong nag-uusap.
Nakita ko roon sina Mommy at Daddy dahilan para magtago ako bago pa man nila ako malingunan. Sumandal ako sa malamig na pader. Saglit kong pinuno ng hangin ang naghihingalo kong dibdib.
"You still want me in your family?" mariing bigkas ng isang lalaki, boses iyon ni Fabian. "Patay na si Ava, kaya ano pang saysay?"
Nangunot ang noo ko. Gusto ko na sanang umalis at hindi naman ako interasado sa pinag-uusapan nila, pero ganoon na lamang kumapit ang mga paa ko sa lupang inaapakan ko at hindi ako makahakbang.
"Or maybe you just like the idea that you will have a share in my family's wealth?"
"Hindi, Fabian. Ano ba 'yang iniisip mo?" Natawa si Daddy ngunit bakas doon ang tila pangamba. "This is an offer for the both us. Pareho naman nating pakikinabangan ang isa't-isa. So it's a win-win."
"Then let's say, I can still support your business and all, but I can't... stay..." dugtong ni Fabian sa seryosong tinig.
"Ano ka ba, Fabian! Kung magme-merge ang company natin, hindi ba't matutuwa rin ang Daddy mo? Tama si Theo, pare-pareho tayong makikinabang—"
"Sa arrange marriage lang din naman kami nagkakilala ni Ava. Right, Tita Emily? Papalubog na kasi ang isa sa company ni Tito Theo... kaya kagustuhan niyong ipag-merge ang company ninyo sa amin. That's maybe a win-win situation, pero ano pang mapupunta sa akin gayong patay na si Ava?"
Arrange marriage lang sila nila Ava? Ibig bang sabihin ay hindi pa sila at wala talaga silang relasyon? O palabas lang din ang lahat alang-ala na lang sa reputasyong mayroon ang dalawang pamilyang sangkot?
Hindi ako makapaniwala. At papaano namang palubog na ang business ni Daddy? Alin doon? Sa sobrang pagkulong nila sa akin sa basement ay literal nang wala akong alam sa mga bagay-bagay at nangyayari.
Hindi ko rin halos masikmura ang ginagawang ito nina Mommy at Daddy, na kagustuhan lang pala nila na ikasal si Ava. Malamang na hindi rin gusto ni Ava itong si Fabian, napipilitan lang siya at wala rin siyang magawa.
"What about Ada?" anang Mommy, rason para magsalubong na ng tuluyan ang dalawang kilay ko. "I know how disgusting it is to offer, pero matatanggap mo kaya siya? What do you think, Fabian?"
Napasinghap ako. Kumawala ang gulat sa akin. Mabilis ko namang sinapo ang bibig at mariing pumikit. Lalo lang nagwala ang puso ko, kasabay nang pagtigil ng hininga ko.
Dinig ko ang pagtawa ni Fabian.
"Ada?" Nang-uuyam ang kaniyang boses.
"You know her, Fabian. Nababanggit na siya sa 'yo ni Ava at alam kong nakita mo na rin siya. And you know... she's a disgrace in our family, a secret not to be known and a waste not to be seen. I don't really know if you can accept her, pero siya na lang ang maibibigay namin," dugtong ni Daddy.
Muling natawa si Fabian. "Disgrace? Waste? What is she? A thing? How can you say that to your own daughter?"
Wala akong narinig galing kina Mommy at Daddy. Naramdaman ko ang pagtulo ng luha sa aking kamay. Ilang beses na akong nakarinig ng mga ganitong salita, pero ang sakit pa rin talaga na tanggapin.
Lalo at galing pa mismo sa bibig ng sarili kong magulang. Palagi kong kinukwestyon ang sarili, ano bang mayroon sa akin at hindi nila ako magawang mahalin?
Ginawa ko naman lahat. Sinikap kong makakuha ng magandang marka noon, makapagtapos dahil inaasahan ko na matutuwa sila sa akin, pero bakit hanggang ngayon ay ganito pa rin?
May kulang ba sa akin? Ano pa ba ang dapat kong patunayan sa kanila?
Gagawin ko naman lahat kapag sinabi nila kapalit ng pagtanggap nila sa akin.
"I can't accept it, I'm sorry," giit ni Fabian.
"Fabian!" sigaw nina Mommy at Daddy.
Narinig ko ang mga nagmamadaling galaw sa kanilang pwesto, marahil din ay pumasok na sila sa loob. Ilang sandali ay namayani ang nakabibinging katahimikan sa paligid. Kaya naman ay mas lalo kong pinigil ang sarili na huwag humagulhol.
Paulit-ulit akong nasasaktan, pero paulit-ulit ko rin silang pinapatawad at pinagbibigyan. Talikuran man o harap-harapan, wala lang sa kanila kung saktan ako. Sobrang tanga ko na nga siguro para hindi pa ma-realize iyon.
Mabilis akong umupo nang maramdaman kong matutumba na ako. Tinakpan ko rin ang mukha gamit ang dalawa kong palad. Nanatili ako sa ganoong ayos habang tahimik na umiiyak. Panay ang yugyog ng balikat ko sa sobrang emosyon ko.
"Why are you here?" Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang marinig ang pamilyar na boses na iyon.
Ayokong bitawan ang mukha ko at tinangalain siya, kaya mas yumuko ako. Mayamaya nang maramdaman ko ang presensya niya sa harapan ko. Huli ko nang natanto na nakaluhod siya sa tapat ko.
"Why are you crying?" tanong ulit ni Fabian, hinawakan nito ang isang daliri ko at kagustuhan niyang tanggalin ang kamay ko mula sa pagkakasapo sa aking mukha.
Nang tuluyan niyang matanggal ay dahan-dahan naman niyang inangat ang baba ko. Mabilis na nagtagpo ang mga mata namin, na kahit nanlalabo ang paningin ko ay nagawa ko siyang maaninagan.
Nakadungaw siya sa akin, seryoso ang kaniyang mukha at nakaisang linya ang labi habang pinapanood ako. Gusto kong mag-iwas ng tingin, pero pilit niyang hinahabol ang mga mata ko.
"Kanina ka pa nandito?" segunda niya sa mababang himig. "Narinig mo lahat?"
Suminghot ako. "Hi—hindi... na—nawala kasi si Cali... kanina ko pa siya hindi makita. Baka na—nakalabas na siya ng bahay..."
Kumunot ang noo ni Fabian. "Cali?"
"Iyong pusa... alaga kong pusa..."
"Oh!" Kumibot ang kaniyang labi. "Sa 'yo pala iyong pusa na kalaro ko kanina."
Nanlaki ang mga mata ko. "Nakita mo siya?!"
Napaahon ako sa pagkakaupo ko. Muntik na kaming magkauntugan. Kaagad akong tumayo. Sumunod din si Fabian at pinantayan ang pagkakatayo ko.
"Na—nasaan siya?"
"Pumasok na siya sa loob, mukhang bumalik na sa... kwarto mo..."
Hindi ko na pinansin ang pag-aalangan ng boses niya. Napasinghap ako at tila ba nakahinga ako nang maluwang. Humakbang ako paalis, gusto nang iwan doon si Fabian ngunit saglit ko siyang nilingon.
Napansin ko ang mariing paninitig niya sa akin. Sa kaalamang ibinibenta ako nina Mommy at Daddy sa kaniya, hindi ko mawari kung paano ko pa ba siya haharapin.
Sana huli na 'to na makikita ko pa siya rito sa bahay namin.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro