Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 12

"Paano pala ang mga kapatid mo?" takang tanong ko, binuksan ni Fabian ang pinto mula sa passenger's seat para sa akin.

Hinintay ko muna ang sagot ni Fabian at hindi pa ako sumasakay. Tiningala ko siya, nakita ko ang nakaabang niyang mga mata sa akin. Napanguso ako at saka pa nilingon ang malayong entrance ng bar.

Malamang mga lasing na iyon. Kaya pa kaya nilang umuwi? Sino ang magda-drive sa kanila pauwi? Paano kung mapahamak sila? Madisgrasya habang nasa daan?

"Don't worry about them. Papunta na si Fabio, siya na ang bahala sa kanila," sagot ni Fabian na ang hininga ay tumatama sa mukha ko. "Siya na ang mag-uuwi sa tatlo."

Bumuntong hininga ako. Tumango-tango rin bago marahang naupo sa loob ng kotse. Nilingon ko si Fabian na nananatiling nasa gilid ko, nakadungaw sa akin habang ang mga mata ay tila ayaw nang ialis sa akin.

"Uuwi ka ba sa bahay ninyo? O gusto mong... sa bahay namin matulog ngayong gabi?" Si Fabian na ang itsura ay animo'y alanganin, hindi sigurado kung dapat ba na itinanong niya pa iyon.

"Gusto ko sa bahay niyo. Kapag sa bahay kasi, baka pagalitan lang ako ni Mommy." Mahina akong humagikhik. "Bukas ko na lang haharapin ang galit niya."

Lalong tumitig sa akin si Fabian. Nakita ko pa ang pag-igting ng kaniyang panga. Hindi ko ba alam kung sa galit o may iba pang dahilan. Kalaunan nang tumango siya. Mabilis ding tumalima at umikot sa driver's position.

Umayos ako ng upo, na kahit nahihilo at kagustuhan ko nang pumikit ay hindi ko ginawa. Deretso akong nakatingin sa kalsada. Pareho lang din kaming tahimik ni Fabian habang tinatahak ang daan pauwi sa kanila.

Walang pakialam sa akin si Mommy. Ang sabi nga niya ay sana huwag na akong bumalik pa sa bahay. Mas gusto niyang wala ako sa paningin niya. At kung uuwi man nga ako bukas, mas lalo siyang magagalit.

Sa ngayon ay wala naman akong ideya kung saan ako titira. Hindi naman din pwede na gabi-gabi akong naroon sa bahay nina Fabian. Mahalaga pa rin sa akin ang opinyon at sasabihin ng kaniyang mga magulang.

Alam ko na hindi maganda para sa isang babae ang natutulog sa bahay ng isang lalaki, lalo kung hindi pa naman sila kasal.

Kasal... saglit kong naalala iyon.

"Kailan pala ang kasal natin?" wala sa sariling bigkas ko, saka pa nilingon si Fabian. "Ahm. Kasal pala ninyo ni Ava?"

Isang beses niya akong nilingon. Sakto naman nang mag-red light kung kaya ay huminto ito sa kalagitnaan ng kalsada. Muli niya akong binalingan.

"February 4," mataman niyang sagot.

Nangunot ang noo ko. Anong petsa na ba ngayon? Halos manlaki ang mga mata ko nang matanto kung anong araw na ngayon. Katapusan ngayon ng January. Bukas ay buwan na ng February.

Bumagsak ang panga ko. Hindi ko namalayan na ganoon kabilis dumaan ang mga araw. Ibig sabihin pala, apat na araw na lang ay iyong araw na mismo ng kasal namin ni Fabian. Ni hindi ko iyon napaghandaan.

"January 1st noong mawala si Ava sa screen, pinalabas lang na nasa Boracay siya for a vacation. Way back in December, naayos na lahat ng papeles sa pagpapakasal namin, nakapili na siya ng wedding gown, wedding theme, may mga nabigyan na rin ng wedding invitation at may simbahan na rin kung saan gaganapin ang kasal."

Natulala ako sa sinabi ni Fabian. Hindi iyon maproseso ng utak ko, siguro ay dahil sa kalasingan ko. Ngunit pilit ko iyong iniintindi. Sa isang iglap, ako pala talaga ang sumalo sa lahat ng naiwan ni Ava.

Sa career niya, sa mga kaibigan at katrabaho, sa pagpapakasal niya kay Fabian...

Hindi ko alam kung magagampanan ko ba nang maayos ang katauhan niyang ito. Ngayon pa nga lang ay hirap na hirap na ako sa pagpapanggap. Hindi ko malaman kung saan pa ako kukuha ng kakapalan ng mukha upang humarap sa maraming tao.

"Lumala lang iyong kalagayan ni Ava kaya kinailangan niya na magtago sa madla. Kagustuhan din nina Tita Emily at Tito Theo na ikasal kami sa mas maagang panahon bago pa man tuluyang mawala si Ava. Pero alam ko kasi kung ano lang ang habol nila sa akin, sa pamilya ko..." dugtong ni Fabian.

"Pero bakit gusto mo pa rin na ituloy? Sa akin? Sa isang kagaya ko?"

Matagal kaming nagkatitigan ni Fabian. Nakita ko ang pagtaas ng sulok ng kaniyang labi. Ilang sandali nang umusad ang kotse nang mag-go signal.

"I just thought you might need my help."

Ang dami ko pang gustong itanong. Dala ng alak ay ang dami kong gustong malaman, pero dahil din sa alak kaya nakatulugan ko ang biyahe namin ni Fabian.

Ilang minuto pa ang nagdaan. Hindi rin naman nagtagal nang maramdaman ko ang marahang paglalakad ni Fabian. Unti-unti akong nagmulat. Mukha ni Fabian ang nakita ko, deretso siyang nakatingin sa harap.

Buhat niya ako sa paraang bridal style. Ramdam ko ang mga kamay niyang nakahawak sa likod ko at sa likod ng mga hita ko. Ilang dangkal na lang din ang layo ng mukha namin sa bawat isa.

Madali niyang binuksan ang pinto. Tumambad sa amin ang isang madilim na silid. Tumuloy siya roon, matapos akong ihiga sa malaki niyang kama ay binuksan nito ang ilaw mula sa lampshade.

Dinungaw niya ako. Ngumiti siya, mayamaya ay saglit siyang tumayo at nagtungo sa loob ng banyo. May kung ano siyang kinuha roon. Paglabas nito ay dala niya ang isang maliit na basin at isang bimpo.

Inilapag nito iyon sa bedside table. Tinanggal din muna niya ang suot kong strap sandals bago nagsimula sa pagpupunas ng mukha ko gamit ang binasang bimpo. Masuyo at puno ng rahan ang bawat haplos ng bimpo sa pisngi ko, sa leeg at mga kamay ko.

Ang diwa ko ay nasa kalagitnaan ng pagkakatulog at mulat. Alam ko lahat ng ginagawa ni Fabian. Sa bawat paggalaw niya ay sinusundan ko iyon. Titig na titig ako sa kaniya at ngayon lang yata ako nagkaroon ng lakas ng loob na matitigan siya ng ganito.

Nakaupo siya sa gilid ko habang ako ay nakatingin lang sa kaniya. Hindi siya nagsasalita kaya hindi na rin ako nagtangkang magsalita pa.

Sa pagkaka-dim ng ilaw at sa mukha niyang tinatamaan ng liwanag galing sa lampshade ay napakaperpekto niyang tao para sa akin. Bawat anggulo ng kaniyang mukha, bawat pagpikit niya, sa bawat pagkibot ng labi niya ay literal na namamangha ako.

Bagay na bagay nga talaga sila ni Ava, parehong maganda at gwapo.

Ngunit hindi ko alam kung bagay din ba kaming dalawa? Kasi kung titingnan ay parang napakalayo ko sa kaniya. Ramdam ko iyong malayong agwat naming dalawa. Iyong tipong ganito kami kalapit sa isa't-isa ngunit tila may harang sa gitna namin.

Hindi ko siya kayang abutin. Parang ang hirap niyang abutin.

"All done. You can sleep now," malumanay niyang sambit.

Ibinaba nito ang bimpo sa bedside table, kapagkuwan ay tumayo naman upang mailagay ang comforter sa katawan ko. Inayos din niya ang pagkakaunan ko. Nakangiti siya nang matapos ito.

"Matulog ka na. Bukas ay ihahatid kita sa bahay ninyo." Itinuro nito ang sofa sa hindi kalayuan. "Doon ako matutulog."

Ngumiti siya. Tangkang aalis siya nang hawakan ko ang kamay niya. Nagulat ito at mabilis akong dinungaw. Bumuntong hininga ako at pikit-mata noong ibinuka ang labi.

"Dito ka na lang sa tabi ko."

Unti-unti nang magdilat ako. Kaagad nagtama ang mga mata namin ni Fabian. Matagal siyang tumitig sa akin, animo'y pinag-aaralan ang emosyon ko— bumitaw ako, umiling at muling pumikit.

Sa kahihiyan ay iniangat ko ang comforter hanggang sa mukha ko, damang-dama ko ang init at pamumula nito. Bakit ko ba kasi sinabi iyon? At bakit ba kasi hinayaan kong malasing ako ng ganito?

Gusto kong saktan ang sarili. Hindi ko alam kung anong gusto kong mangyari. Nababaliw na yata talaga ako. Pangako at hindi na talaga ako iinom pa ng alak.

Ilang sandali pa nang maramdaman ko ang pag-uga ng kama sa gilid ko. Nanlaki ang mga mata ko at mabilis na tinanggal ang comforter sa mukha ko. Naabutan ko ang marahang paghiga ni Fabian sa tabi ko.

Ang kamay niya ay pumailalim sa batok ko, tipong ginawang unan ko. Humarap siya sa akin at saka pa hinila ang braso ko para maiharap din ang katawan ko sa kaniya. Madaling pumulupot ang isa niyang kamay sa baywang ko.

Niyakap niya ako. Sa bilis ng pangyayari ay nakatulala na lang talaga ako sa dibdib niya. Naramdaman ko pa ang masuyong paghalik niya sa ulunan ko. Dinungaw niya ako.

"Goodnight, Ada. Sleepwell."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro