Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 1

Ada Clementine Valentino.

Sa pangalan ko na lang na iyan ako kumakapit na kabilang din ako sa pamilyang Valentino; na anak din ako nina Emily at Theo Valentino, na kapatid din ako ni Ava Constance Valentino.

Dahil sa lahat ng ipinapakita nila at ipinaparamdam sa akin, tingin ko ay isa nga akong outcast. Minsan kong inisip na baka ampon lang ako, baka hindi naman talaga ako totoong anak nina Mommy at Daddy, pero ang ipangalan kasunod ng pangalan ko ang bunso kong kapatid?

Kahit papaano ay naramdaman kong kabilang pa rin ako sa pamilyang ito. Iyon na lang ang pinanghahawakan ko. Maging ang pagtira ko rito sa mansyon, na kahit nasa basement ay laking pasasalamat ko na rin.

Kumawala ang maliit na ngiti sa aking labi. Bukod sa laman ng isipan, lalo akong napangiti habang matamang pinapanood na kumakain si Cali— ang alaga kong pusa na rito na rin lumaki sa basement.

Nakita ko lang ito noon sa labas ng mansyon, kuting pa kaya hindi malaman kung saan sisilong at malakas ang ulan no'n. At sa kadahilalan na ayaw ni Mommy ng hayop ay dito ko siya dinala. Si Cali ang naging kaibigan ko rito, siya ang kinakausap ko at sa mumunting pag-meow niya ay alam kong naiintindihan niya ako.

"Kumain ka pa, Cali," mahinang sambit ko at dinagdagan pa ng cat food ang kaniyang feeder. "Ayan, para lumakas ka."

Napapalakpak pa ako at ngiting-ngiti. Tila ba napakababaw ng kaligayahan ko, sa ganito lang ay masaya na ako. Ngunit totoo naman, buong buhay ko ay pinagdamutan ako, kaya kahit sa maliliit na bagay na nakikita at natatanggap ko ay sapat na sa akin.

Masaya ako na may isang pusa ang hindi ako kayang iwan, na nakikinig sa mga problema at kadramahan ko sa buhay, nakasubaybay sa madalas kong pag-iyak at kayakap ko sa gabi. Kahit papaano ay naramdaman kong mayroon din akong pamilya.

Napanguso ako. Natapos na akong kumain kaya siya naman ngayon ang pinapakain ko. Dinala lang dito ng isang kasambahay ang pagkain na para sa akin, dito na ako kumakain at bawal akong lumabas.

Bawal ako sa kusina, lalo sa sala. Hindi rin pwede na gumala-gala sa loob ng mansyon. Dito lang talaga ako palagi sa basement. May sarili akong kusina at CR dito, may maliit na lamesa bilang hapagkainan ko.

May kama at mga upuan. Kumpleto naman lahat ng damit at gamit ko rito. Sinadya na rin para hindi na ako magtangka pang lumabas ng basement. Simula noong makapagtapos ako ng college, pinagbawal na talaga akong maglabas-labas.

Kaya kaunti lang ang kaalaman ko patungkol sa labas. Hindi na ako updated sa nangyayari sa buhay ng pamilya ko. Nito ko nga lang nalaman na ikakasal na pala si Ava. Kailan ko lang din nalaman na may sakit siya sa puso.

Wala ako sa ilang araw ng kaniyang lamay. Kung hindi ko pa narinig sa mga katulong na ililibing na siya ay hindi ko pa malalaman. Kaya nagawa kong tumakas. Nagawa ko rin namang bumalik nang walang nakakaalam.

Hindi ko lang alam kung isusumbong ako ni Fabian na nagpunta ako sa sementeryo. Kaya ngayon ay hinihintay ko rin si Mommy kung gagawi ba iyon dito para kumprontahin ako tungkol sa pagtakas ko.

Ngunit lumipas na ang mga oras, gabi na't hindi ko pa rin siya nasisilayan. Siguro nga ay hindi naman ako sinumbong ni Fabian. Hindi ko siya literal na kilala at hindi ko masabi ang ugali niya, basta alam ko lang na fiance siya ng kapatid kong si Ava.

"Cali!"

Nabalik ako sa reyalidad nang mabilis pa sa kidlat na kumaripas ng takbo si Cali, lalo lang ding nanlaki ang mga mata ko nang makitang papalabas siya ng basement. Dali-dali nang sundan ko siya.

"Cali! Bumalik ka rito!" madiin ngunit nagpipigil kong sigaw sa kaniya.

Tuluyan siyang nakalabas at sa takot ko na baka makita siya ni Mommy ay mas binilisan ko ang pagtakbo. Ang labas ng basement ay kusina. Kaya halos mapapitlag ang ilang kasambahay na naroon.

Sinundan nila ako ng tingin at bakas sa kanilang mukha ang labis ding takot. Ngunit wala naman silang magawa, kaysa ang madamay sa galit ng magulang ko ay hinayaan nila ako.

Dumeretso ng takbo si Cali hanggang sa mapadpad din ako ng dining area. Nahuli ko ito at madaling niyakap. Huli ko nang natanto na mayroong mga tao roon— nakatingin sa akin habang gulat na gulat.

Wala sa sarili nang mapatayo ako ng tuwid. Hindi ko rin alam kung tatakbo na ba ako pabalik ngunit para akong nabato sa kinatatayuan ko nang makita si Fabian. Naroon siya sa hapag, kasama marahil ng kaniyang pamilya.

Nandoon din sina Mommy at Daddy. May ilan pang bisita na hindi ko na kilala. Kitang-kita ko ang pinagsamang gulat at pagkalito sa kanilang mga mukha. Bukod doon ay galit magmula sa magulang ko.

Kumalabog ang isang kutsara nang mabitawan iyon ng isang bisita habang nakatanaw sa akin. Doon ako napapitlag at animo'y binuhusan ako ng malamig na tubig. Lahat sila ay nakatingin sa akin.

"Who is she, Emily?" takang tanong ng babae habang nakataas ang isang kilay.

Napalunok ako. Ano mang kagustuhan kong tumakbo ay hindi ko na maigalaw ang mga binti ko. Tila may mga ugat na nakayakap sa akin. Napakurap-kurap ako at sandaling nilingon si Fabian.

Maging siya ay napatigil sa pagkain niya. Nakatanaw ito sa akin, pero wala naman akong makitang reaksyon galing sa kaniya. Natural lang na malamig, blanko para sa kagaya kong hindi naman espesyal na tao.

"Ah!" Saglit na natawa si Mommy at hinarap ang babaeng nagtanong. "Siya si Nene, anak ng isa sa mga katulong dito."

Sa narinig ay bumagsak ang panga ko. Ang boses na iyon ni Mommy ay walang pakundangan, dere-deretso at hindi na naisip ang mararamdaman ko.

Ngunit ano bang aasahan ko sa kaniya? Na sa pagkamatay ni Ava ay mamahalin din nila ako? Na matatanggap din nila ako?

Tumikhim si Daddy. Napatingin ako sa kaniya. Sakto nang maabutan ko ang pag-iwas niya ng tingin. Nagpatuloy na ito sa kaniyang pagkain. Ilang sandali nang balingan ulit ako ni Mommy.

"Nena, pakikuha na ng desert na pinakakuha ko sa Nanay mo. Masyado nang matagal ang paghihintay ng mga bisita," aniya at nakita ko ang iritable niyang mukha.

Naramdaman ko ang pangingilid ng luha ko ngunit malaki ang naging pagpipigil ko. Umabante ako, mayamaya nang umatras at hindi na talaga alam kung ano ba ang gagawin ko. Kung itatama ko ba si Mommy sa mga sinabi niya, o sundin na lang siya?

"Ito na ho!" Rinig ko ang mabilis na paglalakad ni Aling Rosa, hawak niya ang isang glass container na laman ang desert nila para sa dinner na iyon. "Pasensya na po at natagalan, Madam."

"Okay lang, Rosa." Pilit na ngumiti si Mommy bilang kaplastikan sa kaniyang mga bisita, muli niya akong sinulyapan. "Pakikuha na rin itong anak mo bago pa man kami mawalan ng ganang magpatuloy sa pagkain."

"Si—sige po! Pasensya na po sa abala!" Yumuko si Aling Rosa nang paulit-ulit kay Mommy, kapagkuwan ay tinungo ako sa kinatatayuan ko at madali akong hinila. "Ano ba naman kasi at lumalabas ka pa!"

Nang makapasok sa kusina ay parang bagyo na bumuhos ang masagana kong luha. Sunud-sunod na nanginig ang balikat ko. Mahigpit kong niyakap si Cali at halos mabasa ko siya, kaya naman ay sapilitan siyang kumawala sa akin.

"Sige na, Ada, bumaba ka na sa basement. Pati kami rito ay talagang mapapagalitan," mahinahong banggit ni Aling Rosa, gusto niyang maawa sa akin ngunit mas nangingibabaw ang takot nila.

Nanghihina man ay nakaya kong bumaba ng basement. Saglit akong naupo sa hagdan at doon inilabas ang kinikimkim kong paghikbi. Dinaluhan ako ni Cali, paulit-ulit niyang ikinikiskis ang sarili sa binti ko.

Sa totoo lang ay hindi ko ramdam iyong kahihiyan sa mga sinabi ni Mommy dahil dinig ng mga bisita niya. Nasasaktan ako dahil ilang beses man niya akong pagsalitaan ng masasakit na salita, palagi pa rin akong umaasa na sana ay dumating iyong araw na maa-appreciate niya rin ako.

Kailan? Hanggang kailan pa ang hihintayin ko para dumating ang araw na iyon?

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro