Chapter 1
Chapter 1
Anak ako ng isang sabungero. Ang tatay ko na wala nang ginawa kundi humimas ng tandang na manok sa agahan, tanghalian at hapunan.
Anak ako ng isang lasenggo. Ang tatay ko na hindi matatapos ang isang araw na hindi iinom ng alak.
Anak ako ng isang barangay tanod. Ang tatay ko na pagkatapos himasin sa umaga ang kanyang mga tandang ay magdidiretso na sa harap ng pinakamalapit na school para siyang magtawid ng mga batang papasok sa eskwela.
Anak ako ng nagbebenta ng balot at penoy. Ang tatay ko na sumisigaw tuwing hapon na may dalang suka at asin para sa kanyang mamimili.
Anak ako ng isang konduktor. Ang tatay ko na tumutulong sa mga pasaherong maraming dalang pinamili sa pag akyat sa dyip, ang tatay ko na matapat na nagsusukli ng pamasahe sa mga pasahero.
Aminado ako na may mga bisyo ang aking tatay, apatnapung porsyento siyang sambungero at animnapung porsyento siyang ama. At ipinagmamalaki ko siya sa bagay na ito, sa kabila ng mga bisyo niya sa buhay pinaninindigan niya ang pagiging mabuti niyang ama para sa akin. Nakatapos ako ng elementarya, sekondarya at ngayon ay nasa kolehiyo na. Para sa akin hindi hadlang ang bisyo sa isang tao para magawa nito ang mga gusto niyang mapagtagumpayan.
Gusto kong basagin sa pananaw ng lahat ng mga tao na hindi dahil isang sabunggero at mahilig maglasing ang isang tao ay wala na itong kakayahang maging isang mabuting ama.
I admired my father for raising and loving me alone. At kung muli akong ipanganganak pipiliin kong muling maging anak ng isang sabungero at lasenggong katulad niya.
Anak ako ng isang mahirap na tao, walang kayamanan, malaking bahay, masasarap na pagkain, mga tagasunod at magagandang damit. Pero masasabi kong may sasakyan kami at ito ay ang sinaunang tricycle ni tatay. Hindi na niya ito magamit na pamamasada dahil sa expired na ang lisensya niya at isa pang dahilan nito ay lagi itong tumitirik sa kalsada. Sa huli, makakaabala lamang ito sa pasahero at magagastusan pa kami sa paulit ulit na pagpapagawa nito.
Kahit mahirap ako, masaya ako. Wala man akong ina, mga kamag anak na siyang maaaring sumuporta sa amin ay hindi nagkulang si tatay para ipadama na isa akong prinsesa. Para sa akin hindi kayamanan at ganda ng estado sa buhay ang basehan ng kaligayahan sa buhay.
Narinig ko minsan na sermon ng pari na minsan ay naitanong niya sa pinakamayamang tao sa Pilipinas kung masaya ba ito sa kabila ng yamang mayroon sila. Natigilan ako nang sabihin ng pari ang sagot ng pinakamayamang tao sa Pilipinas.
'No, I am not happy father' sinong mag aakalang ang pinakamayamang tao ay hindi pala masaya? Nasa kanya na ang lahat dahil sa kayamanang mayroon siya pero mukhang nagkamali ako.
Ipinaliwanag daw nito sa pari na saglit lamang ang kasiyahang dala ng kayamanan. Dahil sa bawat kayamanang mayroon ka may kapalit itong mabigat na bagay, sa kanyang sitwasyon ang kanyang sariling kalayaan ang inagaw ng kanyang kayamanan. Kahit minsan ay hindi nito naranasang makagala sa sarili niyang mall, ni minsan ay hindi sila nagsama ng kanyang pamilya sa iisang lugar para magtawanan sa takot na kapag may kung sinong bumaril sa kanya ay pati mga kamag anak niya ay madamay. At ang higit na pumiga sa aking puso ay ang sinabi nitong ilan pa sa kanyang mga anak ay gusto na siyang mamatay dahil sa kanilang sariling mamanahin.
Sinong mag aakala na ang lalaking tinitingala ng lahat sa kanyang mga tagumpay ay ganito kabigat ang dinadala?
Lumabas ako nang simbahan na dala dala ang bigat ng sermon ng pari tungkol sa kayamanan. Kaya ako, makukuntento na lamang ako sa aking sarili. Ang mahalaga ay makakain kami ni tatay ng tatlong beses sa isang araw at hindi ko na hahangarin pa ang kayamanang nag uumapaw.
Linggo ngayon at naglalakad na ako pauwi sa bahay, siguradong nasa sabungan ngayon si Tatay at nagpapakakristo sa mayayamang sugarol doon.
Nang makarating na ako sa bahay ay nagulat na lang ako nang makitang may nakahanda nang ulam na maaari kong lutuin. Nagkibit balikat na lang ako at sinimulan ko nang maghanda para sa lulutuin kong sinigang na baboy. Nang maisalang ko na ang lahat ay nakangalumbaba na lamang ako habang hinihintay itong maluto.
"Aurelia anak!" halos mapatalon ako sa malakas na sigaw ni Tatay na mukhang nanalo ata sa sabong.
"Bakit tata--" hindi ko na naituloy ang sasabihin ko nang tumulo ang luha ko dahil sa hawak ng aking tatay.
"Nabili ko na ang gusto mong sapatos! May isusuot ka na bukas!" halos magtatalon pa siya sa aking harapan. Papaano niya nabili ito? Hindi ba at higit limang libo ang sapatos na ito? Nabibiro lang naman ako sa kanya nang ituro ko ito pero bakit ito pa rin ang binili niya?
"Tatay naman, pwede namang mumurahin ang bilhin mo. Hindi naman tayo mayaman, ibalik na lang natin.." pinupunasan ko ang luha ko. Bakit naman kasi ganito si Tatay?
"Ayaw mo ba? Isang buwan ko itong pinag ipunan Aurelia anak, minsan na lang kita bilhan ng mamahalin. Tanggapin mo na ito anak, madali ka isuot mo ang asul mong saya na nirenta natin noong isang araw. Bagay na bagay ito sa'yo! Para ka nang si Cinderella.." natutuwang sabi niya sa akin.
Ngumisi na lang ako sa kanya at nagmadali akong pumasok sa aking kwarto para isuot ang kulay asul kong saya.
"Tatay 'yong sinigang na baboy! Patayin mo muna po ang gasul!" sigaw ko habang nagbibihis ako.
"Wow, nagluto ka na pala" hindi na ako sumagot at nagsimula na akong humarap sa salamin para ayusin ang saya ko.
Lumabas na ako sa kwarto, saktong kalalabas na din ni Tatay sa kusina.
"Maupo ka na anak, isusuot natin sa'yo.." lalo akong napangisi sa sinabi ni tatay. Nang makaupo ako ay lumuhod si tatay na parang prinsipe habang inilalabas niya ang sapatos ko na ubod ng ganda.
It is literally a glass slipper.
"Muntik pa akong maapaaway nito anak, may bastos na bata na inaagaw sa akin ang sapatos mo. Sabi ko hindi pwede, sapatos ito ng Aurelia ko, sapatos ito ng anak ko.." napanguso na lang ako sa sinabi ni tatay na parang isang batang nagsusumbong sa akin.
"Babae po?" tanong ko.
"Lalaki, bakla yata ang batang 'yon. Hindi ko alam! Mayabang na bata! Huwag na huwag kang magpapaligaw sa mga mapreskong katulad niya! Ayokong maging manugang ang mga bastos at walang galang sa matatanda.." napatawa na lang ako sa sinabi ni tatay.
"Why would I? Hindi ako mag aasawa, mag mamadre ako" sumama ang tingin sa akin ni tatay.
"Magagalit sa akin ang mama mo kapag pinagmadre kita Aurelia, dapat nga ay isinasali kita sa Miss Universe.." naiiling na lang akong inilabas ang aking mga paa.
Dahan dahang isinuot ni tatay ang aking napakagandang mga sapatos at halos sabay kaming napangiti ni tatay nang nagkasya ito sa aking mga paa.
Tumayo ito at binuksan ang radyo bago ito bumalik sa aking harapan.
"Bago nila isayaw ang aking napakagandang si Aurelia, maaari ba kitang maisayaw anak?" inilahad ni tatay ang kanyang isang kamay sa akin na mabilis kong inabot.
Lumapad ang ngisi ko nang eksaktong tumunog ang magandang kanta mula sa radyo.
Back when I was a child, before life removed all the innocence
My father would lift me high and dance with my mother and me and then
Spin me around 'til I fell asleep
Then up the stairs he would carry me
And I knew for sure I was loved
"Mas maganda ka na ngayon sa mama mo anak.." lalo akong napatawa sa sinabi ni tatay.
If I could get another chance, another walk, another dance with him
I'd play a song that would never, ever end
How I'd love, love, love
To dance with my father again
Napahalakhak na lang ako nang ngumiwi siya at maapakan ko siya.
"Hindi ka marunong magsayaw Aurelia, buong araw kang tuturuan ni tatay" wala akong ginawa kundi ngumisi lang nang ngumisi sa sinabi ni tatay.
Tinapos namin ang kanta na punong puno ng tawanan at biruan. Wala na talagang mas hihigit pa sa sayaw na ang kapareha mo ay ang iyong sariling ama.
--
Muli kong pinahid ang mga luha ko sa aking mga mata, ito lang naman ang naaalala ko habang pinagmamasdan ko ang mga paa ko na wala nang sapatos. Panay pa rin ang pagtunog ng malaking orasan habang walang tigil sa pagluha ang aking mga mata.
Bakit sapatos ko pa ang pinagtripan ng hayop na lalaking 'yon?! Bakit ako pa? Hindi hamak na mas mayaman siya sa akin! Hindi hamak na may pambili siya sa akin! Bakit sapatos ko pa?! Tuwang tuwa na si tatay nang makita niyang suot ko ang pinag ipunan niya tapos..tapos nanakawin lang ng lalaking 'yon dahil napagtripan lamang ako?!
Umuwi ako sa amin na lumbay na lumbay, hindi na ako nagulat nang makitang bukas ang bahay. Malamang hinihintay na ako ni tatay para litratuhan ako, na ang anak niyang maganda na gusto niyang ilaban sa miss universe ay nagsuot ng sapatos ni Cinderella na nananakaw naman nang kung sino.
Agad nangunot ang noo ko nang makitang hindi ang tatay ko ang sumalubong sa akin sa loob ng bahay. Kundi ang kapitbahay namin na nagtitinda ng bicho.
"Si Tatay po?" kinakabahang tanong ko.
"Aurelia, hija nasa hospital ang tatay mo.." hindi na ako nag aksaya pa nang oras. Sa mabigat kong saya at sa tapak kong mga paa ay tumakbo na ako sa isa pa naming kapitbahay para magpahatid sa hospital gamit ang kanilang tricycle.
Lakad takbo ako sa hospital, wala na akong pakialam kung pagtinginan na ako ng mga tao dahil sa hitsura ko. I need to see my father! Ano ba ang nangyari kay tatay?!
Lalong nangatal ang pagkatao ko nang sabihin sa akin ng doktor na nasa ICU na si tatay. Pumutok daw ang atay nito dahil sa sobrang pag iinom, itinanong din nito sa akin kung nadaing sa akin si tatay na sumasakit ang tagiliran nito na mabilis ko namang inilingan. Ni minsan ay hindi nagsabi ng masakit sa akin si tatay.
"Hija, nasaan ang mga kamag anak nyo? Sa kanila ko dapat sabihin ito" maiksing sabi sa akin ng doktor.
"Ako na po at si tatay ang natitira. Ano na pong lagay niya?" kinakabahang tanong ko.
May ipinaliwanag sa akin ang doktor na maaaring gawin kay tatay, may ipinakita siya sa akin na napakalaking injection na ito daw ang sisipsip sa tubig na naiipon sa tiyan kaya lumalaki ito. Ito daw ang tubig na hindi na nasasala ng kanyang atay na humahalo na sa bituka o maglalagay daw sila ng tubo sa tagiliran ni tatay para dito na mismo lumabas ang tubig.
Halos mawalan na ako nang pag asa habang pinakikinggan ang sinasabi ng doctor. Saan kami kukuha ng halaga para sa mga ganito?
"Doc, wala po kaming pera.." lumuluhang sabi ko sa doktor na ilang beses umiling sa akin.
"Tatagal pa naman po si tatay hindi ba?" hinawakan ko ang coat ng doktor.
"He will stay for one month kung maisasagawa na agad sa kanya ang procedure hija, pero kung hindi agad ito maisasagawa. He will only last for two to three days.." tuluyan nang gumuho ang pagkatao ko sa sinabi ng doktor bago niya ako tinalikuran.
Lutang na lutang ang pagkatao ko habang humahakbang na ako papasok sa ICU. Mukhang nagulat pa sa akin ang mga nurse dahil sa kulay na asul na saya ko.
Gising kaya si tatay?
Marami nang nakakabit na aparato sa kanya. Bakit sa isang iglap ay nagkaganito na? Hindi ba malakas naman si tatay? Papaano niya naitago sa akin ang lahat nang ito?
"Aurelia anak, ikaw ba 'yan?" kagat labi akong humakbang papalapit sa kanya at mabilis akong hinawakan ang kanyang mga kamay.
"Sinungaling ka tatay! Bakit hindi ka nagsasabi?!" agad na sabi ko.
"Mataas ang mga marka mo Aurelia, hahayaan ko pa ba itong bumaba dahil sa pag iisip mo sa akin?" impit akong nag iiyak sa sinabi niya.
"Tatay sinungaling ang doktor dito, okay ka lang naman hindi ba? Uuwi na din tayo hindi ba?" naramdaman kong humigpit ang kamay niya sa akin.
"Patawad anak, alam mong mahal na mahal kita. Ayaw kitang iwan Aurelia pero mukhang sinusundo na ako ng nanay mo.." humagulhol na ako nang pag iyak sa sinabi niya.
"May naipon akong pera sa ilalim ng aking kama, magiging sapat na siguro ito para pambayad sa pagtigil ko dito ngayon. Siguro ay sapat na rin ito hanggang sa makatapos ka ngayong taon anak. Pasensiya na Aurelia kung hindi umabot hanggang sa huling taon mo, kinapos si tatay..kinapos.." sinimulan ko nang halikan ang kamay ng tatay ko. Bakit siya nagsasalita ng ganito? Bakit siya nagsasalita ng ganito?! Hindi siya aalis hindi ba?
"Kamusta ang sayaw ng aking anak? Marami bang kalalakihan ang nagsayaw sa'yo? Marami sigurong nagandahan sa sapatos mo.." pilit tumawa si tatay, agad akong tumango sa sinabi niya.
"Para akong si Cinderella tatay, ako na yata ang pinakamagandang babae kanina. Idagdag pa ang regalo mong sapatos sa akin. Maraming salamat po, nag enjoy po ako nang sobra.." halos maggagalaw ang mga paa kong nanlalamig na dahil wala itong kahit anong suot.
"Walang anuman Aurelia, alam kong ikaw anak ang pinakamaganda. Nagmana ka sa nanay mo anak, lalambot ang puso nang kahit sinong mapapatitig sa'yo. Tandaan mong mahal na mahal kita, mahal na mahal ka namin ng nanay mo. At ipinapangako kong kung saanman ako abutin ay gagabayan kita, kami ng nanay mo anak.." lalo kong idiniin sa aking pisngi ang kamay ng aking tatay. Bakit? Bakit? Bakit ako pa? Nagpakabait naman akong anak, sumusunod naman ako sa lahat ng sabihin ni tatay, ni minsan hindi ako naging sutil na anak, nag aaral akong mabuti, lagi ko pong kinakausap at pinagpapasalamatan. Pero bakit kukuhanin nyo na ang tatay ko? Bakit hahayaan nyo na akong tuluyang mag isa?
"Opo..opo tatay tatandaan ko po..tatandaan ko po. Mahal na mahal ko po kayo. Pero please lang tatay, huwag muna ngayon..huwag muna ngayon huwag ka munang magsalita ng ganyan. Nagmamakaawa ako tatay.. wag mo muna akong iwan..tatay..huwag muna ngayon tatay nagmamakaawa po ako..tatay wag muna.." paulit ulit na sabi ko habang walang tigil sa pag apaw ang aking mga luha.
"Hinintay lang kita anak. Ayokong maging problema mo pa anak. Tandaan mong mahal na mahal na mahal na mahal na mahal na mahal na mahal na mahal na mahal na mahal kita Aurelia, anak. Mag aral ka ng mabuti at magpakasaya ka anak, bumuo ka ng pamilyang hindi ko naibigay sa'yo. Alagaan mo ang sarili mo. Mahal na mahal kita. Ingatan mo ang huling regalo ko sa'yo anak at pakatatandaan mong sa bawat paghakbang mo habang suot ang sapatos na ito ay kasunod mo kami ng iyong ina para gabayan ka. Mahal na mahal na mahal kita anak..." ito na ang huling mga salitang narinig ko kay tatay hanggang sa tuluyan nang nawala ang mahigpit na hawak niya sa aking mga kamay.
Hindi ko na inabalang sumigaw sa nurse. Pinili ko na lamang pagmasdan ang payapang mukha ng aking tatay. Marahan akong tumayo at hinalikan ko ang kanyang noo.
"Paalam tatay, mahal din kita. Mahal na mahal.."
Nang gabing 'yon hindi lang pagluluksa ang bumalot sa aking puso...
Dahil buong puso kong isinumpa ang lalaking nagnakaw ng kahuli hulihang alaalang iniwan sa akin ng aking ama...
--
VentreCanard
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro