Chapter 29
Tumulo ang aking masasaganang luha. Mas lalo akong nasaktan ng makita kong ganoon ang kalagayan ni Timothy. Umalis din ako kaagad ng huminahon na siya. Bigo akong bumalik sa kwarto ko kanina. Mahal ko siya pero natatakot din ako, lalo at may sikreto pa siyang hindi niya masabi sa akin.
Gusto kong bigyan si Thomas ng buong pamilya, gusto kong bigyan ng chance si Timothy. Gusto ko ng maging masaya at tahimik na buhay. Pero mukhang malabo pa atang mangyari iyon hanggang may sikreto kami sa isa't isa.
Sa ibang kwarto pa din ako natulog ng sumunod na araw. Pagkagising ko ay mabilis din akong lumabas ng kwarto para puntahan ang aking anak. Nasa hagdanan pa lamang ako ay dinig na dinig ko na ang ingay nito.
Pagdating sa may salas ay naabutan ko silang magama. Nakatayo si Thomas sa loob ng kanyang crib habang pinaglalaruan ang buhok ni Timothy na nakahilig sa kanya. Paulit ulit niyang hinalikan ang anak namin, dahil sa pagabot ni Thomas sa kanya ay halos mabasa na din ang kanyang buhok ng laway nito.
"Good morning baby" sabi ko, para kay Thomas.
Sabay silang lumingon sa akin, nakita ko pa ang gulat ni Timothy. Nagulat din ako ng makita kong umiiyak pala siya. Mabilis siyang nagbahid ng luha. Nawala lang ang atensyon ko sa kanya ng maglahad ng kamay si Thomas sa akin para magpabuhat.
"Tine" paos na pagtawag ni Timothy sa akin.
Tipid ko siyang nginitian na parang wala kaming problema. "Good morning." Sabi ko pa.
Lumapit siya sa amin ni Thomas at pareho kaming niyakap. Naramdaman ko pa ang paghalik nito sa aking ulo.
Hinarap ko siya, itinaas ko ang kamay ko at marahang pinahiran ang kanyang pisngi. Hinawakan niya ang kamay kong nasa kanyang pisngi at tsaka umiling. At niyakap ako ng mahigpit.
Siya ang naghanda ng almusal namin. Kahit ang paglalagay ng plato ay hindi niya ako pinatulong.
Si Thomas ang nagpagaan ng loob naming pareho. Natatawa na lang kami sa tuwing magana itong kumakain ng kanyang yogurt.
"Malapit na ang birthday ni Thomas" sabi ni Timothy.
Tumango ako. Sinabi niyang balak niyang magbakasyon na lang kaming tatlo kesa magpaparty. Sandali akong napaisip, pakiramdam ko kasi ay kaya bakasyon ang naisip niya dahil mayroon siyang gustong layuan. May gusto siyang iwasan.
Tumango na lamang ako. "Sige, kung yun ang gusto mo. Ang kaso ay wala sila Thessa doon."
"Pagkatapos ng bakasyon ay magpapaparty naman tayo para makasama pa din natin sila" sabi pa niya sa akin kaya naman wala na akong nagawa.
"Sige, walang problema sa akin" pagsangayon ko.
Dahil wala naman akong magawa ay nagayos na lang ako ng bahay. Sina Timothy at Thomas naman ay nasa may sala, bantay sarado niya ang anak lalo na ngayong gumagapang at tumatayo na.
Nasa may second floor ako ng marinig kong may nagdoorbell. Hindi ko iyon pinansin nung una hanggang sa bumaba na din ako para malaman kung sino iyon. Nabigla ako ng makita kong ang Mommy ni Timothy iyon.
Sinalubong niya ako ng ngiti. Hindi pa siya nakuntento, lumapit pa siya sa akin at niyakap ako.
"Magandang umaga po" bati ko.
In the end of the day, siya pa din ang ina ng aking asawa.
"May dinaan lang akong kaibigan malapit dito, kaya naman napagpasyahan ko ng bumisita." sabi niya.
Tipid na ngiti na lamang ang naisukli ko sa kanya. Hindi pa din kasi ako comportable na kausap siya at malapit siya sa akin lalo na't hindi naging maganda ang nangyari sa amin noon.
"Excited na ako sa mas marami pang apo" natatawang pahabol nito na ikinabato ko.
Napatingin ako kay Timothy na karga ang anak namin. Ngumiti ito sa akin, kita ko pa din ang lungkot sa kanyang mga mata.
Halos puro ngiti at tango na lamang ang naisagot ko sa Mommy ni Timothy habang walang tigil ito sa kwento. Siya na nga din ang naghanda at nagluto ng tanghalian namin, nagluto ito ng sinigang na hipon.
"So saan gaganapin ang party ng apo ko?" Tanong nito habang nasa hapag kami.
"Magbabakasyon na lang kaming tatlo, Ma. Pag balik namin, tsaka namin paguusapan ni Tine ang magiging party niya." paliwanag ni Timothy dito.
"I want the best for Thomas, kaya sana naman ay gawin nating engrande ang pagiisang taon ng apo ko. You know, I can support all the expenses na kakailanganin." Paninigurado nito.
Napatingin ako kay Timothy. Alam kong excited lang ang Mommy niya dahil unang apo nito si Thomas, pero hindi din naman tama na siya ang gumastos. Ayoko din sana ng masyadong engrande, hindi naman sa tinitipid ko ang anak ko.
"Hindi na po kailangan Ma. At wag masyadong engrande, bata pa naman si Thomas hindi pa niya gaanong maaapreciate iyon." paliwanag din niya.
Nagkibit balikat ang Mommy niya."Ok kung yan ang gusto niyo, kayo naman ang parents kaya wala akong magagawa" sabi niya.
Hapon na ng umuwi ang Mommy ni Timothy. Wala pa nga sanang balak, may tumawag lang sa kanyang importante kaya umalis.
Nagkulong kaming tatlo sa kwarto kinagabihan. Hindi pa din kasi dinadalaw ng antok si Thomas kaya naman nilatag namin ang rubber mat sa gilid ng kama at duon din kami umupo ni Timothy habang nakadapa ang anak naming naglalaro.
Bukas ang tv sa isang tagalog movie, hindi ako masyadong nanunuod dahil nasa kay Thomas ang focus ko. Naagaw ng palabas na iyon ang atensyon ko ng may pamilyar na kanta ang tumunog.
Ili ili tulog anay, wala diri imo nanay. kadto tienda, bakal papay, ili ili tulog anay.
Para may malaking bagay na bumara sa aking lalamunan, miss na miss ko na ang Nanay.
(Flashback)
"Umuwi galing sa maynila ang Tatay ko at ito ang pasalubong niya sa akin" sabi ng isa sa mga classmate ko.
Halos lahat ay nakakumpol na sa kanya. Ganyan naman talaga dito, pag may bago ka sikat ka.
"Wow! Ang ganda naman pala niyang manika mo, pwede pang palitan ng damit" puna ng iba.
Dahil sa mga naririnig ay tumayo na din ako para tingnan ang ipinagmamayabang niyang manika. Hindi tulad ng nabibili sa palengke ay mukhang goma ito at kung titinganan mo ay mukhang mabigat.
Nagkagitgitan na kaya naman napagpasyahan ko na sanang umalis ng agad na may nakaapak ng tsinelas ko dahilan para mapigtas ito.
Dahil sa nangyari ay nagtawanan ang mga kaklase ko. "Palitan mo na kasi yan, Cristina! Maawa ka naman sa tsinelas mo" kantyaw pa ng iba.
Hindi ko sila pinansin at pinulot ang aking tsinelas ko. Bumalik ako sa aking upuan habang hawak ito. Mukhang natanggal nanaman ang alambreng nilagay ni Tatay, papaayos ko na lamang uli sa kanya mamaya pagkauwi ko.
Napabalikwas ako ng may humampas sa aking lamesa.
"Sabihin mo sa akin, sino ang umaway sayo?" Taas kilay na tanong ni Thessa habang may hawak na dalawang piraso ng biscuit.
Nanlaki ang aking mata. "Ha? wala ah!" depensa ko dahil paniguradong mangaaway nanaman siya.
Lalo lang kumunot ang noo niya at napatingin sa hawak kong sirang tsinelas. Napalingon siya sa mga kaklase kong patuloy na nakatingin sa akin at nagtatawanan.
"Hoy! Anong tinatawa tawa niyo diyan!?" Matapang na tanong niya tsaka nilapitan ang mga kaklase kong nagkukumpulan.
"Bakit, masama bang tumawa?" Mataray na tanong nung kaklase kong may bagong manika.
Humalukipkip si Thessa. "Ang yabang mo! Hindi porket may bago kang manika ay mayaman ka na. Hoy! Pare pareho pa rin tayo dito! Bigay lang din naman yan ng amo ng Tatay mo doon sa Maynila ah! Itatapon na dapat yan nung mga amo niya kaya lang ay iniregalo na lang sa iyo ng Tatay mo" laban nito.
Nakita ko ang pamumuo ng luha sa mga mata ng aking kaklase.
"Thessa tama na yan" awat ko sa kanya.
Pero as usual, Ayon nanaman sila at nauwi sa pisikalan.
"Ano ba naman iyan Theresa! Palagi ka na lang bang makikipag away?" sermon ni Tiya Hilda dito pagkauwi namin.
"Inaaway kasi nila si Andeng eh..." pagdadahilan ni Thessa.
Nakikinig lamang ako sa kanila habang nasa labas kami ng bahay ni Tatay, pinapanuod ko siya habang inaayos ang nasira kong tsinelas.
"Tay, kailan po ba uuwi si Nanay?" Malungkot na tanong ko.
Ibubuka na sana ni Tatay ang kanyang bibig para sumagot ng agad kaming napahinto ng may pumaradang tricycle sa harap ng aming bakuran.
"Andeng anak..." dinig kong tawag ni Nanay kaya naman napatakbo ako papunta dito.
Yumakap ako agad sa kanya. "Nanay"
Lumapit si Tatay sa amin para kuhanin ang mga dala ni Nanay.
"Oh ano nanaman nangyari sa tsinelas mo?" Tanong niya ng makita ang pinagkakaabalahan namin ni Tatay.
"Nasira po Inay" kwento ko.
Hinawakan niya ako sa aking baba para iharap sa kanya.
"Marami akong pasalubong sa inyo ni Thessa, tsaka mamaya ay pupunta tayo sa palengke at ibibili kita ng bagong tsinelas" sabi nito na agad kong ikinatalon.
Kagaya ng sabi ni Nanay ay marami nga siyang pasalubong sa amin ni Thessa. May mga damit at kung ano ano pa. May bago pa nga kaming back pack para sa school.
Pati bagong tsinelas ay mayroon din kami kaya naman excited akong pumasok kinabukasan. Hindi upang ipagmayabang iyon kundi masaya ako dahil minsan lamang ako magkaroon ng bagong mga gamit.
"Ang ganda, barbie yun diba?" Usap usapan ng mga classmate namin habang nakatingin sa bag namin ni Thessa. Ang sabi ni Nanay ay mga pinaglumaan daw iyon ng alaga niya kaya naman ibinigy na sa kanya. Sigurado din daw na magtatagal iyon dahil original at mahal ang bili.
Napatingin ako sa katabi kong si Thessa, pero napasapo na lamang ako sa aking noo ng makitang taas noo itong nakatingin sa mga classmate ko. Napayuko na lamang ako at mas lalong hinigpitan ang yakap sa aking bagong bag.
"Aba, Umaasenso ata tayo ah! Bago bag at bago din ang tsinelas..." pagpuna nung kaklase ko na may bagong manika kahapon.
"Umuwi kasi galing maynila ang nanay ni Andeng..." pagyayabang naman ni Thessa.
Napatawa ang kaklase naming iyon at nagpamayweng pa sa harap namin.
"Oo nga pala. Ang sabi ng Tatay ko, nakikipagrelasyon daw ang Nanay ni Andeng sa isang mayamang may asawa. Kaya naman napakadaming uwing pasalubong" broadcast nito.
Naramdaman ko ang galit ni Thessa sa aking tabi pero hindi ko na din mapigilan ang aking sarili kaya naman agad akong tumayo at sinabunutan siya.
"Hindi yan totoo! Bawiin mo yung sinabi mo!" Sigaw ko sa kanya tsaka kami nagsabunutan duon sa loob ng classroom.
Panay tulo ng luha ko habang nakaupo sa may sala, kaharap ko kasi si Nanay at Tatay. Pati na rin si Tiya Hilda na nakahilig sa may pintuan. Si Thessa naman ay katabi kong nakayuko din.
"Andeng anak...ano ba talaga ang nangyari?" Tanong sa akin ni Nanay.
Umiling na lamang ako at hindi sumagot. "Andeng..." tawag naman sa akin ni Tatay.
"Hindi ko nagustuhan yung ginawa mo, Andeng. Ayoko ng mabalitaang mauulit ito..." pangaral niya.
Sa hindi malamang dahilan ay mas lalo akong napaiyak kaya naman mas lalo silang nagulat. Bago pa man sila makapagtanong ay tumakbo na ako papunta sa kwarto tsaka sumampa duon sa may papag.
"Anak..." tawag sa akin ni Nanay. Naramdaman ko ang paghaplos nito sa aking ulo.
"Hindi naman galit si Nanay sayo. Galit ako duon sa ginawa mo, pero hindi sayo Andeng" pagaalo nito.
Umupo ako at mabilis na yumakap sa kanya. "Sorry po, Nay. Kung ano ano po kasi ang sinabi niya tungkol sa inyo kaya ako na galit" paliwanag ko.
"Shh...wag mo ng intindihin ang mga sinasabi nila Anak. Hindi iyon makakatulong sa atin, naiintindihan mo ba iyon?" Paninigurado niya na kaagad kong tinanguan.
"Sige na at matulog ka na." sabi nito at iginaya ako pahiga.
"Nay, sana matagal pa bago kayo bumalik sa maynila." Sabi ko.
Tipid ako nitong nginitian. "May dalawang araw pa si Nanay dito"
Nalungkot ako. "Dalwang araw lang po? Ang iksi naman nun" reklamo ko.
"Kailangang umalis ni Nanay para sa pagaaral mo at sa mga gastusin. Pero lagi mo lang iisipin na nandito lang ako, na magkasama tayo" pagaalo nito sa akin bago ako halikan sa noo.
Naramdaman ko na din ang konting antok kaya naman napapapikit na ako sabayan pa ng paghaplos niya sa aking buhok. Pero mas lalo akong napakalma ng kantahan niya ako.
"Ili ili tulog anay, wala diri imo nanay. kadto tienda, bakal papay, ili ili tulog anay"
(End of Flashback)
"Tine"
Agad kong naramdaman ang paglapat ng mainit na palad ni Timothy sa aking magkabilang pisngi.
"Shh...anong problema?" Nagaalalang tanong niya habang pinapahiran ng hinlalaki niya ang aking luha.
"Na miss ko si Nanay. Miss na miss ko na si Nanay" paulit ulit na sambit ko at tuluyan ng napahagulgol.
Naramdaman ko ang mahigpit na yakap ni Timothy sa akin. Pero hindi iyon ang tunay na nagpakabagabag sa akin kundi ang panginginig ng kanyang katawan habang yakap ako.
"I'm very sorry, Tine. I'm so sorry" paghingi niya ng tawad sa hindi ko malamang dahilan.
(Maria_CarCat)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro