Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 8

Pinilit kong imulat ang mga mata ko habang nasa klase ako kinaumagahan. Sobrang maga nito dahil sa pag-iyak ko kagabi. Hindi rin ako nakatulog ng maayos kakaisip ko sa nawala kong sketch pad.

"Fina, nasan yung sketch pad mo?" tanong ni Charlie matapos ang unang klase namin. Inaayos niya ngayon ang maiksi niyang buhok habang nakatingin sa akin.

"Ah, nakalimutan ko sa bahay," nagsinungaling ako.

"Paano mo naman makakalimutan ang pinakaimportanteng bagay ng isang arki student?" Diin ni Charlie sabay upo sa tabi ko.

Bumuga ako ng hangin sabay untog ng ulo sa mesa ko. "Na-holdap ako kagabi at nakuha ang buong bag ko kasama ang sketch pad ko."

"Ano?" Umalingangaw ang sigaw ni Charlie sa buong kwarto namin. Buti nalang at kaunti nalang ang naiwan ngayon dito.

Inangat ko ulit ang ulo ko para tignan siya. "Kaya ngayon kailangan kong ulitin yung mga plates na nasimulan ko na."

"Eh, hindi ba bukas na ang deadline ng mga iyon?" Paalala pa ni Charlie.

I sighed. "Kaya nga hindi na naman ako matutulog nito. Hindi ko alam kung kakayanin kong tapusin lahat ng iyon ng isang gabi lang. Iniisip ko pa lang ay give up na ako."

Tinapik ni Charlie ang likod ko. "Sorry, Fina. Moral support nalang ang maibibigay ko."

"Salamat na rin. Kailangan ko rin naman ng moral support," sagot ko.

"Wait, so pati cellphone mo natangay?" Tanong ulit niya.

Tumango ako.

"Pano na 'yan? Bibili ka ng bago?"

Nagkibit ako ng balikat. "Ewan ko. Ayaw ko namang sabihin pa kay nanay. Mag-aalala lang 'yon."

"Fina, kung may pera lang ako papautangin kita. Pero alam mo namang walang-wala rin ako."

"Okay lang, ano ka ba? Mas inaalala ko ngayon yung mga plates na kailangan kong ihabol."

"Teka, hindi ba may plate rin tayong kailangang ipasa kay Prof Santiago mamaya?"

Nanlaki ang mga mata ko. Nakalimutan kong si Prof Santiago nga pala ang susunod naming klase at siya rin ang pinaka-terror na propesor namin. Wala na. Patay na ako.

"Fina, ano? Paano na?" Concerned na tanong ni Charlie.

Tumayo ako sa kinauupuan ko. "Magcu-cutting nalang ako. Sabihin mo may emergency. Sumakit ang tiyan. Kahit ano na. Ikaw na bahala sa akin."

"Gagi! Fina! Bumalik ka nga dito!" tawag ni Charlie sa akin pero lumabas na ako sa classroom namin.

Mas mabuti pang huwag na akong magpakita sa Prof namin mamaya. Sigurado naman akong ipapahiya rin ako nun kapag wala akong naipasa.

Paano ba ako makakabili ng bagong sketch pad? Kailangan ko rin ng mga bagong lapis at markers?

Wala na akong natitirang pera. Yung dinala kong limang daan na galing pa sa savings ko ay pagkakasyahin ko nalang para sa ipambabayad ko sa dyip at train ng isang linggo. Kailangan ko na talagang makahanap ng trabaho.

Naglakad ako patungo sa Town Centre para maghanap ng murang sketch pad. Uutang nalang muna ako kay Tito Raul ng pera mamaya. Sana may maipahiram siya sa akin.

Pagdating ko sa isang shop, may biglang tumawag ng pangalan ko mula sa di kalayuan. Napalingon ako at nakita ko si Tyler na tumatakbo habang may hawak na kape galing sa Starbucks.

"Fina, kumusta? San punta mo?" tanong nito habang inaayos ang buhok niya.

"Ah, eh may bibilhin lang ako. Ikaw?"

"Tara, lunch tayo. Libre ko na. Last time naudlot tayo, remember?" Paalala ni Tyler.

Naalala ko bigla iyong sinabi ni Koleen sa akin tungkol kay Tyler... na kailangan kong mag-ingat sa kanya. Pero kung tanggihan ko naman siya, baka mas lalo pa siyang magalit sa akin.

"Sige. May bibilhin lang ako saglit," sabi ko sa kanya.

"Okay, hintayin na kita dito sa labas," Tyler answered, sipping from his coffee.

Nagtungo na ako papasok sa shop kung saan may mga school supplies. Medyo tinagalan ko na rin ang pamimili ko at baka mag-iba ang isip ni Tyler.

Ngunit, paglabas ko ng shop, nakita kong nakatayo pa rin siya doon habang naghihintay sa akin. Malapit na rin niyang maubos yung hawak niyang kape.

"Let's go?" Tugon ni Tyler nang makita niya ulit ako.

Tumango na lamang ako at sinundan siya sa paglalakad hanggang sa makarating kami sa isang restaurant. Hindi pa man din kami nakakapasok sa loob ay may pamilyar na lalaking nakakuha ng atensiyon ko na palabas rin sa restaurant.

Titingin na dapat ako sa ibang direksiyon nang biglang magtama ang paningin namin ni Kahel.

"Fina, sa Jollibee nalang tayo?" pag-aya ni Tyler pero huli na nang papalapit na si Kahel na kasama rin si Koleen.

"Fina!" Tawag ni Koleen sa akin habang kumakaway.

Binigyan ko siya ng ngiti. "Koleen!"

Niyakap ako bigla ni Koleen nang marating niya ako. "Okay ka lang? I heard about what happened."

"Bakit? Ano'ng nangyari?" usisa ni Tyler sa tabi ko pero walang pumansin sa kanya.

"We were just about to find you. Actually, itong si Kell ang naghahanap sa'yo. Di ba may sasabihin ka kay Fina?" Siniko ni Koleen si Kahel kaya napatingin ang lalaki sa akin.

Inabot niya sa akin ang cellphone at eksaktong sketch pad na natangay ng holdaper kagabi. Binuksan ko ito at nakitang maayos pa naman yung mga guhit. Pwede ko pa itong ipasa. Hindi ko na kailagang ulitin pa yung mga ibang assignments ko.

"Paanong-"

"Huwag mo nang tanungin kung paano. A thank you is enough," sagot ni Kahel sabay lagay ng mga kamay niya sa bulsa nito.

Tumingin ako kay Kahel na nakatingin rin sa akin. First instinct ko ay ang yakapin siya dahil sa tuwang umaapaw sa loob ko. Kaya lang baka kung ano naman ang isipin ni Koleen. Ayaw kong isipin pa niya na inaagaw ko ang ka-"something" niya.

Kaya imbes na yakapin ko si Kahel, binigyan ko nalang siya ng malaking ngiti. "Maraming salamat, Kahel."

"Kahel?" Confused na tanong ni Koleen.

Hindi ko sinasadyang tawagin siyang kahel. Nasanay lang kasi akong kahel ang tawag ko sa kanya. Hindi ko tuloy napigilan.

"She just likes calling me that." Nagsalita naman si Kahel habang may maliit na ngiti sa labi nito na parang tinutukso pa ako.

Ngumiti naman si Koleen. "Mukhang naging close ata kayo dahil sa nangyari kahapon ah."

"Hindi ah," sagot ko na siya ring sinabi ni Kahel na halos sabay naming sinabi. Nagtinginan kaming dalawa. Pinanliitan ko siya ng mata at ginaya naman ako. Gaya-gaya puto maya!

Narinig ko ang pagtawa ni Koleen. "Buti naman at close na kayo."

"We're not close," sagot pa ulit ni Kahel.

"Ah, eh, mauuna na ako. Kailangan ko pang gawin yung mga assignments ko," excuse ko para makaalis na ako.

"Hatid na kita," offer pa ni Tyler.

"Ay, hindi na. Tirik pa naman ang araw," sabi ko naman.

"Exactly. Mas madali kung ihahatid kita," sagot ulit ni Tyler.

"Ako na maghahatid sa'yo," biglang nagsalita si Kahel kaya napatingin ako sa kanya. Pati sina Koleen at Tyler ay napatingin rin.

"Mabuti pa nga. Tutal alam na ni Markell ang bahay niyo, di ba?" Pagkumpirma sa akin ni Koleen.

Tumango na lamang ako. Ano ba ang nakain ng Kahel na ito at gusto na naman akong ihatid?

"Nag-cutting ka ba?" tanong ng lalaking nakabuntot sa akin mula kanina.

Ang init na nga ng panahon, pinapainit pa niya ang ulo ko. Kung hindi niya lang talaga nabalik sa akin ang sketch pad ko, hindi ko ito papansinin.

"Are you really ignoring me? Matapos kong ibalik ang cellphone at sketch pad mo?"

"Nag-thank you na ako, di ba? Tsaka, bakit ba sinasamahan mo ulit ako? Huwag mong sabihing ginagawa mo pa rin ito dahil kay Koleen?"

"Hindi. Ginagawa ko ito para sa'yo," seryosong sagot niya.

Napatigil ako sa paglakad para tignan siya sa likod ko. "At bakit mo naman ito ginagawa para sa akin?"

Ngumisi siya. "Para kapag kinailangan kita, hindi ka makakatanggi sa akin."

Nagsalubong ang kilay ko habang pinipigilan ang sarili kong hindi sumigaw. "Ano kamo?"

Tumango ang lalaki. "May utang na loob ka na sa akin ngayon."

Sumubsob ang panga ko sa lupa sa narinig ko. "Wow! Kaya pala nagbabait-baitan ka sa akin ngayon?"

Hindi na ulit siya umimik pa. Tahimik lang kami habang naglalakad patungo sa train station. Pagbukas ng pintuan ng train, halos mapadapa ang mga taong papalabas mula sa loob.

Napakapit ako sa backpack kong nilagay ko sa may harap ko habang naghihintay ng tiyempo para makapasok sa loob. Nang unti-unti na ring nagkaroon ng espasyo sa loob, nagsimula nang pumasok ang mga katabi ko.

Agad akong tumapak sa loob ng tren at baka masarahan pa ako. Pagtingin ko kay Kahel, nakatayo pa rin siya sa labas habang nakatingin sa mga taong pumapasok.

"Kahel!" Sigaw ko para makuha ang atensiyon niya. Nang mapatingin siya sa akin, kinawayan ko siya. "Halika na!"

Pero hindi pa rin siya gumalaw mula sa kinatatayuan niya.

Humakbang ulit ako palabas at kinuha ang kamay ni Kahel. Hinatak ko siya papasok sa loob at sakto ring pasara na ang pintuan ng tren. Hingal na hingal ako habang nakatayo sa may gilid.

"Sorry," rinig ko ang paghinga ni Kahel matapos niyang sabihin ito.

Inangat ko ang mukha ko at nalula ako nang makita ko kung gaano kalapit ang mukha niya sa akin ngayon. "Ah, eh..."

"Okay ka lang?" Mahinang tanong niya sa akin habang nakatitig ang mga mata nito at nakataas ang mga kamay sa magkabilang gilid ko na parang nakakulong ako sa mga bisig niya.

"Mmm-mmm." Napatango nalang ako sabay tingin sa tabi ko. Mukhang dikit dikit ang mga tao kaya kahit na itulak ko siya ay mananatili pa rin siya dito sa harap ko.

Napatingin ulit ako kay Kahel. Nakatingin na siya ngayon sa ibang direksiyon kaya sinamantala ko nang titigan ang mala-anghel nitong mukha. Kahit na pawisan ay gwapo pa rin siya.

Pero hanggang ngayon ay kulay kahel pa rin talaga siya. Hindi ba siya masaya ngayon?

Nilapit ko ang sarili ko sa kanya at inangat ang mga kamay ko. Unti-unti kong binalot ang mga kamay ko sa katawan nito.

"What do you think you're doing?" Biglang sambit ni Kahel kaya binaba ko rin agad ang mga kamay ko.

Napakagat ako sa baba ng labi ko. "Ah, wala. May tinetesting lang."

Pinanliitan niya ako ng mata. "Testing? You mean, tsansing?"

Tumikhim ako. "Hoy, excuse me, Kahel. Hindi ako ganun ha. Huwag kang ano diyan."

Umiling lang siya at hindi na ulit umimik matapos nun. Samantalang ako naman ay sasabog na sa kahihiyan. Bakit ko ba kasi ginawa iyon?

"Bababa ba kayo o maglalandian?" May isang babaeng biglang nagsalita mula sa kung saan kaya napalingon kaming dalawa ni Kahel sa may-ari ng boses. Nakataas ang kilay ng babae habang nakatingin sa akin. High blood naman masyado si ate!

Napatingin ako sa labas at nakitang nandito na pala kami sa bababaan namin.

Tinulak ko si Kahel para umalis na siya sa harapan ko at agad akong bumaba palabas. Tahimik lang akong naglakad pababa sa istasyon ng tren hanggang sa makarating na rin kami sa eskinita.

Naalala ko ulit nung isang gabing may nagnakaw ng bag ko. Mas binilisan ko pa ang paglakad dahil baka may nag-aabang na namang holdaper dito.

"Fina!"

Napatigil ako sa boses ni Kahel sa likuran ko. "Oh bakit?"

"Hindi mo man lang ba ako hihintayin?" tanong ni Kahel nang marating niya ako.

"Eto na nga oh," sagot ko naman. "Baka kasi mamaya may holdaper na naman."

Nilagay niya ang mga kamay niya sa loob ng itim niyang slacks. Mukhang may pinuntahan na namang meeting itong kasama ko ngayon dahil sa suot niya. "Nandito naman ako. Bakit ka natatakot?"

"Kahit na," mahina kong sambit sabay tuloy ulit sa paglakad.

Maya't maya pa ay may tunog galing sa isang cellphone. Sigurado akong hindi akin iyon dahil lagi akong naka-silent mode. Nakita ko si Kahel na kinuha ang cellphone galing sa bulsa niya at sinagot ito.

"Hello, kuya? Opo. Uuwi ako diyan mamaya. Sabado naman bukas."

Mukhang may gala pa siya mamaya. Na-guilty na naman tuloy ako na sinamahan niya ako.

Nang ibaba ni Kahel ang tawag, nilingon ko siya sa tabi ko. "Pwede mo na akong iwan dito. Hindi pa naman gabi. Alas singko pa lang naman."

"Bakit ba lagi mo akong pinapaalis? Kaya nga kita sinamahan para walang mangyaring masama sa'yo," pilit ni Kahel.

Matigas rin talaga itong lalaking ito eh. Sana lang talaga hindi niya mabuking na sa mansion ng lolo niya ako nakikitira ngayon.

"Sir Ellis!"

Pamilyar ang boses na tumawag sa kasama ko mula sa loob ng kotse na biglang tumigil sa may gilid namin.

"Kuya Jun!" Bati ni Kahel sa driver ng isang itim na kotse.

Lumuwa ang mga mata ko nang makita ko ang mukha ni tito. Nang magtama ang paningin namin, hindi na ako nakapagtago pa.

"Fina? Bakit magkasama kayo?" tanong ni tito.

Napatingin sa akin si Kahel. "Magkakilala kayo?"

"Oo, sir. Siya yung pamangkin kong nakikitira ngayon dun sa mansion ng lolo niyo."

Patay na! Wala na akong takas. Kung pwede lang sanang lamunin na ako ngayon ng kumunoy o kaya naman ay tangayin ng ipo-ipo para hindi ko na kailangang mag-explain sa lalaking katabi ko.

Pero huli na ang lahat. Buking na ang lola mo.

🍊

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro