Chapter 22
Pagbukas ko ng mga mata ko, bumungad sa akin ang madilim na paligid. Napahawak ako sa ulo ko at pinilit na umupo mula sa malambot na kamang hinihigaan ko.
"Sorry, nagising ba kita?"
Napatingin ako sa gilid kung nasaan may nakaupong lalaki na nakaharap sa laptop nito. Kahit likod lang niya ang kita ko, kilalang-kilala ko na kung kanino ito. "Kahel?"
Nilingon ako ni Kahel at doon ko nakitang nakasuot siya ng salamin. Nakababa na rin ang buhok niyang laging naka-style pataas kaya nagmukha siyang inosente.
Kahit na yung ilaw lang galing sa laptop niya ang nabibigay liwanag ngayon dito sa loob ng kwarto, kita ko pa rin ang kagwapuhan ng lalaki.
"Fina," mahinang pagtawag ni Kahel sa akin.
Napailing ako para buwagin ang titig ko sa kanya. "Ah, nakatulog pala ako dito sa kama mo. Wala na ba ang mommy mo?"
"She left a while ago," simpleng sagot niya.
Tumango ako at hinanda ang sarili ko para tumayo. "Sige. Babalik na ako sa paglilinis."
"Tapos na."
Liningon ko agad ang lalaki. "Ano'ng tapos na?"
"Hindi mo na kailangang maglinis," saad niya.
"Pero, akala ko ba-"
"Fina, may sugat ka pa. Huwag mo nang isipin ang paglilinis."
Napatingin ako sa binti ko at nandoon pa rin ang panyo na nakapalibot sa sugat ko. Napansin ko rin na may kulay pulang mantsa sa dating puting-puti na bedsheet ni Kahel. "Hala, sorry. Natagusan ng dugo 'tong kama mo."
Bumuntong-hininga si Kahel. "Huwag mo nang intindihan 'yan. Tsaka, sweswelduhan pa rin kita para sa araw na 'to."
"Bakit mo ako sweswelduhan? Wala naman akong ginawa."
Napahawak si Kahel sa sentido niya. "Bakit ba ang hirap mong tumanggap ng tulong?"
"Dahil gusto kong pinaghihirapan ko ang bawat salapi na makukuha ko. 'Yon ang turo sa akin nina tatay at nanay," sagot ko.
Huminga ng malalim ang lalaki habang nakatingin sa mesa niya. "Gusto mong tumulong? Okay, tulungan mo akong mag-review."
Kumunot ang ulo ko. "Ha? Wala naman akong alam diyan sa mga law law na 'yan."
Tumayo si Kahel at inabot sa akin ang mga index cards mula sa kamay niya. Binuksan na rin niya ang ilaw sa kwarto kaya lumiwanag na ulit ang paligid.
Napatingin ako sa mga index cards na binigay niya sa akin. May mga nakasulat dito na hindi ko maintidihan. "Ano'ng gagawin ko?"
"Basahin mo lang 'yang mga questions tapos yung answers nasa likod," pag-explain ni Kahel sabay upo ulit sa silya niya.
Tumikhim ako sabay ayos ng upo ko sa kama bago ko sinimulan ang pagbasa ng mga katanungan. "Ready ka na?"
"I'm always ready," confident na sagot ni Kahel habang nakahalukipkip.
"What are the limitations upon the power of Congress to enact penal laws?" Unang tanong ko.
"The limitations upon the power of congress to enact penal laws are as follows... Congress cannot enact an ex post facto law. Congress cannot enact a bill of attainder. Congress cannot provide for a cruel punishment."
Napaawang ang labi ko habang tumatango sa bawat sagot ni Kahel. Walang mintis ang mga sagot niya. "Ang galing," mangha kong sambit.
"Next question," utos niya.
Inalis ko ang unang index card at nilagay sa kama. "What is the Doctrine of Pro Reo? How does it relate to Article 48 of the Revised Penal Code?"
"The Doctrine of Pro Reo provides that whenever a penal law is to be construed or applied and the law admits of two interpretations, one lenient to the offender and one strict to the offender, that interpretation which is lenient or favorable to the offender will be adopted."
Wala talaga akong maintidihan sa mga sinabi niya pero saktong-sakto lahat ang sagot niya. "Mukhang hindi mo naman na kailangang mag-review," sabi ko sa kanya.
"Di ba sinabi ko rin naman na hindi ko kailangan? Pero gusto mong may gawin ka bago kita swelduhan," sagot ulit ni Kahel.
"Oo na. Sige na uuwi nalang ako," binaba ko na yung mga index cards sa kama at tumayo mula rito.
"Ihahatid na kita." Tumayo rin si Kahel mula sa kinauupuan niya matapos niyang tanggalin ang salamin mula sa mga mata nito.
Hindi pa kami nakakalabas mula sa kwarto nang may marinig kaming sumisigaw mula sa labas. Pagbukas ni Kahel ng pintuan, boses ni André ang bumati sa amin.
"Party people in the house!"
Sinundan namin ang boses hanggang sa makarating kami sa sala. Nakita namin si André pati na rin sina Logan, Koleen, Hailey at Alexis. Nakatingin naman sila sa amin nang makita nila kami.
"Ano'ng ginagawa niyo sa kwarto, hmm?" usisa ni André sa amin habang taas-baba ang kilay nito.
Napahawak ako sa tainga ko habang naramdaman ko ang pag-init ng pisngi ko. "Ha? Wala ah."
"Tinutulungan lang niya akong mag-review," agad namang sagot ni Kahel.
Lumapit si André kay Kahel at nilagay ang kamay niya sa balikat ng kaibigan. "Classic move, bro! I'm so proud of you!"
Inalis naman ni Kahel ang paghawak ni André sa kanya. "Bakit ba kayo nandito?"
"Naisip lang namin mag-advance party bago ang midterms," ani Hailey.
"Hindi niyo man lang sinabi bago kayo pumunta dito," sumbat ni Kahel.
"Bakit bro? Naabala ba namin kayo?" Panunukso ulit ni André habang nakangisi.
Tumango naman si Kahel. "Yes, you just ruined my inner peace."
Umiling si André habang tumatawa. "Ang poetic mo talaga, bro."
"Fina, ano'ng nangyari sa binti mo?" Biglang tanong ni Koleen kaya napatingin silang lahat sa akin. Siya pa talaga ang nakapansin ng sugat ko.
"Ha? Ah, nasugatan lang ako kaninang naglilinis dito," sagot ko.
"Sabi ko na hindi ka dapat naglilinis sa bahay na 'to," sabi pa ni Hailey.
Nilapitan ako ni André at ako naman ngayon ang inakbayan. "Fina, my offer still stands. I-tutor nalang kita and then I'll pay you."
"She's already tutoring me," agad na sagot ni Kahel.
"Kailan ka pa nangailangan ng tutor?" panunuksong tanong ni Logan.
"Guys, magpa-party ba tayo or what?" Inip na tanong ni Alexis.
Binitawan na rin ako ni André at nagtungo sa sala kaya sinundan na rin siya ng iba maliban kay Koleen.
"Fina, malalim ba 'yang sugat mo?" Alalang tanong ni Koleen sa akin. "Pwedeng patingin?"
Tumango naman ako habang tinatanggal na ni Koleen yung panyong nakabalot sa binti ko.
"I was going to take her to a hospital," sagot ni Kahel na hindi pa rin umaalis sa tabi ko.
"Hindi na siya dumudugo masyado pero may hiwa dito sa skin mo. I think kailangan siyang ma-stitch sa ER," suggestion ni Koleen na mukhang maalam sa ganitong bagay. Oo nga pala, nursing student siya.
Napalunok ako nang maproseso ko ang sinabi niya. "Stitch? Itatahi nila?"
Tumango si Koleen at ibinalik na rin ang pagkakabalot ng panyo sa aking binti. "Hindi ka ba nahihilo?"
Umiling ako. "Kanina lang."
Nilingon ako ni Kahel. "Bakit hindi mo sinabi sa akin?"
"Eh kasi..." Napahinto ako dahil naalala kong dumating kanina yung nanay niya.
"Kell, samahan mo na siya sa ER. Susunod kami," Utos ni Koleen sa kaibigan niya.
Agad namang tumango ang lalaki na parang robot. Kinuha niya ang kamay ko kaya hindi na ako nakapalag pa. Sinundan ko siya pabalik sa kwarto niya dahil hawak-hawak pa rin niya ang kamay ko.
Kinuha niya ang cellphone niya mula sa mesa at nagtungo sa cabinet niya at naghalungkat ng damit. Nakita ko ang puro puti nitong long-sleeved na polo shirt pati na rin ang iba pang tshirt na parehas lang rin ang kulay.
Napatingin ulit ako kay Kahel na nakasuot ng puting tshirt at kulay gray na jogging pants. Magpapalit ba siya ng damit?
"Kahel, pwede mo na muna akong bitawan," sabi ko sa lalaki.
"Hindi na kailangan," sagot naman nito habang hawak pa rin ang kamay ko.
"Alam mo mas madali mong mahahanap ang hinahanap mo pag binitawan mo-"
Tinaas niya ang kamay niyang may hawak na puting sweater. "Suotin mo 'to mamaya, baka lamigin ka."
Kinuha ko ang sweater mula sa kanya at sinimulan niya ulit akong hatakin palabas ng kwarto niya. Pagdating namin sa sala, nadatnan namin silang kumakain na ng pizza na mukhang pina-deliver nila.
"Ingat guys!" Kumaway si Hailey sa amin na siyang unang nakapansin sa pagbalik namin sa sala.
"Ayaw na nilang sumama sa ospital," sabi naman ni Koleen na nakaupo sa sofa katabi ni Hailey.
"Kaya na nila 'yan," ani Alexis.
Tinaas ni André ang kamay niya. "Bro, you need my keys?"
Tumango naman si Kahel kaya binato ni André ang susi niya. Napanganga ako dahil muntikan pang matamaan ang mukha ko. Buti nalang at magaling mag-catch si Kahel.
"Nice catch!" Puri ni André sabay subo ng pizza.
"Tawagan niyo nalang kami pag may kailangan kayo," saad naman ni Logan.
"Huwag kayong magkakalat. Kayo ang maglilinis niyan," paalala ni Kahel sa kanila.
"Akala ko ba si Fina ang cleaner niyo dito?" Tanong ni Alexis kaya napatingin silang lahat sa babae.
Inirapan siya ni Hailey. "Alexis, read the room."
"We'll go ahead," nagsalitang muli si Kahel sa tabi ko at tuluyan na rin kaming lumabas ng penthouse nila.
Nang makarating kami sa parking lot, binitawan na rin ni Kahel ang kamay ko. Naramdaman ko na rin ang malamig na hangin na dumadaan sa braso ko.
"Suotin mo na 'yang hoodie," utos ni Kahel sa akin.
Tumango nalang ako at sinuot ang sweater. Sa laki ng size nito, hindi ko na kita ang mga kamay ko.
"Looks good on you," komento ni Kahel habang nakita ko ang pagdaan ng mata niya sa akin mula ulo hanggang paa.
Tumikhim ako para mabaling ang kaba ko. "Ang laki kaya sa'kin."
Napatawa siya nang mahina. "Ang liit mo kasi."
Sumimangot ako sa kanya. "Oo na. Ikaw na ang matangkad."
Humakbang palapit sa akin si Kahel at hinawi ang buhok kong lumilipad sa magkabilang gilid ng pisngi ko. Bigla akong nag-init sa hawak niya.
Kinuha na niya ang helmet mula sa bike at nilagay ito sa ulo ko. "Ready?" Tanong niya sa akin habang nakakulong na ang ulo ko sa helmet.
Tumango naman ako at umakyat na rin sa likod ng bike habang pinipilit kong pabagalin ang pitik ng puso ko.
Hoy, Fina. Tama ka na.
🍊
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro