Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 20

Nakailang hikab na ako habang nakikinig sa prof namin sa harap. Isang oras lang ata ang tulog ko kagabi. Pinilit kong tapusin ang plate ko at hindi na rin naman ako nakatulog pa dahil sa nangyari kagabi sa gazebo.

"Fina, okay ka lang? Hindi ka na naman ba natulog?" usisa ng kaibigan ko nang matapos ang klase namin sa Building Tech.

Umiling ako kay Charlie habang kinukha ang backpack ko. "Tinapos ko yung plate ko tapos hindi ko namalayan na alas-sais na pala."

"Ano ka ba, Fina? Alam ko namang importante ang plate natin. Pero mas importante pa rin naman ang kalusugan mo. Paano kung mapano ka diyan?" Paalala ni Charlie sa akin.

"Ikaw rin naman, di ba? Nagtatrabaho ka rin tuwing Sabado at Linggo. Alagaan mo rin kaya ang sarili mo," binalik ko ang paalala sa kanya at tumayo mula sa kinauupuan ko.

"Oh, san ka na pupunta?" tanong ni Charlie na nakaupo pa rin sa silya niya.

"Mag-rereview ako sa library. Di ba may quiz tayo mamaya?" Sagot ko naman.

"Sus. Di na kailangan mag-review. Stock knowledge lang ako."

"Oo na. Basta ako kailangan kong mag-review. Bye." Iniwan ko na si Charlie sa kwarto at nagtungo sa hallway.

Paglabas ko ng building namin, nakita ko ang pagbuhos ng ulan. Tumila ang ulan kaninang umaga pero ngayon ay bumubuhos na naman ito.

Nag-martsa ako pabalik sa kwarto namin pero nawala na si Charlie sa upuan niya. San kaya nagpunta yun?

Bumalik ako sa silya ko at binuksan ang iPad para mag-review. Maya't maya pa ay nag-ilaw ang cellphone na nakapatong sa mesa ko. Hindi ko dapat ito babasahin pero nang makita ko ang pangalan ni Kahel ay agad ko itong kinuha.

Kahel:

Fina

Kumunot ang noo ko. Ano naman ang gustong sabihin nito? Bakit hindi nalang ako diretsuhin?

Habang nagta-type ako ay may text siya ulit.

Kahel:

Sorry about last night

Napatigil ako sa pag-type sa cellphone ko. Bumalik na naman yung tibok ng puso ko katulad kagabi.

"Uy, sino yang ka-text mo?"

Muntik ko pang mabitawan ang cellphone ko nang marinig ko si Charlie mula sa likuran ko. Agad kong binaba ang hawak kong cellphone at binaling ang atensiyon ko sa babaeng may hawak na Gatorade.

"Aba! At talagang tinago mo pa? Si Kell 'yan 'no?" Umupo si Charlie sa tabi ko sabay inom sa bote niya.

Mabilis akong umiling. "Ha? Hindi ah."

Inirapan ako ni Charlie. "Huwag ako, Fina. Saka lang naman ganyan ang reaksiyon mo sa tuwing si Kell ang pinag-uusapan."

"Hindi nga siya 'to," pilit ko siyang kinumbinsi sabay tutok sa iPad sa mesa ko.

"Teka, akala ko ba sa library ka?"

"Ang lakas ng ulan. Maglalakad pa ako kaya dito nalang ako."

"Mabuti naman para may kasama ako. Nga pala, alam mo ba na tatakbong presidential candidate yung dad ni Kell sa susunod na election?"

Nilingon ko agad si Charlie. "Saan mo nalaman?"

"Hindi ka ba updated sa news? Kalat na kalat na dito sa campus siyempre dito nag-aaral yung anak ni senator."

Wala akong nasagap na ganoong balita. Siguro masyado akong busy sa sarili kong buhay kaya hindi ko na iniintindi yung mga nasa paligid ko.

"Paano ngayon 'yan? Magiging mas strict sila sa mga guards nila ngayon. Pati ikaw madadamay?"

"Bakit naman ako madadamay? Hindi naman ako anak ng senador."

"Siyempre magiging girlfriend ka ni Kell kaya natural lang."

Nasamid ako sa sinabi ni Charlie. "Ano kamo?"

"Fina, hindi ba obvious na may something kayo ni Kell? Halos araw-araw kayong nagkikita at nagkakasama. Ewan ko nalang kung hindi pa mapupunta dun ang relasyon niyo."

"Ikaw Charlie, kung ano-ano ang nai-imagine mo. Tingin mo ba magkakagusto sa akin yun?"

"Bakit naman hindi? Mabait ka naman..."

Pinanliitan ko siya ng mata. Wala na siyang ibang nasabi pa. "Mabait lang talaga?"

"Tsaka magaling mag-drawing," dagdag ni Charlie.

Huminga ako ng malalim. Kung ako si Kahel, hindi ko magugustuhan ang isang Josefina Melendrez. Kahit pa siguro gumuho ang mundo, hindi pa rin ako magugustuhan ni Kahel.

Kailangan ko na talagang tanggalin ang ilusyon sa kukote ko...

Alam kong ako lang rin naman ang masasaktan sa huli.

#

Nakauwi ako ng mga alas-otso ng gabi. Sobrang traffic tapos inabutan pa ako ng ulan kaya basang-sisiw ako pagkarating ko sa mansion.

Nagtungo agad ako sa kwarto para kumuha ng bagong damit para makapagpalit na ako. Matapos nito ay agad kong hinanap sina nanay.

Pagdating ko sa kusina ay si Manang Isang ang bumungad sa akin na nagluluto ng hapunan.

"Fina, nandito ka pa pala?" tanong nito sa akin habang may hinahalo sa kaldero.

"Nasaan po sina nanay?" Agad kong tanong.

Tumigil si Manang Isang sa pagluluto. "Akala ko kasama ka na nila doon sa terminal. Hinatid sila ng tito mo dahil uuwi na sila sa probinsiya."

Napaawang ang labi ko sa gulat. "Po? Bakit sila uuwi nang walang pasabi?"

"Hindi mo ba nakita yung text ng tito mo?"

Umiling ako. Hindi ko na nagawang tignan pa ang cellphone ko kanina habang pauwi ako.

"Dumating dito yung assistant ni Senator Jorge tapos inutusan silang umalis ng mansion... kasama ka."

Kinuyom ko ang kamao ko habang pinipigilan ang sarili kong huwag sumigaw. "Bakit biglaan naman po ata? Wala namang sinabi si Kahel sa akin."

Lumapit si Manang Isang sa akin. "Wala rin akong alam, Fina. Pati nga rin ako pinapaalis na nila. Lahat kaming nagtatrabaho dito sa mansion ay sinesante na."

Napaaawang ang labi ko. "Ho?"

Mabilis kong hinanap ang cellphone sa loob ng backpack ko. Isang text lang ang natanggap ko at hindi ito galing kay Kahel.

Tito Jun:

Fina, dumating dito kanina yung secretary ni sir senator. Gusto nilang maghanap ka na ng bagong malilipatan. Ihahatid ko na ang mga kapatid at nanay mo sa terminal para makauwi sa probinsya. Pasensiya ka na, hanggang dito nalang ang maitutulong ko sa inyo. Kailangan ko na ring maghanap ng bagong trabaho.

Nalula ako sa mensahe ng tito ko. Hindi ko maintindihan ang nangyayari. Akala ko ba pinapatira nila kami dito sa mansion? Bakit bigla nalang nila kaming papalayasin?

"Fina," narinig ko ang pagkatok ni Manang Isang sa labas ng kwarto ko. "Kailangan mo ba ng tulong?"

Huminga ako ng malalim habang nanginginig na ang mga kamay ko. Kinuha ko ang backpack ko pati na rin ang nag-iisang bag na dala ko noon at nagsimula na rin akong hakutin ang mga damit na nilagay ko sa drawer.

"Fina?" Patuloy si Manang Isang sa pagkatok sa kwarto ko habang ako naman ay malapit na ring matapos sa pagkuha sa mga gamit ko.

Pagbukas ko ng pinto ay nakatayo si Manang Isang sa harap ko. "Maraming salamat po," binaba ko saglit ang hawak kong bag at niyakap siya.

"Aalis ka na ba? Hintayin mo na ang tito mo."

Umiling ako. "Hindi na po. Baka maabutan pa nila ako dito. Nakakahiya na rin po sa mga Atkinson. Kailangan ko na pong umalis."

"Ang lakas ng ulan sa labas. Hintayin mo nang tumila ang ulan."

"Okay lang po ako, Manang Isang. Salamat po ulit sa lahat. Mag-iingat po kayo." Binigyan ko siya ng ngiti bago ako tuluyang naglakad patungo sa labas ng mansion.

Kinuha ko ang payong na ginamit ko kanina na iniwan ko sa may gilid ng labasan at binuksan ito. Umuulan pa rin pero hindi na ito gaanong malakas.

Nilingon ko ulit ang mansion kung saan ako tumira ng halos tatlong buwan. "Lolo Antonio, kung naririnig po ninyo ako ngayon, gusto ko lang magpasalamat sa inyo at pinatuloy niyo ako dito pati na rin sa pag-donate niyo ng mata kay nanay."

Hinigpitan ko ang hawak sa payong ko at tinahak ko na ang daan palabas ng gate. Sobrang bigat ng backpack sa likod ko pati na rin ang hawak kong isa pang bag sa kanang kamay ko. Hindi ko alam kung maaabutan ko pa sina nanay sa terminal.

Habang papalayo ako sa mansion ay nakaramdam ako ng bigat sa puso ko. Sa bawat hakbang ko papalayo ay parang mas bumibilis rin ang tibok ng puso ko at parang may bumabara sa lalamunan ko. Parang naiipit ito hanggang sa hirap na akong makahinga.

Tumigil ako sa paglakad para habulin ang hininga ko. Ang sikip ng dibdib ko.

Pero kailangan ko na talagang bilisan ang paglakad para makarating ako sa terminal.

Pinilit kong humakbang ulit ngunit mas lalo lang akong nanghina.

Hindi ko na kaya.

Napaluhod ako at tuluyang nabitawan ang hawak kong payong. Naramdaman ko agad ang malamig na likidong bumubuhos mula sa taas.

Pinikit ko ang mga mata ko at inisip muli sina nanay. Kailangan nila ako at kailangan ko na rin silang makita.

Akmang tatayo na muli ako nang biglang may narinig akong boses na tumatawag mula sa di kalayuan.

"Fina!"

Unti-unti kong nilingon ang may-ari ng boses at nakita ko ang isang lalaking tumatakbo papalapit sa akin.

"Fina!"

Agad akong binalot ng mga kamay ng lalaki nang marating niya ako. Nakaupo pa rin ako sa malamig na konkreto kaya nakaluhod rin ang lalaking nakayakap sa akin.

"Kahel..." mahina kong sambit at doon na rin niya ako binitawan saglit para tignan ang mukha ko.

"I'm sorry. I'm so sorry," paulit-ulit niya itong binigkas habang hawak pa rin ako sa bisig niya.

"H-Hindi ako maka...hinga," hirap kong binigkas ito habang hawak ko ang dibdib ko.

"Fina! Look at me!" Utos ni Kahel habang nakalagay na ang mga kamay niya sa magkabilang gilid ng mukha ko. Natatakpan na ngayon ng mga kamay niya ang tainga ko kaya biglang humina ang tunog ng ulan.

Tinignan ko siya pero hirap pa rin ako sa paghinga at pakiramdam ko ay mamamatay na ako dahil sa walang pumapasok na hangin sa katawan ko.

Nilapit ni Kahel ang mukha niya sa gilid ko at nagsalita siyang muli. "Close your eyes and just listen to my voice. Relax and breathe in... breathe out..."

Sinundan ko ang sinabi niya at sinabayan siya sa paghinga hanggang sa ito nalang ang tanging naririnig ko. Ang paghinga ko at ang paghinga niya.

Ginawa namin ito ng ilang minuto hanggang sa unti-unti ko na ring naramdaman ang pagbalik ng pulso at hininga ko.

"Okay ka na ba?" Mahinang tanong ng lalaki habang patuloy ang tagaktak ng ulan sa mukha namin.

Tumango naman ako kaya tinulungan na rin niya akong tumayo habang hawak ang braso ko. Kinuha niya ang payong sa gilid at tinaas ito sa tuktok namin.

"Aalis na ako, salamat sa lahat, Kahel," ani ko.

"Hindi ka aalis, Fina," mariing sagot naman ng lalaki.

"Pero pinapaalis na kami ng mga magulang mo sa mansion."

Umiling si Kahel. "Hindi ka na tutuloy sa mansion."

"Oo, dahil uuwi na ako sa probinsiya."

"Fina, iiwan mo nalang ba ang pag-aaral mo dito? Hindi ba pangarap mong tuparin ang pangarap ng tatay mo at mabigyan ng magandang buhay ang nanay at mga kapatid mo?"

Wala na akong naisagot pa sa sinabi ni Kahel dahil totoo lahat ng iyon. Hindi ko pwedeng isuko ang mga pangarap ko.

"Kaya sasama ka sa akin. I won't leave you here alone." Kinuha ni Kahel ang kamay ko pati na rin ang bag na dala ko at sinabayan ako sa paglakad.

Sa pagkakataong iyon, gusto ko nalang ipagkatiwala ang sarili ko sa lalaking kasama ko ngayon.

🍊

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro