Chapter 2
Isang araw nalang at aalis na ako. Hindi ko na rin naisama yung ibang sketch pad sa maleta ko. Sigurado akong babalutin ito ng alikabok habang wala ako dito. Sino ang magpupunas nito? Wala.
"Alam mo kung ano ang problema mo, Ate Fifi? Gusto mo kasi lahat maayos." Lumitaw ang matangkad na lalaki sa may entrance ng sala habang naka-puwesto ang kamay nito sa pintuan. Alam kong hinuhusgahan na naman niya ang pagkakatupi ng mga damit ko na nirolyo ko para magkasya sa backpack ko.
Kumunot ang noo ko habang pinanood siyang makarating sa loob ng sala gamit ang dalawang hakbang lang ng paa niya. "At alam mo rin ba ang problema sa'yo, Dax? Masyado kang makalat."
Mas matanda ako kay Daxton ng tatlong taon. Nasa high school palang siya pero ang tangkad na niya. Parang malapit na ata siyang maging 6-footer kaya naman nakuha siya agad bilang basketball player sa team ng eskwelahan nila.
"Hay, ate, alam kong mamimiss mo ako." Pinatong niya ang kamay niya sa tuktok ng ulo ko at ginulo ang nakatali kong buhok. "Huwag kang mag-alala. Ako na ang bahala sa mga sketch pad mo."
"Hoy Dax, huwag na huwag mong gagalawin ang mga 'yon."
Tumawa lang ang kapatid ko at umupo sa aking tabi sa sahig.
Binalik ko ang aking atensiyon sa nakabukas na backpack sa harap ko. Hindi ko ito magawang isara. Pakiramdam ko may nakalimutan pa ako.
"Makakaya mo ba doon, ate?" Biglang tanong ng kapatid ko at napalunok lang ako.
Alam niyang first time kong mapapalayo sa kanila. Sa loob ng labing-walong taon ay nakatira ako sa iisang bubong kasama silang lahat. Kapag may problema, lagi lang silang nandiyan. Independent naman ako pero hindi ko lang alam kung hanggang saan ang aabutin ko.
"Kakayanin ko," sagot ko habang nakatingin sa malayo.
"Kapag may umaaligid sa'yo, suntukin mo agad."
"Gusto mo atang makulong ako?" Bulalas ko.
"Ate, ang sinasabi ko lang naman ay maging listo ka. Tsaka huwag kang sumasama sa kahit na sino lalo na kung hindi mo pa kilala."
Nabilaukan ako bigla. Kung makapagsalita talaga itong si Dax, akala mo siya yung mas matanda.
Napakamot siya sa ulo. "Ate, seryoso ako."
Bumuga ako ng hangin. Kahit na palagi akong inaaway at inaasar ni Dax, protective siya sa akin, lalo na noong mawala si tatay.
"Tapos na ba kayo sa pag-empake dyan?" Narinig ko ang boses ni nanay at pagtingin ko sa may pintuan ay nakatayo na siya roon habang hawak ang aming bunsong kapatid.
"Baby Gigi, halika dito!" Biglang naging sweet ang tono ni Dax, sabay talon patayo mula sa sahig. Kinuha niya sa kanyang bisig ang limang taong gulang na kapatid namin. "Ano'ng ginawa mo kanina sa school?"
"May star ako!" Pinakita ni Gillian ang dalawang kamay nitong may stamp na star. Nakasuot siya ngayon ng kulay pink na dress. Minsan, prinsesa siya. Pero kadalasan, siya si Elsa o Anna, depende sa mood niya. Ngayong araw na ito, ballerina raw siya.
"Ang galing talaga ni baby Gigi!" Pumalakpak ako kaya napatingin siya sa akin. Binigyan niya ako malaking ngiti kaya nakita ko ang mala-Bugs Bunny nitong ngipin. "Mamimiss mo ba si ate?"
Tumango naman ang bata sabay lakad patungo sa akin at umupo ito sa may hita ko. Niyakap ko siya at hinalikan sa pisngi.
"Ate, sabi ni nanay babalik ka..." Tinaas niya ang kamay niya at nagsimulang magbilang kunyari. "Two days."
"Two days?" Inulit ko ito habang tumatawa, kahit na gusto ko nalang umiyak sa harap nila ngayon. "Babalik ako sa birthday mo. Ano okay ba?"
Napatingin ako kay nanay na nakatayo pa rin sa may pintuan. Nakatingin siya sa aming direksiyon kahit na hindi naman niya kami nakikita.
"Oh, kumain na tayo, mga anak. May binili akong ulam sa labas," niyaya kami ni nanay na kumain habang papasok na sa loob ng bahay.
"Ayos! Gutom na ako," excited na sagot ni Dax habang inalalayan si nanay.
"Anak," narinig ko ulit ang boses ni nanay kaya napatingin ako sa kanya.
"Bakit po nay?"
Hinanap ni nanay ang silya niya sa hapag-kainan kaya agad akong napatayo mula sa sahig. Kahit na kabisado na ni nanay ang pasikot-sikot dito sa loob ng maliit naming bahay, nag-aalala pa rin ako dahil baka matisod siya.
Unti-unting nawala ang paningin ni nanay simula noong magtrabaho siya sa isang factory sa Maynila. Parang may kemikal raw na pumasok sa mga mata niya kaya nabulag ito. Pero gayunpaman, hindi tumigil si nanay sa pangangalakal.
"Nay, teka lang po," alalang sabi ko habang papalapit na sa kanya. Hinawakan ko ang kamay niya at naramdaman ko ang gaspang nito na dati ko pa napansin. Alam kong bunga ito ng lahat ng pagod at sakripisyo niya para sa amin.
"Anak, para sa'yo 'to," pinisil ni nanay ang kamay ko at may inabot siyang maliit na supot galing sa kabila niyang kamay.
"Ano po 'yan?" Binuksan ko ang supot at nakita ang isang cellphone na may malaking screen.
"Para may magamit ka doon sa Maynila, anak," sabi ni nanay na may ngiti sa kanyang mukha.
Nakatingin pa rin ako sa cellphone na mukhang mamahalin. Ngayon lang ako nakahawak ng ganito. "Nay, hindi na po dapat kayo bumili nito. Sigurado akong mahal ito."
Kinapa ni nanay ang kamay ko kaya inabot ko ito sa kanya. "Anak, huwag kang mag-alala dahil secondhand lamang iyan."
"Salamat po." Niyakap ko na rin siya at mas lalo kong naramdaman ang lungkot nang makita ko ang kulay pulang "aura" ni nanay.
"Sige nga. Picture tayo para hindi mo ako masyadong mamiss," panunukso pa ni nanay.
Napangiti naman ako at hinanap ang camera sa bago kong cellphone. Tinaas ko ang kamay ko at bigla namang dumating ulit si Dax habang hawak pa rin ang bunsong kapatid namin.
"Teka, sama kami diyan!" Bulalas ni Dax sabay pwesto sa tabi namin ni nanay.
"Oh, ready na ba kayo? Smile!" Inangat ko ulit ang cellphone sa harap namin at pinindot ang camera.
Ito yata ang unang litrato namin matapos mawala si tatay. Sana nandito pa siya.
#
"Anak, basta pagkarating mo doon, susunduin ka ng tito mo tapos-"
"Nay, okay na. Alam ko na po." Niyakap ko si nanay para pakalmahin siya. Simula kanina sa bahay hanggang sa makarating kami sa terminal ng bus ay panay ang mga paalala niya sa akin. Naiintindihan ko naman dahil ngayon lang ako aalis sa piling nila.
"Ate, yung sabi ko sa'yo ha. Suntukin mo lang yung mga lalaking lumalapit sa'yo," sabi naman ni Dax habang tinatapik ang ulo ko.
Umiling ako. "Sigurado naman akong walang lalapit sa akin."
"Ate Fifi!" Hinila ni baby Gigi ang tshirt ko kaya napatingin ako sa kanya. Buhat buhat siya ni Dax pero nang iabot nito ang mga kamay niya ay agad ko siyang kinuha para mahagkan bago ako umalis.
"Baby Gigi, mamimiss mo ba si ate?" Tanong ko at tumango naman ang bata. Hinalikan ko ang pisngi nito at binalik ko na rin siya kay Dax bago pa ako tuluyang maiyak dito.
"Wala ka na bang nakalimutan, anak?" Tanong ulit ni nanay.
"Wala na po," sagot ko habang pinipilit na ipakitang okay lang ako. Kahit na sa loob-loob ko ay natatakot ako.
"Hayaan mo ate mag-aapply ako sa Fotheringham pagdating ko ng college," sambit ni Dax.
"Talaga ba?" Panunukso ko.
"Pero baka malungkot pala si nanay kaya dito nalang ako," agad nitong binawi ang sinabi niya.
Pinisil ni nanay ang braso ni Dax kaya napangiwi ito. "Kapag naging scholar ka rin sa kolehiyo, mas matutuwa pa ako."
"Nay naman! Hindi mo ba ako mamimiss?" Hirit pa ni Dax.
"Mas mamimiss kita pag umalis ka," sagot ulit ni nanay.
Nakatingin lang ako sa mga taong nasa harapan ko ngayon na nagliliwanag at pinalilibutan ng pula na "aura." Sila ang mga taong iiwan ko. Hindi ko alam kung paano ko makakaya na wala sila.
#
"Tito Jun, okay lang po ba talaga na dito muna ako tumuloy?" Pang-limang beses ko na atang tinanong ito sa tito ko habang nasa loob kami ng kotse.
Pagkatuntong ko sa terminal ng Maynila, laking gulat ko nang makita ko ang magarang kotseng sumundo sa akin. Akala ko nanalo sa lotto si Tito Jun. Ayun pala ay nagtatrabaho siya bilang driver sa isang mayamang pamilya.
Si Tito Jun ay ang tanging kapatid ni nanay na mas bata sa kanya ng ilang taon at dati rin siyang naninirahan kasama namin sa probinsiya kaya malapit ako sa kanya.
"Naku, okay lang, Fina. Ipinaalam ko na ito sa kanila at payag naman sila. Basta ang usapan ay mananatili ka lang ng ilang linggo hangga't wala pa tayong nahahanap na murang matutuluyan mo rito."
"Ganun po ba. Eh salamat po talaga, tito. Kayo lang naman kasi ang kakilala ko dito sa Maynila. Hayaan niyo maghahanap nalang ako ng pwede kong mapasukang trabaho para makaalis rin ako agad. Nakakahiya naman sa amo niyo."
"Basta, Fina, kapag nandun ka, huwag ka lang masyadong maingay. Tahimik lang kasi doon at ayaw nila ng magulo," paalala ni tito.
Tumango naman ako habang papasok ang kotse sa loob ng isang subdivision. Pagdungaw ko sa labas ay nabasa ko ang nakasulat na Fotheringham Parks na siyang pangalan ng subdivision.
Kaliwa't kanang naglalakihang bahay ang bumungad sa akin pagpasok namin sa loob. At nang huminto ang kotse sa harap ng isang malaking gate, naalala ko bigla iyong mansion na lagi kong pinupuntahan noon sa lugar namin.
Biglang nagbukas ang gate na mukhang automatic at pumasok na rin sa loob ang kotse. Isang malawak na hardin ang tumambad sa akin bago ko nakita ang Mediterranean-style na bahay.
Huminto ang kotse sa tapat ng isang malaking kahoy na pintuan na nakikita ko lang sa internet.
"Ang laki naman po ng bahay nila," sambit ko nang makalabas ako ng kotse.
"Oh, halika, Fina," pag-aya ni Tito Jun kaya sinundan ko na rin siya habang binubuksan niya ang malaking pintuan.
Namangha ako sa mataas na hagdang naka-puwesto sa gitna ng bahay. Nasanay kasi akong sala agad ang nakikita ko pagpasok. Pero dito, iyong laki ng buong bahay namin ay parang sinasakop lang ng hagdan nila.
Napalunok ako habang nakatingin sa sahig na sa sobrang kintab ay nakakatakot apakan dahil baka madulas ako. Huminto ako sa paglakad at tinanggal ko ang sapatos ko.
"Fina, hindi mo na kailangang tanggalin 'yan," sabi ni tito nang makita niya ako.
"Pero tito, nakakahiya kasi. Tignan niyo naman, sobrang kintab. Pwede na nga akong mag-salamin dito oh," sagot ko habang hawak ang kaisa-isang pares ng sapatos ko.
Umiling si tito. "Fina, huwag kang mag-alala. Araw-araw na may naglilinis dito."
"Eh, kahit na, tito," pilit ko.
"Halika na nga para makapagpahinga ka na sa kwarto mo."
Sinundan ko na ulit si tito hanggang sa makarating kami sa may likod ng kusina nila. Binuksan ni tito ang isang pintuan at nakita ko ang isang maliit na kwarto.
"Oh, dito ka muna ha. Kapag may kailangan ka, tawagan mo lang ako. Pag nagugutom ka, punta ka lang sa kusina. Huwag kang matatakot. Mababait naman ang mga tao dito. Tsaka, kapag makita mo si President A, ngitian mo lang siya, okay na yun."
"President A? Bakit po president?" usisa ko.
"Dati siyang presidente ng Pilipinas, si Antonio Atkinson," bulong ni tito sa akin.
Nalaglag ang panga ko dahil sa pamilyar na pangalang iyon. "Po?"
"Huwag kang mag-alala. Sobrang bait nun. Tsaka siya lang mag-isa dito. Pero minsan, bumibisita naman ang mga apo niya," ani tito.
"Mag-isa lang po siya dito sa malaking mansion na ito? Ang lungkot naman nun."
"Kaya nga sinasabi ko sa'yo na mas matutuwa pa iyon na nandito ka. Oh, siya sige, maiwan na kita dito para makapagpahinga ka na."
"Sige tito. Salamat po."
Binaba ko na rin ang backpack na dala ko pati na rin ang sapatos na inalis ko kanina. Maliit lang ang kwarto pero tantiya ko ay mas malaki pa rin ito kaysa sa sala namin sa bahay. Kumpleto na rin ito ng kama, lamesa at may cabinet na rin.
Nagtungo ako sa kama para humiga. Sa lambot nito ay parang nakahiga ako sa ulap. Napatingin ako sa kisame. May aircon rin pala dito kahit na maid's room lang ito. Ang sosyal naman.
Siguro kung dito ako titira, laging masarap ang tulog ko. Siguro hindi na ako dadalawin ng mga bangungot ko. Pero akala ko lang pala iyon...
🍊
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro