Chapter 18
"Fina, gising na!"
Napalundag ako sa posisyon ko nang may humawak sa balikat ko. Pagmulat ko ng mga mata ko, nakita ko si Manang Isang na nakayuko sa harap ko. Agad akong napaupo sa kinahihigaan ko.
"Male-late ka na sa klase mo," paalala ni Manang Isang sa akin.
Inayos ko ang buhok ko habang nakaupo at doon ko napagtanto na sa sofa pala ako nakatulog. Hindi ko maalala na nakatulog ako dito sa sala. Pagtingin ko sa kabilang sofa, wala na si Kahel.
"Nasaan po si-"
"Ah, si Sir Ellis? Maagang umalis, may pupuntahan raw," sagot ni Manang Isang.
Nahulog ang panga ko. "Lumabas na po siya ng kwarto niya?"
Tumango si Manang Isang. "Nagulat nga rin ako eh. Mukhang okay na siya."
Naalala ko ulit ang pag-iyak ni Kahel ng ilang araw. Hindi ko maalis sa isip ko ang tunog ng iyak niya. Sana okay na talaga siya.
Agad akong nagtungo sa kwarto at nag-ayos ng sarili ko. Buti nalang at hindi raw pumasok ang prof namin ng first period sabi ni Charlie sa akin.
Nang makarating ako sa university, agad akong nagtungo sa klase namin. May iniwan lang ulit na research assignment ang prof namin.
Nagtungo ako sa library para makagamit ng computer. Wala pa naman akong sapat na load para makapag-internet. Kailangan rin na handwritten itong essay na ipapasa namin ngayon.
Bumuntong-hininga ako habang naglalakad patungo sa library. Medyo malayo ang building namin sa library. Nadaanan ko pa ang lagoon at gym bago ko nakita ang nag-iisang building na hugis tatsulok.
Habang papalapit ako sa may entrance ng library, napansin ko ang isang pamilyar na babae na kumakaway sa aking direksiyon.
"Fina!" Bati nito habang tumatakbo palapit sa akin.
Kumaway ako sa babae. "Koleen."
"Pupunta ako mamaya sa mansion. Gusto mo bang sumama sa akin?" Offer ni Koleen sa akin.
"Ay, hindi na, salamat. May gagawin pa kasi ako dito sa library para sa assignment ko. Mauna ka na. Sunod nalang ako," sagot ko.
Nang makaalis na rin si Koleen, nagtungo na ako sa library. Kailangan kong matapos ito agad dahil baka hindi na naman ako makagawa ng assignment ko pagdating sa mansion.
Ilang oras pa ang lumipas at nangawit na rin ang kamay ko kakasulat ng essay kong hindi ko matapos tapos. Essay talaga ang kahinaan ko. Akala ko pa naman walang essay sa kurso ko pero meron pa rin pala.
Inunat ko ang leeg ko sabay pigil sa paghikab ko. Kaunti nalang ang tao ngayon dito sa library. Isa-isa na silang nagsi-alisan dahil malapit na rin itong magsara.
Napatingin ako sa may table kung nasaan ang librarian. Nandoon pa rin naman siya at mukhang wala pa akong balak paalisin.
Bago ko binaling ang atensiyon ko pabalik sa sinusulat ko, napansin ko ang lalaking nakaupo sa table na katapat ko. Nakatingin siya sa akin habang nakahalumbaba ito.
Nang tanggalin niya ang kamay niya at nakita ko na rin ang buong pagmumukha niya, doon ko lang namalayan na kilala ko pala ang taong kanina pa nakatingin sa akin.
"André?" Napalakas pa ang pagsambit ko kaya napatingin sa akin ang librarian. Yumuko ako agad at napatawa naman si André habang tumatayo na at papalapit sa akin.
"Matagal pa ba 'yan?" Tanong niya nang marating ako.
"Ano'ng ginagawa mo dito?" Pabulong kong tanong.
"Sinusundo ka," kaswal nitong sagot.
"Ano?"
Yumuko siya at nilapit ang bibig niya sa tainga ko. "It's Kell's order."
Nilayo ko agad ang mukha ko sa kanya. "Si Kell? Asan siya?"
"Sa mansion."
Binilisan ko na ang pagsulat ko para matapos ko na itong assignment ko at para hindi na ako kulitin ng lalaking nakatayo pa rin sa tabi ko na binabantayan akong parang guwardiya.
Alas-otso na ng gabi nang makarating kami sa mansion. Pagtapak ko palang sa loob, narinig ko agad ang isang tunog mula sa loob. Habang papalapit kami sa sala ay mas lumalakas ang tunog na mukhang galing sa grand piano.
"We're here!" Malakas na pagbati ni André mula sa likuran ko. Nakalimutan kong kasama ko pala siya.
Tumigil ang pagtugtog mula sa piano at nang makarating kami sa sala ay doon ko nakita na si Logan pala ang tumutugtog. Magaling rin pala siya sa piano. Akala ko sa baseball lang siya magaling.
"Nasaan si Kahel?" tanong ko nang hindi ko makita ang lalaki.
Natahimik ang lahat habang nakatingin ako kina Koleen na nakaupo sa sofa. Nagkibit-balikat rin si Logan pati na rin si André sa tabi ko.
"Ate Fina!" Isang boses ng bata ang nakapukaw ng atensiyon ko.
Agad akong lumingon sa likuran ko at nakita ko ang tumatakbong batang babae papalapit sa akin. "Baby Gigi!"
Hinagkan ko nang mahigpit ang kapatid ko habang nakita ko sina nanay at Dax na papalapit na rin.
"Nay, paano kayo nakapunta dito?"
"Dahil kay sir Ellis," tinuro ni nanay si Kahel na katabi nito.
"Pero..." Napatigil ako. Naalala ko ulit ang nangyari kagabi. Alam kong nagluluksa pa siya sa pagkawala ng lolo niya.
"Salamat ulit, sir," sambit ng nanay ko na hawak pa rin ang kamay ni Kahel.
Nakatingin si Kahel sa nanay ko habang nakangiti. Alam niyang hindi siya nakikita ni nanay pero ang laki ng ngiti niya. Parang ngayon ko lang nakita na ganito kalaki ang ngiti ni Kahel.
"Nay, hindi ba sabi ko huwag niyo na akong tawaging sir?" Malumanay na sabi ni Kahel. "Kell nalang po."
"Kuya, pwede ko rin ba kayong tawaging Kell?" Tanong naman ng kapatid kong si Dax.
"Pwedeng pwede," inabot ni Kahel ang kamao nito sa kapatid ko kaya nag-fist bump sila.
"Baka gusto niyo pong umupo dito sa sala," sabi ni Koleen.
Nang makaayos kami sa sala, isa-isang nagpakilala ang mga kaibigan ni Kahel sa pamilya ko. Tuwang-tuwa naman sila dahil sa bunso kong kapatid na kanina pa gumagapang sa carpeted nilang sahig. Kalaro lang naman niya ang pinaka-isip-bata sa grupo - si André.
"Maraming salamat ulit sa pag-imbita sa amin dito, iho," sabi ni nanay na hawak pa rin ang kamay ko habang nakaupo kami sa sofa.
"Nay, wala pong anuman. Ang totoo po niyan, gusto rin sana kayong makilala ng lolo ko," sagot ni Kahel.
"Si Lolo Antonio?" sambit ko kaya napatingin sa akin si Kahel.
Tumango naman ito at nagpatuloy sa pagsasalita. "Gusto niyang magpasalamat dahil sa mga naitulong na rin ni Fina sa kanya habang nandito siya sa mansion."
"Kami nga po dapat ang magpasalamat kasi pinatuloy niyo ang anak namin dito," ani nanay.
Nakangiti pa rin si Kahel. "Tsaka bago po siya mawala, may hinabilin po siya. Gusto niyang i-donate ang mga cornea niya sa inyo."
Namalikmata ako. "A-Ano?"
Halu-halong emosyon ang nararamdaman ko ngayon. Nalulungkot pa rin ako sa nangyari kay Lolo Antonio pero masaya ako dahil makakakita na ulit si nanay.
"Maraming salamat, Diyos ko," sambit ni nanay sa tabi ko.
Tumagaktak ang luha sa mga mata ko nang hindi ko namalayan habang pinagmamasdan ko si nanay na abot langit ang ngiti. Niyakap ko siya habang sabay kaming lumuluha sa tuwa.
"Salamat, Lolo A!" Biglang sigaw ng kapatid kong lalaki kaya napatingin kami sa direksiyon niya.
Nakaupo si Dax sa sahig katabi ni André na hawak ang baby Gigi namin. Tinaas ni André ang kamay niya sa harap ng kapatid ko at nag-high five silang dalawa.
"You're the best, Lolo A!" Ani André na siyang sinunod rin ng kapatid ko.
#
Matapos ang ilang araw na paghahanda ay inoperahan na rin ang mga mata ni nanay. Hindi pa rin ako makapaniwala na ni-donate ng lolo ni Kahel ang corneas niya para kay nanay.
"Magiging okay lang ang nanay mo," narinig ko ang boses ni Kahel mula sa tabi ko.
Kasama ko siya ngayon dito sa ospital dahil ngayong araw nila aalisin ang piring sa mga mata ni nanay.
"Fina..." tawag niya sa akin kaya nilingon ko siya. "I know I haven't thanked you yet for being there for me noong nawala si Lolo."
Bumuga ako ng hangin. "Wala 'yon."
"But, believe me, you gave me strength during those times."
Binigyan ko siya ng maliit na ngiti. "Masaya ako at natulungan kita."
Bigla niyang hinawakan ang kamay ko at muntik akong napalundag sa kinauupuan ko. "Fina... I want to tell you something..."
"Uh, excuse me po. Kayo po ba ang anak ni Mrs. Melendrez?" Isang nurse ang biglang dumating kaya agad kaming napatayo ni Kahel.
"A-Ako nga po," nauutal ko pang sagot.
"Ready na pong lumabas ang pasyente."
Tumango ako at sinundan na namin ang nurse patungo sa loob ng doctor's room.
"Nay?" Agad kong binati si nanay sa loob ng kwarto. Pinanood ko siya habang nakatitig lang sa akin.
Unti-unting lumabas ang ngiti sa labi ni nanay kaya napangiti na rin ako. "Anak!"
Lumapit ako sa kanya at niyakap ko siya ng mahigpit. "Nay!"
"Nakikita na kita ulit!" Nanginginig pa ang boses nito at sunod nitong niyakap ang mga kapatid ko.
Hindi ko alam ang pakiramdam nang mawalan ng paningin. Pero sigurado akong mahirap ang pinagdaanan ni nanay sa loob ng mga taong wala siyang nakikita.
Ngayong araw na ito ang unang pagkakataon na naimulat niya muli ang kanyang mga mata at nakakita ng liwanag... ang liwanag na ipinagkait sa kanya ng ilang taon.
"Kumusta po?"
Napatingin ako sa may-ari ng boses at nakita si Kahel na nakatayo sa likod ko.
"Maraming salamat talaga, iho," sambit ni nanay.
"Masaya po ako na nakikita kayong masaya," nakangiti lang si Kahel pero hindi ko alam kung totoo ba ito o hindi dahil simula nang mawala ang lolo niya ay nawala na rin ang "aura" niya.
Alam kong masakit at sariwa pa ang nararamdamang lungkot ni Kahel. Pero sa pagkakataong ito, hindi ko alam kung naging manhid na ba siya o sadyang magaling lang siyang magpanggap na okay lang siya.
"Tara na po?" alok ni Kahel kay nanay.
"Teka, saan tayo pupunta?" usisa ko habang naglalakad na kami palabas ng ospital.
"Sa mansion."
"Ha? Hindi ba magagalit si senator?" tanong ko ulit.
"This is what Lolo A wants. No more questions."
Hindi na ako nakapalag pa. Dumating ang isang kotse kasama si Tito Jun na siyang driver nito.
Papasok na dapat ako sa loob ng kotse nang biglang hinawakan ni Kahel ang kamay ko. "You're coming with me."
"Ha? San mo ako dadalhin?"
"Kaya mo na bang sumakay sa kotse?"
Napalunok ako. "Hindi ko alam."
"Gusto mo bang subukan?"
"Next time nalang siguro."
Nang makaalis na rin ang kotse, sinundan ko si Kahel patungo sa parking lot at nakita ang isang pamilyar na motorsiklo.
"Hindi ba kay André yan?"
Tumango lang si Kahel at kinuha ang helmet sa gilid. Lumapit siya sa akin at sinuot ito sa ulo ko. Parang biglang may kuryenteng dumaan sa katawan ko kaya napatigil ako saglit.
"Fina," tawag ni Kahel sa akin kaya nabalik ang katinuan ko.
"H-Ha?" Utal ko pang sagot habang nakatingin sa lalaking may suot na ring helmet at nakasakay na sa motor.
"Let's go," sabi nito kaya sumakay na rin ako sa likod niya.
Umandar na rin ang motor at muntik pa akong mahulog dahil hindi ko alam kung saan ako kakapit. Nakahawak lang ako sa mga binti ko. Nung sumakay ako kay André, hindi naman ako nailang na hawakan ang balikat nito.
Pero bakit ngayon hindi ko man lang mahawakan ang balikat ni Kahel?
"Fina, kumapit ka sa akin," sambit ni Kahel habang nagmamaneho.
Napalunok ako. Tinaas ko ang mga kamay ko at pinatong ito sa balikat niya.
"Not there!" Pasigaw na sabi ng lalaki sa harap ko.
"Ano?" Pasigaw ko ring tanong.
Hininto niya sa may gilid ng daan ang motor at kinuha ang kamay ko para ilagay sa beywang niya. "Kumapit ka dito."
Siguro wala lang ito sa kanya. Pero ngayon lang ako nakaramdam ng mga paru-paro na nagkukumpulan sa loob ng tiyan ko.
Huminto ang motor na dina-drive ni Kahel matapos ang halos isang oras galing sa ospital. Bumaba kami sa loob ng Greenmeadows Park and Cemetery kung saan inilibing si Lolo Antonio.
Hindi ako dumalo sa funeral niya noong nakaraan dahil puro kamag-anak at kaibigan lang ang pinayagan ng pamilya Atkinson na bumisita sa dating Presidente. Pinanood ko nalang ang livestream sa Youtube dahil sa mangilan-ngilang reporter na pinayagan din nila.
"Fina," tawag ni Kahel sa akin habang hawak ang basket ng puting rosas na dinaanan namin kanina.
Tumango lang ako at sinundan siya ng tahimik papasok sa loob ng isang building.
Maya't maya pa ay nakarating rin kami sa isang silid kung saan nakita ko ang isang litrato ni Lolo Antonio na naka-display sa harap ng pangalan niyang nakaukit sa isang marble.
"Lolo Antonio, kumusta po?" Bati ko agad sa matanda.
Nilingon ako ni Kahel na tila nagulat sa masigla kong pagbati sa lolo niya.
Mas lumapit pa ako sa litrato ni Lolo Antonio at pinagmasdan ko ang mga bulaklak na nakapaligid rin dito. "Maraming salamat po sa pagbigay ng cornea niyo kay nanay. Ang laki na po ng utang na loob ko sa inyo. Paano ko na po kayo mababayaran niyan eh iniwan niyo na kami?"
"Lolo A, I miss you," sambit ni Kahel.
Napatingin ulit ako sa lalaking nasa likuran ko habang papalapit na rin siya sa himlayan ng lolo niya. "Miss ko na rin po ang kakulitan niyo. Naaalala niyo pa ba nung pinilit niyo akong tulungan ko kayong umakyat sa hagdan tapos pinagalitan tayo ng Kahel na 'to?"
Bumuga ng hangin si Kahel at inirapan ako.
Tumawa naman ako ng mahina. "Eto po kasing apo niyo napaka-highblood naman masyado."
"Ako? Highblood?" sumbat naman ni Kahel.
Tinikom ko ang bibig ko. "Lolo Antonio oh, tignan niyo 'tong apo niyo, galit na naman."
Huminga ng malalim si Kahel para ikalma ang sarili niya. "Kung hindi ka sana gumagawa ng bagay na ikaka-highblood ko, hindi ako magagalit."
Sumimangot ako sa kanya. "Oo na, kasalanan ko na."
Nanatili pa kami sa loob ng crematorium ng ilang minuto bago kami lumabas. Madilim na ang kalangitan nang makarating kami sa parking lot.
Mabilis kong sinundan ang mga yapak ni Kahel dahil natatakot ako. Nandito pa naman kami ngayon sa sementeryo. Kahit na wala akong third eye, takot pa rin ako.
"Fina!"
Napalundag ako nang tawagin ni Kahel ang pangalan ko. "Huwag mo nga akong ginugulat!"
"Bakit? Natatakot ka ba?" sagot ng lalaki sa akin habang kinukuha ang helmet na nakasabit sa big bike.
Inayos ko ang tayo ko. "Hindi ah."
Maya't maya pa ay may umalingawngaw na tunog galing sa aso. Agad akong lumapit sa kinatatayuan ni Kahel at napakapit pa ako sa braso niya.
"Sorry pala kahapon and thank you as always for being there," pagkasabi ni Kahel sa akin ay napatingin ako sa kanya.
Doon ko nakitang ang lapit na ng mukha niya sa akin habang nakatitig sa akin. Mabilis na kumurap ang mga mata ko at tinulak ko siya palayo para ibaling ang nararamdaman kong kaba. "Okay lang. Wala yun. Tara na nga!"
"Fina," may kung anong kuryenteng dumaloy sa loob ko nang hawakan ni Kahel ang kamay ko.
"B-Bakit?" utal kong sagot habang unti-unti kong inangat ang tingin ko sa kanya.
Humakbang palapit sa akin si Kahel at inayos nito ang helmet sa ulo ko. "Dito ka lang sa tabi ko."
🍊
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro