Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 16

"Nay, kumusta po kayo diyan?" Tanong ko habang nagtitimpla ng kape sa kusina. Kakatapos ko lang kumain ng hapunan kanina kasama sina Manang Isang at Tito Raul. Pero may ihahabol na naman akong plate kaya kailangan kong magpuyat.

"Okay naman kami, anak. Salamat pala sa pinadala mong pera. Malaking tulong ito sa amin. Pero tirhan mo naman ang sarili mo diyan," paalala ni nanay sa akin.

"Huwag po kayong mag-alala, nay. Nakakakain naman ako ng maayos dito tsaka ang ganda pa ng tinutulugan ko kaya okay na okay ako dito."

"Eh mabuti naman kung ganoon. Basta alagaan mo ang sarili mo diyan dahil mag-isa ka lang. Wala ako para alagaan ka pag nagkasakit ka."

"Opo, nay. Basta promise mo rin na huwag kang magkakasakit diyan."

"Siyempre naman, anak. Nandito naman si Dax para tulungan ako."

Kinuyom ko ang aking kamay para pigilan ang sarili kong huwag maiyak. "Sige po, nay. Tawag nalang ulit ako bukas. Matulog na kayo."

"Sige, anak. Huwag kang masyadong magpupuyat. Love love you, anak."

"Love love ko rin po kayo." Pinatay ko na rin ang aking cellphone matapos ang tawag. Hindi pa man din ako nakakaalis sa aking kinatatayuan sa harap ng lababo nang marinig ko ang mahinang huni mula sa aming pusa.

"Meow. Fifi..." malambing na tono ni Kahel ang sunod na narinig ko kaya napatingin ako sa paligid para hanapin ang lalaki.

Maya't maya pa ay dumating na rin si Kahel sa may bungad ng kusina. Napatigil rin siya nang makita niya ako. Nakasuot siya ng kanyang usual na puting tshirt at jogging pants.

Magsasalita na dapat ako nang maramdaman ko ang balahibo ng pusa sa may paanan ko. Binaba ko ang aking tingin at hindi ako nagkamali nang makita ko si Fifi na umupo sa paa ko.

"Fina," panimulang bati ni Kahel sa akin habang yumuyuko na ako para kunin ang pusa.

"Nandito ka pala," sagot ko matapos kong ilagay ang pusa sa aking bisig. Tumayo na muli ako at nakita si Kahel na nakatayo na rin malapit sa akin.

"Sinabi ni André sa akin ang tungkol sa nangyari kanina. Bakit hindi mo sinabi agad sa akin na kailangan mo ng pera?" Nakahalukipkip ang lalaki habang nakasandal ang beywang nito sa counter na nakatingin sa akin.

"Sinabi rin ba sa'yo ni André kung paano niya pinaglaruan kanina yung pera niya?"

"Fina, you're changing the subject," seryosong sagot ng lalaki.

Hinimas ko si Fifi para kalmahin ang sarili ko. "Kahel, alam kong mahirap lang ako pero hindi niyo ako kailangang kaawaan."

Humakbang palapit sa akin ang lalaki. "That's not the point. Bakit kailangan mo pang magtrabaho kay Tyler? If you need more money, tataasan ko ang sweldo mo dito."

Umiling ako. "Bakit ba galit na galit kayo kay Tyler? Gusto ko lang maintindihan kung bakit."

"Sinaktan niya ang kaibigan ni K. And we don't want anyone to get hurt again," pag-explain nito.

Naalala ko tuloy ang paghawak ni Tyler kanina sa akin. Ayaw ko lang itong bigyan ng malisya.

"So, please, Fina, if you can, just stay away from him," paalalang muli ni Kahel.

Tumango ako habang nakatingin pa rin sa mga mata ng lalaki. Umaalab siya at sinabayan pa nito ng kahel na "aura" niya.

"Meow," huni ng pusa sa kamay ko kaya napatingin kaming dalawa kay Fifi.

"Gutom ka na, 'no? Hindi ka siguro pinakain ng lalaking 'to," sabi ko sa hawak kong pusa.

"Pinakain ko siya as soon as I came here," depensa ng lalaki sa harap ko.

"Eh bakit gutom pa rin siya?" Umiling ako at nagtungo sa may cabinet para maghanap ng pagkain. "Ano ba'ng gusto mong kainin?"

"Chicken," sagot ni Kahel kaya napatingin ulit ako sa kanya.

"Chicken? Para sa pusa?" Tanong ko.

"No, for me." Nilabas ni Kahel ang cellphone mula sa bulsa niya.

"Hindi ka pa kumakain?" tanong ko ulit.

Umiling ang lalaki.

Bumuntong-hininga ako at naglakad patungo sa kanya. Inabot ko si Fifi at agad naman niya itong kinuha. Nagtungo ako sa pridyider para maghanap ng pwedeng lulutuin. May nakita akong manok na ni-defrost ni Manang Isang kanina kaya nilabas ko ito.

"Kung magluluto ka, don't bother. Luto lang ni Manang Isang ang kinakain ko," saad ng lalaki na nakaupo na sa harap ng counter katapat ko.

Inunat ko ang aking leeg at tinignan siyang muli. "Bakit? Natatakot kang may ilagay akong lason sa pagkain mo? Kung gusto mo, sabayan na rin kita sa pagkain para parehas tayong malason. Ano, deal?"

Tumindig ang lalaki sa kinauupuan niya at tumango sa akin. "Deal."

Nagsimula na ako sa pagluto sa isa sa mga una kong natutunang lutuin - adobong manok. Hindi ito ang paborito kong pagkain pero paborito ito ni nanay kaya lagi ko itong niluluto.

Matapos ang halos isang oras ay natapos na rin ako sa pagluto. Pinakain na rin ni Kahel ang alaga naming pusa kaya naiwan kaming dalawa sa kusina.

Una kong tinikman ang adobo sa harap ni Kahel habang nakatingin siya sa akin. "Mmm... ang sarap talaga ng luto ko," papuri ko sa aking sarili.

Kinuha ni Kahel ang kutsara at tumikim mula sa plato na binigay ko sa kanya. Hinintay ko siyang magsalita habang pinapanood siya sa pagnguya.

"Ano? Okay ba? Nakalimutan mo na ba ang pangalan mo?" Pabiro kong tanong.

Napatigil si Kahel at binaba ang kutsarang hawak niya.

Napakurap ako sa kanya. "Hindi mo gusto?"

"Sino ka?" Nakahalukipkip na ang lalaki habang nakatingin sa akin.

Napatawa ako sa tanong niya. Mukhang nagustuhan nga niya ang luto ko. "Sabi ko na nga ba. Wala ka kasing bilib sa akin."

"Sinabi ko bang wala akong bilib sa'yo?" Kinuha na ulit ni Kahel ang kutsara at tinidor niya at nagpatuloy na sa pagkain. "Bakit hindi ka nagluluto dito sa mansion?"

"Eh di ba nga si Manang Isang lang ang gusto mong magluto?" Sagot ko sabay subo ulit ng pagkain.

"Simula ngayon, magluluto ka na rin dito," utos ni Kahel.

#

Kinaumagahan, balik na naman sa normal ang mga ginagawa ko. Akala ko lang pala iyon.

Dahil matapos ang klase ko sa umaga, nakita ko ang pamilyar na lalaking naka-racing jacket sa labas ng building namin na nag-aabang habang nakatayo malapit sa big bike niya.

"Fina!" Tinawag ako ni André nang makita niya ako kaya nilapitan ko na rin siya.

"Bakit? Bibigyan mo ulit ako ng pera?" Sarkastikong tanong ko.

Umiling ang lalaki. "Hindi mo ba dala ang cellphone mo? Bakit hindi ka sumasagot sa mga text at tawag namin?"

"Ha? Bakit? Anong meron?" tanong ko ulit habang nilalabas ang cellphone mula sa bag ko.

Kinuha ni Andre ang kamay ko at hinila ako para sumakay sa motor niya. "Kailangan na nating pumunta sa ospital."

"Ospital? Sino ang na-ospital?" Alalang tanong ko habang umuupo na sa likod ni André.

"Lolo A had a heart attack."

Napatigil ako sa narinig ko. "Si Lolo Antonio? Paanong-"

Inabot ni André sa akin ang isa pang helmet niya. "Wala na tayong oras, Fina. Let's go!"

Nilagay ko na ang helmet sa ulo ko at hinawakan ang balikat ni André. "Kumusta si Kahel?" Tanong ko nang umandar na ang motor.

"Kahel?"

"Si Kell."

"Well, not good. You already know na mahal na mahal ni Kell si Lolo A. Siya lang naman ang paboritong apo."

Napatango ako. Kahit na hindi ko pa naman talaga lubusang kilala si Kahel, sa ilang linggong magkasama kami ay nakita ko kung gaano niya kamahal ang lolo niya.

Sinundan ko si André nang makarating kami sa ospital. Buti nalang at malapit lang ito sa university namin. Nakailang liko rin kami sa mga hallway bago namin nakita si Kahel na nakaupo sa labas ng Intensive Care Unit.

"Kell!" Bati ni André sa kaibigan niya na nakayuko ang ulo at mukhang nagdarasal.

Nang inangat ni Kahel ang ulo niya, nakita ko ang pagkislap ng mata niya nang makita ako. Binigyan ko siya ng maliit na ngiti pero hindi niya ito binalik at naiintindihan ko naman.

"Thanks for coming," sagot ni Kahel habang nakatingin pa rin sa akin.

Tumango ako sa kanya. "Kamusta ang lolo mo?"

Huminga siya ng malalim bago nagsalitang muli. "He had a stroke. Kailangan daw niyang maoperahan. Pero may chance na baka maging paralyzed na siya pagkatapos ng operation."

Napalunok ako. Kahit na hindi ko naman kadugo si Lolo Antonio, napamahal na rin siya sa akin sa loob ng ilang linggong pananatili ko sa mansion.

"So, are they operating on him now?" Tanong ni André sa tabi ko.

Umiling si Kahel. "Ayaw ni dad."

"What?" Napasigaw si André kaya napatingin ang ibang mga tao sa paligid namin.

Gusto ko ring sumigaw sa oras na iyon. "Bakit ayaw ng tatay mo?"

"May chance na hindi maging successful ang operation and worst case scenario..." Napatigil si Kahel sabay tingin sa baba. "Baka mawala si lolo."

Kinuyom ko ang kamay ko. "Hindi ba mas maganda na may ginawa kaysa naman hahayaan niyo nalang na ganyan si Lolo Antonio? Hindi ba pwedeng isipin na magiging maganda ang kalalabasan ng operasyon? At least, may ginawa kayo, hindi ba?"

"I agree," may sumagot na isa pang lalaki na papalapit sa amin na nakasuot ng varsity jacket.

"Logan, bro!" Bati ni André sa lalaking kararating lang.

"Guys, kung ako lang ang masusunod, of course I want Lolo A to undergo an operation," sagot ni Kahel. "But my hands are tied. Si dad ang naka-sign as legal guardian ni lolo."

"Fuck those legalities!" Biglang nag-curse si André.

"Hindi ba pwedeng i-breach ang papers?" Suggestion naman ni Logan.

Umiling si Kahel. "I don't know what to do."

Umupo ako sa tabi niya. "Bakit hindi natin simulan sa pakikipag-usap sa tatay mo?"

"You've seen my dad, Fina," sagot ni Kahel.

Tumango ako. "I-try lang natin. Malay mo naman makinig siya sa'yo ngayon."

"Goodluck with that." Parang sarcastic na sagot ni Logan.

Tumayo ako sa kinauupuan ko. "May tatapusin lang akong plate tapos babalik ako dito. Sana pagbalik ko ready ka na na kausapin natin ang tatay mo. Okay?"

Nakatingin lang sa akin si Kahel nang umikot ako para iwan siya. Sana ready na rin akong harapin ulit ang senador.

Mukhang mawawalan akong ng scholarship nito.

#

Anim na oras ang lumipas matapos ang klase ko sa Vistech at Design. Maghapon akong nag-drawing kaya hindi ko na rin maramdaman ang kanang kamay ko. Tapos may kailangan pa akong i-research para sa assignment namin.

Agad akong nagtungo pabalik sa ospital ng hapon ding iyon. Pagdating ko sa labas ng ICU, wala na si Kahel. Nagtanong ako sa nurse's station para tanungin kung nasaan na si Lolo Antonio pero hindi raw pwedeng sabihin kung nasaan ang pasyente dahil private at VIP ito.

Naisipan kong tawagan si Kahel pero hindi sya sumasagot. Nang si André ang tinawagan ko, agad itong sumagot.

"Fina? What's up?"

"Nasan sila?"

"You mean, Lolo A? Or Kell?"

"Silang dalawa."

"Lolo A is in the operating room now and Kell should be there."

"Pumayag na sila?"

"Apparently."

"Sige. Salamat, André."

Nang ibaba ko ang tawag ay agad kong hinanap kung nasaan ang operation room. Habang naglalakad ako ay nakita ko ang pamilyar na lalaking nakatayo sa harap ng vending machine. Tulala ito habang nakatingin lang sa baba.

"Kahel!" Tawag ko pero hindi ako pinansin. Nang marating ko siya ay tinapik ko ng marahan ang braso nito.

Napatingin na rin si Kahel sa akin at mukhang nagulat sa presensiya ko. "Fina?"

"Maooperahan na raw si Lolo Antonio? Kumusta na?"

Tumango naman siya.

"Buti naman at pumayag na ang tatay mo?"

Hindi ito sumagot at kinuha ang binili niya mula sa vending machine. Pumindot ulit ito at binigay sa akin yung unang order niyang can ng iced coffee.

"Salamat," sagot ko sabay kuha sa kamay niya 'yong kape.

Binuksan ni Kahel ang kape niya at uminom ito bago tumingin ulit sa akin. "Tawagan ko na si André para ihatid ka. Alam kong marami ka pang assignments."

"Pero sino ang kasama mo dito?"

"Sanay na akong mag-isa, Fina. I can manage myself."

"Sasamahan kita. Huwag ka nang umangal diyan." Tumalikod ako para hindi na niya ako mapigilan pa.

"Fina, wait!"

Hindi ako tumigil sa paglakad pero nang maramdaman ko ang hawak niya sa braso ko, napatigil na rin ako. "Bakit?"

"Thank you," mahinang sambit nito habang nakatingin sa akin ang mga mata nitong nangungusap.

Sa pagkakataong iyon, sigurado na ako.

Kahit pa kulay dilaw ang mga nasa paligid ko ngayon, isang kulay lang ang nakikita ko at ito ay walang iba kung hindi...

Kahel.

🍊

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro