Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 15

"Happy birthday, Fina!" Binasa ko ang nakasulat sa isang card na nakalagay sa tapat ng cage na may lamang isang kulay puting pusa sa loob. Ito ang unang bumungad sa akin pagbukas ko ng aking pintuan.

Yumuko ako para buksan ang cage sabay kuha sa maliit na pusa. Naramdaman ko ang balahibo nito habang dinidilaan nito ang kamay ko. "Sino'ng nag-iwan sa'yo dito, ha? Nasaan ang amo mo?"

"Nagustuhan mo ba?"

Napalundag ako nang marinig ko ang boses ni Kahel sa tabi ko. Buti nalang at hindi ko nabitawan ang pusa sa kamay ko. "Para sa'kin ba 'to?" Tanong ko sa lalaking lumitaw sa harap ko.

Tumango naman si Kahel habang nakahawak ang isang kamay niya sa kamao niyang may nakabalot na bandage.

"Hindi ko birthday ngayon," sagot ko habang hinahaplos ko pa rin ang pusang hawak ko.

"Hindi ko rin naman birthday kahapon pero binigyan mo ako ng regalo," saad nito.

Bumuga ako ng hangin. "Kaya ba binigyan mo ako ng pusa dahil sa binigay kong drawing sa'yo?"

Tumango siya. "Bakit pusa ang ginuhit mo?"

Ngumisi ako. "Parehas kasi kayong hindi kita ang mata."

Inirapan niya ako. "Kung ako pusa, ikaw tarsier."

Pinandilatan ko siya ng mata. "Tarsier talaga?"

"Parehas kayong gising sa gabi." Tumawa nang mahina si Kahel.

"Tawang-tawa?" Inis kong sambit, pero natutuwa akong makita siyang ganito matapos ang nangyari kahapon.

Tumigil na rin siya sa pagtawa at bumalik ulit sa pagiging seryoso ang mukha. "Thank you pala kagabi and sorry na rin."

"Wala 'yon. Kelan ba ang totoong birthday mo para mabigyan kita ulit?"

"February 12."

Tumango ako. "Noted po. Kumusta na pala 'yang kamay mo? Pinagamot mo na?"

Tinaas ni Kahel ang kamay niya at nilagay ito sa tuktok ng ulo ko. Sa pagkakataong iyon, naputulan ulit ako ng hininga. Parang biglang bumagal ang oras at wala na akong ibang marinig kung hindi ang pitik ng puso ko.

"Pwede na raw ulit akong sumuntok ng salamin," birong sagot niya.

Pinanliitan ko siya ng mata. "Masokista ka rin eh, 'no?"

Tinanggal ni Kahel ang kamay niya sa ulo ko habang umiiling. "Let's go. Sabay na tayong pumasok sa uni."

"Sino'ng magbabantay dito?" Tinignan ko ang pusa sa kamay ko na mukhang nawili na sa pagkapit sa akin.

"Ipapaalaga nalang muna natin kay Manang Isang." Inilahad ni Kahel ang kamay niya kaya inabot ko na rin ang pusa sa kanya.

"Paano kung magutom siya?" tanong ko ulit.

Tahimik lang si Kahel habang binabalik na ang pusa sa loob ng cage. Nanatili siyang nakayuko sabay haplos ulit sa ulo ng kuting. "Fifi, dito ka muna. Babalik kami mamaya para hindi na mag-alala ang mommy mo."

Agad ko siyang nilingon. "Fifi? Fifi ang ipapangalan mo sa kanya?"

Inayos ni Kahel ang tayo niya at binuhat ang cage ng pusa. "Ako ang bumili nito kaya ako ang may karapatang mag-pangalan sa kanya."

"Pero, ako si Fifi," sagot ko habang naglalakad na ang lalaki kaya sinundan ko naman siya.

"Akala ko ba ayaw mo sa Fifi?" Naguguluhang tanong niya.

"Wala akong sinabing ayaw ko sa pangalan kong Fifi. Ang sabi ko lang ayaw kong tinatawag mo akong Fifi," sumbat ko.

Tumigil si Kahel sa paglalakad at nilingon ako. "You're both Fifi. No more questions."

Kinunot ko ang noo ko sabay dabog sa kinatatayuan ko. Hindi na nga lang ako makikipag-bangayan pa sa kanya. Mukhang desidido na talaga siyang tawagin ang pusang Fifi pati na rin ako.

#

Pagdating ko sa klase, binungad kami ng prof namin ng isang assignment. Ang masaklap pa nito ay kailangan naming gumawa ng essay. Ang pinakamasaklap nito ay wala akong laptop. Kaya kailangan kong magtungo sa library para makigamit dito.

Matapos ang klase namin nang araw na iyon, agad akong nagtungo sa library para maghanap ng bakanteng computer. Sa kasamaang palad, lahat ay ginagamit na ng mga katulad kong wala ring laptop.

Umupo nalang ako sa harap ng mesa at naisipan isulat nalang muna ang essay ko sa isang notebook. Mamaya ko nalang ito ita-type sa computer.

Wala pang limang minuto ang nakalipas ay nag-vibrate ang cellphone sa bulsa ko. Hinablot ko it at nakita ang isang text mula kay Tyler.

Tyler:

Fina, san ka na? Hinihintay ka namin dito sa cafe.

Napasinghap ako. Nakalimutan ko na ang tungkol sa pagtatrabaho ko sa cafe. Kailangan ko pa namang makapag-ipon para may pambili na ako ng laptop kahit yung mura lang.

Agad akong tumayo sa kinauupuan ko at nagtungo sa The Grounds kung nasaan ang Sweet Ci-Tea.

Nang makarating ako sa cafe, binati ako ni Tyler na nakasuot ng denim na apron katulad ng isang barista na nakilala ko noon. Ano na nga ulit pangalan niya?

"Fina! Come here!" Pag-aya ni Tyler sa akin kaya nagtungo ako sa likod ng counter.

"Sorry, kakatapos lang kasi ng klase namin," sagot ko habang binababa ko na ang backpack ko sa sahig.

Ngumiti naman si Tyler at kinuha ang bag ko. "Okay lang. Malakas ka naman sa'kin." Nilagay niya ang bag ko sa loob ng drawer sa may baba ng counter nila.

"Fina, kumusta?" Bati sa akin ng barista na nakalimutan ko ang pangalan.

"Ah, okay lang ako," sagot ko.

Nilapitan ako ni Tyler na may hawak ng denim na apron na katulad ng suot nila at inabot sa akin. "Gamitin mo ito para hindi mamantsahan 'yang uniform mo."

Tumango naman ako at agad na sinuot ang apron. Nagulat nalang ako nang biglang pumunta sa Tyler sa likuran ko at tinulungan akong itirintas ang apron sa beywang ko.

"Kaya ko na 'to," naiilang kong sabi sa kanya.

"Let me help you," pagpilit ng lalaki habang naramdaman ko ang kamay niya sa beywang ko.

Agad akong humakbang paharap at lumingon sa kanya para hindi na niya ito maituloy. "Tyler, okay na. Salamat."

Tinaas niya ang dalawang kamay niya habang nakangiti. "Ready ka na?"

Napalunok ako habang tumatango sa lalaki. Fina, kailangan mo ng pera. Kaya mo 'to.

Halos isang oras ang nakalipas at nangawit na rin ang paa ko kakatayo. Wala naman itong kaso sa akin. Hindi ko lang maiwasang hindi mailang dahil panay ang paglapit sa akin ni Tyler. Parang sinasadya niya palagi na hawakan ang kamay ko pati na rin ang likod ko. Hindi pa naman ako sanay na may humahawak sa akin.

"Fina?" Isang pamilyar na boses ng lalaki ang nakapukaw ng atensiyon ko.

Inangat ko ang tingin ko mula sa cash registrar at nakita ang kulay dagat na mga mata ni André. Nakasalubong ang kilay niya na tila hindi maintindihan kung ano ang nangyayari.

"Who is she, babe?" Tanong ng babaeng nakakapit sa kamay ni André ngayon habang nakataas ang kilay nito na parang hinuhusgahan ang buong pagkatao ko.

"André, brother! Ano'ng order niyo? It's on the house," singit bigla ni Tyler kaya hindi na ako nakasagot pa.

"The usual please," sagot naman ng babae sabay lingon kay André. "Babe? Do you want anything else?"

"I want her to come with me," mariing sagot ni André habang hindi maipinta ang mukha nito. Tinanggal na rin niya ang pagkapit ng babae sa braso niya.

"What the hell, André?" Reklamo ng babae habang pinapanood si André na papalapit na sa likod ng counter.

Bumilis ang pagkurap ng mga mata ko nang marating niya ako. "André, ano'ng ginagawa mo?"

"Getting you out of this place. Nasan ang bag mo?" Nilibot niya ang tingin niya para hanapin ang bag ko.

"Bro, what's the problem? Hindi pa tapos ang shift ni Fina," sumbat ni Tyler.

Inayos ni André ang tindig niya para harapin si Tyler na halos kasing-tangkad nito. "You think I fucking care?"

"Woah! Chill ka lang, bro!" Tinapik ni Tyler ang balikat ni André at marahas naman siyang tinulak ni André.

Kinuha ko na rin ang bag ko sa may cabinet at tinanggal ang apron na suot ko. "Tyler, aalis na ako. Pasensiya na rin dito."

Tumango naman si Tyler habang naglalakad na ako palabas ng counter. Narinig ko ang pagsunod ni André sa akin dahil sa pagsigaw ng babaeng kasama niya kanina.

Nang makalayo na ako sa cafe, nilingon ko si André na sumusunod pa rin sa aking likuran. "André, ba't mo ginawa 'yon?"

Inayos ni André ang buhok niya sabay buga ng hangin. "Fina, you don't know that guy. Bakit ka nagtatrabaho sa kanya? Akala ko ba sa mansion ka ni Lolo A nagtatrabaho?"

Bumuntong-hininga ako. "Gusto ko lang naman magkaroon ng extra pang trabaho."

Napailing si André na tila hindi ako maintindihan. "Why? Hindi ka ba sinuswelduhan ni Kell nang maayos?"

"Eh, hindi naman kasi siya laging nasa mansion kaya wala pang nabibigay na pera sa akin. Yung nakukuha ko namang allowance sa scholarship ko eh sakto lang para sa akin dito at pinapadala ko kina nanay sa probinsiya."

Napahawak si André sa sentido niya. "Bakit hindi mo sabihin kay Kell? Instead of working for that guy?"

"Eh alam mo naman 'yong kaibigan mong 'yon, minsan mabait minsan galit-galitan sa mundo kaya ayaw ko nalang sabihin."

May nilabas si André sa bulsa niya at nang makita kong humuhugot na siya ng pera mula sa wallet niya, agad akong nagsalita.

"André, kung bibigyan mo ako ng pera, huwag ka nang mag-abala kasi hindi ko 'yan tatanggapin."

Tinignan ulit ako ng lalaki. "Let me guess, hindi mo tatanggapin kasi hindi mo pinagpaguran?"

Tumango ako. "Alam mo naman pala."

Ngumisi si André sabay taas ng kamay nitong may hawak na ilang isang libong papel mula sa kanyang wallet. Napaawang ang labi ko nang bigla niya itong bitawan kaya nahulog ang mga papel na pera sa lupa. Natangay rin ng hangin ang iba sa mga ito.

"Ano'ng ginagawa mo?" Napayuko ako para Kunin ang mga nahulog na pera malapit sa akin.

"Para mapagod ka sa pagpulot ng pera," sarkastikong sagot ng lalaki habang nakalagay ang mga kamay niya sa kanyang bulsa at nakangising pinapanood akong pinupulot ang mga papel sa lupa.

Akala ko ang hirap intindihin ni Kahel, mas mahirap pa pala ang isang ito.

🍊

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro