Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 14

Napamulat ako ng aking mga mata nang marinig ko ang isang mahinang musika mula sa kung saan. Inunat ko ang aking leeg at nakita ang canvas sa harap ko. Nakatulog pala ako dito sa mesa habang tinatapos itong painting kagabi.

Napatitig ako sa guhit sa canvas. Imbes na gawin kong prutas ang bilog na ito ay ginawa ko itong araw na dumudungaw mula sa karagatan. Bukang-liwayway o sunrise ang sinisimbolo ng orange na prutas dito sa guhit ko.

Hindi ko alam kung ito ang gustong ipahiwatig ng lola ni Kahel. Ngunit, ito ang naisip kong magandang gawin para magsilbing mensahe ko na rin kay Lolo Antonio na bawat araw ay may dalang saya.

Patuloy pa rin ang isang mahinang musika mula sa labas ng kwarto kaya naisipan kong tumayo at sundan ito. Pagkarating ko sa labas ay napagtanto kong galing sa kabilang kwarto ang tunog.

Nakabukas nang bahagya ang pintuan kaya napasilip ako. Nakita ko si Kahel na hawak ang gitara niya habang tumutugtog ito. Nakapikit ang mga mata niya kaya hindi niya ako napansin.

Habang nakatitig ako sa bawat pagtipa ng kamay niya sa gitara, napansin ko ang mga ilaw na may iba't ibang kulay na pumapalibot sa kanya. Maliban sa kulay kahel na mismong "aura" ng lalaki, ngayon naman ay nakikita ko ang kulay ng bawat notang tinutugtog nito. Parang itong mga makukulay na bubbles na lumulutang sa paligid niya.

Maya't maya pa ay nakaramdam ako ng kirot sa may gilid ng ulo ko kaya napahawak ako sa doorknob.

"Aahh..." hindi ko napigilang hindi umaray sa sakit.

Biglang tumigil si Kahel sa pagtugtog at doon na rin niya ako nakita. "Fina?"

Lumapit ang lalaki patungo sa akin habang nakahawak ang isa kong kamay sa ulo ko.

"Kahel, sorry, narinig ko lang kasi na tumutugtog ka-"

"Okay ka lang ba? Ano'ng nangyari?" Alalang tanong ng lalaki sa akin.

Tumango ako at pinilit na ngumiti sa kanya. "Ako? Okay lang ako. Nakatulog pala ako kagabi diyan sa kabilang kwarto."

"Tinapos mo yung painting kagabi?"

"Pinilit kong tapusin. Kaunti nalang naman at matatapos na rin. Huwag kang mag-alala, matatapos ko 'yon ngayong araw para sakto bukas. Ano'ng oras ba yung party ng lolo mo?"

"Early dinner so around 3-4pm."

"Ah sakto magsisimba ako sa oras na 'yon."

"What are you trying to say? Hindi ka dadalo sa party ni lolo?"

"Gusto mong dumalo ako sa party ng lolo mo at makita ng mga bisita niyo?"

Nakatingin lang sa akin si Kahel. "Yes, why not? Besides, gusto ni lolo na nandun ka."

"Kahel, hindi naman ako kapamilya o kaibigan niyo. Ano nalang ang sasabihin nila pag nakita nila ako?"

Humalikipkip ang lalaki sa harap ko. "Fina, dadalo ka sa party ni lolo."

"Bakit nga? Wala naman akong kilala sa mga bisita niyo. Paano kung tanungin nila ako kung bakit ako nandito sa mansion?"

"Then, don't speak to any of them. Kilala mo naman ako, di ba? Sa akin ka lang makipag-usap. My friends will be there as well... Logan, André and Koleen."

Napapikit ako saglit at huminga nang malalim. "Sige, dadalo ako sa party... pero bilang tagapag-silbi niyo. Huwag mo na akong pilitin, Kahel. Please lang. Ang sakit na ng ulo ko."

Bumuga ng hangin ang lalaki sa harap ko. "Fine."

#

Maga na ang mga mata ko dahil kanina pa ako nakatitig sa painting na kakatapos ko lang gawin. Ilang araw ko rin itong pinagpaguran na parang nakataya ang buhay ko rito.

Binaba ko ang hawak kong paintbrush at kinuha ang canvas para mailagay ko ito sa balkonahe para matuyo. Kailangan ko pa itong ibalot sa gift wrap para kahit papano ay masorpresa naman si Lolo Antonio.

Nagtungo na rin ako sa baba para maghanap ng pagkain. Kanina pa ako gutom pero tiniis ko lang para matapos ko na ang painting. Pagdating ko sa sala ay nakita ko si lolo na kasama ang nurse niya.

"Magandang hapon po," bati ko sa kanila.

"Hija, nandito ka pala." Ibinaba ni lolo ang hawak niyang tasa at kinawayan ako. "Mabuti pa ay samahan mo ako dito."

"Ah, eh..." Napakamot ako ng ulo dahil hindi ko naman matanggihan ang matanda. "Sige po." Umupo ako sa sofa na katabi ng kinauupuan niya.

"Kumusta naman ang pamilya mo sa probinsya? Maayos naman sila?" Biglang tanong ng matanda kaya napatingin agad ako sa kanya.

"Po?"

"Ano na nga ulit ang trabaho ng mga magulang mo?"

Namalikmata ako. Naaalala na niya ulit ako? Minsan kasi nakikita niya akong bilang apo niyang si Liatris. Pero sa pagkakataong ito, sigurado akong tinatanong niya ako bilang si Josefina.

"Nabanggit mo sa akin noon..." Napatigil ang matanda habang nag-iisip nang malalim.

"Ah, naglalako po si nanay sa palengke. Tapos tumutulong naman kami ng kapatid ko kapag wala kaming klase kasi hindi na po nakakakita si nanay."

"Hindi nakakakita? You mean, bulag siya?" Tanong ni Lolo Antonio.

Tumango naman ako.

"Ilan na nga ulit kayong magkakapatid?"

"May dalawa po akong nakababatang kapatid. Si Daxton yung nasa high school at yung bunso po namin si Gillian na limang taon palang."

Tumango si Lolo Antonio. "Ah ganun pala. Nasaan ang tatay mo?"

Napalunok ako. "Ah... wala na po si tatay."

"I'm sorry to hear that, hija."

Binigyan ko siya ng maliit na ngiti. "Malungkot po na wala na si tatay. Pero kailangan po naming tanggapin na ganun talaga ang buhay. Kailangan pa rin naming ipagpatuloy ang laban."

"Tama 'yan, hija. Masaya akong marinig na lumalaban ka pa rin kahit na may mga pagsubok. Hindi lahat ng tao ay nakakayang lumaban."

"Natuto lang po ako ng maaga. Tsaka wala rin naman pong mangyayari kapag titigil nalang ako. Pangarap rin po kasi ni tatay na maging arkitekto kaya ako nalang ang magpapatuloy ng pangarap niya."

"Napakabuti mong bata."

"Salamat po."

Maya't maya pa ay biglang dumating si Manang Isang mula sa kung saan. "Ah, pasensiya na, Sir President, kakausapin ko lang si Fina saglit."

"Sige, walang problema," ani ng matanda.

Tumayo na rin ako habang hinihila ako ni Manang Isang palabas ng sala. "Bakit po? Ano'ng problema?"

"Nabasa mo na ba ang text ni Sir Ellis?"

Kinapa ko ang bulsa ko. Naiwan ko ang cellphone sa kwarto ko mula kagabi. "Hindi pa po. Bakit?"

Pinisil ni Manang Isang ang kamay ko. "May malaki tayong problema."

"Ano po ba ang nangyayari?"

"Darating ang pamilya nila mamayang gabi."

"Sino pong pamilya?"

"Ang buong pamilya nila... ang mag-asawang Atkinson pati na rin ang mga iba pa nilang kamag-anak at kaibigan para sorpresahin si Sir President dahil hindi raw sila makakadalo kung ipagpapabukas pa nila."

Nanlaki ang mga mata ko. "P-Paano po? Ano'ng gagawin natin? Magtatago ba ako?"

"Hindi, ano ka ba? Kailangan nating ayusin ang buong bahay dahil napakametikuloso nila."

Napakamot ako ng ulo. Bakit naman wala silang pasabi? Hindi pa ako handang makaharap ang buong pamilya ni Kahel.

#

Inayos ko ang tayo ko habang nakatingin sa kotseng paparating mula sa gate. Nakatayo ako ngayon sa may pintuan na nakabukas para salubungin ang pamilya Atkinson.

Paulit-ulit akong lumunok para mawala ang kaba ko. Kanina pa kasi parang may nakabarang kung ano sa lalamunan ko.

"Fina, ayan na sila," paalala ni Manang Isang sa tabi ko. Kaming dalawa ang sasalubong sa mag-anak dahil yung mga staff na galing sa catering service ay busy sa kusina. Ang iba naman nilang katulong sa mansion ay naghahanda na sa hardin.

Nang huminto ang kotse sa harap namin, kinuyom ko ang mga kamay ko. Bumukas ang pintuan ng kotse at unang lumabas si Tito Jun para pagbuksan ng pinto 'yong nakasakay sa likod.

Isang babaeng nakasuot ng mahaba at puting bestida ang nakapukaw ng atensiyon ko. Singkit ang mga mata nito at maputi ang kanyang balat. Alam ko na ngayon kung kanino nagmana si Kahel.

Sa likod niya ay may isa pang mas batang babae na nakasuot naman ng isang brown na tweed overcoat at skirt. Kasing kulay ng caramel ang mahabang buhok nito at sa tuktok ng ulo niya ay isang puting headband.

"Magandang gabi po, mga ma'am," unang bumati si Manang Isang habang nakayuko kaya sinundan ko na rin siya.

"Manang Isang, kumusta po?" Bati ng mas batang babae nang makarating sila sa amin.

"Okay lang naman ako, ma'am Liatris," sagot naman ni Manang Isang.

Inangat ko na rin ang ulo ko at nang makita ko ang babae ay natulala ako sa ganda ng mukha nito. Para siyang isang manika sa mapupungay niyang mga mata, matangos na ilong, manipis na labi at maliit na mukha.

Napatingin siya sa akin kaya namalikmata ako. "May bago po pala kayong kasama dito?"

"Ah... eh..." Napahawak ako sa may tainga ko. "Magandang gabi po."

"Ito po si Josefina, 'yong pamangkin ni Raul," pagpapakilala sa akin ni Manang Isang.

"I didn't know we were hiring a new one."

Nanlamig ang kalamnan ko sa boses ng isang lalaki na biglang dumating mula sa labas.

Pagtingin ko sa gilid ay nakita ko ang lalaking nakasuot ng puting coat at polo sa loob nito. Kahit pa hindi siya nakapormal na suot ay kilala ko pa rin ang senador na siyang nagpapaaral sa akin.

Binaba ni Senator Atkinson ang shades sa kanyang mata habang nakapanliit ang matang nakatitig sa akin. "Ano'ng pangalan mo, hija?"

"Dad, she's Kuya Jun's niece." May sumagot mula sa likuran nito at nakita ko na rin si Kahel na nakasuot rin ng puting coat at polo katulad ng tatay niya.

"Josefina Melendrez po, sir." Inabot ko ang kamay ko sa senador. "Nice to meet you po."

Hindi siya umimik at nakatitig lang sa akin kaya hindi ko alam kung ano ang nasa isip niya ngayon. Parehas na parehas sila ni Kahel.

"Finally! Everyone's here!"

Napatingin kaming lahat sa may-ari ng boses na dumating kaya binaba ko na rin ang kamay kong hindi kinuha ng senador.

Nakataas ang mga kamay ni Lolo Antonio habang naglalakad kasama ang nurse nito patungo sa direksiyon namin.

"Lolo A! Happy birthday!" Unang lumapit si Liatris sa kanyang lolo at binigyan ito ng mahigpit na yakap.

"Liatris, apo! I'm so glad na nakauwi ka," mangiyak-ngiyak ang tono ni lolo.

Hinila na rin ako ni Manang Isang palayo para hayaan sila sa kanilang mini reunion. Nagtungo na kami sa kusina dahil marami pa daw darating na kamag-anak maya-maya.

Ilang minuto pa ang lumipas at nagsidatingan na rin ang iba pa nilang bisita hanggang sa mapuno na rin ang malawak na hardin nila sa likod ng mansion. Nakapormal na kasuotan ang halos lahat ng nandito ngayon na para bang nasa isang grand ball sila.

Tinulungan ko ang mga serbidor na labas pasok sa kusina kahit na sinabihan ako ni Manang Isang na huwag nang tumulong. Hindi rin naman talaga sana ako magpapakita dito kung hindi sinabi ni Kahel.

"Miss, can I get a glass of water please?"

Napatigil ako sa paglakad at lumingon sa babaeng nagsalita na nakaupo sa isang grupo ng bisita nila.

"Ah, yes po," sambit ko at saktong pagtalikod ko ay may nabunggo akong isang mamang nakahawak ng basong may wine kaya natapunan ang puti kong tshirt.

"Look where you're going," inis na sabi ng may edad na'ng lalaki sa akin habang pinupunasan ang polo nitong may kaunting talsik na pula.

"Pasensiya na po hindi ko sinasadya," paulit-ulit akong yumuko sa harap niya habang naramdaman ko ang lamig galing sa basang damit ko.

Napansin ko ang mga tingin ng ibang bisita sa aking direksiyon kaya napayuko ako.

"Dad, she didn't mean to," isang pamilyar na boses ang nagsalita mula sa likuran ko. Pagtingin ko ay nakita ko si Logan na nakatayo sa tabi ko.

"You know her?" Tanong ng tatay ni Logan sa kanya.

"She's our friend," sagot naman ng lalaki.

"Fina, okay ka lang?" Si Koleen naman ngayon ang biglang dumating mula sa kung saan habang inaabot ang panyo sa akin. "Tara, kailangan mong magpalit ng damit."

Tumango naman ako at yumuko ulit sa tatay ni Logan bago umalis sa hardin. Sinamahan ako ni Koleen na magtungo sa loob ng mansion hanggang sa makarating kami sa kwarto ko.

"Salamat, Koleen," sambit ko habang hawak pa rin ang panyo niya. "Lalabahan ko muna ito tapos ibabalik ko rin sa'yo."

Ngumiti naman si Koleen. "No worries. Tsaka, pinapasabi ni Kell na hindi mo naman kailangan pang tumulong sa pag-serve."

"Pero, kasi nakakahiya naman-"

"Alam mo mas maganda punta tayo sa taas. Dun sa balcony para maganda ang view." Hinila ako ni Koleen patungo sa hagdan hanggang sa makarating kami sa isang kwarto na pamilyar sa akin. Dito ko tinapos yung painting na ginawa ko.

Binuksan ni Koleen ang pinto patungo sa balkonahe at halatang sanay na sanay ito dito. Dumungaw siya sa baba kaya sinundan ko siya. At tama nga siya, kitang-kita namin lahat ng mga bisita sa hardin mula rito sa taas.

"Di ba maganda ang view dito?" Tanong niya sa akin.

Tumango naman ako. "Lagi ka bang bumibisita dito?"

Agad akong tinignan ni Koleen. "Uh, oo. Dati..." Napatingin siya sa malayo habang nag-iisip. "Nung dito pa tumitira si Jalen."

"Si Jalen ba yung boyfriend mong kuya nila?" Usisa ko.

Tumango si Koleen. "Actually, kwarto niya ito."

Nalaglag ang panga ko. "Kwarto niya 'to? Mahilig pala siyang gumuhit? Nakita ko kasi puno ng drawings yung pader dito."

Napangiti si Koleen na parang inaalala si Jalen. "Oo, mahilig siya mag-drawing. Napaka-creative niyang tao. Mahilig rin siya sa film at photography. Tsaka siya rin ang nakaisip ng Lollipop Project ng Gen L Society last year."

"Ah, ganun pala. Pero, bakit wala siya dito ngayon? Saan siya nagpunta?" Patuloy kong tanong.

Huminga nang malalim si Koleen bago ako sinagot ulit. "Walang nakakaalam kung nasaan siya. But, he writes me letters para i-assure ako na okay lang siya. It might sound weird pero kahit na malayo siya, feeling ko ay malapit pa rin siya sa akin."

Namangha ako sa narinig ko. Ganoon siguro katatag ang pagmamahal nila sa isa't isa kaya kahit na hindi sila nagkikita ay nandoon pa rin ang pagmamahal.

"Grabe naman pala ang pagmamahal niyo sa isa't isa," komento ko habang nakatingin lang sa kanya.

Napansin ko ang pagkislap ng mga mata ni Koleen nang tignan niya ako. Kahit na hindi niya sabihin ay sigurado akong namimiss na niya si Jalen.

Matapos nito ay bumaba na ulit si Koleen dahil hinahanap siya ng mga kabigan niya. Pumunta na rin ako sa loob ng kwarto dahil ayaw ko na rin namang bumalik pa sa hardin.

Umupo ako sa harap ng mesa matapos kong magpalit ng damit at binuksan ang sketch pad kong nakalapag dito. Tapos ko naman na 'yong plate na kailangan naming ipasa sa Lunes.

Habang ini-scan ko yung mga pahina nito, nakita ko 'yong ginuhit kong pusa noong free time namin noong nakaraan.

Napangiti ako dahil naalala ko si Kahel. Ginuhit ko lang naman kasi 'yong pusang nakapikit kasi ganun na ganun ang mata ni Kahel kapag nakangiti siya.

Pinunit ko 'yong pahina at naisipan kong ibigay ito sa kanya kapag nakita ko siya mamaya o bukas.

Habang tinutupi ko 'yong pahina, naalala ko 'yong panyong binigay ni Koleen sa akin kanina. Hinanap ko ito sa kwarto pero hindi ko makita. Baka naiwan ko sa kwarto sa taas.

Lumabas ako ng kwarto at dahan-dahang umakyat patungo sa taas ng mansion. Buti nalang at busy silang lahat sa hardin kaya wala nang nakapansin sa akin.

Habang naglalakad ako patungo sa kwarto, may narinig akong boses galing sa kabilang silid.

"You failed to get into Harvard and now this?"

Napatigil ako nang marinig ko ang pamilyar na boses ng senador mula sa loob ng kwarto ni Kahel. Bahagyang nakabukas ang pintuan kaya rinig na rinig ang galit na tono ng senador.

"How do you expect to get into politics with that kind of record? You're such a disgrace!" Patuloy ang pang-mamaliit ng senador.

"I'm sorry, dad," mahinang sambit ni Kahel.

"Your sorry won't do anything!"

Agad akong humakbang patalikod at papasok sa kwarto kung saan dati nanatili ang kapatid ni Kahel. Narinig ko ang mga yapak galing sa kabilang kwarto at hinintay kong lumipas ang ilang minuto para masiguradong walang makakita sa akin.

Maya't maya pa ay narinig ko ang isang malakas na tunog na parang may nabasag sa loob ng kabilang kwarto.

Agad akong lumabas ng kwarto at sinilip ko ang kwarto ni Kahel. Nakasarado na ito kaya kinatok ko ang pintuan niya. "Kahel?"

Walang sagot.

"Kahel?" Tawag ko ulit sabay hawak sa doorknob para buksan ang pinto.

Bumukas naman ito at agad akong binati ng kadiliman. Ang tanging ilaw sa loob ng kwarto ay ang ilaw na galing sa labas ng bintana na konektado sa balkonahe nito.

Umapak ako papasok sa kwarto hanggang sa nakita ko ang nakaupong lalaki sa sahig malapit sa kama nito. "Kahel?"

"What are you doing here?" Mahinang tanong ng lalaki habang nakayuko ang ulo niya.

"Narinig ko kasi-"

"Don't move!" Malakas na warning ni Kahel sa akin habang nakatingala na. Kahit na madilim ay kita ko ang pagkislap ng mga mata niya na tila inaakit ako para punasan ang luhang pilit na tinatago ng lalaki.

Akmang lalapit ulit ako sa kanya nang tumayo siya sa kinauupuan niyang sahig at inabot ang kamay ko.

"I said don't move, Fina," mariing sambit ni Kahel habang ramdam ko ang medyo basang kamay niya sa braso ko.

Tinitigan ko nang mabuti ang kamay niya at kahit medyo madilim ay kita ko ang pagpatak ng likido sa sahig na galing sa kamay niya. "Teka... ano'ng nangyari sa'yo?"

"It's none of your concern." Agad niya akong binitawan kaya nagtungo ako sa gilid para buksan ang ilaw.

Napaawang ang labi ko nang makita ko ang pulang tagaktak ng dugo sa sahig. Nilibot ko ang tingin ko at nakita ko ang basag na salamin sa dresser niya.

"Kahel..." Walang ibang lumabas sa bibig ko habang nakatingin lang sa lalaking nakaupo na ulit sa sahig habang nakatago ang mukha niya gamit ang mga kamay nito.

"I'll never be good enough for them," umiiling si Kahel habang nakatago pa rin ang mukha niya.

Napaluhod ako sa sahig at kahit na gusto ko siyang hawakan ay pinigilan ko ang sarili ko. "Hindi totoo 'yan. Magaling ka, Kahel."

Inangat ng lalaki ang ulo niya kaya nagtama ang tingin namin. "You don't even know me."

Umiling ako. "Hindi nga kita kilala masyado, pero sa loob ng ilang araw na nakasalamuha kita, nakita ko kung gaano mo pinapahalagahan ang mga tao at bagay na importante sa'yo."

Bumuga ng hangin ang lalaki habang nakatingin lang sa akin. "Why are you here? Just leave me alone!"

"May sugat ka..." Lumapit ako sa kanya at kinuha ang kamao niyang nagkulay pula dahil sa sugat mula sa bubog ng salamin. Binalot ko ang kamay niya gamit ang puting panyong pinahiram ni Koleen sa akin kanina.

Kahit na wala akong alam sa first aid, alam kong kailangang lagyan ng pressure ang sugat para hindi magtuloy-tuloy ang pagdugo nito.

"Kailangan mong ipagamot 'yan bukas para hindi ka magka-infection," sabi ko habang tinatali na ang panyo sa kamay niya.

Matapos nito ay kinapa ko ang bulsa ko at nilabas ang tinupi kong pahina kanina mula sa sketch pad ko. Inabot ko ito sa kanya. "Para sa'yo pala 'to."

Kinuha naman niya yung nakatuping papel gamit ang isang kamay niya habang nakatingin pa rin sa akin. Kanina pa siya walang imik kaya hindi ko alam kung ano ang nasa isip niya.

Bago pa man siya makapagsalita, tumayo na ako mula sa sahig. "Happy birthday, Kahel."

🍊

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro