Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 13

Bipolar pala ang kapatid ni Kahel. Naalala ko tuloy yung sinabi ni Tyler noon kay Koleen yung tungkol sa boyfriend niyang nasa mental. Totoo kayang nasa mental pa rin siya?

Ang tanga tanga ko. Bakit ko ba kasi sinabi 'yon kay Kahel? Ngayon alam ko na kung bakit nagalit na naman siya sa akin.

Tik.

Nahinto ako sa pagguhit sa sketch pad ko nang maputol ang dulo ng lapis na hawak ko. Kanina pa pala ako nag-she-shade dito sa ginuguhit kong self-portrait namin.

Tinignan ko ang sarili ko sa ginuhit ko. Kuhang-kuha ko naman ang hugis bilog kong mga mata pati na rin ang mala-siopao kong mukha. Ayaw ko dati sa ilong ko na hindi matangos pero dahil nakuha ko ito kay tatay at naaalala ko siya sa tuwing nakikita ko ang sarili ko, ngayon ay tanggap ko na ito.

"Fina, ang kapal naman ata ng buhok mo diyan," puna ni Charlie nang makita niya ang guhit ko.

Nakatambay ulit kami sa lagoon dahil wala na kaming klase mamayang hapon at tinatapos ko lang itong draft ko bago ako umuwi. Gusto kong gawin yung painting na pinapagawa ni Kahel pag-uwi ko mamaya.

"Nawili ako sa pagdagdag ng buhok ko," sagot ko nalang habang hinahasa ulit ang lapis ko gamit ang sharpener.

Hinawakan ni Charlie ang nakataling buhok ko. "Ang nipis nga pala ng buhok mo."

"Ikaw, tapos mo na ba yung portrait mo?" Tanong ko.

"Hindi pa. Ano'ng nangyari sa meeting mo kahapon?"

"Ano'ng meeting?"

"Di ba nung sinundo ka ni André?"

"Ah, yun. Wala. May pinapagawa lang sila sa akin."

Siniko ako ni Charlie. "Nagiging close ka na ata sa mga Elites ha?"

Pinanliitan ko siya ng mata. "Ano'ng Elites?"

"Elites! Yun ang tawag nila dito sa grupo ng mga estudyante na may generational wealth. In short, mga anak-mayaman," pag-explain niya sa akin.

"Ganun? Eh sa mga scholar na katulad natin?"

"Eh di anak-mahirap!"

"Kung sino man ang nakaisip niyan, napakatalino niya," sarkastiko kong sagot.

Umiling naman si Charlie sa akin. "So, ano na nga? Close ka na sa mga rich kids?"

"Hindi. Inaalipin lang nila ako kasi alam nilang kailangan ko ng pera. Si Koleen lang naman mabait sa kanila."

"Sus. Kunyari ka pa. Aminin mo may crush ka dun sa anak ng senador, 'no?"

"Crush ko siya noon. Pero hindi na ngayon."

"So, inamin mo rin? Crush mo nga siya noon?"

"Oo noong hindi ko pa siya kilala."

"Sigurado ka? Parang hindi naman ako convinced diyan sa sagot mo."

Umiling nalang ako sa kanya at binalik ang atensiyon ko sa pagguhit. Naisipan kong iguhit na rin si Kahel para ibigay sa kanya bilang pag-sorry sa nasabi ko tungkol sa kapatid niya.

Natapos na rin ang klase namin ng hapong iyon. Nakakapanibago dahil walang text ngayon si Kahel o ang mga kaibigan niya. Siguro nga galit pa rin siya sa akin.

Lumabas ako sa building namin at doon ko nakita na makulimlim ang langit. Mukhang uulan na naman. Buti nalang at may dala na akong payong.

Naglakad ako ng matulin para mas mabilis akong makarating sa sakayan ng dyip. Ayaw kong maabutan pa ako ng ulan. Mahaba-haba pa naman ang lalakbayin ko pauwi.

Habang naglalakad ay may nakita akong poste sa gilid na may nakadikit na advertisement para sa isang cafe na naghahanap ng part-timer. Tumigil ako saglit para picturan ito.

"Fina!"

Napalingon ako nang marinig ko ang isang pamilyar na boses. Nakita ko si Tyler na naglalakad patungo sa aking direksiyon. "Tyler, ikaw pala."

"Kumusta ka na?" Tanong nito nang marating niya ako.

"Ah, eh, okay lang naman ako," simpleng sagot ko.

Napatingin siya sa gilid ko at tinuro ang papel sa poste. "Naghahanap ka ng trabaho?"

Tumango ako. "Oo sana. May alam ka ba?"

"Sakto. Naghahanap kami ng barista sa cafe," tugon ng lalaki.

"May cafe kayo? Saan? Eh pero hindi naman ako marunong sa ganyan," sagot ko sabay hawak sa tainga ko.

Nilagay ni Tyler ang kamay niya sa balikat ko. "Okay lang. May mag-te-train naman sayo."

"Eh kung ganun, susubukan ko."

"Ayos. Samahan na kita," alok nito.

"Ngayon na?" Litong tanong ko.

Tumango naman si Tyler. "Oo. Tara na."

Sinundan ko nalang ang lalaki hanggang sa makarating kami sa isang cafe sa loob ng university. Kahilera nito ang ibang mga restaurants pati na rin ang Starbucks.

Napatingala ako sa signage ng cafe. "Sweet Ci-Tea? Sa inyo ba 'to?"

Ngumiti lang si Tyler sabay bukas ng pintuan para paunahin akong pumasok sa loob. Puno ang loob ng cafe ng msa estudyante na nag-aaral. Maganda kasi ang ambience ng cafe. Bukod sa may mga halamang nakabitin at display sa paligid, may outdoor area rin kung saan pwedeng tumambay ang magba-barkada.

"President Ty!" Isang lalaking ka-edad ko ang bumati sa kasama ko nang makarating kami sa counter ng cafe.

Tinaas ni Tyler ang kamay niya at nilingon ako. "Fina, halika."

Tumango naman ako at sinundan siya papunta sa likod ng counter. Tahimik lang ako habang tinitignan ko si Tyler na nakipagkamayan sa barista at isa pang lalaki na mukhang manager.

"Ito pala si Fina. Magsisimula na siya bukas. Yox, ikaw na mag-train sa kanya, ha?" Utos ni Tyler sa lalaking nakataas ang buhok gamit ang bandanang kulay puti.

"Walang problema, pres. Yox nga pala," inabot ng lalaki ang kamay niya kaya nakipagkamay na rin ako.

"This is Greg, siya ang isa sa mga managers dito," pagpapakilala pa ni Tyler sa isang lalaking puno ng tattoo ang dalawang braso.

Napalunok ako sabay labas ng isang maliit na ngiti sa dalawang lalaki. "Hello, nice to meet you po."

Humalakhak ang tatalong lalaki sa sagot ko. "Huwag mo na kaming i-po. Estudyante rin kami dito," sabi ni Greg.

Namalikmata ako. "Ah, sorry. Akala ko kasi-"

Nagulat ako nang ilagay ni Tyler ang kamay niya sa balikat ko. "Mukha kasi kayong mga gurang," sabi pa ng lalaking katabi ko.

Hindi ako mapakali dahil sa paghawak ni Tyler sa akin. Gusto kong tanggalin ang kamay niya pero hindi naman ako makagalaw. Parang may pumipigil sa akin.

"Oh, kayo na muna bahala dito. Hatid ko lang si Fina," huling sinabi ni Tyler sa mga kaibigan bago kami tuluyang lumabas sa cafe.

"Ah, Tyler, bukas na talaga ako magsisimula?" Tanong ko sa lalaki nang makalabas kami.

Tumango siya. "Oo, ayaw mo ba?"

"Ah, eh, may ginagawa pa kasi akong assignments tsaka-"

"Sige. Sabihan mo nalang ako kung kailan ka na ready sa training. Okay ba?" Nakangiting sambit ni Tyler.

Tumango nalang ako. "Sige, salamat." Tumalikod na ako pero pinigilan ako ng kamay ni Tyler. "Bakit?"

"Hatid na kita," pilit ni Tyler habang hawak pa rin ang kamay ko.

"Ah, eh, okay na ako. May pupuntahan pa kasi ako tsaka-"

"Fina, tinatanggihan mo ba ako?" Biglang nag-iba ang tono ng boses ni Tyler. Pati ang ekspresiyon ng mukha niya ay hindi ko mawari kung galit ba siya o ano.

"Tyler, hindi naman sa ganun-"

"I'm kidding," biglang bumalik ang ngiti sa mukha ni Tyler at binitawan na rin ang kamay ko. "Basta bukas ha?"

Napalunok ako at tumango sa kanya. Agad akong naglakad nang matulin para makalayo na sa kinatatayuan ng lalaki. Hindi ko alam pero may naramdaman akong kakaibang aura sa kanya. Hindi ko tuloy alam kung tutuloy pa ba ako bukas.

#

Sinuklay ko ang buhok ko gamit ang aking kamay bago ko ito tinali ulit. Kanina pa ako nandito sa kwarto kung saan ko ginagawa ang painting para kay Lolo Antonio. Hindi ako makapagsimula dahil iniisip ko pa rin ang nangyari kanina kay Tyler.

Tumayo ulit ako sa kinauupuan ko at napatingin sa mga papel na nakadikit sa pader. May mga nakaguhit dito na tila ay galing sa isang comics. Mukhang ang bida sa comics na ito ay isang panda dahil halos lahat ng nakaguhit dito ay may mukha nito.

Kahit na hindi ko alam kung sino ang gumuhit nito, parang kilala ko na rin siya dahil sa mga guhit niya. Sabi nga ni tatay sa akin noon, nakikilala ang isang tao kahit na isang linya lang ang iguhit niya. Sigurado akong masiyahin at masigla ang taong gumuhit nito.

Naisipan kong magtungo sa balkonahe para makalanghap ng hangin bago ako magsimulang gumuhit ulit. Agad akong binati ng malamig na simoy ng hangin pagtapak ko sa labas ng balkonahe.

Tumingala ako at nakita ang mga bituin na lumulutang sa madilim na kalangitan. Minsan naiisip ko na ang ganda siguro ng buhay ng mga bituin dahil bukod sa parang wala silang problema ay lagi rin silang may kasama.

"Fina?"

Napalundag ako sa kinatatayuan ko nang marinig ko ang malalim na boses ni Kahel. Tumingin ako sa kaliwa at nakita ko ang lalaking nakatayo rin sa sarili nitong balkonahe. Hindi ko alam na katabi lang pala ng kwarto niya ito.

"Kahel, ikaw pala." Napansin ko ang telescope sa tabi niya kaya tinuro ko ito. "Mahilig ka pala mag-star gazing?"

Napatingin si Kahel sa telescope sa tabi niya. "Yeah, dahil kay dad. Mahilig din kasi siya sa astronomy."

Tumango ako. "Eh bakit hindi 'yan ang course mo? Di ba nag-aaral ka ng law?"

Humalakipkip ang lalaki habang nakatingin sa akin. "Paano mo nalaman? As far as I can remember, hindi ko naman nabanggit 'yan sa'yo."

Napalunok ako. Nakita ko lang naman nung nag-search ako sa internet. Pero syempre hindi ko sasabihing ni-stalk ko siya noon. "May nakapagsabi lang sa akin."

Hindi na ulit umimik ang lalaki habang nakatingala na rin sa kalangitan.

Tumikhim ako habang pinagmamasdan pa rin ang lalaki. Seryoso talaga ang mukha niya pero hindi naman ito intimidating. Sa katunayan ay mukha siyang maamong pusa na gusto mong alagaan. "Ah, siya nga pala, sorry sa sinabi ko nung nakaraan."

Nilingon ako ni Kahel kaya nakita ko ang pag-awang ng labi niya. Ngunit, wala pa ring lumabas sa bibig nito.

Napahawak ako sa aking tainga sabay sabi, "Hindi ko alam na bipolar ang kuya mo. Nabanggit sa akin ni Tito Raul nung araw ding 'yon. Kung alam ko lang sana-"

"Think before you speak," seryosong ani ng lalaki.

"Sorry na nga. Promise hindi na ako magsasalita."

Bumuga siya ng hangin bago nagsalitang muli. "All I'm saying is, next time maging maingat ka sa mga sinasabi mo dahil hindi mo alam kung ano ang pinagdadaanan ng isang tao," paalala nito.

Tumango ako sabay tingin sa baba. Natamaan ako sa sinabi niya. Minsan talaga walang preno ang pananalita ko.

"Stop pouting. Pinapatawad na kita. Matulog ka na rin," sabi ni Kahel kaya napatingin na ulit ako sa kanya. Yung likod nalang niya ang nakita ko hanggang sa tuluyan na siyang makaalis sa paningin ko.

Sa pagkakataong iyon, tanging ang tibok ng puso ko nalang ang naririnig ko na tila bumibilis rin ang pagpitik nito.

Hindi ko na talaga nagugustuhan ang nangyayari sa akin.

🍊

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro