Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 12

Kanina pa ako nakatitig sa puting canvas sa harap ko. Nung sinabi ni Kahel na kailangan kong tapusin ang painting ng lola niya, akala ko ay kaunti nalang ang kailangan kong gawin.

Isang drawing ng orange ang nakalagay sa gitna ng canvas at nakaguhit ito gamit lang ang lapis. Kaya literal na ako ang gagawa at tatapos nito. Ang problema lang ay hindi ko alam kung ano ang gustong ipahiwatig ng lola ni Kahel sa drawing niyang ito.

"Kanina ka pa nakatulala diyan."

Nabitawan ko ang hawak kong lapis sa narinig kong boses mula sa likuran ko. Paglingon ko ay nakita ko ang lalaking nakaputing tshirt at gray na sweatpants na nakasandal sa may pintuan habang nakatingin sa akin.

"Magagawa mo ba o hindi?" Tanong niya habang naglalakad na papalapit sa akin.

"Tingin mo ba madali ito? Eh kung ikaw nalang kaya?" Hamon ko sa lalaki.

Bumuga ng hangin si Kahel at tumigil sa harap ko. "Fina, binabayaran kita para mag-drawing. Hindi para magreklamo."

"Sungit," pabulong kong sabi.

Nilingon ulit niya ako. "What did you just say?"

Umiling ako. "Wala. Sabi ko, opo gagawin ko na."

"May kailangan ka pa ba? Brush? Paint?" Tanong niya habang tinitignan yung canvas sa mesa. Binilhan na rin niya ako ng isang drafting table na talagang para sa isang architecture student. Ang mahal pa naman nito dahil may pailaw siya sa baba ng mesa.

Umiling ako sabay buga ng hangin. "Orange ba ang paboritong prutas ng lola mo? Kasi tignan mo naman 'tong ginuhit niya dito oh. Bakit orange lang?" Tinuro ko sa kanya ang maliit na bilog sa gitna ng canvas.

Lumapit siya at yumuko ng kaunti habang nakatingin sa canvas. "Do you want to know a secret?"

Siningkitan ko siya ng mata. "Ano? May superpower ka rin?"

Tumawa nang mahina si Kahel habang umiiling. "You know that tree next to the gazebo?"

Mas kumunot pa ang noo ko. "Dito sa likod ng mansion?"

Tumango naman ang lalaki. "Diyan namin nilibing si lola."

Napaawang ang labi ko at nilingon ulit ang kulay kahel na lalaking ilang pulgada lang ang lapit ng mukha sa akin. "Bakit diyan?"

Bumuntong-hininga si Kahel habang nakatitig pa rin sa puting canvas na parang malalim ang nasa isip nito. "Before lola died, she told us that she wanted to be an orange tree. Paborito kasi ni Lolo A ang orange. We tried planting it here, but it never grew."

"Siguro dahil sa init ng klima dito," sambit ko.

Inayos na rin ni Kahel ang tayo niya sabay lagay ng mga kamay sa loob ng bulsa ng jogging pants niya. Tumalikod na siya at hindi man lang sumagot sa akin.

"Hoy, Kahel, iiwan mo na ako dito?" Pasigaw kong tanong sa lalaki.

Tumigil siya sa paglakad at nilingon ulit ako. "Bakit? Natatakot ka ba kay lola?"

"H-Hindi ah," utal kong sagot. "Naisip ko lang na mas madali ko itong matatapos kapag bibigyan mo ako ng ideya."

"Fina, I already gave you an idea. At kailangan ko na ring mag-review. So, just quit complaining and start drawing," sumbat ng lalaki sabay talikod na sa akin.

Sabi ko nga.

#

"Fina, ano 'yang ginagawa mo?" tanong ni Charlie sa akin nang makita niya akong gumuguhit sa isang maliit na papel habang nakaupo kami sa bleachers ng field.

Kakatapos lang ng game ng baseball team namin at napilitan lang akong manood bilang miyembro ako ng Gen L Society. Kanina ko lang rin nalaman na si Logan pala ang captain ng baseball team ng university namin. Kaya naman pala pinilit nila kaming manood para may mag-cheer sa kanila.

Agad kong tinakpan ang papel na hawak ko kung saan ko ginuguhit yung draft ko para sa ibibigay kay Lolo Antonio. "Ha? Wala. May pumasok lang sa isip ko."

"Ikaw Fina ha, may sinisikreto ka. Tara na nga." Tumayo na si Charlie sa kinauupuan niya.

Habang naglalakad kami palayo sa field, napatingala ako at nakita ang pagsalubong ng kulay lila at kahel sa kalangitan. Alas-singko na kaya malapit nang lumubog ang araw. Sigurado akong siksikan na naman sa dyip at tren ngayon.

"Fina!" Biglang may tumawag ng pangalan ko kaya napatigil ako.

Paglingon ko ay nakita ko si Logan na naka-baseball uniform pa rin habang tumatakbo papalapit sa akin. "Logan?"

"Pauwi ka na ba?" tanong ng lalaki nang marating niya ako.

Tumango naman ako. "Oo, bakit?"

"Hintayin mo lang si André dito. Ihahatid ka na niya."

"Ha? Bakit?"

Napakamot si Logan sa may batok nito. "Uh, sabi ni Kell mas mabilis kang makakauwi kapag hinatid ka ni André tsaka mas safe rin para sa'yo."

Bumuga ako ng hangin. "Pakisabi nalang thank you. Tsaka may kasama naman akong uuwi."

"Anong kasama? Magkaiba kaya tayo ng sasakyan pauwi," pagbubuking ni Charlie sa tabi ko.

Siniko ko siya habang sinisenyasan ko gamit ang aking mata. "Di ba magkasama tayo?"

"Kung ako sa'yo, Fina, sasama ako kay André. Mahirap na baka ma-holdap ka na naman diyan," pangungunsinti ni Charlie.

"Na-holdap ka?" Biglang tanong ni Logan.

"Ah, eh, oo pero wala namang nangyari sa akin."

"Maiwan na nga kita diyan. Kita kits nalang bukas, Fina! Bye!" Tumalikod na si Charlie at iniwan akong kasama ang lalaki sa harap ko.

Kinuha ni Logan ang cellphone niya at may ni-type ito. "Malapit na raw si André. Anyway, kumusta si Lolo A?"

"Okay naman siya. Pero sa tingin ko malungkot siya kasi walang bumibisita sa kanya."

Tumango si Logan. "Buti nga noong nandito si Jale may kasama si Lolo A sa mansion."

"Sino'ng Jale?" Tanong ko.

"Yung kuya ni Kell," tipid na sagot ni Logan.

"Ah, siya ba yung Enrico?"

Tumango lang si Logan. "Ang ganda ng mansion, di ba? Maganda rin ang view dun sa balcony sa taas tuwing takipsilim."

Napansin kong binaling ni Logan ang pag-uusap namin dahil siguro sa pagtatanong ko tungkol sa kapatid ni Kahel.

"What's up?" Boses ni André ang nakabasag ng agam-agam ko. Napalingon kami sa lalaking paparating na nakasuot ulit ng pang-race car na jacket. Ako tuloy ang naiinitan sa suot niya.

"Ikaw na bahala kay Fina, bro," sabi ni Logan matapos nilang mag-secret handshake sa isa't isa.

"Let's go, Fina?" Tanong ni André sa akin habang inaabot ang helmet na hawak niya.

Sinundan ko nalang siya patungo sa big bike niya. Panay ang salita ni André habang nagda-drive siya. Parang hindi nauubusan ng sasabihin.

Okay lang naman sa akin para hindi boring. Ang ayaw ko lang ay yung bigla nalang niyang bibilisan ang motor kaya nagugulat ako at biglang mapapakapit sa kanya nang mahigpit.

Matapos ang halos isang oras dahil na rin sa trapik, nakarating na rin kami sa mansion. Hindi na pumasok si André sa loob kasi may pupuntahan pa daw siya.

Pagpasok ko sa loob ng mansion, nakita ko si Lolo Antonio na naglalakad patungo sa hagdan. Wala siyang kasama kaya agad akong tumakbo patungo sa direksiyon niya.

"Lolo, mag-isa lang po kayo? Nasan ang nurse niyo?" tanong ko habang nakahawak sa likod at braso niya.

Tinaas ng matanda ang kamay niya at nilagay ito sa bibig niya. "Sshh. Gusto ko lang naman umakyat."

"Pero delikado po sa inyo."

"Apo, okay lang. Malakas pa naman ako. Tsaka ngayong nandito ka na, pwede mo na akong tulungan," pagpupumilit ng matanda.

"Pero lolo-"

"Sige na, apo. Tulungan mo na ako. Gusto ko lang naman makapunta sa dating kwarto namin ng asawa ko."

Bumuntong-hininga ako. "Oh, sige na nga po. Pero mag-iingat po tayo. Dahan-dahan lang sa pag-akyat."

"Lolo!" Isang sigaw ng lalaki ang nagpatigil sa matanda sa paggalaw.

Napako rin ako sa kinatatayuan ko nang makita ko si Kahel na papalapit na sa amin. Nakakunot ang noo nito habang kinukuha niya ang kamay ng kanyang lolo mula sa akin.

"What do you think you're doing?" Ramdam ko ang galit sa tono niya sa akin kahit na mahina na ang boses nito.

"Tinutulungan ko lang si lolo na umakyat," sagot ko.

"Hindi siya pwedeng umakyat. And you should know that by now!" parang tigre ang kausap ko ngayon kaya nanlamig ang kalamnan ko.

"P-pero nandito naman ako-"

"Fina, just leave!" Tinaasan niya ako ng boses.

Hindi na ako umimik pa nang makita ko ang alab sa kanyang mga mata. Tumalikod ako at dumiretso sa kwarto. Hindi ko alam kung bakit ganoon na lamang ang galit niya.

Itinuon ko nalang ang oras ko sa pag-review para sa quiz namin bukas.

#

Naunahan ko na naman ang alarm ko ngayong umaga. Kailangan ko nang bilisan bago ko pa makita ang Kahel na 'yun. Sana lang hindi siya natulog dito kagabi dahil ayaw kong makita ang mukha niya. Baka masira lang ang mood ko.

Agad akong lumabas ng kwarto matapos kong maghilamos at magbihis. Napadaan ako sa kusina para kumuha ng tinapay para may kakainin ako habang naglalakad.

"Fina."

Napalundag ako nang may tumawag ng pangalan ko. Paglingon ko ay nakita ko si Kahel na nakatayo malapit sa pridyider. May hawak siyang baso ng juice habang nakatingin sa akin.

"Bakit?" Ayaw ko sanang sumagot. Kung hindi lang talaga malaki ang utang na loob ko sa kanila, hindi ko ito papansinin.

"Orange juice?" Inalok niya ang basong hawak niya pero umiling ako. Lumapit siya sa akin kaya napaatras ako kaunti.

Ano ba'ng problema nito at biglang bumait ulit?

"Sorry about last night. I didn't mean to yell at you," sambit nito.

"Bipolar ka ba?" Tanong ko.

Pinaningkitan niya ako. "What?"

"Sabi ko bipolar-"

"Narinig ko," mariing sambit ng lalaki.

"Oh, eh bakit mo pa pinapaulit-"

"You don't know anything about being bipolar." Nag-walk out nalang bigla si Kahel.

Kanina lang parang okay na kami tapos ngayon galit na naman siya. Ano ba ang masama sa tanong ko?

"Kita mo 'to. Galit na naman. Hindi naman niya ako sinagot kung bipolar ba siya o hindi."

"Hindi siya bipolar." Biglang may nagsalita sa likuran ko at pagtingin ko ay nakatayo si Tito Jun na may hawak na kahon. Nilapag niya ito sa counter sa kusina at tinignan ako.

"Tito, magandang umaga po!" Bati ko.

"Yung kuya nila. Siya ang bipolar," sambit ulit nito habang nakatingin sa akin na seryoso ang mukha.

"Ah, sino po?"

"Dito nakatira noon si Sir Enrico, yung kuya nila. Nakita ko kung paano biglang nag-iiba ang ugali niya. Minsan sobrang saya niya tapos bigla nalang sobrang lungkot niya at hindi na rin kumakain o natutulog o lumalabas ng bahay."

"Nasaan na po siya?" Usisa ko ulit.

"Walang nakakaalam. Hanggang ngayon ay hinahanap pa rin siya."

Natahimik ako habang pinoproseso ang mga nalaman ko. Kaya naman pala ganoon na lamang ang reaksiyon ni Kahel sa sinabi ko. Hindi ko naman alam.

Naku, Fina! Napaka-insensitive mo talaga!

🍊

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro