Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 10

Tuwing Linggo ay lagi kaming pumupunta sa simbahan nina nanay para magsimba. Kapag may extrang kita siya, kumakain kami sa Mcdo o Jollibee. Pero mas madalas ay kumakain kami ng fishball at kikiam sa may malapit sa simbahan. Ito ang simpleng bonding namin linggo-linggo.

Pero ngayong araw na ito, hindi sila ang kasama ko. Napasubo akong sumama kina Lolo Antonio para magsimba. Wala namang kaso sa akin ang pumunta sa simbahan.

Kaya lang, kailangan naming sumakay sa kotse at hindi ko alam kung kakayanin ko na ba ang sumakay sa kotse nang hindi ako inaatake ng panic attacks ko.

"Maglalakad nalang po ako," sabi ko habang nasa labas kami ng mansion at hinihintay ang kotseng gagamitin nila.

"Pero malayo yun, apo. Tsaka ang init pa ng panahon. Baka ma-stroke ka," sagot naman ni Lolo Antonio.

"Sanay po akong maglakad. Huwag kayong mag-alala. Tsaka kailangan ko rin namang mag-exercise para magising ako." Lumundag-lundag ako sa kinatatayuan ko para magising ang diwa ko.

Isang oras lang ata ang tulog ko. Nagulat nalang ako nang kinatok nila ang pintuan ko kaninang alas-siyete ng umaga. Akala ko kung may sunog o ano. Sasamahan pala namin si lolo sa simbahan.

"Samahan ko na siyang maglakad, 'lo."

Napatingin ako sa lalaking paparating mula sa likuran ko. Nakaputing polo siya na nakalislis ang manggas nito at naka-itim na slacks pa na parang dadalo ulit sa isang meeting sa kongreso. Sigurado ako puro ganito ang laman ng cabinet niya.

"Oh sige mabuti pa nga. Hintayin nalang namin kayo sa simbahan," ani Lolo Antonio bago sila pumasok ng nurse niya sa loob ng kotse.

Nang maiwan kaming dalawa ni Kahel sa labas ng mansion, inirapan ko siya.

Nakalagay ang mga kamay nito sa bulsa ng pantalon niya at nagsimula na rin siyang maglakad nang hindi man lang ako kinakausap.

"Kahel, teka lang!" Hinabol ko siya dahil hindi siya tumigil sa paglakad. Nakarating kami sa labas ng gate at hindi pa rin siya umiimik.

Teka, awkward ba siya dahil niyakap ko siya kagabi? Bakit naman siya magiging awkward? Ako nga dapat yung makaramdam nun.

"Miss, tabi!"

Sa pag-iisip ko, hindi ko narinig ang sumisigaw sa may likuran ko. Paglingon ko ay may paparating na motorsiklo na dire-diretsong umaandar patungo sa direksiyon ko.

Nakailag naman ako pero hindi ko nabalanse ang sarili ko kaya natumba ako at sumadsad ang pwet ko sa lupa. "Aray!"

"Fina! Okay ka lang?" Biglang tanong ni Kahel sa akin at doon lang siya naglakad papalapit sa akin.

Tumango naman ako sa kanya habang hinahawakan ang binti ko. "Okay lang ako."

Napatingin si Kahel sa humaharurot na motor palayo sa amin. Nakita ko ang pagtikom ng bibig niya habang nakasara ang kamao nito. Parang pinipigilan niya ang sarili niyang hindi sumigaw at magalit.

"Okay lang ako," inulit ko para marinig niya at para kumalma siya.

Binaling ni Kahel ang tingin niya sa akin at yumuko ito para tulungan ako. "Kaya mo bang tumayo?"

Tumango ako at pinilit ang sarili kong tumayo. Ngunit sa pagtayo ko ay nakaramdam ako ng kirot sa paa ko. "Aahhh..."

Bumuga ng hangin si Kahel at inabot ang kamay niya sa akin. "Tulungan na kita."

"Kaya ko," pagpupumilit ko.

"Fina, hindi mo kaya. Akin na 'yang kamay mo," utos ng lalaki.

Nang hindi ko kinuha ang kamay niya, bigla nalang niya akong binuhat sa mga bisig niya kaya napasigaw ako. "Hoy, ibaba mo ako!"

"Ang tigas kasi ng ulo mo. Hindi mo na nga kaya, pinipilit mo pa." Nagsimula nang maglakad si Kahel habang hawak pa rin ako.

Akala ko dati sweet at romantic ang ganitong gawain ng isang lalaki. Pero ngayong nangyayari na sa akin, parang gusto ko nalang na lamunin ako ng lupa.

Napapikit nalang ako para hindi ko makita ang mukha niyang isang ruler lang ang lapit mula sa akin. Baka hindi ko mapigilan ang sarili ko at may magawa pa akong hindi angkop dito.

"Masakit pa rin ba?" Biglang tanong ni Kahel kaya napamulat ako ng mata. Napalunok ako sa pagtitig niya sa akin. Ang gandang lalaki talaga ng nilalang na ito.

"Ha? Ah... oo... ay, hindi pala. Hindi na masakit," utal ko pang sagot. Sana kayanin ko pa.

Bumuntong-hininga si Kahel. Grabe pati amoy ng hininga niya amoy mamahalin.

"Next time, mag-iingat ka. Hindi lahat ng tao ay willing na tulungan ka. Minsan kailangan mo ring alagaan ang sarili mo."

Napanguso ako. "Alam ko naman iyon. Nag-iingat naman ako palagi."

Hindi na siya umimik hanggang sa makarating ulit kami sa mansion. Binaba niya ako sa sofa sa may sala at bigla itong umalis.

"Teka, san ka pupunta?" Pasigaw kong tanong pero hindi man lang ako sinagot.

Naiwan akong mag-isa sa sofa habang tinetext ko ang nurse ni Lolo Antonio kung ano ang nangyari sa akin para hindi sila magtaka kung bakit wala pa kami sa simbahan.

Ilang minuto ang lumipas at bumalik si Kahel na may hawak na maliit na tuwalya.

"Ano 'yan?" Tanong ko sa kanya.

Yumuko siya para hawakan ang binti kong masakit at nilapit ang hawak niyang tuwalya na may laman palang bloke ng ice. "Makakatulong ito para hindi na sumakit," sagot niya habang nakaluhod ang isang paa nito na parang nagpo-propose.

"Kaya ko na. Amin na yang ice," sabi ko pero hindi pa rin niya binitawan ang paa ko. "Kahel, sabing kaya ko na!"

Inangat niya ang ulo niya kaya nakita ko ang nakakunot niyang noo. "Bakit ba Kahel ang tawag mo sa akin?"

"Eh kasi nga Kahel ka," sagot ko naman.

Mas lalo pang kumunot ang noo niya. "Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Kung sasabihin ko ba, maniniwala ka?"

"It depends."

"Huwag na nga lang."

"Okay. Ano ba kasi yun?"

Lumapit ako sa kanya para bumulong. "May superpower ako."

Nilayo naman agad ni Kahel ang mukha niya sa akin. "Superpower?"

Nagkibit-balikat ako. "Sabi ko na. Hindi ka maniniwala."

Natahimik ulit si Kahel habang nakatingin sa akin. "Fine, ano ang superpower mo?"

Nagliwanag ang paningin ko habang nakatingin sa lalaking nasa harap ko. "Nakakakita ako ng kulay... sa mga tao."

Namalikmata si Kahel sa akin. "What do you mean?"

"Kunwari ikaw, may nakikita akong kulay kahel na nakapalibot sa'yo ngayon. Pero ang mas nakakapagtaka ay ikaw lang ang nakikita kong kahel. Yung ibang mga tao kadalasan dilaw sila kapag masaya. Pula naman kapag malungkot sila. Pero ikaw lang talaga ang kahel."

Ilang segundong tahimik ang lalaki habang nakatingin sa akin. Mukhang naguguluhan na siya. Ako rin naman ay naguguluhan sa nakikita ko.

"Kaya nga gusto kong malaman kung bakit ka kahel," patuloy ko.

"Bakit ako lang ang kahel?" Seryosong tanong ng lalaki.

Nagkibit-balikat ako. "Hindi ko nga alam."

Pinagpatuloy ni Kahel ang pagdampi ng ice sa paa ko sabay tanong, "Wait, so, kailan nagsimula 'yan?"

"Nung naaksidente ako."

"But, you just told me na hindi mo naaalala yung nangyari?"

"Hindi nga."

"Hindi ka ba nahihirapan sa mga nakikita mong kulay ng tao?" Bigla niyang tanong kaya napatigil ako.

"Sa totoo lang, hindi ko iniisip ang bagay na iyon. Basta iniisip ko nalang ay maswerte ako at binigyan ako ng pangalawang buhay."

Tumango si Kahel. "Dahil kung hindi, hindi mo ako makikilala."

Napalunok ako habang ramdam ko ang init sa katawan ko sa kabila ng lamig ng ice sa paa ko. "Ano naman kung hindi kita nakilala?"

"Dahil hindi rin kita makikilala," patuloy nito.

Bumilis na ang tibok ng puso ko. Hindi ko nagugustuhan ang nangyayari sa akin.

Umiling ako para tanggalin ang kabang nararamdaman ko. "T-Tara na nga! Magsisimba pa tayo!"

"Kaya mo bang maglakad?" tanong pa niya habang nakaluhod pa rin sa harap ko.

"Kaya ko!" Pinilit kong tumayo at muntik pa akong matumba kung hindi niya nasalo agad ang beywang ko.

"Sorry," mahinang sambit niya habang inaalis na ang hawak sa aking beywang. Tumayo na rin siya mula sa kanyang posisyon. "Hindi mo kayang maglakad. Tapos hindi mo rin kayang sumakay sa kotse. Paano ka pupunta sa simbahan?"

"Kaya ko naman minsan sumakay sa kotse," ani ko.

"But, still, hindi natin alam kung kailan mati-trigger ang PTSD mo," pag-explain pa niya.

"Teka, paano mo nalamang-"

"Fina, I was there when you had a panic attack, remember?"

Napalunok ako. Oo nga pala. Magkasama sila ni Koleen noon sa kotse nung muntik na nila akong ihatid.

"Ayaw mo bang magpa-check tungkol sa condition mo? Paano kung mas lumala pa yan?"

"Okay naman na ako..." mahinang tugon ko sabay tingin sa baba.

"Sasamahan kita bukas magpa-check up," biglang offer ng lalaki.

Agad akong napatingin sa kanya. "Ha? Huwag na! Ayaw ko!"

Nagsalubong ang kilay ng lalaki. "I have to make sure you're okay para sigurado rin akong walang mangyayaring masama kay lolo dito."

"Ano'ng sinasabi mo? Na baka may gawin ako sa lolo mo? Hindi ako baliw!" depensa ko sa aking sarili.

Bumuga ng hangin ang lalaki. "Fina, I never said that."

"Eh ano, ha? Sabi ko na ngang okay lang ako," mariing sagot ko.

"The last time someone said that..." napatigil siya saglit habang nakatingin sa malayo. "I just let someone got hurt and I don't want that to happen again."

Mukhang may pinaghuhugutan ang lalaki na hindi ko mawari. Pero, ayaw ko pa ring magpa-check. "Wala akong sasaktan at hindi ko rin sasaktan ang sarili ko, okay?"

Bumalik ang tingin ng lalaki sa aking mga mata. "Fine. But, the next time something happens to you, don't blame me or anyone else." Umalis na rin siya matapos nito.

Naiwan akong mag-isa sa sala habang iniisip ang mga sinabi niya. Hindi ko alam kung concerned ba siya o ano. Pero, ang sungit pa rin talaga.

🍊

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro