3
Tumabi ako sa kanya at ipinakita ang picture frame ni Eggnog.
"Sino yan?" tanong niyang muli.
"Anak natin Andrea si Eggnog."
"Anak? Bakit ako magkaka-anak sa'yo? Hindi kita gusto. Pangit pangalan anak mo kasing pangit mo." sagot niya.
Tanginang mga luha 'to. Hindi na naubos.
"Mahal na mahal kita Andrea. Hindi ako titigil hanggang bumalik tayo sa dati. Handa akong magtiis hanggang maalala mo ako. Magpapakasal pa tayo diba?"
"Kasal? Sino ka ba talaga? Kasal yung tententenen?" pahayag niya.
"Naalala mo ba noong una tayong nagkita? Ang sungit mo sa akin. Alimango pa tawag mo sakin."
"Sinungaling ka. Tumalon man ang bato hindi ako magkakagusto sa'yo!" wika niyang muli. Sa tuwing binibisita ko siya at pinapaalala ang nakaraan ay yan lang ang sagot niya sa akin.
Kahit araw-araw ko gawin ito ay hindi ako magsasawa.
"Alam ko sa puso mo Andrea naalala mo ako. Bumalik ka na sa akin please. Ikamamatay ko kapag nawala ka." Wala akong pakialam kung umiiyak ako sa harapan niya. Kulang pa 'to sa sakit na nararamdaman ko. Nakayakap lang ako sa kanya at nasasaktan ako sa pagiging inosente niya.
Lahat ng alaala namin ay bumabalik sa isip ko. Panibagong taon nanaman ang aking haharapin nang hindi ka kasama.
"Bakit ka umiiyak?" tanong ni Andrea. Hinawakan ko ang kamay niya at umupo kami sa sofa.
"Kasi namimiss ko na yung taong mahal ko."
"Mahal?"
"Opo. Nandito siya." Inilapat ko ang kamay niya sa puso ko at nakatingin lang siya sa akin na puno ng pagtataka.
"Niloloko mo ako eh. Paano magkakasya tao diyan?" Kahit nagkaganito si Andrea ay mahal ko pa rin siya. Ganun nga siguro kung mahal mo ang isang tao gagawin mo lahat para sa kanya kahit magmukha kang tanga.
"Kasi ang pagmamahal nararamdaman. Kahit gaano pa kalaki ang pagmamahal mo, pasok yan sa puso mo." paliwanag ko. Napakaganda pa rin niya kahit ganito siya. Napapangiti pa rin niya ako.
"Yang bata sa frame pasok din sa puso mo?"
"Opo. Mahal na mahal ko si Eggnog."
"Bakit Eggnog?"
"Kasi noong buntis yung babaeng mahal ko, mahilig siya sa itlog. Alam mo ba pangalan ng mga anak namin? Si Eggnog, Eggyolk, Eggwhite, Eggshell, KwekKwek, Omelet at si Pugo." sabi ko. Napapaisip lang siya pero hindi pa rin niya maalala ang lahat.
"Ten ten tenen. Ten ten tenen." kanta niya. Oo Andrea ikaw lang ang babaeng papakasalan ko. Hihintayin ko ang pagbabalik mo at papakasalan kita kahit saan mo gusto.
"Gusto ko kasal!"
"Papakasalan kita kapag maayos na ang lahat."
"Maayos damit ko. Maayos ako." Bakit kailangang humantong tayo sa ganito Andrea?
"Andrea mahal mo ba ako?" tanong ko sa kanya. Pinunasan ko muli ang luha na kanina pa tumutulo sa mga mata ko.
"Tumalon man ang bato, hindi ako magkakagusto sa'yo!" sabi niyang muli. Hinawakan ko ang pisngi niya at hinalikan ito.
Bigla siyang tumakbo palayo at nagtago sa cabinet.
"Mamamatay tao nandiyan!" sigaw niya.
"Magtago ka Eggnog!" dagdag niya. Kinuha niya ang frame at itinago niya ito sa loob ng damit niya.
"Andrea labas ka na diyan walang mamamatay. Ako to." Pinipilit ko siyang lumabas sa cabinet ngunit mahigpit ang pagkakahawak niya.
"Hindi ka mamamatay tao?"
"Hinding hindi ko yun gagawin sa taong mahal ko."
"Alam mo kita ko bata sa panaginip ko. Kamukha mo." Hindi ko alam kung paano ko siya haharapin. Gusto kong ipakita sa kanya na okay ang lahat pero hindi ko kaya. Sa tuwing tinitignan ko siya, naaawa ako sa kinahitnatnan namin.
Minsan sinasakyan ko na lang siya sa mga sinasabi niya. Ako lang ang nakakapasok sa kwarto niya dahil lahat ng tao ay kinatatakutan niya. Kahit pagod ako sa trabaho, wala akong pakialam basta mapagsilbihan ko siya. Hindi man niya ako maalala, ginawa ko pa rin ang lahat para bumalik siya.
"Kailan ka ba babalik sa akin Andrea?"
"Nandito ako sa cabinet. Babalik ako mamaya." sabi niya. Unti-unti siyang lumapit sa akin at pinunasan ang luha ko.
"Hihintayin ko ang pagbabalik mo at ikaw lang ang mamahalin ko."
"Tumalon man ang bato, hindi ako magkakagusto sa'yo!" sigaw niya. Itinulak niya ako at nagtago naman siya sa ilalim ng kumot.
Naniniwala ako na babalik ka sa akin at mamahalin mo ako. Hindi man ngayon pero sa tamang panahon.
Kinuha ko ang magazines at inabot sa kanya. Tinanggal ko ang kumot na nakapulupot sa kanya.
Kung nakakabalik lang ng alaala ang halik ko, matagal ko nang ginawa. Kung buhay ko ang kapalit maibalik lang siya, handa akong magsakripisyo. Kung isa lang itong fairytale, simula pa lang ay ginawa ko na lahat para happy ending kaming dalawa.
Habang tinititigan ko siya ay bigla na lang lumabas ang mga liriko sa bibig ko.
"Kung tayo ay matanda na, sana'y di tayo magbago." Hinawi ko ang buhok niya at tinitigan ang kanyang maamong mukha.
"Kailan ma'y nasaan ma'y ikaw ang pangarap ko." kanta ko. Hindi naman masamang subukan 'diba?
"Makuha mo pa kayang ako'y hagkan at yakapin" Tanginang luha 'to hindi na naubos.
"Umiiyak ka na naman?" tanong niya.
"Hanggang sa pagtanda natin." Lalong naramdaman ko ang sakit nang pinunasan ni Andrea ang mga luha ko.
"Nagtatanong lang sa'yo ako pa kaya'y ibigin mo"
"Lungkot ka Gab?" tanong niya. Napapikit ako sa sobrang saya. Sa unang pagkakataon ay naalala niya ang pangalan ko at malaking bagay na yun para lalo pa akong maghintay sa kanya.
"Kahit maputi na ang buhok ko." kanta kong muli. Kinuha niya ang pulbo sa banyo at nilagyan niya ang buhok ko.
"Ayan puti na buhok mo!" sabi niya. Nakangiti siya at tuwang-tuwa sa ginagawa niya. Kinuha ko ang pulbo at nilagyan din ang buhok niya. Para kaming mga bata na naghahagisan ng pulbo sa mukha.
"Andrea ikaw lang ang laman ng puso ko kahit maputi na ang buhok ko." sabi ko.
"Tententenen..Tententenen" kanta niya. Kung hindi ka nagkaganito siguro ikinasal na tayo.
"Gusto mo ba talaga ng kasal Andrea?" tanong ko sa kanya.
"Tentenententenen." Nagsimula siyang maglakad sa buong kwarto habang hawak ang vase. Pabalik-balik siya sa kwarto habang kumakanta.
Nilapitan ko siya at niyakap.
"Magpapakasal tayo Andrea. Hindi ko na hihintaying bumalik ang alaala mo basta kasama kita habambuhay."
Lahat ay planado na simula noong nawalan siya sa sarili. Gusto ko siyang pakasalan sa oras na bumalik na siya dati. Pero kung gusto niya talaga, papakasalan ko siya kahit wala ang alaala niya.
"Bukas na bukas magpapakasal tayo." bulong ko sa kanya.
Hindi mapantayan ang mga ngiti sa mukha niya at excited na raw siya bukas. "Yehey goodnight Gab!" nakangiti niyang sabi.
Pinatay ko na ang ilaw at hinalikan ko siya sa noo.
"Goodnight Andrea. Ayokong umasa pero sana, sana bumalik ka na."
Nakangiti lang siya sa akin at kinakanta pa rin niya yung pangkasal na kanta hanggang makatulog siya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro