CHAPTER 09
LEAVERENCE
“Dalawang araw na lang, ikakasal ka na sa akin.” Naglalaro ang ngiti ang labi ni Kristine, hinaplos pa n'ya ang aking pisngi.
“Ngayong araw ko ipapaalam kay Nanay at Tatay ang relasyon natin.” Hinawakan ko ang kan'yang kamay na sa aking pisngi at marahan na hinalikan ito. “Hindi ka ba takot sa kanila?”
Tumawa s'ya ng mahina. “Dapat ikaw ang matakot kung ipapakilala na kita sa magulang ko.”
Natigilan ako at ngayon ko lang napagtanto na poproblemahin pa pala namin kung papayagan ba s'ya ng kan'yang magulang na maikasal sa isang katulad ko.
Humigpit ang hawak ko sa kan'yang kamay. “Sisiguraduhin kong magugustuhan nila ako,” lakas-loob kong sambit.
Sakto at nang pagkarating namin sa bahay, nakaupo pareho ang magulang ko sa sofa habang nanonood ng telebisyon. Binalingan ko si Kristine na naging tahimik sa aking tabi.
“Oh, anak,” ani Nanay, napatayo s'ya nang makitang may kasama ako at gano'n din si Tatay.
“Nay at Tay, si Kristine pala, girlfriend ko,” saad ko na ikinatigil nila.
“Naku, maupo kayo, hija. Kay ganda ba naman ng nobya ni Rence,” nakangiting anas ni Nanay, s'ya mismo ang umasikaso kay Kristine.
Pareho kaming umupo sa sofa habang nasa harapan namin si Nanay at Tatay. Pinisil pa nang bahagya ni Kristine ang kamay ko kaya binulungan ko s'ya na magiging maayos ang lahat.
“Bakit ngayon mo lang sinabi, anak na may nobya ka pala?” nanunuyang tanong ni Tatay.
Napakamot ako sa pisngi bago hinila ang beywang ni Kristine papalapit sa akin.
“Last month naging kami, Tay. At saka busy ako at gano'n din kayo no'ng time na 'yon,” dahilan ko.
Iminuwestra ni Nanay at kamay sa ere. “Basta ang importante, may nobya na ang anak ko.” Ngitian pa n'ya si Kristine at sinuklian naman n'ya ito.
Nagkuwentuhan muna sila saglit habang pinagmamasdan si Kristine, nakuha kaagad n'ya ang loob ng magulang ko. Sigurado naman ako na nagustuhan talaga s'ya ng magulang ko.
“Nay at Tay, h'wag sana kayong mabibigla sa sasabihin ko,” nag-aalangan kong sabat matapos nilang mag-usap ni Kristine.
“Ano iyon, anak? H'wag mo sabihin na binuntis mo si Kristine.” Medyo nanlaki pa ang mga mata n'ya.
Napakamot ako sa batok at hilaw na inilingan s'ya. “H-Hindi 'yon, Nay. Ang advance naman ng isip mo,” sambit ko. “Magpapakasal na po kami ni Kristine sa susunod na araw.”
Mas lalo s'yang nagulat sa aking sinabi, agad s'yang dinaluhan ni Tatay. Mukha kasing aatakihin si Nanay sa sinabi ko.
“N-Nay,” nag-alala kong tawag, sapo pa rin n'ya ang dibdib babo ako tinignan.
“Jusko, Rence. Sa susunod na araw?!” napalakas ang boses n'ya ng konti. “Bakit hindi pa bukas? Ang tagal ko nang hinintay 'to, anak!”
Napatanga ako habang pinoproseso ang kan'yang sinabi. Natawa ako nang bahagya, akala ko kung ano na.
“Mahal naman!” reklamo ni Tatay. “Nahihibang ka na ba? Isang buwan pa lang silang magkasintahan tapos pumayag 'kang ipakasal agad sila bukas?”
Tinampal ni Nanay ang braso ni Tatay. “Kumusta naman tayo noon? Hindi pa nga tayo magkakilala, eh nagpakasal kaagad tayo kinabukasan.”
Tila nahiya naman si Tatay sa sinabi ni Nanay. Mahinang natawa si Kristine sa tabi ko, kanina pa pala n'ya pinipigilan ang tawa.
“Mahal naman siguro nila ang isa't-isa, bahala sila kung sakaling maghiwalay sila. Desisyon nila iyan, eh,” dugtong pa ni Nanay.
“Oo na,” suko ni Tatay at inakbayan na lang si Nanay.
Tumingin ako kay Kristine na mukhang may malalim na iniisip. Nagpaalam muna ako sa magulang ko na mag-uusap kami ni Kristine sa labas na ikinatango nila. Mukhang may sariling mundo na sila, eh.
Hinila ko si Kristine sa labas ng bahay. Humiga muna ako sa lilim ng puno bago s'ya sinenyasan na mahiga sa aking tabi.
Tumungo s'ya sa aking gawi habang hindi inaalis ang titig sa akin. Inalalayan ko s'yang humiga sa tabi ko at agad na pinulupot ang braso sa maliit n'yang beywang.
Pumaharap ako sa kan'ya. “Mahal mo naman ako 'di ba?” bigla kong tanong, sinukbit ko ang kan'yang buhok sa likuran ng taenga.
Tila natauhan naman s'ya nang nagsalita ako. “Oo naman,” mahina n'yang sagot at kinunutan pa ako ng noo. “Bakit mo naman natanong? Inaya nga kitang pakasalan kasi mahal kita.”
Pinigilan ko ang bibig ko na ngumiti ngunit hindi ko kinaya. Nakatitig lamang ako sa kan'yang mga mata, lahat ng nararamdaman ko'y lumalabas na. Hindi ko kayang itago ang pagmamahal ko sa kan'ya.
“Baka kasi may mahanap 'kang iba kapag tumagal ang ating relasyon,” dahilan ko. “Marami akong kilala na nagpakasal tapos naghiwalay naman, baka mangyari iyon sa akin.”
Umiling s'ya at niyakap ako. “Hindi iyon mangyayari sa atin, basta't magkasama at nagmamahalan tayo, walang makakapigil sa atin.”
Tinabi ko ang mga possible ng mangyari at pinagtuunan lamang ang pansin ko sa kan'ya. 'Yong masaya at kuntento kami sa isa't-isa.
~•~•~•~•~
“Ano?!” sabay na sigaw nila Nerio at mas lumapit sila sa akin.
“Huminahon muna kayo,” saway ko, may napapatingin tuloy sa amin sa lakas ba naman ng boses nila.
Hinampas ako ng mahina ni Paulino sa balikat at katulad ng mga barkada ko'y nanlalaki ang mga mata.
“Paano kami kakalma, huh?!” Sapo ni Paulino ang kan'yang noo at marahas na umiling sa akin. “Isang buwan pa lang kayo tapos magpapakasal ka kaagad! Pareho kayo ni Nerio, mga atat!”
“Bakit ako nadamay, huh?!” sabat naman ni Nerio.
“Tama na 'yan,” malakas kong sambit para suwayin ulit sila, baka mamaya paalisin kami rito sa restaurant.
“Bakit ang bilis naman, Rence? Magta-travel pa tayo sa Paris tapos babaliwalain mo na lang ang pangarap natin!” madrama n'yang bulalas, kumapit s'ya kay Nerio.
Napahilot ako sa aking sentido. “Mahal namin ang isa't-isa, hindi pa ba iyon sapat? Sabi ko nga hindi importante kung kailan kayo naging kayo.”
“Huh!” Tinignan ako ni Nerio. “Kinain mo rin ang sinabi mo 'no? Sabi ko sa 'yo, eh.”
Tama nga s'ya, wala pa naman kasi ako sa sitwasyon n'ya no'n kaya agad akong nagsalita ng tapos.
Kung ano-ano pa ang sinasabi ni Paulino, tutul s'ya pati si Nerio dahil may pangarap pa raw kami na dapat tuparin. Kahit naman mag-asawa ako hinding-hindi ko iyon babaliwalain.
Napangiti ako nang makitang pabalik na si Kristine matapos n'yang magbanyo. Sakto na sumunod din si Daisy na tahimik ma umupo sa tabi ni Paulino na kanina pa 'di naawat ang bibig.
“Kasama mo si Daisy?” tanong ko kay Kristine nang nakaupo s'ya sa aking tabi.
Umiling s'ya at ngitian ako. Napangiti rin ako at inalalayan s'yang sumandok ng pagkain na gusto n'ya.
Naging tahimik ang nasa pagitan namin kaya nagtaka ako. Sa pag-angat ng aking tingin, kay Daisy ang mga matang nakatutok ni Kristine. Tahimik si Nerio, Paulino at Roanna dahil nasa pagkain na ang mundo nila.
Bago ko pa man alisin ang tingin kay Daisy ay nakita ko ang pangamba na dumaan sa kan'yang mga mata.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro