Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 8

ALAS diyes ng gabi nang matunton ni Agueda ang daan papasok ng bundok Mirador. Madilim ang paligid ngunit sapat ang sinag mula sa bilog na buwan upang maaninag niya ang daan. Humupa na rin ang kaniyang kaba at napalitan ito ng pag-aalala sa iba niya pang mga kasama. Magulo ang kaniyang isip at nagtatalo ang kaniyang loob habang naglalakad. Hindi niya mawari kung tama ba ang kaniyang desisyong iwanan si Artemio sa bayan. Batid niyang magaling itong makipaglaban ngunit nag-iisa lamang ang binata. Hindi nito kakayanin ang napakaraming pulutong ng mga guardia sibil. Gayunpaman, magtitiwala siya sa lalaki. Alam niyang ginawa lamang ni Artemio ang nararapat sa sitwasyon.


"Jefe!"


Umangat ang tingin ni Agueda at mabilis na napansin ang isang grupo ng mga lalaki sa 'di kalayuan. Mabilis niya itong nakilala dahil sa mga suot nitong camisa de chino. Biglang gumaan ang kaniyang pakiramdam nang mapagtanto niyang nakaligtas ang iba niya pang kasama. Nakatayo sa ilalim ng puno ang limang magigiting na miyembro ng kanilang samahan habang nakasandig naman sa malaking katawan ng puno ang lalaking iniligtas nila. Hinang-hina si Waldo at napapayakap sa sarili dahil sa lamig ng hamog.


"Kuwago, wala bang nakasunod sa inyo?" tanong ni Agueda nang tuluyan na siyang nakalapit.


"Wala, Jefe. Siniguro naming nailigaw na namin ang mga guardia sibil na tumutugis sa'min bago kami pumarito," sagot nito.


Nakangiti man ang lalaki ngunit batid ni Agueda ang hirap na dinaanan nito. Napapansin niya ang pawis nito sa mukha at dungis ng suot na damit gawa ng nagdaang barilan. Napalingon rin siya kina Alakdan, Tigre, Kalapati at Buwitre. Kita rin sa mga suot na camisa de chino ng mga lalaki ang mga talsik ng dugo mula sa kanilang mga kalaban kanina. Hindi man aminin, alam niyang iniligay niya sa alanganin ang buhay ng mga taong ito.


Bumuntong hinga ang dalaga. "Wala bang nasagutan sa inyo?"


"Walang napuruhan sa amin, Jefe," sagot ni Alakdan. "Ngunit nasugatan ng isang matalim na bagay si Buwitre sa kaniyang balikat habang kami ay tumatakbo kaya't nagdurugo ito ngayon."


Napatingin si Agueda kay Buwitre at napansin ang duguang balikat nito na bumakat sa itim na damit ng lalaki. Mabilis niya itong nilapitan at sinuri.


"Hindi gaanong malalim ang sugat ngunit kailangan pa rin itong linisan upang hindi magka-inpeksyon," saad niya.


"Naku, huwag na Jefe. Kaya ko na po ito," tanggi ni Buwitre.


"Hindi malayong magkalagnat ka kung babalewalain mo na lamang ang kahit ganito ka-simpleng sugat. Nararapat pa rin itong lapatan ng paunang lunas."


Dalawang taon pa lamang si Agueda sa medisina ngunit sapat na ang kaniyang kaalaman upang gumamot ng mga malalalim na sugat, maglapat ng mga karapat-dapat na gamot at sumuri ng iba't ibang karamdaman ng tao. Batid niyang kakailanganin ng kanilang grupo ang isang manggagamot ngunit hangga't wala pa silang nahahanap, minabuti niyang aralin nang maagi ang kaniyang kurso upang makatulong sa iba at magamit ng kanilang kilusan sa mga sitwasyong tulad nito.


"May bandana ba kayo riyan?" tanong niya sa lahat.


Mabilis na iniabot ni Kuwago ang dala niyang panyo sa Jefe.


"Ipagamot mo kaagad ang iyong sugat kay Ka Miyong pagdating ninyo sa kampo," utos ni Agueda habang tinatalian ng manipis na tela ang sugatang braso ni Buwitre.


"Ninyo?" pag-uulit nito. "Bakit Jefe? Hindi kayo sasama sa amin?"


Humugot ng malalim na hininga si Agueda. "Mauna na kayo. Hihintayin ko muna ang kapitan."


Nagpantig ang tenga ng mga lalaki. Doon lang din nila napansin na hindi pa pala nakakarating ang kapitan sa kaniyang tagpuan hanggang ngayon. Batid nilang lahat na magkasama ang Jefe at kapitan sa misyon. Nakakapagtakang ang Jefe na lamang ang bumalik sa kanila.


"Nasaan po ang kapitan?" nag-aalalaang tanong ni Kuwago.


Sumulyap si Agueda sa lalaki nang tanungin siya nito ngunit mabilis rin siyang napaiwas upang itago ang pag-aalala sa kaniyang mga mata.


"Nagpa-iwan siya sa bayan ngunit saka ko na ipapaliwanag sa inyo ang dahilan. Sa ngayon, kailangan na ninyong magtungo sa kampo upang magamot ang sugat ni Buwitre at upang makapagpahinga na rin kayong lahat."


"Ngunit Jefe, hindi namin kayo maaaring iwan rito mag-isa," tutol ng lalaki.


"Kaya ko na ang aking sarili, Kuwago. Pakiusap, sumunod na lamang kayo sa akin."


Sandaling nagdalawang-isip si Kuwago ngunit sa huli ay napayuko na lamang siya, tanda ng pagsuko.


"Paumanhin po, Jefe."


Nilingon ni Agueda ang kaibigan niyang hinang-hina na habang nakasandal sa katawan ng puno.


Wala na sa sariling pag-iisip niya si Waldo. Hindi na ito makapag-isip nang matino dahil sa sugat at pagod nito sa katawan. Napansin ni Agueda na napatitig ang mga malalamya nitong mata sa kanilang gawi. Papikit-pikit na ito at kaunti na lamang ay babagsak na. Nag-aalala siya sa kalagayan ng lalaki. Sigurado siyang nabigla itong sa nangyari.


"Siguraduhin rin ninyong maayos ang kalagayan ni Waldo. Dalhin niyo na siya sa kampo, naghihintay na si Ka Miyong sa inyo. Iparating niyo na lamang sa kaniya ang balita kung bakit hindi pa ako makakauwi nang mas maaga. Sabihin niyo ring huwag siya masyadong mag-alala. Magtiwala tayo sa kapitan."


Umayos ng tayo ang limang lalaki at nagbigay-pugay sa dalaga.


"Masusunod, Jefe."


Pinanuod ni Agueda ang mga ito habang inaakay si Waldo. Hinatid niya ng tanaw ang kaniyang mga kasama hanggang sa makapasok na ang anim na lalaki sa loob ng kakahuyan. Saka na lamang gumaan ang kaniyang pakiramdam nang masiguro niyang ligtas nang makakarating ang iba sa kanilang kampo. Doon na rin naramdaman ni Agueda ang labis na pagod nang mag-isa na lamang siya kaya't minabuti niyang umupo na lang sa isa sa mga nakausling ugat ng malaking puno ng narra.


Tinanggal ng dalaga ang puting tela sa kaniyang mukha upang makahinga nang maayos. Pagkuwa'y napapikit siya nang makalanghap ng sariwang hangin. Halos kapusin rin siya ng hinga dahil sa kakatakbo kanina. Hindi nga maipagkakailang napagod siya sa kanilang misyon ngunit nangingibabaw pa rin sa kaniya ang saya sapagkat nagtagumpay sila. Nailigtas nila si Waldo.


Isa pa, gusto niya ring batiin ang kaniyang sarili sa pagkakabaril niya sa binti ng pinuno ng guardia sibil. Hindi niya alam kung bakit ganoon na lamang kalalim ang kaniyang galit doon. Naaalibadbaran siya sa tuwing nakikita ang mukha ng lalaking iyon habang nakikipagmabutihan sa mga dayuhan. Naiintindihan naman niyang may ambisyon ito ngunit hindi matanggap ni Agueda na si Santiago, isang Pilipino pa mismo ang mangunguna sa pang-aalipusta sa kaniyang mga kababayan.


Gayunpaman, alam niyang hindi magiging matagumpay ang kanilang misyon kung wala ang kaniyang mga kasama. Akala niya ay matatakot ang limang lalaking iyon para sa kanilang sariling buhay habang nakikipagpalitan ng putok sa mga guardia sibil ngunit iba ang nasaksihan ni Agueda. Kita sa mga mukha ng kaniyang mga kasapi ang labis na pagnanais na lumaban. Ngayon niya napagtantong kaya pala talaga ng mga Pilipino na makipaglaban at manalo. May kakayahan ang bawat Pilipino na ipagtanggol ang sariling bayan mula sa mananakop. Marahil karamihan nga sa kanila ay mga indio, mangmang at hindi edukado, ngunit sa gabing ito, may napatunayan siya. Ipaglalaban ng mga Pilipino ang sariling bayan ng patayan.


Hindi na makapaghintay si Agueda na makamtam ang kanilang minimithing kalayaan. Batid niyang malayo pa ang kanilang lalakbayin at marami-raming laban pa ang kanilang susuungin ngunit nais niyang maranasan ang kasarinlan ng Pilipinas kahit sa maikling panahon lamang. Nais niyang gumala sa plaza nang walang nakabantay na guardia sibil. Hiling niyang matulog sa gabi ng hindi nakakarinig ng putok ng baril. Hangad niyang tunay nang lumaya ang kanilang bayan.


Umangat ang tingin ng dalaga sa kalangitan. Tulad ng inaasahan, nagpapakitang-gilas na naman sa ganda ang mga butuin sa langit. Nais niya pa sana itong pagmasdan ngunit batid niyang hindi ito ang tamang oras para sa mga ganoong bagay lalo pa't hanggang ngayon hindi pa rin nakakarating si Artemio.


Sinubukan niyang suriin ang paligid ngunit wala siyang nakikitang paparating. Hatinggabi na kaya't lalong tumindi ang kaniyang pag-aalala sa binata. Gusto niya itong balikan at hanapin ngunit alam niyang magiging mas mahigpit ang pagbabantay ng mga guardia sibil ngayon sa Cavinti dahil sa nangyari. Mahalaga sa kaniya si Artemio at kilala niya ang binata. Alam niyang hindi ito nagbibitaw ng mga salitang hindi niya kayang tuparin.


Dumaan ang ilang sandali. Nabuhay ang kaba sa dibdib ni Agueda nang makaranig siya ng putok ng baril mula sa malayo. Umalerto siya at mabilis na inangat sa ere ang hawak niyang riple. Base sa kaniyang narinig, hinuha niya ay nagmula sa bayan ang ingay. Malayo man ngunit nais niya pa ring makasigurado. Hinigpitan niya ang hawak niya sa kaniyang armas nang maramdaman niya ang mga kaluskos sa paligid. Napansin niyang gumagalaw ang mga halaman sa kaniyang gawing kaliwa kaya't hindi siya nagdalawang-isip na itutok ang kaniyang baril sa direksyong iyon.


Handa na siyang asintahin ang kung sino mang nakakubli sa likod n'yon nang biglang lumantad sa kaniya ang lalaking kanina niya pa hinihintay.


"Kapitan!"


Ibinaba ni Agueda ang hawak niyang baril at mabilis itong nilapitan. Nakangiti naman siyang sinalubong ng lalaki. Pinasadahan niya ng tingin ang binata. Bukod sa humahangos ito, malinis pa rin ang itsura niya. Suot pa rin ni Artemio ang tabing nito sa mukha at ang itim nitong sombrero.


"Anong nangyari? Bakit natagalan ka?" usisa niya rito.


Hindi sumagot si Artemio. Napansin niyang tinanggal na ng dalaga ang tabing nito sa mukha kaya't malaya niyang napagmasdan ang itsura ni Agueda. Gusto niyang matawa nang maaninag ang labis na pag-aalala sa mata ng kaniyang Jefe. Sinuri niya ang kalagayan nito. Nakahinga siya nang maluwag nang wala itong tinamong kahit na anong klase ng sugat.


"Malalim na ang gabi," pag-iiba niya sa tanong. "Hindi mo na sana ako hinintay."


Kinunutan siya ng noo ng dalaga. "Ikaw ang may sabing hintayin kita, hindi ba?"


"Hindi ko akalaing seseryosohin mo 'yon. Nag-alala ka ba sa akin? Natakot ka bang hindi ko tutuparin ang aking pangako?"


Napairap si Agueda nang mahimigan ang panunukso sa boses ng lalaki. Ayaw niyang aminin rito ang totoo. Nauwi lamang pala sa wala ang kaniyang pag-aalala. Gusto niyang sabunutan ang kaniyang sarili sapagkat bakit nga ba naman siya nag-aksaya ng oras at panahon upang alalahanin ang kalagayan nito?


Kung tutuusin, kilala niya ang ugali ng binata at alam niya ang kakayahan ni Artemio. Kahit saang lupalop ng mundo niya ito ilagay, mabubuhay siya.


"Masyadong mahaba ang araw na ito upang isipin ko pang nagbibiro ka lamang pala kanina," maririing turan niya sa kausap.


Napatawa nang mahina si Artemio. Hindi naman niya intensyong takutin ang dalaga. Batid niyang malakas ang loob nito kaya't hindi niya akalaing kanina pa pala ito hindi mapalagay habang naghihintay sa kaniya. Naging madali lamang sa kaniya ang takasan ang mga humahabol na mga guardia sibil sapagkat doon naman siya magaling. Isa pa, mabilis rin siyang tumakbo. Hindi niya masisiguro kung makakagalaw siya nang maayos kung kasama niya si Agueda kaya't pinilit niya itong tumakas nang hindi siya kasama.


Tinanggal na rin ni Artemio ang itim na telang nakatabing sa kaniyang mukha. Pagkuwa'y napadaing siya nang makaramdam ng hapdi sa kaniyang braso. Agad naman itong napansin ni Agueda kaya't marahan niyang tinakpan ng kaniyang kamay ang sugat na kaniyang natamo. Ngayon lamang napagtanto ni Artemio na daplisan pala siya ng bala mula sa mga guardia sibil na humahabol sa kaniya.


Hindi na nagsalita pa si Agueda at mabilis na inagaw ang hawak nitong itim na tela at itinali sa sugatang braso ng binata. Napakurap si Artemio habang pinagmamasdan ang ginagawa ng dalaga. Hindi man ito umiimik ngunit batid niyang labis itong nag-alala sa kaniya.


*** 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro