Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 7

ISINIWALAT ni Kuwago ang lahat ng mga pangyayaring nasaksihan niya sa bayan noong hapong iyon. Hindi naniniwala si Agueda na si Waldo ang pumatay sa Gobernador-Heneral. Nakita niya nang malapitan ang lalaking nakainkwentro niya noong gabing naganap ang krimen. Kung titingnan sa pangangatawan nito, malaki ang pagkakaiba ni Waldo at sa lalaking nakita niya. Isa pa, alam niyang gumagawa ng mga ilegal na transaksyon ang kaniyang kaibigan ngunit kailanman hindi niya naisip na kaya nitong pumapatay ng tao. Tapos na ang dalawang buwan at hindi pa rin nahuhuli ng mga guardia sibil ang taong pumatay sa Gobernador-Heneral, tiyak siyang napagbintangan lamang si Waldo upang kahit papaano ay may taong mapanagot sa nangyari.


Nasa loob ng silid-pulungan sina Ka Miyong, Agueda at Artemio habang nakikinig sa kwento ng kanilang impormante. Nalaman rin nila mula kay Kuwago na ngayong gabi rin mismo isasagawa ang parusang bitay kay Waldo.


"Saan gaganapin ang pagbitay sa kaniya?" tanong ni Agueda.


Mistulang nagdalawang-isip si Kuwago. Hindi siya sigurado kung kaya niyang sabihin sa kaniyang Jefe ang karumal-dumal na balita na narinig niya sa mga tao kanina ngunit bilang impormante ng kanilang organisasyon, tungkulin niyang ilahad ang lahat sa kaniyang lider.


"Jefe, alam kong magugulat kayo sa aking sasabihin ngunit ayon sa aking narinig. Isasagawa ang pagbibitay ngayong gabi sa plaza upang magsilbing leksyon sa lahat ng mga Pilipinong sasalungat sa pamumuno ng mga Espanyol."


Naikuyom ng dalaga ang kaniyang mga palad.


"Hindi man lamang gagawa ng aksyon ang ating mga lider na nasa posisyon upang ipagtanggol ang kanilang mamamayan," gigil na saad niya.


"Maaaring wala nang gagawing hakbang ang ating mga lider, Jefe. Marahil ay kinikita rin nila na maaaring maibalik ang nasirang relasyon ng Pilipinas at Espanya oras na may mapanagot sa nangyari sa Gobernador-Heneral," dagdag ni Kuwago.


Bumuntong hininga na lamang si Ka Miyong. Pagkauwa'y napailing rin siya sapagkat hindi na bago sa kaniyang tenga ang mga narinig.


"Ano pa bang aasahan natin sa lider ng bansang ito? Wala silang ibang ginawa kundi ang makipagmabutihan sa mga dayuhan upang maiwasan ang digmaan. Anong silbi ng kapayapaan kung wala namang kalayaan?"


"Isang buhay ng inosenteng tao na naman ang mawawala ngayong gabi," saad ni Artemio.


"Minadali ang pagbitay sa kaniya. Halata naman na hindi ito ang pumatay sa Gobernador-Heneral."


"Anong ibig mong sabihin, Kapitan Vibora," naguguluhang tanong ni Kuwago. "Kilala mo ba ang tunay na salarin?"


Umangat ang sulok ng labi ng binata sa biglaang tanong ni Kuwago. Napatingin siya sa katabi nitong dalaga at hindi na siya nagtaka pa nang isang matalim na tingin ang bumungad sa kaniya. Tumikhim siya at umayos ng tayo.


"Hindi iyan ang ibig kong sabihin, Kuwago," ngiti niya. "Ang nais kong ipahiwatig ay halata namang hindi si Waldo ang may pakana ng krimen sapagkat kilala ko siya. Isa siyang matulungin at mabuting tao. Malabong siya ang pumatay sa Gobernador-Heneral."


Tumango-tango si Kuwago at napatingin sa kaniyang Jefe. Napansin niyang malalim ang iniisip nito.


"Anong balak mo, Jefe? Hahayaan na lang ba nating maisakatuparan ang pagbitay kay Waldo?" tanong niya rito.


Sumulyap si Agueda sa labas ng bintana. Unti-unti nang kumakagat ang dilim at kung hindi pa sila kikilos ngayon, tiyak niyang malamig na bangkay na lamang ang maabutan niya sa plaza.


"Lalakad ako ngayong gabi," anunsyo niya sa mga kasama. "Ililigtas ko si Waldo."


"Sasamahan kita," mabilis na tugon ng binatang katabi niya.


"Huwag na Artemio—"


"Bilang Kapitan, ako ang tagapangasiwa ng mga sandata ng organisasyon. Hindi ko ibibigay sa iyo ang iyong riple kung hindi mo ako isasama."


Napabuntong hininga si Agueda. Kahit na anong pilit pa man niya rito, alam niyang magmamatigas pa rin ito sa kaniya. Tumango na lamang siya sa binata bilang pagsang-ayon sa gusto nito.


"Hindi rin maaaring dalawa lamang kayong lalakad sa misyon," puna ni Ka Miyong. "Magsama kayo ng lima pa. Sigurado akong palilibutan ng mga guardia sibil ang plaza. Hindi niyo kakayaning dalawa ang bilang ng mga kalaban."


"Tama ka, Ka Miyong," sang-ayon ni Agueda.


Nilingon niya si Kuwago.


"Kuwago, isasama kita sa misyon ngayong gabi. Abisuhan mo rin sina Alakdan, Tigre, Kalapati at Buwitre sa gagawin nating misyon. Sa lahat, kayong lima ang napapansin kong pinakamahusay sa pamamaril. Ihanda niya na ang inyong mga sarili sapagkat sasabak na kayo sa inyong kauna-unahang misyon."


Hindi kakikitaan ng kahit kaunting bahid ng takot ang kaniyang mukha. Puno ng determinasyon ang mga mata nito. Umayos ng tayo si Kuwago at nagbigay pugay sa kausap.


"Masusunod, Jefe," saad nito at mabilis na nilisan ang silid-pulungan.


Kaagad na ring naghanda sina Agueda at Artemio. Batid nilang hindi magiging madali ang kanilang misyon ngayong gabi. Hindi na sila magugulat kung maglipana man ang mga guardia sibil sa buong bayan sapagkat ang pagpaparusang gagawin ay katumbas na rin ng pagbibigay karangalan sa Espanya. Gagawa't gagawa ng paraan ang mga dayuhan upang matuloy ang nakatakdang pagbitay.


Bagama't hindi kasapi ng kanilang organisasyon si Waldo ngunit hindi maaatim ni Agueda na manuod na lamang habang pinaparusahan ang isang taong alam niyang walang sala. Kung hindi niya maililigtas si Waldo, paano na lamang siya magkakaroon ng lakas ng loob na iligtas ang iba pang Pilipinong inaapi ng mga dayuhan?


Dalawang buwan rin silang naghanda sa mga ganitong klase ng labanan kaya't umaasa si Agueda na magtatagumpay sila sa kanilang layunin.


Pagkatapos nilang pagplanuhang mabuti ang kanilang mga magiging hakbang. Unang nagtungo pababa ng bayan ang limang miyembro sa pangunguna ni Kuwago. Suot ang karaniwang mga camisa de chino at salakot, humalo sila sa mga taong naglalakad patungo sa plaza. Bawat isa sa kanila ay may nakatagong rebolber sa kanilang likuran. Mabilis silang pumwesto sa lugar na itinalaga sa kanila ng Jefe.


Tulad ng inaasahan, tahimik ang buong bayan ng Cavinti. Walang tao ang kabahayan. Ang lahat ay inabusahang magtungo sa plaza upang panuorin ang gagawing paghahatol sa 'di umanong pumatay sa Gobernador-Heneral. Ayaw man ng karamihan sa kanila na masaksihan ang karumal-dumal na pagpaparusa sa kapwa nila Pilipino, wala silang mapamimilian kundi sumunod na lamang sa utos.


Walang tao ang mansyon ng mga Ricarte kaya't hindi na nahirapan sina Agueda at Artemio na pumuslit sa loob. Suot ang puting terno at kurbata, siniguro rin ng dalaga na nakatabing ang kaniyang mukha at nagsuot pa siya ng sombrero upang walang makakilala sa kaniya.


Aligaga naman si Artemio habang inaayos ang riple na gagamitin nilang dalawa. Sa tuwing sasabak sila sa laban, karaniwan na nilang ginagamit ang isang uri ng riple na tinatawag na Gewehr 1888. Bihirang makita ang sandatang ito sa Pilipinas, maging ang mga guardia sibil ay walang kakayahang bilhin ang ganitong uri ng baril. Kung iisipin, si Waldo ang tumulong sa kanila upang makuha ito. Sino rin ang mag-aakala na sa baril na ito mismo nakasalalay ang buhay niya ngayon?


"Mag-iingat ka," paalala niya sa dalaga habang inaabot ang riple nito.


Umangat ang tingin ni Agueda sa kaniya. Malayo sa itsura niya ang ayos ng binata. Nakasuot si Artemio ng itim na terno at kurbata. Nakasombrero at nakatabing rin ang mukha ng manipis na tela.


"Kumilos ka ng naayon sa plano," saad ng dalaga.


"Paano kung ayoko?" biro niya rito.


Sumama ang tingin sa kaniya ng kausap. "Nais mo bang mamatay?"


Napangisi si Artemio. Batid niyang si Agueda ang Jefe ng kanilang kilusan at mataas ang respeto ng kanilang mga miyembro sa dalaga ngunit hindi niya pa rin mapigilan ang kaniyang sarili na kausapin ito tulad ng isang kaibigan sa tuwing silang dalawa na lamang ang magkasama.


"Huwag mong gawing isang laro ang misyon na ito, Artemio."


Tumayo ang dalaga at sinuri ang kaniyang hawak na sandata. Sinubok niya itong iaangat sa ere at inasinta sa kabilang direksyon.


"Kailan ba ako hindi nagseryoso pagdating sa iyo?"


Hindi man lang nakaramdaman ng kahit na ano si Agueda nang marinig ang sinabi ng binata. Mahilig itong magbiro kaya't paminsan-minsan ay tinatanong niya pa ang kaniyang sarili kung dapat niya ba itong paniwalaan o hindi sa tuwing ito ay nagsasalita.


Tinapik niya lamang sa balikat si Artemio at nauna nang lumabas ng mansiyon. Napapabuntong hininga na lamang ang lalaki na sumunod sa kaniya. Nais niya lang namang pagaanin ang pakiramdam nito. Batid niyang malaki ang pangarap at pagmamahal nito sa bayan ngunit gusto niya ring makitang ngumiti ito kahit minsan. Sa tagal nilang magkasama, hindi niya ito nakitang lubos na lumigaya.


TULAD ng inaasahan, pinuno ng mga tao ang plaza. Nagkalat rin sa magkabilang sulok ng lugar ang mga guardia sibil na armado ng Remington Rolling Block riple na karaniwang ginamit ng mga ito. Maingat na umakyat si Agueda sa bubong ng munisipyo kaharap mismo ng plaza habang si Artemio naman ay pumwesto sa veranda ng ikalawang palapag nito. Mabilis na natunton ni Agueda ang kinaroroonan ng lima pa nilang kasama. Mainam ang mga pwestong kanilang napili.


Mula sa itaas, narinig ni Agueda ang halo-halong reaksyon ng mga taumbayan nang pumanhik na si Waldo ng gawa sa kahoy na entablado ng plaza. Naikuyom niya kaniyang mga kamay nang makita ang itsura nito. May iilang sugat itong natamo sa mukha at braso. Sigurado si Agueda na nanlaban ito sa mga guardia sibil bago tuluyang mahuli. Nakagapos ang dalawang kamay nito sa likod habang dalawang guardia sibil naman ang nakabantay sa kaniyang magkabilang gilid.


Namataan rin ni Agueda ang pinuno ng guardia sibil na si Santiago at si Don Deigo, ang alcalde mayor, kasama nila ang mga Espanyol na may mataas na katungkulan mula sa Espanya. Nakapuwesto ito sa unahan at halatang sabik na sabik nang masaksihan ang pagpaparusang gagawin.


Nakahanda na rin sa gitna ang silya at lubid na gagamitin sa pagbitay. Pumanhik ang mensahero ng Espanysa sa entablo at binasa nang malakas ang hatol sa nasasakdal. Napangisi si Agueda nang marinig iyon. Batid niyang malupit ang mga dayuhan ngunit nagugulat pa rin siya sa eksenang tulad nito. Mukhang matayog nga talaga ang pangarap ng Espanya na angkinin ang kanilang bayan.


Nang maglakad si Waldo papunta sa gitna, inihanda na rin ni Agueda ang kaniyang sarili. Nanginginig ang mga paa na pumatong si Waldo sa ibabaw ng silya habang mga taong nanunuod sa magaganap ay pinilit huwag gumawa ng kahit anumang ingay. Umalalay pa ang dalawang guardia sibil sa lalaki at isinabit sa leeg nito ang makapal na lubid. Sumighap sa gulat ang lahat nang hinila na ng isang guardia sibil ang silya. Tahimik na napapaluha na lamang ang mga kababaihan habang nangingisay sa kanilang harapan ang lalaki.


Hinintay ni Agueda ang pagkakataong iyon. Mula sa malayo at madilim na bahagi ng bubong ng munisipyo, inasinta niya ang lubid, tatlong dangkal ang layo mula sa ulo ni Waldo. Umalingawngaw ang putok ng baril na hawak niya at nagkagulo ang lahat. Mabilis na bumagsak si Waldo sa sahig at habol ang hiningang nagtatakang napatingin sa paligid.


Bago pa man makagalaw ang mga guardia sibil, nagpakawala na ng sunod-sunod na putok ang lima pang miyembro ng kilusan. Nakipagbarilan sina Alakdan, Buwitre, Tigre at Kalapati sa mga guardia sibil sa paligid habang tumakbo naman si Kuwago papalapit kay Waldo upang alalayan ito sa pagkatakas.


Hindi magkamayaw ang mga tao at halos mag-unahan upang makaalis ng plaza. Umalerto rin ang pinuno ng guardia sibil at imbes na makisali sa barilan ay halos isangga na ni Santiago ang kaniyang sariling katawan upang maprotektahan ang mga bisitang ipinadala ng hari ng Espanya.


Isang guardia sibil ang humarang sa dadaanan nina Kuwago ngunit agad rin itong natumba nang asintahin ito ni Artemio. Napalingon ang dalawa mula sa kinaroonan ng binata at pagkuwa'y tinanguan niya ang mga ito. Buo ang loob nina Alakdan, Buwitre, Tigre at Kalapati habang nakikipagbarilan sapagkat batid nilang kasangga nila sa laban ang kanilang Jefe sa 'di kalayuan.


Si Agueda ang umuubos sa mga guardia sibil na nagtatangkang umatake sa kaniyang mga ka-miyembro. Sapul niya sa ulo ang bawat naka-unipormeng kalaban at hindi nagmimintis ang kaniyang mga galaw. Nahuli pa ng kaniyang mga tingin ang tatlong Espanyol na papalayo sa lugar kasama ang pinuno ng mga guardia sibil. Nabuhay ang kaniyang galit rito kaya't hindi siya nagdalawang-isip na barilin sa binti ang tumatakbong si Santiago. Napangisi ang dalaga nang bumagsak ito at dumaing sa sakit. Nais niyang bigyan ng leksyon ang lalaki sa pagbibigay ng katapatan nito sa Espanya imbes na sa sariling bayan.


Napayuko si Agueda nang isang bala ang tumama sa kaniyang tabi. Doon na niya napansin ang paparating na bagong pulutong ng mga guardia sibil. Mabilis itong nagpaulan ng bala nang natunton ang kaniyang kinarooonan. Nakita niya ring unti-unti nang umaatras ang kaniyang mga ka-miyembro nang tuluyan nang nakatakas sina Kuwago at Waldo.


"Atras na tayo, Jefe!" malakas na sigaw ni Artemio mula sa ikalawang palapag.


Sabay na nilisan ni Agueda at Artemio ang kani-kanilang puwesto. Tinahak ng binata ang hagdan sa likuran pababa ng ikalawang palapag habang tinalon naman ni Agueda ang matayog na puno ng talisay at sumabit-sabit sa mga sanga nito upang makababa. Sumalubong sa kaniya si Artemio nang lumalapag siya sa lupa.


"Sina Alakdan?" bungad niya rito.


"Nakaalis na sila! Marahil ay patungo na rin sila sa tagpuan natin," sagot ni Artemio.


Tumango si Agueda.


Mabilis na rin nilang nilisan ang lugar na iyon nang makarinig sila ng sunod-sunod na mga yapak. Rinig na rinig sa buong bayan ang sigawan ng mga tao at putok ng mga baril. Sabay na tumakbo sina Artemio at Agueda papasok ng isang eskenita habang hinahabol sila ng napakaraming guardia sibil. Walang pakundangang pinagbabaril ng mga ito ang dalawa kaya't napilitan silang magtago sa likod ng isang maliit na tindahan. Dumapa si Artemio sa lupa at pinagbabaril ang paparating na guardia sibil ngunit agad rin siyang muling napatago nang hindi niya namakayanan ang puwersa ng kalaban. Akmang lalabas na rin sana si Agueda upang pigilan ang mga ito ngunit mabilis siyang pinigilan ng binata na siyang ipinagtataka niya.


"Hindi natin sila kakayanin," bulong ni Artemio.


Kinunutan siya ng noo ng dalaga.


"Anong ibig mong sabihin? Hindi ako makakapayag na dito na lamang magwawakas ang aking buhay."


Kinasa ni Agueda ang hawak niyang riple upang sumalang sa barilan ngunit hinila siya ni Artemio sa kaniyang braso.


"Maghiwalay tayo. Susubukan ko silang iligaw sa bayan kaya't siguraduhing mong ligtas kang makakarating sa tagpuan natin. Hintayin mo na lamang ako doon. Susunod ako sa iyo, pangako."


Nagpantig ang tenga ng dalaga sa suhestiyon ng kaniyang kausap.


"Nahihibang ka na ba? Hindi nga natin kaya ang mga guardia sibil nang tayong dalawa. Ano na lamang ang mangyayari sa iyo kung iiwan kitang mag-isa?"


"Makakaya ko, Jefe. Siguraduhin mo lamang na ligtas kang makakarating na pinagkasunduang tagpuan ng ating grupo."


"Kapitan—"


"Jefe, kung inaakala mong ginagawa ko ito para sa iyo, nagkakamali ka. Bilang kapitan, tungkulin kong manguna sa lahat ng laban at protektahan ang Jefe kung kinakailangan. Hangga't maaari, hangad kong walang mangyaring masama sa'yo. Ang buhay mo ay nagbibigay pag-asa sa ating mga kasapi sa kilusan."


Malalim na bumuntong hininga ang dalaga. Tinigan niyang mabuti ang mga mata ni Artemio. Alam niyang isang malaking pagsasakripisyo ang gagawin ng binata ngunit hindi man lang niya nakikitaan ng kaunting takot ang mga mata nito. Ayaw niya itong iwan ngunit sang-ayon rin siya sa sinabi nito. Hindi maaaring may mangyaring masama sa kaniya sapagkat may isang grupo ng mga matatapang na Pilipino pa siyang pamumunuan.


"Mag-ingat ka at manatili kang buhay," mariing sambit ng dalaga. "Utos ko iyan bilang pinuno ng kilusang iyong sinumpaang paglilingkuran."


Hindi man kita ang kalahati ng mukha ng binata. Alam niyang napangiti si Artemio sa kaniyang tinuran. Umayos ito ng tayo at nagbigay pugay sa kaniya.


"Masusunod, Jefe."


Hindi na nagdalawang-isip si Artemio na lumabas sa kanilang pinagtataguan at tumakbo sa kabilang direksyon. Umalerto naman ang mga guardia sibil at sinundan ito. Kinuha rin itong magandang pagkakataon ni Agueda upang tahakin ang ibang daan. Sumasabay sa kabog ng kaniyang dibdib ang mga putok na kaniyang naririnig. Kinakabahan siya habang tumatakbo ngunit hindi niya hinayaan ang kaniyang sarili na lumingon.


Sana nga'y tuparin ni Artemio ang kaniyang pangako.


***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro