Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 51

HABOL ang hininga na tumatakbo si Simeon. Nakasunod sa kaniya ang pulutong ng mga guardia sibil na maya't maya siyang inaasinta. Nasa gitna siya ng gubat at pilit na inililihis ang mga kalaban palayo sa kaniyang mga kasama.


Napayuko ang binata nang isang malaking sanga ang natumbang puno ang sumalubong sa kaniyang daanan. Sakto namang tumama ang isang balang malapit sa kaniyang paanan dahilan upang lalo niyang bilisan ang kaniyang pagtakbo. Hindi niya kabisado ang gubat ngunit pamilyar sa kaniya ang mga dinadaanan niya ngayon. Nakapunta na siya rito.


Hindi huminto ang binata sa pagtakbo gayundin ang mga taong humahabol sa kaniya. Sandali siyang nagtago sa likuran ng isang puno upang gantihan ng putok ang mga ito. Gamit ang kaniyang riple, inasinta niya ang mga sundalong papalapit sa kaniya. Natumba ang tatlo. Natunton siya ng teniente kung kaya't gumanti rin ito ng putok sa kaniya.


Binitawan ni Simeon ang hawak niyang baril nang maubusan ito ng bala. Nagpatuloy siya sa pagtakbo habang hinihugot ang nag-iisang armas na mayroon na lamang siya. Mahigpit niyang hinawakan ang rebolber sa kaniyang kamay na animo'y dito nakasalalay ang kaniyang buhay.


Habang tumatakbo, unti-unti niyang naririnig ang mahinang ragasa ng tubig. Hindi nga siya nagkamali nang makalabas siya ng gubat at biglaang sumalubong sa kaniya ang isang sapa.


Kumunot ang noo ng binata nang matandaan ang lugar na iyon. Dito niya nakasama si Agueda. Hindi niya namalayang napadpad na pala siya rito.


Lumingon-lingon siya at naghanap ng bagong malulusutan ngunit wala siyang kahit na anong daan na nakita maliban sa mga naglalakihang bato sa ibaba.


Akmang babalik na sana siya sa kaniyang dinaanan ngunit huli na nang makasalubong niya ang grupo ni Teniente Manahan.


"HULIHIN ANG TAKSIL NA IYAN!" sigaw nito.


Biglang nagpaputok ang dalawang guardia sibil dahilan mapuruhan si Simeon sa kaniyang balikat at binti. Napaluhod ang binata sa lupa nang bumaon sa kaniyang tuhod ang bala. Napadaing siya sa sakit at umalpas ang dugo mula sa kaniyang sugat.


"MGA PUNYETA! KAILANGAN NATIN SIYANG HULIHIN NG BUHAY!"


Tumigil ang mga guardia sibil sa paghakbang at gumilid upang bigyan ng daan si Manahan. Sumilay ang isang ngiti sa mukha ng teniente nang tuluyan niyang mahuli ang lalaki.


Nakaluhod lamang si Simeon sa lupa ngunit hindi niya pa rin binibitawan ang hawak niyang armas. Hindi kumukurap ang kaniyang mga mata habang itinututok ang hawak niyang maliit na rebolber sa direksyon ng mga ito. Ilang metro lamang ang layo niya sa teniente kung kaya't nakikita niya ang sumisilip na galak sa mga mata nang magapi siya.


Nagsukatan ng tingin ang dalawa. Noon pa man ay batid na ni Simeon na may galit sa kaniya si Manahan. Masama pa rin ang loob nito dala ng pagkaiingit sa kaniya sa pagiging koronel niya noon sa sandatahan.


"Sino nga namang mag-aakala na ang matayog na koronel na tinitingala ng lahat ay ngayo'y nakaluhod sa aking harapan," taas noong sambit ni Manahan.


Ngumiti si Simeon. "Tama ka, matayog nga ang aking katungkulan kaya't hindi ko hahayaang mahuli lamang ako ng isang tulad mo."


"Huwag ka nang magtapang-tapangan riyan! Hindi ka na koronel na dapat pa naming galangin. Alam mo ba kung ano na ang tingin sa iyo ng lahat—taksil—rebelde!"


"Kay liit lamang ng tingin mo sa taong tinatawag niyong mga rebelde," komento ng binata. "Ang mga taong tinatawag niyong mangmang ay kung tutuusin, mas matalino pa kaysa sinuman sa atin."


Sa isang kisapmata, inilapat ni Simeon ang nguso ng kaniyang hawak na rebolber at itinutok ito sa sarili niyang ulo.


Namilog ang mga mata ni Manahan nang masaksihan iyon. Panandaliang binalot ng takot ang mukha nito.


"HUWAG KANG MAGLARO, ALONSO!" singhal ng dayuhan. "Huwag kang magkakamaling kitlin ang sarili mong buhay! Ang bansang Espanya lamang ang tanging maghahatol sa iyo!"


"Sa aking pakikisalamuha sa mga rebelde, hindi ko akalaing mayroon rin pala silang batas na sinusunod. Mga artikulo, sampung artikulo ang umiiral kung kaya't naging matagumpay ang kanilang kilusan. Alam mo kung anong pinakanagustuhan ko sa lahat—ang artikulo sinco."


Umigiting ang panga ni Manahan. Nanginginig ang kaniyang kamay sa galit. Tumawa siya na parang nawawala na sa sarili. Ito rin ang ginawa ng dalawang rebeldeng nahuli nila noon.


"Tumigil ka! Hindi ka isang rebelde upang sundin ang mga batas na iyan!"


Napatawa si Simeon. "Ngayon-ngayon lamang ay tinawag mo ako ng ganoon. Nanaisin ko pang kitlin ang aking sariling buhay kaysa sa mamatay sa kamay ng bansang mapang-api at mapangkamkam. Hindi ko ibibigay sa iyo ang kasiyahang mahuli ako."


Umiigting ang panga at nagsasalubong ang kilay ng teniente sa galit.


"Ako si Simeon Alonso, anak ng Gobernador-Heneral. Nagtaksil sa Espanya at tumulong sa mga rebelde. Sa ngalan ng Jefe ng La Independencia Filipinas, ayon sa Artikulo Sinco ng kagalang-galang na kautusan; Huwag magpapahuli ng buhay."


Umalingawngaw sa buong gubat ang putok ng baril.


Natumba ang binata sa malamig na lupa. Walang tigil sa pag-alpas ang mainit na dugo mula sa kaniyang ulo.


Napangiti si Simeon habang pinagmamasdan ang ulap sa itaas. Umiihip nang malakas ang hangin dahilan upang magsayawan ang mga dahon ng puno. Maaliwalas ang panahon, maganda ang sikat ng araw at kulay dagat ang ulap. Hindi siya makapaniwala na hanggang sa huling sandali ng kaniyang buhay ay nasa isip niya ang dalaga.


Nangungulila na siya kay Agueda.


***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro