Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 49

TULALA lamang ang isang dalaga habang wala sa sariling nakatitig sa malamig na sahig ng selda. Namumugto ang mga mata nito dahil sa kakaiyak. Nanginginig rin ang kaniyang mga kamay dulot ng sakit na kaniyang iniinda sa katawan. Ang suot nitong damit ay halos mapuno na ng dugo mula sa kaniyang mga sugat. Hindi na siya nag-aalala sa kaniyang sarili. Naroon ang kaniyang puso't isip sa kalagayan ng matandang itinuri na niyang pamilya.


Sa tuwing iniisip ni Agueda kung ano ang maaaring nangyari dito ay pawang may sariling utak ang kaniyang mga luha sapagkat bigla-bigla na lamang itong tumutulo. Ayaw niyang isiping wala na ito. Kinukumbinsi niya ang kaniyang sarili na inilipat lamang ito sa ibang selda at ikinulong tulad nila. Ngunit, batid niya. Batid niya ang lahat. Alam niyong iyon na ang huli nilang pagkikita ni Miyong.


Tahimik lamang si Artemio habang nakatitig sa Jefe. Hindi na niya kayang tingnang naghihirap ito. Ang kaisa-isang babaeng iningatan niya ng lubos ay sinasaktan lamang ng iba. Nakikita niya ang panginginig ng mga daliri nito dahil sa tinamo nitong mga tadyak at suntok sa likuran at braso. Punit rin ang gilid ng labi ng dalaga at namamaga ang pisngi sa paulit-ulit na ginawang pagsampal rito ni Santiago. Hindi maiwasang sisihin ni Artemio ang kaniyang sarili. Sana ay ginawa niya ang lahat upang protektahan ito. Sana ay mas naging matapang siya upang ipagtanggol ang dalaga.


Kinakagat na lamang din ng kapitan ang kaniyang ibabang labi upang pigilan ang kaniyang hikbi. Hindi rin niya batid kong ano na ang kalagayan ni Ka Miyong ngayon. Ngunit, tahimik niyang ibinubulong sa hangin na nawa'y patawarin siya nito. Nawa'y naiintindihan siya nito kung bakit pinili niyang manahimik kanina. Masakit man ngunit nagpapasalamat siya sa ginawa nitong pagsasakripisyo para sa Jefe. Hindi niya kakayanin kung si Agueda ang mawawala. Ang babae na lamang ang natitira sa kaniya.


Iginalaw ni Artemio ang kaniyang kamay upang abutin ang nanginginig na mga daliri ng dalaga. Hinawakan niya ito ng dahan-dahan.


"Magiging maayos rin ang lahat." Sinubukan niyang ngumiti rito. "Nandito pa ako. Nandito pa ako, Agueda."


Hinang-hinang napatingin sa kaniya ang dalaga.


"Alam ko," bulong nito. "Alam ko Artemio. Nandito ka pa. Nandito pa rin ako. Tatagan natin ang ating mga sarili para sa isa't isa. Ngunit, mangako ka sa'kin. Ano man ang mangyari, wala kang gagawin, wala kang sasabihin. Hayaan na lamang natin ang mga dayuhan sa kung ano ang nais nilang gawin sa atin. Saktan man nila tayo. Durugin man nila ang ating katawan ngunit hindi nila masisira ang ating puso, ang ating pagmamahal sa bayan, ang ating mga pangarap. Pakiusap, itikom mo ang iyong bibig. Huwag mong ilagay sa panganib ang iyong sarili o ang ibang tao upang maligtas lamang ako."


"Agueda—"


"Ayoko nang magluksa para sa isa pang taong mamamatay dahil sa akin. Kung ang aking tadhana ay kamatayan, hindi ako magagalit kung matatanggap ko iyon ng mas maaga kaysa sa iba. Doon rin naman tayo papunta."


"Huwag kang magsasalita ng ganyan sapagkat ni sa aking guni-guni ay hindi ko iyan iniisip. Hangga't kaya kitang protektahan, gagawin ko iyon."


Napangiti si Agueda. Hindi siya makapaniwalaang sa kaniyang mga naririnig ngayon. Hindi pa rin ito nagbabago.


"Matigas pa rin ang iyong ulo tulad ng kung paano kita nakilala. Alam mo, habang iniisip ko ang lahat ng pinagdaanan natin, kung tutuusin ikaw nga lamang ang palaging nariyan para sa'kin, palaging nagtatanggol, palaging sumusuportahan. Maging sa aking pangarap ay kasama kita. Ngunit, kung iisipin, hindi ko man lamang pala natanong kung ano ang iyong pangarap."


Napatawa si Artemio ngunit agad rin siyang napahinto nang maramdamang sumakit ang kaniyang kaliwang braso.


"Wala akong pangarap," pag-amin niya. "Kailanman ay hindi ako nangarap, Agueda. Kaya sinuportahan kita sa iyong pangarap sapagkat wala akong pangarap na tutuparin ko ng mag-isa."


"Walang taong walang pangarap, Artemio," sagot ng dalaga. "Kung ano ang iyong nais na gawin, kung ano ang nais mong mangyari sa iyong buhay; iyon ang pangarap mo."


Bumuntong hininga ang binata. Sandali siyang napatitig sa sahig ngunit muli rin siyang napalingon sa mukha ng dalaga nang sumagi ang isang magandang ideya sa kaniya.


"Ano pang saysay ng mangarap kung bilang na rin naman ang ating mga araw? Ngunit, kung mayroon man akong nais mangyari sa aking buhay iyon ay nawa'y hindi ako mamatay sa kamay ng mga dayuhan. Ayokong maalala ako ng mga tao sa ganoong paraan."


"Kay lungkot ng iyong pangarap," komento ng dalaga.


"Ngunit, ikasasaya ko naman kung sa kamay mo mismo magtapos ang aking buhay."


Umiiling si Agueda. "Batid mong hindi ko iyon kayang gawin kaya't kalimutan mo na lamang ang iyong pangarap."


SA mansion ng Gobernador-Heneral, nagsasalubong ang kilay ni Valeriano habang nakatitig sa isang indiong nakaluhod sa kaniyang harapan. Malayo ang itsura ni Esteban ngayon sa kung paano niya ito nakilala. Ang tanyag na mang-aalahas at ang pinakamayamang pamilya sa buong Cavinti ay lumuluhod ngayon sa kaniyang harapan, nagmamakaawa, humihingi ng tawad upang iligtas ang unico hijo nito.


"Patawarin niyo po ang aking anak na si Artemio, Gobernador-Heneral. Hindi niya alam ang kaniyang ginagawa. Napilitan lamang siyang sumali sa kilusan sapagkat tinakot siya ng mga rebelde. Hindi nya intensyong pagtaksilan ang Espanya."


"Ngunit ginawa niya pa rin! Kay lakas ng kaniyang loob na ngumiti sa aking harapan gayong sinasaksak niya na pala ako sa likuran!"


Lalong ibinaba ni Esteban ang kaniyang ulo sa pagkakayuko.


"Hindi po totoo iyan! Mabait po ang aking anak. Hindi niya po iyan magagawa sa inyo."


Umigting ang panga ni Valeriano sa galit. Nasa salas sila ng kaniyang mansion. Nakaupo siya sa isang malaking muwebles na upuan na gawa sa ginto ang hawakan.


"Ang aking rinig ay ikaw rin ang tumatayong ama sa isa pang rebeldeng babaeng nagngangalang Agueda Iniquinto!"


"Wala po akong alam riyan, Gobernador-Heneral!"


"Pinamumugaran na ng mga rebelde ang iyong bahay ngunit wala ka man lamang kaalam-alam!"


"Walang utang na loob ang batang iyon! Kinupkop ko siya sapagkat kaibigan ko ang namayapa niyang ina ngunit hindi ko akalaing ito lamang pala ang kaniyang isusukli sa akin. Hindi ko akalaing bubulagin niya ang mga prinsipyo ng aking anak upang pilitin itong sumali sa kilusan. Wala pong kasalanan ang aking anak!"


Tumaas ang kilay ng dayuhan. "Ama ka ng mga rebeldeng iyon, hindi kaya't kasapi ka rin ng kilusan!? Hindi kaya't sinusuportahan mo ang mga rebeldeng iyon!?"


Nanlaki ang mga mata ni Esteban sa narinig. "Hindi po! Hindi po! Kailanman ay hindi ko tinalikdan ang aking katapatan sa Espanya. Lahat na lamang ba ng mga taong malapit sa aking anak ay ituturi niyong rebelde na rin? Ang iyong anak, gayong magkaibigan sina Simeon at Artemio, rebelde na rin ba ito?"


"Sin verguenza!" bulyaw ni Valeriano. "Kay lakas ng iyong loob na pagsalitaan ng masama ang aking anak! Naaawa ako sa kaniya sapagkat wala siyang kamalay-malay na nagkaroon na pala siya ng kaibigang rebeldeng katulad ng iyong anak! Hindi ko na sana siya hinayaang lumapit rito!"


Halos humalik na sa sahig si Esteban upang muling humingi ng tawad.


"Maawa po kayo Gobernador-Heneral. Sirang-sira na ang pangalan ng aking pamilya dahil sa nangyari."


"Hindi ko iyon kasalanan! Sisihin mo ang walang utak mong anak!"


Napatahimik si Esteban. Bumuntong hininga naman si Valeriano upang hayaan ang sarili na makapag-isip ng tama.


"Gayong sa iyo na mismo nanggaling na sirang-sira na ang inyong pangalan dahil sa pagkakasangkot ng iyong anak sa rebelyon, ano pa ngayon sa tingin mo ang makukuha ko mula sa iyo kung patuloy kitang tatanggapin?"


"Ang aking yaman, Gobernador-Heneral," mabilis na sagot ng indio. "Kaliwa't kanan ang aking negosyo sa Maynila. Marami akong sakahan. Marami akong bahay na maaring ipagbili. Palayain mo lamang ang aking anak. Ibibigay ko sa iyo ang kalahati ng aking yaman."


Unti-unting sumilay ang ngiti sa mukha ng matandang dayuhan nang marinig. Umayos siya ng umupo at pinagmasdang mabuti si Esteban. Iyon ang nais niyang marinig mula rito kanina pa.


"Bukas na bukas rin ay papalayain ko ang iyong anak."


Mula sa ikalawang palapag, nakatayo si Simeon sa gilid ng hagdan. Rinig na rinig niya sa kaniyang kinaroroonan ang usapan sa pagitan ng dalawang matanda. Kung magiging totoo nga ang kaniyang ama sa mga salita nito, tiyak siyang makakalaya na rin si Artemio bukas.


Ngunit, paano si Agueda?


NAKARATING na kay Kapitan Santiago at Teniente Manahan ang balitang pagpapalaya sa isa sa mga rebelde bukas bilang utos ng Gobernador-Heneral. Naghihimutok ang kanilang mga loob sapagkat isang malaking kalokohan ito. Kamatayan ang parusa sa kung sinuman ang magtataksil sa Espanya—bagay na hindi sila makapaniwalang babaliin ng Gobernador-Heneral. Batid nila kung ano ang dahilan sa likod ng pagbabago ng isip nito. Malakas ang kutob ng dalawa na nasilaw ito sa pera upang kaawaan ang rebelde.


"Hindi ako makapaniwalang palalayain na lamang ng Gobernador-Heneral si Artemio Ricarte," inis na turan ni Santiago. "Pagkatapos nating paghirapang hulihin ang mga ito? Dalawang araw pa lamang itong nasa piitan. Ni hindi pa nga ito nakaranas ng kaunting sakit magmula nang madakip natin siya."


"Marahil ay hinainan siya ng malaking halaga ni Esteban Ricarte."


"Hindi nga nalalayo iyan," wika ng matanda. "Gayong ninakaw ang pondo ng buwis at suporta mula sa mayayamang pamilya, kakapit ang Gobernador-Heneral sa kahit na anumang paraan upang maibalik ang nawala sa kaniya."


"Kung palalayain nga si Artemio Ricarte bukas, hindi ako papayag na lumabas ito ng selda ng wala akong nahihita mula sa kaniaya," saad ng teniente.


Kung kaya't gayong malalim na ang gabi, nagkasundo ang dalawa na magpunta ng garison upang ipagpatuloy ang kanilang gagawing pagtatanong sa mga rebelde. Habang naglalakad sa pasilyo patungo sa selda, magulo ang isipan ng teniente. Dalawang gabi na siyang hindi nakakatulog sa pag-iisip. Batid niyang may hindi tama. May kailangan siyang alamin at hindi siya matatahimik hangga't hindi siya nakakakuha ng sagot rito.


Kaagad silang pinagbuksan ng dalawang guardia sibil na nagbabantay sa labas nang makita sila. Nagtanong pa ang isa sa mga ito kung ano ang kanilang pakay sa loob ngunit hindi na ito pinansin pa ni Santiago. Diretso ang lakad nito papasok ng selda habang nakasunod naman ang teniente sa kaniya.


Naimulat naman ni Agueda ang kaniyang mga mata nang makarinig siya ng mga yapak habang dagling napabangon naman si Artemio mula sa pagkakahiga at lumapit sa tabi ng dalaga nang makita ang mga paparating. Sinilip niya ang kalangitan sa labas ng maliit na bintana. Madilim pa. Ano ang pakay ng mga ito?


"Mabuti naman at nakapagpahinga na kayo sapagkat mahaba-haba ang ating magiging usapan ngayong gabi," puna ni Santiago at muling pinwesto ang sarili paupo sa isang bakanteng upuang nakalagay sa gilid.


"Nasaan si Ka Miyong?" Lakas na loob na tanong ni Artemio. "Saan niyo siya dinala?"


"Miyong?" Sandaling nag-isip ang matanda. "Ah, ang matandang lider ng inyong kilusan? Hindi pa pala nakarating sa inyo ang balita? Pinugutan na siya ng ulo kaninang alas sais."


Nanlaki ang mga mata ng binata sa narinig.


"Hayop ka!"


Pawang nagkaroon siya ng lakas sa katawan na tumayo upang sugurin si Santiago ngunit napahinto rin ang binata nang humugot ito ng baril at itinutok sa kaniya. Umiigting ang kaniyang panga habang pinipigilan ang kaniyang galit. Wala siyang ibang nais gawin ngayon kundi ang kitilin rin ang buhay ni Santiago. Nangininig ang kaniyang buong kalamnan habang tinitignan ang nakangiting mukha ng kapitan ng guardia sibil.


Samantala, tahimik na napaiyak na lamang si Agueda sa katotohanang wala na nga ang matanda. Gayong inasahan na niya ito ngunit nanunuot pa rin sa kaniyang dibdib ang sakit sa pagkawala ni Ka Miyong. Sa huling hininga, namatay ito ng tapat sa kaniya.


"Mga punyeta kayong lahat! Mga hayop kayo!"


"Wala kaming kasalanan sa nangyari. Ang Gobernador-Heneral ang humatol sa kaniya kaya siya ang tawagin mong punyeta," sagot ng teniente.


"Ngayong wala na ang inyong lider, wala na ring saysay kung magmamatigas pa kayo sa'min. May nais akong malaman mula sa inyo. Matagal ko nang iniisip ito ngunit kung aking pagtatagpi-tagpiin ang mga pangyayari, may isang bagay akong hindi maintindihan. Paano niyo nagawang lumusot sa mansion ng Gobernador-Heneral nang hindi man lamang namin namamalayan? Nakapasok kayo sa loob nang walang nakapansin. Pawang kabisado niyo na rin ang lugar sapagkat alam niyo kung saan maaaring patayin ang ilaw at saang parte kayo dapat lumabas. Memoryado niyo ang buong bahay na animo'y pinag-aralan niyo ito."


Nagkatinginan sina Agueda at Artemio. Batid nila kung anong tinutumbok ng teniente. Lumunok si Artemio bago sumagot.


"Tama ka nga, pinag-aralan namin ang bahay na iyon."


"Talaga?" mapanuyang sambit ng dayuhan. "O, sige, tatanggapin ko iyan. Ngunit, paano kayo nakapasok sa loob ng walang nakapansin? May tumulong sa inyo, hindi ba? At sa aking sapantaha, ang taong tumulong sa inyo ay kabisado rin ang buong bahay o maaaring nakatira nga sa bahay na iyon."


"Walang tumulong sa amin," simpleng sagot ni Artemio.


Umusok ang ilong ng teniente at hinigot ang kaniyang baril. Idinantay niya ang nguso ng hawak niyang rebolber sa noo ni Artemio sa labis na panggigigil.


"Huwag na huwag mo akong nilolokong hayop ka, ha! Hindi ako pinanganak kahapon upang hindi mapansing nagsisinunggaling ka! Sabihin mo sa akin, sino ang tumutulong sa inyo!?"


Tumahimik lamang si Artemio. Kinagat niya ang kaniyang dila upang pigilan ang sarili na magsalita. Nangako siyang wala siyang sasabihin. Hindi niya ilaglag ang taong tumulong sa kanilang maging kapalit man nito ang kaniyang sariling buhay.


"Ano!? Hindi ka magsasalita! Inuulit ko, sino ang tumulong sa inyo!?"


Tinatagan ni Artemio ang kaniyang sarili. Buong tapang niyang inangat ang kaniyang tingin upang salubingin ang mga titig ng teniente sa kaniya.


"Patayin mo na lamang ako!" hamon niya.


"Talagang papatayin kitang hayop ka!"


"Gawin mo na! Ano pa ang iyong hinintay!?"


Hindi man lamang kumurap si Artemio nang sabihin iyon. Napatawa si Manahan sa katapangan ng indio. Hindi siya makapaniwala sa mga naririnig nito.


"Naiintindihan ko," sambit nito habang tumatangu-tango. "Hindi ka natatakot mamatay. Ngunit, ano kaya ang iyong mararamdaman kung ang babaeng ito ang aking papatayin?"


Sa isang kisapmata, lumipat ang teniente sa kabilang bahagi ng selda at dinampot si Agueda sa kaniyang buhok upang piliting tumayo. Napadaing ang dalaga nang maramdaman niya ang mistulang pagkapunit ng kaniyang anit dahil sa pagkakasabunot sa kaniya ng dayuhan. Nanlaki naman ang mga mata ni Artemio nang makita ang pagdantay ng hawak na baril ng dayuhan sa noo ng babae. Paulit-ulit siyang umiling.


"Hindi! Huwag! Huwag mo siyang sasaktan!" sigaw niya.


"Sasabog ang utak ng babaeng ito kung hindi ka magsasalita," banta ng kalaban.


Tiningnan ni Artemio si Agueda. Nakatingin rin ang dalaga sa kaniya. Umiiling-iling ito upang sabihin sa kaniyang huwag siyang magsalita.


"Sino ang tumulong sa inyo!?" Muling tanong ng dayuhan.


"H-hindi ko alam! Wala! Wala akong alam!"


Walang pagdadalawang-isip na ipinutok ng teniente ang hawak niyang baril sa sahig dahilan upang mapaigtad sa gulat ang binata.


"Sa susunod na ibuka mo iyang bibig mo at hindi ko nagustuhan ang iyong sagot, sa ulo na ng babaeng ito tatama ang bala ng aking baril. Inuulit ko, sino ang tumulong sa inyo!?"


"Huwag kang magsalita, Artemio!" sabad ni Agueda.


"Tumahimik ka!"


Napapikit ang dalaga sa sakit nang humigpit ang pagkakasabunot sa kaniya ng lalaki.


"Huwag mong banggitin ang pangalan niya! Pakiusap! Huwag mong gawin iyon!" dagdag ng babae.


Isang sampal ang natanggap ni Agueda.


"Itigil mo iyan! Hayop ka!"


Naisin mang tumayo ni Artemio upang manlaban ngunit hindi niya itataya ang buhay ni Agueda. Hindi ang buhay ng dalaga. Maririing kinakagat ng binata ang kaniyang labi. Nakatitig lamang siya sa mga mata ng Jefe. Umiiyak na ito ngunit hindi kakikitaan ng takot ang dalaga. Ni hindi man lamang ito kumukurap gayong isang baril na ang nakatutok sa kaniyang ulo.


"Bakit hindi mo lamang sabihin!? Ganoon ba kahirap banggitin ang pangalan niya!?" inis na bulyaw ni Manahan.


Binitawan niya si Agueda kung kaya't pabagsak itong tumumba sa sahig. Sa inis ng lalaki ay animo'y baliw na tinatadyakan at sinipa niya ang katawan ng dalaga. Pinikit ni Artemio ang kaniyang mga mata upang hindi makita ang paghihirap nito. Tanging mga daing lamang ang naririnig ni Manahan galing sa babae, bagay na lalong nagpapakulo ng kaniyang dugo. Kailanman ay hindi niya narinig itong nagmakaawa.


Tumigil ang teniente at habol ang hininga muling itinutok ang baril sa ulo ni Agueda.


"A-agueda. . ." tawag ng binata.


"A-Artemio, huwag mo akong alalahanin. Kaya ko pa. Huwag! Pakiusap, huwag mong sabihin ang pangalan niya. Hindi niya kasalanan. Hindi siya dapat nadadamay rito."


Umiiling si Artemio. Humikbi ang lalaki. Hindi na niya kayang makita pa ang kalagayan ni Agueda. Hindi na niya kayang marinig ang mga daing nito. Ayaw niyang mawala sa kaniya ang babae. Wala na siyang paki-alam sa ibang tao.


Ipinutok ni Manahan ang hawak niyang baril sa paanan ng babae dahilan upang mapasigaw sa iyak si Artemio. Halos manginig ang kaniyang buong katawan nang makita iyon. Ngumawa ang binata sa takot at sakit.


"Sino ang tumulong sa inyo!?"


Humihikbi si Artemio habang pinagmamasdan ang mga luhang nalalaglag sa mga mata ng dalaga. Naghalo na ang dugo at tubig nito sa mukha. Sapat na ang paghihirap nito. Hindi na niya kaya.


"Huwag! Artemio, huwag. . ." Paulit-ulit na sambit ni Agueda 'pagkat batid niyang nagdadalawang-isip na ang kapitan.


"Si Simeon!" sigaw ni Artemio. "Si Simeon Alonso!"


Unti-unting gumuhit ang mga ngiti sa labi ng dayuhan.


"Ulitin mo!"


"A-ang tumulong sa amin—si Simeon Alonso!"


Bumagsak ang mga luha ni Agueda pagkatapos marinig ang sinabi ng kapitan. Nanginginig ang kaniyang labi habang nakatitig sa binata.


Umiiyak si Artemio habang nakadapa sa sahig, hindi ito makatingin sa kaniya.


Napapikit na lamang ang dalaga. Animo'y nawasak ang kaniyang puso sa ginawa nito. Nagtiwala siya sa binata. Akala niya ay tutupad ito sa kaniyang pangako.


Sa lahat ng tao, si Artemio ang huling iisipin niyang magtataksil sa kaniya.


***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro