Kabanata 47
KINABUKASAN, binulabog ng nakakagulantang na balita ang buong bayan. Kalat sa bawat sulok ng Cavinti ang pagkakahuli sa mga rebelde. Takot at pag-aalala ang nararamdaman ng mga tao sapagkat batid nilang tataas na naman ang tingin sa sarili ng mga dayuhan sa kanilang tagumpay.
Bagama't araw ng Biyernes ngayon, ngunit kapansin-pansing kaunti lamang ang mga tao sa palengke. Karamihan sa mga ito ay mga tindera at tinderong naglakas-loob na lumabas lamang ng kanilang tahanan upang tingnan ang kalagayan ng kanilang paninda.
Dahil sa engkwentro na nangyari sa pagitan ng mga rebelde at guardia sibil, maraming tindahan ang nawasak. Maraming paninda ang mga nasayang. Panandaliang itinigil ang kabuhayan ng lahat, maging ang sikat na tindahan ng mga alak; ang Hora Feliz ay sarado.
SA loob ng isang selda sa garison, tatlong sundalo na bibit ang tatlong timba ng maruming tubig ang pumasok sa loob. Walang pagdadalawang-isip ng mga itong ibinuhos sa nakabulagtang mga tao sa sahig.
Umupo ang isang dalaga nang makaramdam siya ng panandaliang pagkalunod. Bahagyang gumalaw naman ang binata nang maramdaman niya ang lamig sa kaniyang katawan habang dagling iminulat naman ng matanda ang kaniyang mga mata sa pagkabigla.
"Gising! Tapos na ang mahaba ninyong panaginip!" mapanuyang sambit ng isang guwardiya.
Sabay na nagtawaan ang mga ito nang makita nila ang unti-unting pagbabalik ng ulirat ng mga rebelde. Kumikirot man ang ulo at humahapdi ang sugat, sinubukang bumangon ni Agueda mula sa pagkakasalampak. Napatingin siya sa kaniyang mga kasama. Katulad niya, may sugat rin ang mga ulo nito. Nawala na ang kanilang mga tabing sa mukha, sombrero at armas kung kaya't lantad na sa mga dayuhan ang kanilang pagkakakilanlan. Umusog si Agueda sa isang malapit na pader upang isandal ang kaniyang sarili.
Bumalik na rin ang ulirat ni Artemio, ngunit imbes na mag-alala sa sarili, una niyang nilingon ang katabi niyang dalaga upang suriin ang kalagayan nito. Balewala sa kaniya ang mga natamo kumpara sa nakikita niyang kalagayan ni Agueda, natuyo na ang mga dugo nitong galing sa sugat. Pawang malala ang natanggap nito kumpara sa kaniya.
"Agueda, ayos ka lamang ba? Ang iyong ulo—" alalahang tanong niya rito.
Lumipat ang mga tingin sa kaniya ng dalaga.
"Huwag mo akong alalahanin. Kahit na anong mangyari ay huwag kayong magsasalita."
Tumango ang binata. Sunod niyang tiningnan ang matanda nilang kasama. Hinang-hina na rin itong nakasandal sa pader. Niyayakap rin nito ang sarili nang makaramdam ng lamig.
"Kailangan niyong maligo sapagkat mayroon kayong bisita," wika ng isa pang guwardiya.
Maya't maya pa, gumilid ang mga ito. Saktong sabay namang pumasok sina Teniente Manahan at Kapitan Santiago sa loob. Suot ng mga ito ang kanilang uniporme sa sandatahan. Isang mapanuyang ngiti ang ibinigay ng dalawa sa mga rebelde.
Nangangalaiti ang loob ni Agueda habang pinagmamasdan ang dalawa. Ni minsan sa kaniyang guni-guni hindi niya inisip na mapupunta siya sa ganoong sitwasyon. Ang makaharap ang mga dayuhang umangkin ng kanilang bayan ay isa sa kaniyang pangarap ngunit hindi sa ganitong paraan kung saan batid niyang wala siyang laban. Ang pagpapahuli niya ng buhay ay isa sa kaniyang mga pagkakamali.
Hindi man lamang kumurap si Artemio habang nakatitig kay Santiago. Batid nitong nagulat ito nang makilala siya ngunit kailanman ay hindi niya ikakahiyang isa siyang rebelde. Hindi ikabababa ng kaniyang pagkatao ang kaniyang pagtuligsa sa mga dayuhan. Masira man ang kaniyang pangalan at dignidad, huli na iyon sa lahat ng kaniyang inaalala.
"Matagal ko nang hinintay ang pagkakataong ito," panimula ni Santiago. "Ang makita ang mga mukha sa likod ng kilusang nagpahirap sa akin. Ngunit, hindi ko akalaing isa sa mga mukhang ito ay nakikita ko pala araw-araw."
Dumako ang mata ng matanda kay Artemio. Nanghihinayang siya sapagkat minsan rin niyang iniisip na ipagkasundo ang kaniyang anak na si Sonya rito.
"Hindi ko akalaing may dalawang mukha ka pala, Artemio Ricarte," dagdag niya. "Isang malaking pagkakasala ito sa Espanya kaya't hinuha ko'y lumuluhod na ngayon ang iyong ama sa harapan ng Gobernador-Heneral upang ika'y mapawalang sala.
Umakmang manlaban ang binata ngunit bago pa man siya makalapit sa matanda, malakas siyang sinipa sa dibdib ng teniente dahilan upang mapansandig siyang muli sa pader.
"Gayunpaman, sa inyong yaman at ari-arian, hindi malayong makakalabas ka rin rito. Ngunit, bago mangyari iyon, isang bagay ang nais kong alamin mula sa inyong tatlo."
Umupo ang kapitan sa isang maliit na upuang nasa gilid ng selda habang iniisip ang susunod niyang sasabihin. Nakadekwatro pa ito habang pinapasadahan ng tingin ang tatlong taong nasa kaniyang harapan. Bilang kapitan ng guardia sibil, wala nang mas sasaya pa sa araw na makita ang mukha ng kaniyang kaaway. Ngunit, mayroon pa siyang ibang bagay na nais malaman.
"Aaminin kong nalalamangan niyo ang aking mga sundalo sa katalinuhan. Kung galing at bihasa sa pamamaril, masasabi kong iba ang inyong galing. Pinamangha ninyo ako kung paano niyo nadikwat ang mga kaban ng armas noon sa daungan. Hindi ninyo magagawa iyon kung wala ang inyong lider. Kaya sabihin ninyo sa akin ngayon kung sino ang utak ng inyong kilusan."
Nanahimik lamang sa tatlo. Nakatungo ang mga itim nitong mga mata at wala sa sariling nakatitig sa sahig. Walang sinuman man sa kanila ang umimimik upang sagutin ang tanong ng kapitan bagay na nagbigay inis sa matanda.
"Uulitin ko, sino ang lider ng inyong grupo!?" sigaw muli ni Santiago.
Napansin niyang walang balak ang mga ito na sagutin siya kaya't mabilis niyang sinenyasan ang mga guardia sibil sa gilid upang pahirapan ang tatlo. Agad namang tumalima ang mga ito at mabilis na nilapitan ang mga rebelde.
Sinubukang manlaban nina Agueda, Artemio at Miyong ngunit hindi man lamang napupuruhan ang kanilang mga kalaban. Napayuko na lamang sa gilid ang tatlo habang malayang tinatanggap ang mga sipa at suntok ng mga dayuhan. Mga daing at sigaw ang pumupuno sa silid. Pinupuntirya ng mga lalaki ang binti at braso ng tatlo at walang awat na pinagtatadyakan.
Kinagat na lamang ni Agueda ang kaniyang ibabang labi upang pigilan ang kaniyang sarili na dumaing. Hindi niya ibibigay ang saya sa mga dayuhan na nakikita siyang nahihirapan. Bagama't ramdam niya ang bawat tadyak na tumamatama sa kaniyang likuran ngunit patuloy niyang tinitiis ang sakit.
"Tama na iyan!" utos ni Santiago.
Napahinto naman ang tatlong guardia sibil sa kanilang ginagawa at muling gumilid. Tumawa si Santiago habang nakatingin sa duguang mga rebelde. Namamangha siya sa katatagan ng mga loob nito.
"Pinapahanga niya ako sa inyong pagiging matapat sa kilusan. Hindi niyo ba talaga sasabihin sa akin kung sino ang inyong lider?"
Naglabas ang matanda ng isang rebolber at itinutok niya ito sa direksyon ni Agueda.
"Ikaw ba?" Pagbabakasakali niya. "Ikaw ang anak ni Carmen Iniquinto, hindi ba? Hindi ko akalaing magiging katulad ka rin niya. Tulad niya ay naging isang rebelde ka rin."
Masasamang tingin ang ipinukol ni Agueda sa matanda. Wala itong karapatang banggitin ang pangalan ng kaniyang ina. Naalala niya pa ang nangyari. Ito ang sumalakay sa kanilang bahay noong gabing namatay si Carmen.
"Kay lakas ng iyong loob na tawagin kaming rebelde gayong isa ka rin namang taong nagtaksil sa iyong sariling bansa," sambit ni Agueda. "Ang mga taong tumutuligsa laban sa pamamahala ng Espanya ay tinatawag na rebelde. Ngunit, sa palagay mo, ano kaya ang tawag sa isang taong nagtaksil sa sariling bayan upang maging tuta ng mga dayuhan?"
"Tumahimik ka!"
Umangat ang sulok ng labi ng dalaga habang tinitingnan ang reaksyon ng matanda.
"Alam mo ba kung ano ang tawag namin sa iyo? Aso! Isa kang asong ulol na walang may-ari! Mas mababa ka pa kumpara sa amin!"
Hindi na napigilan ni Santiago ang kaniyang sarili. Tumayo siya sa kaniyang kinauupuan at malalaking hakbang natinungo ang dalaga. Nangingigil niyang hinila ang buhok nito at makailang beses na sinampal.
Gumalaw naman si Artemio upang pigilan ang matanda ngunit pinigilan siya ng dalawang guardia sibil na kapwang mahigpit ang kapit sa kaniyang magkabilang braso.
"Tama mo iyan! Itigil mo 'yan!" sigaw ng binata.
Walang talab ang mga hiyaw at iyak ng lalaki sapagkat hindi tumigil si Santiago sa pagsampal sa dalaga hanggang sa mapunit ang gilid ng labi nito. Tumulo ang dugo nito gilid. Umiikot na ang paningin ni Agueda ngunit nakuha niya pa ring ngumiti sa harapan ng matanda. Inipon niya ang dugo sa kaniyang bibig at walang pagdadalawang-isip itong idinura sa mukha ni Santiago. Napapikit pa matanda nang maramdaman ang malagkit na pinaghalong laway at dugo sa kaniyang balat.
"Punyeta ka!"
Lalong nanibasib ang kaniyang galit kung kaya't binitawan niya ang babae at walang awa itong tinatadyakan hanggang sa magsawa siya.
Pinipikit na lamang ni Artemio ang kaniyang mga mata. Ayaw niyang makitang nahihirapan ang dalaga. Maging ang mga daing at ungol sa sakit na kaniyang naririnig mula rito ay parusa para sa kaniya.
Lupapay si Agueda nang tumigil si Santiago sa kaniyang ginagawa. Halos hindi na niya maramdaman ang kaniyang mga binti at likuran na namamanhid sa sakit. Napaubo siya ng dugo at hinang-hinang gumapang sa sahig. Nakangiting pinahiran naman ni Santiago ang namuong pawis sa kaniyang noo. Muli niyang kinuha ang baril sa mesa at itinutok ito kay Agueda.
"Hindi! Huwag! Tumigil ka!" walang awat na sigaw ni Artemio.
"Kung hindi niyo sasabihin sa akin kung sino ang lider ng inyong kilusan, papatayin ko ang babaeng ito."
"Huwag! Hindi! Hindi ko alam! Hindi namin alam dahil hindi siya nagpapakita ng kaniyang mukha!" sagot ng binata.
"Niloloko mo ba ako!? Sa tingin mo ay papaniwalaan ko iyan!? Inuuli ko, sino ang lider ng inyong grupo!?"
"Ako."
Sabay-sabay na nilingon ang mga dayuhan sa matandang lalaki na tahimik lamang nakasandal sa pader. Kumunot ang noo ni Santiago at tiningnan ito. Sa kaniyang sapantaha ay halos magkaedad lamang sila nito. Inilipat niya ang pagkakatutok ng kaniyang baril sa ulo ni Miyong. Isang ngiti ang kaniyang iginawad sa matandang rebelde.
"Ikaw ang lider ng kilusang La Independencia Filipinas!?"
Tinapangan ni Miyong ang kaniyang mga tingin. "Ako nga."
"Hindi! Hindi siya! Ako!" sabad ni Agueda dahilan upang maagaw ang atensyon ni Santiago.
Nahihirapan man ay sinubukang lumapit ng dalaga sa matanda upang protektahan ito.
"Ako ang lider," pag-amin niya. "Ako ang Jefe nila. Maniwala ka!"
Tumawa ng malakas si Santiago. Napatawa na rin si Teniente Manahan at iba pang mga dayuhan na nasa silid na animo'y isang malaking biro ang kanilang narinig. Yumuko si Santiago upang ipantay ang kaniyang mukha kay Agueda.
"Kailanman ay hindi kakayaning mamuno ng isang babae!" maririin niyang sambit rito. "Alisin niyo siya sa harapan ko!"
"Ako ang lider! Ako ang pinuno nila! Huwag mo siyang sasaktan!" iyak ng dalaga. "Ka Miyong! Sabihin mo ang totoo, pakiusap! Sabihin mo na lamang ang totoo!"
Dalawang guardia sibil ang lumapit sa kaniya upang kaladkarin siya palayo sa matandang rebelde. Nagpumiglas si Agueda.
"Mahal na mahal ka nga talaga ng iyong nasasakupan," sambit ni Santiago kay Miyong. "Hanggang sa huli ay pinoprotektahan ka ng mga ito."
"Gawin niyo na ang nais niyong gawin sa akin. Huwag niyo nang pahirapan ang mga batang ito."
Yumuko si Miyong pagkatapos sabihin iyon. Batid niyang kamatayan ang magiging kapalit ng kaniyang pagsisinungagaling ngunit matagal nang nawala ang takot kung sakalimang mamamatay na nga siya. Matanda na siya at ilang digmaan na ang kaniyang napagdaanan. Napapagod na rin siya. Maikli na lamang ang kaniyang buhay ngunit marami pang mangyayari sa buhay ni Agueda at Artemio—bagay na kailangang pahalagaan ng mga ito.
Alam niyang masasaktan ang Jefe sa kaniyang ginagawa ngunit hindi niya hahayaang ilantad ang tunay na lider ng kanilang kilusan. Poprotektahan niya ito hanggang sa kaniyang huling hininga—iyon na lamang ang kaya niyang gawin ngayon.
"Mabuti naman at nagsalita ka na rin. Ilabas niyo ang matandang ito. Dadalhin ko siya sa Gobernador-Heneral!"
Sapilitang ikinaladkad ng dalawang guardia sibil palabas si Ka Miyong. Hindi man lamang tumutol o nagpumiglas ang matanda. Tanging mga hikbi ang naririnig ni Artemio mula kay Agueda. Sinubukan nitong tumayo upang pigilan ang pag-alis ni Miyong ngunit hindi na kinakaya ng sarili nitong mga binti ang kahit maglakad.
"Ka Miyong! Hindi! Huwag! Hindi mo maaaring gawin ito!" hiyaw ng Jefe.
Nilingon ni Ka Miyong ang dalaga. Nagtutubig ang kaniyang mga mata habang pinagmamasdan ito. Halos hindi na niya ito makilala dahil sa pasa nito sa mukha at sugat sa katawan. Hindi man aminin ng dalaga ngunit batid niyang nahihirapan na rin ito.
Sa huling pagkakataon, isang ngiti ang kaniyang iginawad sa Jefe at Kapitan ng La Independecia ng Filipinas.
Isang malaking karangalan sa kaniya ang maglingkod at ipagtanggol ang bayan kasama ang pinakamatapang na babaeng nakilala niya sa kaniyang tanang buhay.
Ang lumaban sa mga dayuhan ay hindi naging madali. Nawalan man siya ng pamilya dahil sa digmaan ngunit nagkaroon naman siya ng isa—dahil rin sa digmaan.
Ang mga araw na nakapiling niya ang kaniyang mga kasama, ang kapitan, ang Jefe. Ang mga kabataang itinuri na rin niyang mga apo. Ang mga ordinaryong araw noong sila'y nasa kuta pa, sapat na iyon sa kaniya.
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro