Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 46

MAHALAGA para sa Gobernador-Heneral ang gabing ito sapagkat nakasalalay ang kaniyang pangalan at posisyon sa lahat ng mga mangyayari ngayon. Hindi siya maaaring mapahiya kaninuman. Hindi maaaring dungusan ng kung sinuman ang kaniyang pangarap na matagal na niyang binuo. Ang pagdiriwang na gaganapin ay hindi lamang pagdaraos ng kaniyang tagumpay sa pangangalap ng suporta kundi isang pagpapakitang-gilas na rin ng lahat ng kaniyang yaman, ari-arian at kapangyarihan na dapat galangin ng lahat.


Kita ang taas ng antas ng pamumuhay ni Valeriano sa gara ng salu-salong kaniyang isinagawa. Ang bawat sulok ng mansion ay pinapalamutian ng mga nagkikislapang mag aryanyang galing sa Espanya. Sa bulwagan, nagsusumigaw rin sa ganda ang lugar na siyang pinalibutan ng mga mamahaling larawan na gawa ng mga sikat na pintor. Ang mahabang hagdan naman ay inilawan at pinakintab upang magmukhang kaakit-akit. Nakahanay na rin ang mga samu't saring pagkain na isang Espanyol na tagapagluto ang gumawa. Hindi rin mabilang ang bote ng alak na nakalinya sa mahabang mesa.


Malayo sa pagdiriwang na ginanap sa mansion ng mga Ricarte ang pagdiriwang ngayon. Hindi orkestra na may malalakas na tambol at guitara ang umaalingaw-ngaw sa bawat sulok ng bahay kundi ang malumanay na musikang galing sa byolin at pyano. Dumagdag ang naririnig na tugtugin sa gara ng paligid.


Alas siyete na nang mag-umpisang magsidatingan ang mga panauhin. Tanging ang mga pamilyang inimbitahan lamang ang karapat-dapat na dumalo sa pagdiriwang. Walang sinuman rin ang kayang makapuslit sa loob ng mansion 'pagkat napapalibutan ng mga guardia sibil ang buong lugar. Bantay sarado ang mga ito sa pamumuno ni Teniente Manahan na nasa bukana ng tarangkahan ng mansion upang isa-isang salubungin ang mga bisita.


Kasama si Esteban, diretso lamang ang tingin ni Artemio nang makapasok siya sa bulwagan. Suot lamang ng lalaki ang isang amerikanong itim na siyang binagayan naman din ng kaniyang suot na sapatos na gawa sa balat ng hayop.


Imbes na mamangha sa ganda ng lugar, unang sinuyod ng binata ang itsura ng paligid. Hindi ito ang unang pagparito niya sa mansion ng Gobernador-Heneral. Gayunpaman, hindi niya pa rin kabisado ang pasikot-sikot sa loob. Malawak ang bulwagan.


Tulad ng sinabi ni Simeon, binawasan ang mga muwebles na nakapaloob rito upang bigyang espasyo sa gitna. Ang kaniyang ipinagtataka ay ang isang malaking kahon na nakalagay sa gitna na gawa sa bakal. Doon ihinuhulog ng mga dadalo ang kanilang mga supot na puno ng salapi kapag sila'y darating na.


Hindi nga nagkamali si Artemio nang makita niyang lumapit doon si Esteban at walang pagdadalawang-isip na hinulog doon ang dala nitong supot na puno ng mga mamahaling alahas. Masayang sinalubong agad ito ng Gobernador-Heneral Alonso pagkatapos gawin iyon.


Umiigting na lamang ang panga ng binata habang pinapanuod ang kaniyang ama na nakikipagmabutihan sa dayuhan. Hindi niya talaga ito mapilit na putulin ang ugnayan nito sa Gobernador-Heneral. Sumali na rin ang kapitan Santiago sa usapan ng dalawa. Nagtatawanan ang tatlo habang nag-uusap. Hindi matiis ni Artemio ang kaniyang nakikita kung kaya't ibinaling niya ang kaniyang tingin sa ibang direksyon.


Sakto namang kababa pa lamang ni Simeon ng hagdanan. Tulad niya, nakasuot ng amerikano ang lalaki na kulay puti. Nagtagpo ang kanilang mga mata at tanging mga tango lamang ang kanilang ibinigay sa isa't isa. Hindi nagpahalata ang dalawa. Nagtungo si Artemio sa kanang bahagi ng bulwagan habang tinungo naman din ni Simeon ang kaliwang bahagi.


Habang nagmamasid, napagtanto ni Simeon na kakaunti lamang ang mga upuan, sakto lamang ito sa mga panauhing darating. Limitado lamang ang tao kaya't madali silang mapapansin ng lahat kung may kahina-hinalang kilos sa paligid.


Hindi naglaon, dumaan sa kaniyang tabi ang isang binatilyong nakasuot ng malinis na terno at kurbata. Bitbit nito ang isang bote ng alak sa kamay na maya't mayang isinasalin sa bawat panauhin. Bagay kay Manuel ang kaniyang suot. Nagpapanggap siyang serbidor ng alak upang makapasok sa loob ng bahay. Kasama niya sa kaniyang ginagawa ang Jefe.


Naglakbay ang mga mata ni Simeon sa paligid, tumigil ang kaniyang mga tingin nang makita niya ito. Tulad ni Manuel, nakasuot rin ito ng terno at kurbata. Nakatali ang buhok at nakasombrero. Bagama't nakatalikod ito sa kaniyang gawi, kilalang-kilala niya si Agueda sa tindig pa lamang nito.


Napansin rin ni Simeon sa paligid ang iba pang mga kasapi sa kilusan tulad nina Ka Miyong, Tigre, at Josefa. Siya ang nakaisip ng paraang ito upang hindi na nila kinakailangan pang pumuslit papasok ng mansion. Anim lamang silang narito sa pagdiriwang at ang kalahati ng kilusan ay nasa garison para sa kanilang ibang misyon.


SAMANTALA, tatlong kanto ang layo mula sa mansion ng Gobernador-Heneral, naroroon sa madilim na bahagi sina Alakdan, Kuwago, Alunsina, Jose at Mateo sa gilid garison. Tapos na nilang pag-aralan ang buong lugar. Kagaya ng kanilang inaasahan, kakaunti lamang ang mga guardia ang naiwan sa garison. Karamihan sa mga ito ay nagtungo sa mansion upang bantayan ang Gobernador-Heneral at ang mga panauhin nito. Nakahanda na ang lima sa kanilang gagawin. Tanging hudyat na lamang ng oras ang kanilang hinihintay.


SA pagsisimula ng pagdiriwang, isang mensahe ang inihatid ng Gobernador-Heneral sa kaniyang mga bisita. Tumayo si Valeriano mula sa kaniyang kinauupuan at nagtungo sa gitna ng bulwagan. Tumayo ito sa tabi ng malaking kahon na gawa sa bakal.


Pagkuwa'y sinilip pa ng dayuhan ang laman nito. Ngumiti ang matanda nang makitang halos mapuno ng mga salapi at mga mamahaling alahas ang lalagyan.


"Buenas dias, aking mga panauhin!" bati ng Gobernador-Heneral sa lahat. "Ikinagagalak kong pinaunlakan ninyo ang aking imbitasyon ngayong gabi. Una sa lahat, nais kong magpasalamat sa inyong suporta at pagtitiwala. Titiyakin kong hindi mauuwi sa wala ang inyong mga salapi at ari-arian na ibinigay ninyo sa akin bilang tanda ng inyong tapat na makikiisa sa aking pamamahala rito sa bayan. Batid kong hindi na lingid sa inyong kaalaman ang mga kumakalat na balita tungkol sa mga rebelde kung kaya't ako'y nababahala kung mauubusan ng mga armas at ibang kagamitan ang ating guardia sibil, tiyak akong madadamay ang inyong pamilya sa kaguluhan. Mabuti na lamang at nakiisa kayo sa aking magandang hangaring protektahan ang ating bayan."


Sa gilid, halos masuka si Agueda sa naririnig niya mula sa Gobernador-Heneral. Palabas lamang nito ang pagkakaroon ng malasakit sa taumbayan. Wala itong ibang hinangad kundi ang mapanatili sa puwesto ang sarili at maprotektahan ang angking yaman at kapangyarihan nito. Kailanman ay hindi nito nagawang ibaba ang puso sa mga taong mas mababa sa kaniya ng antas sa buhay.


"Malaking tulong para sa akin ang inyong mga ibinigay," pagpapatuloy ni Valeriano. "Ngunit, dahil na rin sa umiiral na pagbubuwis ng mga tao sa bayan, madaragdagan ang ating pondo dahil doon. Kapitan Santiago, ipasok mo na ang lahat ng ating mga nalikom na buwis."


Mula sa gilid ng bulwagan, tumayo si Santiago. Bitbit nito ang tatlong supot na puno ng salaping nalikom mula sa mga buwis ng mga tao sa Cavinti sa loob ng tatlong buwan. Nakangiti at taas noo itong inilagay ni Santiago sa kahon. Halos umapaw na ang salapi sa lalagyan nito.


"Ngayon, nakakakasiguro na akong hindi na magagalit ang hari ng Espanya kung sakalimang ipagtapat ko sa kaniya ang tunay nangyari sa kaban ng mga armas noong mga nakaraang linggo sapagkat hindi lamang sapat, sobra-sobra pa ang ating iaalalay sa kaniya!"


Pinuno ng hiyawan at palakpakan ng mga tao ang buong bulwagan. Upang hindi paghinalaan, sumabay na lamang din sina Simeon at Artemio sa mga pagpupuri ng mga tao.


"Nararapat lamang tayong magsaya sa tagumpay na ito!" masayang sigaw ni Santiago.


Ilang sandali lamang nagtawag ang Gobernador-Heneral ng isang serbidor. Nagkataong si Agueda ang pinakamalapit sa puwesto nito kung kaya't siya ang nautusan ni Valeriano na kumuha ng baso at alak.


Isang pekeng ngiti ang rumehistro sa mukha ng dalaga bago lumapit sa dalawa. Dala niya ang dalawang basong mayroong alak. Nakayuko lamang si Agueda upang hindi magawang titiganng sinuman ang kaniyang mukha. Mula sa malayo, tahimik na nanunuod naman si Simeon.


Binigyan na rin ng alak ang lahat ng panauhin at sabay-sabay nila itong inangat sa ere.


"Para sa Espanya!" sigaw ni Valeriano.


"Para sa Espanya!" gaya ng lahat.


"Salud!"


Mahinang nagbanggaan ng baso sina Santiago at Valeriano bilang tanda ng mabuting kinabuksan. Gumaya na rin ang lahat. Kapwang nakipagbanggaan ng baso ang mga panauhin sa mga mga taong kalapit sa kanilang bangko. Pinuno ng kalansing ang buong bulwagan. Ngunit, bago pa man mainom ng lahat ang kani-kanilang alak. Biglang namatay ang ilaw ng mansion. Kasabay noon ay ang isang malakas na pagsabog mula sa 'di kalayuan.


SA tarangkahan ng mansion, halos mapadapa si Teniente Manahan nang marinig ang pagsabog. Napukaw rin ang lahat ng atensyon ng guardia sibil na nagbabantay sa labas. Napalingon ang teniente sa loob ng mansion, kumunot ang kaniyang noo nang makitang nawalan ng ilaw ang looban nito. Akmang papasok na sana siya ngunit napatigil ang dayuhan nang isang guardia sibil na mula sa garison ang kumakaripas ng takbo papalapit sa kaniya.


"Teniente! Teniente! Sinasalakay ang garison!" sigaw nito.


"Ano!?"


"Sinasalakay ng mga rebelde ang garison! Pinapaulanan ng bomba ang ating kuta!"


Tinanaw ng lalaki ang ibayong silangan. Hindi nga ito nagsisinunggaling nang maaninag niya ang makapal na usok na nanggagaling sa bahaging iyon. Hindi na nagdalawang-isip pa ang teniente at tinawag ang mga natitirang guradia sibil. Tumakbo ang mga ito paalis ng mansion upang saklolohan ang kanilang mga kasama sa garison.


SA loob ng mansion, napahiyaw ang mga tao nang magdilim ang kanilang paningin. Ang iba'y napasigaw sa takot. Walang makita ang sinuman. Maging sina Valeriano at Santiago ay natuod sa kanilang puwesto dahil sa pagkabigla.


Ilang sandali lamang nagbalik ang ilaw, lahat ay napasinghap nang makitang nakasalampak na sa sahig ang Gobernador-Heneral at si Santiago. Anim na mga taong nakaitim ang nakatayo sa gitna ng bulwagan. Nakatakip ang kalahati ng mukha. Nakasuot ng itim na somrebro. Hawak-hawak ang rebolber sa kanilang mga kamay na kapwang nakaasinta sa lahat. Nasa gitna ang Jefe habang katabi naman niya sa kaniyang magkabilang gilid sina Artemio at Simeon.


Animo'y mga tutang nababahag ang bundot ng lahat nang mapagtanto ang nangyayari. Halos isiksik ng lahat ng kanilang mga sarili sa ilalim ng mesa at mga haligi upang hindi sila mataman ng bala.


"Mga rebelde!" sigaw ni Santigao na kasalukuyang nakasalampak sa sahig.


Itinutok ni Artemio ang hawak niyang baril sa ulo ng lalaki dahilan upang mapatahimik ito.


"Nasaan ang mga guardia sibil! Sinasalakay tayo!" saklolo rin ng Gobernador-Heneral.


Kahit anong lakas ng tawag ng matanda ay walang sinuman ang dumating upang tulungan sila bagay na ipagtataka nito.


"Tumahimik ka kung ayaw mong magtapos ang iyong buhay ngayong gabi," banta sa kanya ng Jefe saka idinantay sa noo nito ang hawak niyang baril.


Ayon sa plano, kaagad namang gumalaw sina Tigre at Manuel upang kunin ang lahat ng mga naipon na salapi sa kahon. Inihudhod nila ito sa lahat sa kanilang dalang malaking sako. Halos umiigting naman ang panga sa galit ni Valeriano nang masaksihan niya ang pagnanakaw sa kaniyang harapan. Namamawis na ang kaniyang buong mukha, hindi lamang sa takot sa sariling buhay kundi dahil sa panghihinayang sa lahat ng salaping mawawala sa kaniya.


"Ang kilusang La Independencia Filipinas ay matinding tumututol sa pamamalakad ng Gobernador-Heneral rito sa bayan!" sigaw ni Artemio. "Sa ngalan ng lahat ng mga Pilipinong nasawi sa digmaan upang makamit ang kalayaan, hangga't kami'y nabubuhay, walang sinuman ang maaaring mang-angkin sa aming bayan!"


Sabay-sabay nagpaputok ng baril ang lahat at inasinata ang mga aranyang nakasabit sa kisame dahilan upang muling magdilim ang paligid. Napasigaw ang mga tao sa gulat. Dumapa ang lahat sa takot takip-takip ang mga tenga. Nagsilaglagan ang mga nabasag na mga kristal at mga bombilya sa sahig.


Kaagad na lumabas ang anim sa likuran ng kusina habang nagkakagulo ang lahat sa loob. Tulad ng inaasahan, walang mga guardia sibil ang nagbabantay sa labas—bagay na nagpabilis sa kanilang pagtakas. Isa-isa nilang inakyat ang matayog na pader ng mansion.


SAMANTALA, nasa kalagitnaan pa lamang ng daan ang Teniente Manahan kasama ang kaniyang pulutong ng makarinig siya ng sunud-sunod na putok ng baril mula sa mansion na kanilang iniwan. Napatigil ang dayuhan sa paglalakad. May hindi tama sa mga nangyayari. May mali rito.


Ilang sandali pa, animo'y nabuhusan siya ng malamig na tubig nang mapagtanto niya ang sitwasyon. Nanlaki ang kaniyang mga mata at sinigawan ang kaniyang mga kasama.


"Isa itong panlilinlang!" sambit niya. "Ang kalahati ng pulutong ay magtutungo sa garison ang kalahati ay sumunod sa akin! Bumalik tayo sa mansion ng Gobernador-Heneral!" utos niya.


Naghiwalay ang dalawang panig. Halos hindi na makahinga nang maayos ang teniente habang tumatakbo. Isang malaking bitag ito. Nilalinlang sila ng mga rebelde. Wala sa garison ang totoong pakay nito kundi nasa mansion ng Gobernador-Heneral.


Hindi nga siya nagkamali nang matanaw niya ang anim na mga kalalakihan habang umakyat ng pader. Tumigil siya sa pagtakbo at lakas loob na inasinata ang isang lalaking umaakyat habang hawak ang isang malaking sako. Inasinta niya ito sa ulo na siyang hindi naman nagmintis nang makita niyang mahulog ito.


Nagulat sina Agueda ang makarinig sila ng isang putok ng baril. Sunod na lamang nilang nakita ang nakahandusay na lalaki sa kanilang tabi. Duguan ito at nakadilat ang mata nang malaglag sa lupa.


"Tigre!" sigaw ni Agueda.


Dumako ang mga tingin nina Simeon at Artemio sa 'di kalayuan. Isang pulutong ng guardia sibil ang papalapit sa kanila. Nanibasib ang loob ni Simeon nang mamukhaan si Manahan na siyang nangunguna rito. Hindi na siya nagdalawang-isip na gantihan ng putok ang mga ito upang protektahan ang kaniyang mga kasama.


Dinaluhan ni Miyong ang duguang si Tigre ngunit hindi na niya maramdaman ang pulso nito.


"Wala na siya, Jefe," deklara ng matanda. "Kailangan na nating umalis!"


"Marami sila!" sigaw ni Artemio. "Mamamatay tayong lahat rito kung hindi pa tayo kikilos!"


Muling pinagmasdan ni Agueda ang mukha ni Tigre. Siya na mismo ang nagsara ng dilat nitong mga mata. Pikit mata siyang tumayo at tumakbo paalis. Dinikwat naman ni Manuel ang hawak na supot sa kamay ni Tigre saka sumunod sa pagtakas. Kapwang nagpaulan ng bala sina Simeon at Artemio dahilan upang mapatago sa gilid ang kanilang mga kalaban. Mabilis rin silang tumakbo upang sundan ang kanilang mga kasama.


Tinugpa ng mga rebelde ang daan papunta sa palengke. Hindi makapag-isip nang tama si Agueda habang tumatakbo. Nanumbalik sa kaniya ang itsura ni Tigre. Masakit man sa kaniyang kalooban ngunit kinailangan niya itong iwan.


Natauhan lamang siya nang makarating sila sa gilid ng isang tindahan, winakli ng dalaga ang nakatabing na tela sa isang kahong puno ng riple at rebolber.


Dito nila tinago ang iba pa nilang armas na gagamitin. Wala nang tao doon kaya't dagling kumuha ang bawat isa sa kanila habang naririnig nila ang mga nag-uunahang yapak ng mga humahabol sa kanila.


"Kailangan nating maghiwalay!" suhestiyon ng dalaga. "Makabubuti iyon upang hindi tayo madaling mahuli."


"Sang-ayon ako riyan," sagot ng matanda.


"Josefa at Manuel, ililihis namin ang mga dayuhan. Bitbitin niyo ang supot na puno ng salapi. Nais kong tumakbo kayo sa abot ng iyong makakaya hanggang makarating kayo sa bundok. Hintayin niyo kaming lahat sa kuta."


Tumango ang dalawa. Hindi na naghintay pa ng senyales ang mga ito at agad na tumakbo palabas ng palengke. Dala nito sa kanilang mga kamay ang supot at baril.


"Kailangan rin ng tulong nina Alunsina sa garison," sambit ng dalaga.


"Ako na lamang ang magtutungo roon upang tulungan sila," wika ni Simeon.


Umiling si Agueda. "Hindi mo kakayaning makaabot doon ng mag-isa."


"Kabisado ko na ang lugar na ito. Ako na lamang ang pupunta. Tiyakin niyo lamang na makakatakas ka—kayong lahat."


Bumuntong hininga si Agueda. Bagama't kalahati lamang ang nakikita sa mukha ni Simeon ngayon dahil sa itim na telang nakatabing rito ngunit ramdam niyang nakangiti ang lalaki upang ipakitang ayos lamang siya.


Pinigilan ng dalagang hawakan ang kamay ng binata. Nais niya itong huwag na lamang umalis ngunit batid niyang manganganib ang buhay ng iba pa niyang mga kasama kung hindi nila ito sasaklolohan.


"Mag-iingat ka na lamang, Simeon."


Tumango ang lalaki. "Magkita tayo mamaya."


Kaagad ring lumisan si Simeon at lumabas sa palengke bitbit ang kaniyang riple. Mabilis siyang tumakbo habang binabaybay ang mahabang kalsada patungo ng garison. Sa gitna ng kaniyang pagtakbo, napatigil siya nang makarinig ng ilang putok galing sa lugar na pinanggalingan niya.


Hinawakan niya ng mahigpit ang kaniyang armas at pinigilan ang sariling lumingon. Ayaw niyang lumingon. Kung gagawin niya iyon ay baka bumabalik siya upang manatili sa tabi ni Agueda. Bagama't nag-aalala, magtitiwala siya rito. Batid niyang makakaligtas ito.


Pikit matang nagpatuloy sa pagtakbo ang binata. Natanaw niya ang mga guardia sibil na pinapaulanan ng bala ang isang bahagi ng pader kung saan naroon nagtatago sina Alunsina, Jose, Mateo, Kuwago at Alakdan.


Imbes lumapit rito, dagling inakyat ni Simeon ang isang gusaling pagawaan ng damit at pumwesto sa bubong nito. Sapat ang kaniyang distansiya upang asintahin ang mga guardia sibil.


Ganoon na lamang ang pagkabigla nina Alunsina nang isa-isang nagsitumbahan ang mga sundalong umaatake sa kaniya. Sa bawat putok ng baril ay siya namang pagbulagta ng isang dayuhan sa lupa.


Sumilip sina Alunsina mula sa kanilang pinagtataguan at natunton ang isang binatang nakapuwesto sa itaas ng bubong na tumutulong sa kanila. Gumuhit ang pag-asa sa kanilang mga mukha. Batid nilang si Simeon Alonso iyon; ang anak ng Gobernador-Heneral.


BALIK sa palengke, nagpapalitan ng putok ang panig ng mga rebelde at guardia sibil. Maraming tindahan na ang nasira dahil sa kanilang barilan. Bagama't madilim ang paligid ngunit sapat ang sinag ng buwan upang aaninag ni Agueda ang lugar. Nagtatago sila sa isang imbakan ng mga kamoteng kahoy, kapwang habol ang hininga nina Artemio at Ka Miyong habang nilalagyan ng bala ang kanilang mga armas.


"Malapit na tayo sa labasan ng palengke," puna ng matanda. "Makakaya niyo pa ba?"


Nahihirapan man. Sabay na tumango sina Artemio at Agueda. Papalapit na sa kanilang kinaroonan ang pulutong ng teniente kung kaya't kaagad na ring gumalaw ang tatlo upang umakmang tumakbo sa huling kalyeng kanilang lalandasin upang tuluyang makalabas ng palengke.


Ngunit, ganoon lamang ang kanilang pagkabigla nang sumalubong sa kanila ang isang pulutong ng guardia sibil sa pamumuno ni Santiago. Lumiko ang tatlo ngunit nakatambang na rin sa tabi ang isang pang grupo ng mga sundalo. Sa kanilang likuran ay naroon ang pulutong ni Manahan na kararating pa lamang.


Bakas sa mga mukha ng tatlo ang labis na pagkabigla. Halos mapamura si Artemio sa kaniyang sarili nang mapagtantong pinapalibutan na sila ng lahat. Ngunit, hindi nagpatinag ang mga ito. Nakipagtutukan ng baril ang tatlo sa kanilang mga kalaban.


"Ibaba niyo ang inyong mga armas!" sigaw ni Santiago.


Nanatiling tuod ang mga rebelde. Walang sinuman sa kanila ang sumunod sa utos ng matanda. Tahimik ang tatlo na pawang pinakikiramdaman ang buong paligid. Umiikot ang mata ni Agueda naghahanap siya ng maaari niyang kalusutan ngunit bantay sarado ang bawat sulok ng kaniyang kinaroroonan.


Napaatras ang tatlo nang umabante ang pulutong ni Santiago.


"Ano na ang ating gagawin?" bulong ni Artemio.


"Artikulo sinco," sagot naman ng dalaga.


Sumulyap ang binata sa kaniyang katabi. Hindi man lamang kumurap si Agueda nang sabihin iyon. Batid ng lahat ng kanilang kasapi sa kilusan kung ano mayroon sa artikulo sinco.


"Ngunit, hindi tayo maaaring mamatay rito," tutol ng binata.


"Batid mo kung anong mangyayari kung magpapahuli tayo ng buhay sa kanila. Ikakagagalak ko na lamang na patayin ang aking sarili kaysa sa kitlin ako ng isang dayuhan."


Natahimik ang dalawang lalaki. Batid naman ni Agueda na napagtanto na ng mga ito ang kaniyang sinabi. Ngunit, bago pa man nila magawa ang kanilang binabalak. Bumagsak ang tatlo sa lupa nang hampasin sila ng bakal sa ulo ng tatlong sundalo.


Nandilim ang paningin ni Agueda habang tinitingnan ang kaniyang mga kasama. Bagsak sina Artemio at Ka Miyong sa kaniyang tabi. Hindi na pantay ang paghinga niya. Ramdam niya ang mainit na likidong tumutulo sa kaniyang noo. Umakma pa siyang abutin ang kaniyang armas ngunit hindi na niya ito nagawa pa nang muli siyang hatawin sa ulo ng isang bakal.


SAMANTALA, bumaba si Simeon sa bubong ng gusali nang maubos na niya ang lahat ng mga guardia sibil sa garison. Lumabas na rin sina Alunsina at iba pa nitong kasama sa kanilang pinagtataguan upang salubungin siya.


"Kuya Simeon!" bati ni Jose.


"Ayos lang ba kayong lahat? Wala bang nasaktan sa inyo?" tanong ng binata.


"Akala ko po'y mamamatay na kami kung hindi ka lamang po dumating," sagot naman ni Mateo.


"Hindi na kayo maaaring magtagal pa rito sa garison. Tiyak akong paparating na rin ang panibagong pulutong ng mga guardia sibil. Magmadali kayo't magtungo na ng bundok."


"Sina Jefe po?" usisa ni Alunsina.


"Nasa palengke sila upang ilihis ang atensyon ng mga guardia sibil. Babalikan ko sila roon kaya't tumakas na rin kayo. Alakdan at Kuwago, tiyakin mong makakabalik kayo ng ligtas sa kuta."


Tumango naman ang dalawang lalaki. Hinintay muna ni Simeon na makalayo ang mga ito bago siya tuluyang lumisan. Mabibilis ang kaniyang mga yapak na tinungo ang daan papuntang palengke. Wala na siyang naririnig na putok ng baril kaya't hinuha niyang nakatakas na sina Agueda at nagtapos na ang engkwentro.


Napatigil sa pagtakbo si Simeon at napatago na lamang sa likuran ng isang puno ng makita niya ang isang malaking pulutong ng guardia sibil sa pangunguna ni Santiago. Pabalik na ang mga ito sa garison. Ngunit, ang labis na kinabigla ng lalaki ay ang mga taong kasama nito.


Binubuhat ng mga sundalo ang tatlong walang malay na tao. Ganoon na lamang ang kaniyang takot nang makita ang duguang dalaga. Animo'y sakong binuhat ng teninete ang katawan ni Agueda. Lupaypay ang mga kamay nito habang tumutulo ang dugo sa mula sa sugat na natamo sa ulo.


Naikuyom ni Simeon ang kaniyang kamao sa nasasaksihan. Bumibigat ang kaniyang paghinga sa katotohanang nasaktan ang dalaga. Tahimik siyang nadarasal na buhay pa ito. Bagama't alam niya kung anong maaaring sapitin ng babae sa kulungan ngunit umaasa siyang buhay pa si Agueda at ang mga kasama nito.


Hindi man niya alam kung paano. Ngunit, ililigtas niya ito.


***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro