Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 45

MADALING araw na nang makabalik si Agueda sa kanilang kuta. Bagama't malamig na ang hangin, nakatulong sa kaniyang lamig na nararamdaman ang dyaket ibinigay sa kaniya ni Artemio bago siya umalis. Bukod sa lamig ng hangin na kaniyang tinitiis, dumaragdag pa ang nanakit niyang paa dulot ng mahabang lakaran. Malayo pa lamang ay natanaw na ng dalaga ang kaniyang mga kasapi na kasalukuyang nagbabantay sa buong paligid ng bahay. Kumaway sa kaniya si Manuel nang makita siya. Isang ngiti ang kaniyang ibinigay rito na siyang kaagad namang naglaho nang makita ang binatang katabi nito.


Nakatayo sa gilid si Simeon, suot ang isang pares ng itim na kamisa de chino at pantalon. Napalingon na rin ito sa kaniyang kinaroonan nang itinuro siya ni Manuel. Pawang malapit na kaagad sa isa't isa ang dalawa bagay na ipinagtataka niya.


Naroon rin si Ka Miyong sa silong, walang ekspresyon ang mukha at nakatitig lamang sa dayuhan na animo'y binabatayan ang bawat kilos nito. Kumaway sa kaniya si Simeon kung kaya't binilisan niya ang kaniyang mga hakbang upang tuluyang makalapit rito.


Nang makalapit siya, doon lamang niya napagtanto ang basa nitong itsura. Naalala niyang umulan nga pala ng malakas kanina. Ang suot nitong pan-itaas ay pawang natuyo na lamang ng hangin ngunit ang buhok nito ay mamasa-masa pa rin. Nagising siya noong isang araw nang wala na ito sa kuta. Bigla tuloy siyang na-intriga kung ano ang pinunta nito rito.


"Simeon," bati niya sa binata. "Bakit ka narito?"


Pinasadahan siya ng tingin ng binata na animo'y pinag-aaralan nito ang kaniyang itsura. Bigla itong ngumiti.


"Nakapagpahinga ka na ba?" sambit nito imbes na sagutin ang tanong ng dalaga.


"Ayos na ako, Simeon. Umalis lamang ako upang tingnan si Artemio."


"Ang kapitan?" sabad ni Ka Miyong. "Anu't hindi mo siya kasama?"


"Kailangan niya munang manatili sa mansion upang samahan ang kaniyang ama. Hindi ko rin batid ngunit ramdam kong may suliranin siya. Huwag kayong mag-alala sapagkat nangako naman siya sa aking bibisita rin siya rito sa kuta kapag nagkaroon siya ng pagkakaon."


Bumuntong hininga ang matanda.


"O, siya nga pala, Agueda, may panauhin ka," tukoy nito kay Simeon. "Noong umalis ka ng kuta ay siya namang pagdating niya. Inabisuhan ko na siyang umalis na lamang ngunit pinili niyang hintayin ka. Bakit ba narito ang dayuhang ito?"


"Masaya po ako sapagkat narito ka," wika naman ni Manuel habang nakatitig sa binata. "Simula po noong tinulungan niyo ako sa palengke ay hindi ko na po kayo nakita."


Tumikhim si Simeon at pagkuwa'y napasulyap sa dalaga.


"Nagtungo ako ng Maynila, Manuel. Dalawang buwan akong namalagi doon."


"Ano po ang ginawa niyo sa Maynila? Bakit ang tagal niyo yata doon?"


"Manuel," saway sa kaniya ng Jefe. "Hindi tayo dapat nanghihimasok sa buhay ng isang tao."


Napagtanto naman ng binatilyo ang kaniyang ginawa at napayuko.


"Paumanhin po, kuya Simeon."


Tinapik ng binata ang balikat nito upang pagaanin ang kaniyang nararamdaman.


"Ayos lamang iyon, Manuel. Ang totoo niyan ay nagtungo lamang ako ng Maynila upang magbakasyon. May taong taga-rito kasi ang nagsabing ayaw na akong makita."


Ramdam ni Agueda ang mga titig sa kaniya ni Simeon. Batid niyang siya ang tinutukoy nito. Pagkuwa'y inilihis niya ang kaniyang tingin upang alisin ang asiwang nararamdaman. Ayaw na niyang balikan ang nakaraan. Wala rin naman siyang napala sa kaniyang paglayo sa lalaki. Sa huli, nagtagpo rin naman muli ang kanilang mga landas.


"Ma-walang galang na, Ka Miyong at Manuel. Ngunit, maaari bang iwan niyo muna kami rito ni Simeon?" pakiusap ng dalaga.


Bumuntong hininga ang matanda at kaagad nagtungo sa loob. Tumango naman din si Manuel saka sumunod.


Naiwan ang dalawa sa labas. Binalot sila ng katahimikan habang nakatitig sa malayo. Umihip ang malakas na hangin kung kaya't biglang humalukipkip si Simeon nang maramdaman ang lamig. Napansin naman iyon ni Agueda kung kaya't hinubad niya ang suot na dyaket saka ito ipinatong sa malapad na balikat ng binata.


Bahagyang natigilan naman si Simeon nang mapagtanto ang ginawa ni Agueda.


"Paumanhin," wika ng dalaga. "Hindi ka man lamang binigyan ng tuyong damit ng aking mga kasama."


Kumurap si Simeon na animo'y hindi pa rin nakabawi sa pagkabigla.


"Hayaan mo na. Marahil hindi nila napansing nabasa ako ng ulan."


"Tiyak akong napansin naman nila ngunit siguro'y wala lamang talaga silang paki-alam. Hindi pa buo ang kanilang tiwala sa iyo. Bagama't ipinaliwanag ko na sa kanila na hindi ka tulad ng kanilang inaakala ngunit sa kanilang mga mata, isa ka paring dayuhan."


"Hindi ko naman sila masisisi," buntong hininga ng binata. "Batid kong hindi nila ako malugod na tanggapin lalo na't kung hindi dahil sa iyo. Gayunpaman, pumunta ako rito sapagkat may nais kang malaman."


Kumunot ang noo ng dalaga. "Ano iyon?"


"Nagpapatuloy pa rin ang pagbubuwis sa bayan. Ngunit, sa pagkakataong ito, hindi na sinisinggil ang mga mayayamang pamilyang nanumpang sumuportahan ang aking ama. Kabilang doon si Esteban Ricarte."


Hindi na nagulat pa si Agueda nang marinig ang pangalan ng kaniyang ama-amahan. Ngunit, naniniwala itong sa ngalan lamang ng negosyo kaya't napilitan itong sumali. Nawa'y tama nga ang kaniyang palagay.


"Hindi mo ba siya pipigilan?" tanong ni Simeon nang mapansing natahimik lamang ang dalaga.


"Wala akong magagawa upang pigilan siya. Hindi nga ito nakikinig kay Artemio kaya't tiyak akong walang saysay rin ang aking mga salita. Lalo na ngayo'y pakiramdam ko'y tuluyan na niya akong tinakwil."


"Ano ang ibig mong sabihin?"


"Hindi na ako makakauwi ng mansion ngayon kaya't mamalagi na ako rito sa kuta. Magka-ganoon man ang kaniyang ginawa, tinuturi ko pa rin siyang ama. Malaki ang aking utang na loob sa kaniya."


Malalim na buntong hininga ang pinakawalan ng binata. Hindi niya batid na may suliranin palang dinadala si Agueda.


"Siya nga pala, may pagdiriwang na magaganap sa mansion ng Gobernador-Heneral bukas, ang mga buwis na nanggaling sa taumbayan at mga salaping maiipon bilang suporta ng mga mayayamang pamilya ay ititipon bukas bago ipadala ang kabuan nito sa Espanya."


Napalingon sa kaniya si Agueda.


"Bakit ipapadala sa Espanya ang lahat ng pera?" takang tanong nito.


"Ito'y bilang kabayaran sa mga armas na ninakaw ng mga rebelde at kabayaran na rin sa mga bagong armas na paparating. Kung hahayaan ninyong mangyari ito, lalong lalakas ang puwersa ng mga guardia sibil rito sa bayan. Magiging madali na rin sa kanila ang magapi kayong lahat."


"Nakakatiyak ka ba riyan, Simeon?"


"Narinig ko mismo ito sa aking ama. Kung balak ninyong pigilan ang magaganap, hindi kayo basta-bastang makakapasok sa mansion ng Gobernador-Heneral lalo na't hindi niyo kabisado ang bahay na iyo. Isa pa, may nakapatong na malaking halaga sa inyong mga ulo kaya't hindi kayo dapat magpahalata sa mga tao."


Natahimik ang Jefe. Isang malaking impormasyon ang kaniyang nakuha ngayon. Kung madaragdagan ang puwersa ng mga dayuhan, lalo silang mahihirapang paalisin ito sa kanilang bayan. Isa pa, hindi rin niya kayang sikmurain ang pagnanakaw ng mga ito sa taumbayan. Ang mga buwis na iyon ay galing sa sipag at tiyaga ng mga tao, walang karapatan ang sinuman upang angkinin ito. Higit na mas kailangan ngayon ni Agueda si Artemio, hindi niya ito makakaya kung wala ang kapitan.


"Tutulungan kita, Agueda."


Mistulang nabingi ang dalaga nang marinig iyon. Tinitigan niyang mabuti ang mukha ng kaniyang kausap ngunit wala siyang napansing pagbibiro sa mga mata nito.


Sunud-sunod na umiling si Agueda. Hindi niya maaring ipahamak ang lalaki. Kayrami na nitong ginawa para sa kaniya. Ayaw na niyang dagdagan pa ang kaniyang utang na loob rito.


"Batid mo ba kung ano ang mangyayari sa iyo kung itutuloy mo ang iyong binabalak?" halos pabulong na wika ng dalaga. "Isang patataksil ito sa iyong sariling bansa."


Sandaling nag-isip si Simeon ngunit mahinang tango ang kaniyang ginawa.


"Magkaganoon man, nais kong gawin ang tama. Handa akong isaalang-alang ang lahat ng kung anong mayroon ako."


"Kung ginagawa mo lamang ito para sa akin, huwag na," tanggi ng babae.


"Ito'y para sa ikakatahimik na rin ng aking konsesya. Nais ko ring patunayan na hindi lahat ng mga dayuhan ay sakim at makasarili."


"Kung inaakala mo'y lalambot ang aking puso dahil sa iyong ginagawa, nagkakamali ka, Simeon."


Napatawa ng mahina ang lalaki. Batid niyang iyon ang iniisip ngayon ng dalaga. Matagal na niyang ipinahiwatig ang kaniyang pag-ibig rito ngunit hindi na niya pipilitin pang suklian iyon ng babae sapagkat naiintindihan na niya ito ngayon.


"Kung iyon pa rin ang iyong inaalala, wala kang dapat na ikabahala. Matagal ko nang tinanggap sa aking sarili na kailanman ay hindi ka maaaring ariin ng kung sinumang lalaki. Ang iyong puso, isipan at buong pagkatao ay pagmamay-ari na ng iyong bayang tinubuang. Wala akong hinihiling na kapalit rito, Agueda."


Pagkuwa'y napakagat sa kaniyang ibabang labi ang dalaga. Pinipigilan niya ang kaniyang sarili na ipagtapat rito ang totoo. Ayaw niyang ipadama sa lalaki na siya'y may pagtingin na rin rito. Ayaw niyang ipakita ang kaniyang kahinaan lalo pa't wala nang ibang aasahan ang kilusan kundi siya na lamang. Nanumpa siyang walang ibang paglilingkuran kundi ang bayan kaya't hindi siya maaring magmahal ng iba. Ayaw niyang isipin ng kaniyang mga kasapi na lumambot na ang kaniyang puso sa mga dayuhan.


Maraming hadlang upang hindi niya mahalin si Simeon. Ang mga tao, ang digmaan, ang kaniyang tungkulin, ang kilusan—ngunit hindi ang kaniyang sarili. Hindi niya maloloko ang kaniyang sarili.


Isang pilit na ngiti ang iginawad ni Agueda sa binata.


"Mabuti naman at napagtanto mo iyan. Kung gayon, maaari ba tayong maging magkaibigan na lamang?"


Inilahad ng babae ang kaniyang palad sa harapan nito. Pagkuwa'y napatitig doon si Simeon. Ilang sandali muna ang lumipas bago ito tinanggap ni lalaki at tumango.


"Papasikat na ang araw, bababa na ako ng bayan," paalam ng binata.


Tinanaw ng dalaga ang dakong silangan. Bumubusilak na nga ang kalangitan.


"Bakit hindi ka manatili kahit sandali upang magkapag-kape man lamang?"


Umiiling ang binata. Umangat ang kaniyang tingin sa nakabukas na bintana na nasa ikalawang palapag. Kumunot naman ang noo ni Agueda at sinundan ito ng tingin. Nakita niyang nakadungaw doon sina Jose, Mateo at Manuel. Agad namang sinara ng tatlo ang bintana nang mapagtanto nilang nakatingin sa kanilang gawi ang Jefe.


"Kanina pa sila nakadungaw riyan kaya't huwag na lamang. Ayokong bigyan nila ng ibang kulay ang ating pagkakaibigan," patutsada ng lalaki.


"Ngunit—tama ka," pigil ni Agueda sa kaniyang sarili. "Mag-iingat ka na lamang."


Tumango ang lalaki. Nagsimula na itong maglakad paalis ngunit hindi pa man siya gaanoong nakakalayo, nakasalubong niya sa daan ang isang binata. Nakasuot ito ng sombrero ngunit nakikita niya nang mabuti ang buong mukha nito.


"Artemio!" sigaw ni Agueda mula sa likuran nang makilala ito.


Agad na tumakbo ang dalaga papalapit sa kaniya.


"Nariyan na ang kapitan!"


Biglang anunsyo naman ng tatlong kalalakihan na nakatanaw mula sa bintana. Nabulabog ang buong kuta sa kaniyang pagdating. Kumaway si Artemio sa lahat ng kaniyang mga kasama na malalaki ang ngiti na naghihintay sa kaniya.


"Mabuti't narito ka na, kapitan," bati sa kaniya ng dalaga.


Ngumiti si Artemio sa kaniya. "Narito na ako, Jefe."


Dumako naman ang tingin ng binata sa nakatayong lalaking malapit sa kaniya. Tahimik na nakatitig lamang si Simeon sa kaniyang gawi. Napansin ni Agueda ang pagsasalubong ng kilay ng kapitan habang nakatingin sa dayuhan kaya't tumikhim siya upang agawin ang atensyon nito.


"Narito siya upang mag-ulat tungkol sa pagbubuwis na nagaganap sa bayan," paliwanag ng dalaga. "Isang pagdiriwang ang idadaraos bukas sa bahay ng Gobernador-Heneral. Pumunta si Simeon rito upang sabihin iyon at—tulungan rin tayo."


"Tulungan?" takang tanong binata.


"Kapitan, batid kong—"


"Tunay ngang may magaganap na pagdiriwang bukas sa mansion ng Gobernador-Heneral patungkol sa pagtitipon ng lahat ng buwis at salapi mula sa mayayamang pamilya. Batid ko iyon sapagkat dadalo ang aking ama at kasama rin ako."


Dumako ang tingin ni Artemio sa dayuhan.


"Narito na nga lamang din si Simeon. Bakit hindi na lamang natin tanggapin ang kaniyang tulong?"


Nagpantig ang tenga ng dalaga. Hindi niya iyon inaasahang marinig mula sa kapitan. Noon pa man ay tutol na ito sa kaniyang pagiging malapit sa binata.


"Kung gayon ay nagtitiwala ka na kay Simeon?" tanong niya.


Umiiling si Artemio. Tahimik lamang din si Simeon habang hinihintay ang magiging sagot nito.


"Hindi pa rin nagbabago ang aking tingin sa kaniya ngunit nais kong pagkatiwalaan ang iyong nararamdamang tiwala para sa dayuhang ito."


Bumuntong hininga si Agueda. Ano pa nga ba ang kaniyang inaasahan sa binata? Kailanman ay hindi na yata magbabago ang tingin nito sa mga dayuhan. Hindi naman din niya ito masisisi.


"Bukas na ang pagdiriwang kaya't huwag na tayong magsayang ng panahon," sambit ni Simeon. "Wala na tayong sapat na oras upang maghanda."


"Tama ka riyan," sang-ayon ng Jefe. "Kakaunti na lamang din ang mga tauhan namin rito sa kilusan 'pagkat hinayaan kong umalis ang kalahati sa aming pulutong."


Nilingon ng binata ang isang linya ng mga rebelde mula sa malayo habang nakatanaw sa kanila. Sa kaniyang bilang, nasa bente na lamang sila kung daragdag pa siya.


"Mahalaga man ang bilang sa digmaan ngunit importante rin ang talino at estratehiya."


Hindi pa tapos ang usapan ng tatlo nang inanyayahan sila ni Agueda na pumasok sa loob upang doon ipagpatuloy ang diskusyon. Imbes na umuwi, tumalima si Simeon sa utos ng dalaga. Bagama't masasama pa rin ang titig sa kaniya ng karamihan sa mga rebelde lalo na ng matandang si Miyong. Pinipikit na lamang ng binata ang kaniyang mata sa tuwing nakakasalubong niya ang mga mga mapangutya nitong mga tingin.


Sa harapan ng lahat, ipinakilala si Simeon ng Jefe. Nabanggit nito na tutulungan sila ng binata bagay na nagpagitla sa mga ito. Nagtataka man ngunit tinanggap na rin kilusan ang dayuhan dahil na rin sa kagustuhan ng Jefe.


Nakapagbihis na rin si Simeon ng tuyong damit na ipinahiram ni Artemio.


Kasama ang buong kasapi ng kilusan unang inilatag ni Simeon ang buong estraktura ng kanilang mansion. Ang mga sulok, silid at pasilyo nito. Kung saan maaaring pumasok at kung saan maaaring lumabas. Sunod namang pinagtuon ng pansin ng lahat ang kanilang mga magiging hakbang sa pagsalakay.


Ang Jefe ang unang nagbigay ng mungkahi na siyang dinagdagan naman nina Artemio, Simeon, Miyong at ng iba pa.


Lahat ay may responsibilidad. Lahat ay may kailangang gawin. Hindi hadlang ang edad. Hindi hadlang ang kahinaan. Hindi hadlang ang takot. Tanging nasa isip lamang nila ay lumaban.


Bagama't walang kasiguraduhan ang kanilang mga bukas ngunit hangga't sila'y may buhay, hangga't sila'y may hininga, ipagtatanggol nila ang kanilang tinubuang lupa.


***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro