Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 44

MAAGA pa lamang nasa garison na si Simeon upang samahan ang Gobernador-Heneral sa gagawin nitong pagpupulong kasama ang mga taong may mataas na katungkulan sa sandatahan ng guardia sibil. Nais niyang tumanggi sa paanyaya nito ngunit naisip niyang isang maganda itong paraan upang malaman niya ang susunod na hakbang ng kaniyang ama.


Tulad ng kaniyang inaasahan, nakauwi siya ng madaling araw kanina ng wala pa ito. Hindi man lamang natunugan ng matanda ang kaniyang mahabang pagkawala. Masyado itong abala sa pakikipagpalagayan ng loob sa mga mayayamang pamilya upang kunin ang tiwala at suporta ng mga ito.


Nakatayo si Simeon sa tabi ng kaniyang ama habang nag-uusap sina Kapitan Santiago at Teniente Manahan. Nabigla pa ang dalawa nang makita siya ngunit hindi na umangal pa ang mga ito dahil sa Gobernador-Heneral. Batid naman ng binata ang kawalan ng tiwala ng dalawa sa kaniya. Buhat nang tumanggi si Simeon na pangunahan ang pagtutugis sa mga rebelde, nagsimula na ring maghinala ang mga ito—bagay na kailanman ay hindi nila mapapatunayan.


Hindi isang bata si Simeon upang mag-iwan ng kalat sa lahat ng mga bagay na kaniyang ginawa kaya't walang mahihita sa kaniya ang kung sinumang galing sa sandatahan.


"Kumusta na ang inyong pagsisiyasat, teniente?" panimula ni Valeriano ng usapan.


"Akin nang ipinabatid sa taumbayan ang tungkol sa mga rebeldeng aming nagapi. Bukod pa roon ay inanunsyo rin ng kapitan Santiago na magbibigay siya ng pabuya sa kung sinumang makakahuli sa isang rebelde."


"Pabuya?" pag-uulit ng matanda.


"Siyang tunay, Gobernador-Heneral," sagot ni Santiago. "Huwag po kayong mag-aalala 'pagkat sa aking sariling bulsa manggagaling ang pabuyang aking ibibigay. Hindi po kayo maaabala rito."


"Mainam sapagkat ayokong kaltasan pa ang aking mga ari-arian upang mapadali ang ating paghuhuli sa mga pisteng iyan. Sa ngayon, itigil niyo muna ang inyong pagsisiyasat sa bundok."


Nagkatinginan sina Santiago at Manahan sa sinabi ng Gobernador-Heneral. Kapwang nagtatanong ang kanilang mga mata kung tama ba ang kanilang naririnig. Hindi nila maaaring itigil ang pagsisiyasat ngayon pa't nagkaroon na sila ng malapitang engkwentro. Batid ni Manahan na kung magpapatuloy sila ay hindi magtatagal ay matutunton rin nila ang kuta ng mga ito.


"Hindi po natin maaaring itigil ang pagsisiyasat, Gobernador-Heneral. Bagama't nagapi natin ang tatlo, tiyak akong magpapatuloy pa rin sa pag-aalsa ang natitira pa nitong mga kasama sa kilusan," paliwanag ni Santiago.


Tumawa si Valeriano.


"Santiago, Santiago! Kailan ka pa matututo? Hayaan mo ang pera ang magtrabaho para sa iyo. Kung malaki ang halagang nakapatong sa mga ulo ng mga rebelde, hindi ka na pagpapawisan pa sa paghahanap sa mga ito sapagkat ang mga tao na ang gagawa n'yon para sa iyo. Alalahanin mong uhaw sa yaman at pera ang mga Pilipino, anumang bagay ay kanilang papatulan makaahon lamang sa hirap. Manuod ka lamang sa susunod na mangyayari."


Tumango si Santiago. Nakukuha niya ang punto ng Gobernador-Heneral.


"Ngunit kung titigil kami sa pagsisiyasat, ano na lamang ang aming pagkakaabalahan, Gobernador-Heneral?" tanong naman ng teniente.


Gumalaw si Valeriano at inabot sa kanilang dalawa ang isang piraso ng papel mula sa maliit na gitnang mesa. Nakasulat sa papel na iyon ang mga pangalan ng mga mayayamang pamilya sa bayan ng Cavinti.


"Ano po ito, Gobernador-Heneral?" usisa ni Santiago.


"Ipagpatuloy niyo ang pangangalap ng buwis sa bayan ngunit huwag niyong isali ang mga mayayamang pamilyang nanumpa na ng kanilang katapatan at suporta. Nariyan ang mga pangalan ng mga taong tinutukoy ko. Laktawan niyo ang kanilang mga bahay."


"Masusunod po, Gobernador-Heneral."


Nagpaalam na ang dalawa upang gumayak sa bayan. Tanging si Valeriano na lamang at si Simeon ang naiwan sa loob ng silid.


"Simeon, hijo, umupo ka rito," utos sa kaniya ng matanda.


Sinunod naman ni Simeon ang sinabi nito at ipinuwesto ang sarili sa upuang kaharap ng kaniyang ama. Hindi mawari ni Simeon kung ano ang iniisip ng matanda ngunit nakatingin lamang ito ng mataman sa kaniya.


"May bagay ka bang nais nating pag-usapan, Papa?" tanong ng binata.


"Simeon, hindi ka umuwi noong nakaraang gabi," puna nito sa kaniya.


"Nagkasiyahan lamang kami ni Artemio noong gabing iyon kaya hindi agad ako nakauwi," pagdadahilan ng lalaki.


"Nakakatiyak ka bang si Artemio Ricarte; ang anak ni Esteban Ricarte ang kasama mo noong gabing iyon?"


Bahagyang napalunok ng laway ang binata.


"Nakakatiyak ako , Papa. Kahit itanong niyo pa sa kaniya. Wala ba kayong tiwala sa akin?"


Umayos ng upo si Valeriano nang mapagtanto ang tanong ng kaniyang anak. May tiwala siya rito ngunit nag-iingat lamang din siya.


"Ikaw ang aking nag-iisang anak, Simeon. Hindi ko matanggap kung ika'y mawawala sa akin. Nais ko lamang makasiguro kung sinu-sino lamang ang mga taong iyong makakasalamuha. Iba na ang panahon ngayon."


"Papa, kaya kayong ipagtanggol ang aking sarili. Baka nakakalimutan niyong dati akong kasapi ng sandatahan ng Espanya."


"Batid ko iyon, hijo. Ngunit, hindi ibig sabihin na dati kang koronel ay sasantuhin ka na ng mga rebelde. Sa katunayan, bago mapatumba ng mga guardia sibil ang tatlong lalaking kanilang nahuli ay nalagasan muna sila ng halos dalawampung mga sundalo. Kaya't mag-iingat ka, aking unico hijo."


Tumango si Simeon. Tunay ngang siya na lamang ang nag-iisang taong naiwan sa tabi ng kaniyang ama. Buhat nang mawala ang kaniyang ina dahil sa sakit na tuberkulosis. Ginawa na nilang sandalan ang isa't isa. Tahimik lamang ang kanilang pamumuhay noon hanggang sa naghangad ang kaniyang ama ng labis na yaman at kapangyarihan. May mga pagkakataong parang hindi na niya ito kilala dahil sa pagiging sakim at makasarili nito ngunit batid niyang hindi pa rin nawawala ang pagiging ama nito sa kaniya.


Tumayo si Simeon at inabot ang kamay ng matanda. Hinagkan niya ito at nagpaalam nang bumalik sa kanilang mansion. Maaga pa kaya't kakaunti pa lamang ang tao sa daan nang siya'y lumabas.


Tahimik ang buong paligid nang magsimula niyang tahakin ang daan palabas ng kalye ng garison. Isang kulay puting terno at kurbata ang suot ng binata at sapatos na gawa sa balat ng ahas. Tinapik-tapik ni Simeon ang kaniyang mga balikat nang kumirot ito habang siyang naglalakad. Naalala niya ang nangyari noong nakaraang gabi. Hindi rin naging madali sa kaniyang buhatin si Artemio.


Binabaybay na ng binata ang daan patungo sa kanilang mansion nang matanaw niya ang isang binatang nakatayo sa lilim ng isang punong malapit sa kanilang bakod. Umangat ang sulok ng kaniyang labi nang makilala niya ito.


"Kay aga mo yatang naparito," saad niya nang tuluyang makalapit.


Halos mapaigtad naman si Artemio sa kaniyang kinatatayuan nang isang malailm boses ng lalaki ang nagsalita sa kaniyang likuran. Nilingon niya ito at nagulat nang makita si Simeon.


Tumikhim si Artemio na animo'y umurong ang dila at hindi makapagsalita. Nais niyang batukan ang kaniyang sarili. Hindi siya nahihiya rito. Natatakot siyang may kung anong masamang bagay siyang nasabi rito habang siya'y lasing kagabi at gamitin ito laban sa kaniya ng lalaki.


"Mainam na rin at narito ka. Nais kitang makausap," sambit ni Artemio.


Napamulsa si Simeon. "Tungkol saan? Tungkol kagabi?"


"May nasabi ba akong masama?"


Biglang sumagi sa isipan ni Simeon ang binanggit ng binata kagabi. Hindi niya mawari kung bakit nito tinawag na mamamatay tao ang sariling ama.


"Wala naman," sagot ng binata. "Bukod nag-aasal paslit ka kapag nalalasing, hindi ka rin marunong magpasalamat kahit na bumaba na ang iyong tama.


"Hinayaan mo na lamang sana ako."


"Nais ko man ngunit mahalaga ka kay Agueda. Masyadong marami na siyang inaalala, ayokong dumagdag ka pa."


Nagpantig ang tenga ni Artemio nang banggitin nito ang pangalan ng dalaga.


"Kumusta pala siya?" mahinang bulong niya rito.


"Lasing na lasing ka nga kagabi kaya't wala kang naalala. Sinagot ko na ang tanong na iyan kagabi pa. Kung magpupumilit ka, bakit hindi mo siya puntahan sa bundok?"


Bumuntong hininga si Artemio. Naisin man niya ngunit hinahadlangan siya ng kaniyang sariling konsenya. Hindi siya marunong magsinunggaling pagdating kay Agueda. Isa pa, kilala siya nito. Alam na alam ng talaga kung kailan siya nagsisinunggaling at nagsasabi ng totoo. Natatakot siya kapag nakita siya nito ay kaagad na malalaman ng babae ang suliraning kaniyang dinadala.


"Hindi pa ako handang makita siya ngayon."


"Batid kong nakarating na rin sa iyo ang balita tungkol sa inyong mga kasama. Hindi ka man lamang ba makikiramay."


Umiiling ang binata. "Ipinaabot ko na ang aking pakikiramay sa pamamagitan ng isang dasal."


Tumango si Simeon.


"Iyon lamang ba ang pinunta mo rito?"


Nanatiling tahimik si Artemio kung kaya't hindi na rin naghintay pa si Simeon na muli itong magsalita. Ipinagpatuloy niya ang kaniyang paglalakad at nilampasan ang binata. Subalit, hindi pa man siya tuluyang nakakalayo narinig niya ang pagtawag nito sa kaniya.


"Sandali lamang," sambit ng binata.


Huminto si Simeon sa paglalakad at muli siyang nilingon.


"Salamat Simeon," bulong ni Artemio.


Tila nabingi naman ang dayuhan. "Ano iyon?"


"Alam mo kung ano ang iyong narinig kaya't hindi ko na iyon uulitin pa. Nagpapasalamat ako hindi dahil sa ginawa mo kagabi kundi dahil sa lahat ng mga ginawa mo para kay Agueda. Dahil sa iyo, nagbago ang aking pananaw sa mga dayuhan, hindi lahat sa inyo ay makasarili at sakim."


"Walang anuman," sagot naman ni Simeon. "Ngunit, maaari bang huwag mong ipagkalat sa iba na matalik kitang kaibigan? Nakakasuka."


Ngumiti si Artemio.


"Huwag kang mag-aalala. Hindi rin naman tayo hahantong sa ganoon."


Nagkibit-balikat na lamang si Simeon at ipinagpatuloy ang paglalakad.


Nagsimulang humakbang na rin si Artemio paalis—pabalik ng kanilang bahay.


TULAD ng karaniwang eksena sa palengke—pumaparoon at pumaparito ang mga tao. Naghahalo ang mga usapan ng mga parokyano at mga tinderang nag-aalok ng paninda. Nagsimulang umikot si Kapitan Santiago kasama si Teniente Manahan sa bawat maliit na tindahan upang kunin ang mga buwis ng mga ito.


Labag man sa mga kalooban ng mga tao. Wala silang magagawa kundi ibigay ang kalahating porsiyente ng kanilang kita sa mga dayuhan. Hindi nila batid kung saan napupunta ang kanilang mga pera ngunit ang banggit ng kapitan ay upang protektahan sila sa mga rebelde—bagay na hindi nila kayang paniwalaan. Kung kaya lamang nila ay mas mapapantag pa ang kanilang loob na mapunta ang kanilang pera sa kanilang mga kababayan kaysa sa mga kamay ng mga dayuhan.


Pagkatapos na suyurin ang buong palengke. Nilibot naman din ng dalawa kasama ang pulutong ng mga guardia sibil ang bawat bahay sa buong bayan upang singilin ang mga ito ng upa sa lupa. Tulad ng sinabi ng Gobernador-Heneral, nilalampasan nila ang mga mayayamang pamilyang naghayag ng suporta sa Espanya.


Lahat ng mga pangalang nakasulat sa piraso ng papel nilang dala ay hindi nila inabala. Hindi naging mahirap para sa kanila ang pangongolekta ng buwis 'pagkat batid ng mga Pilipino na wala silang laban kung sila'y tutol.


PAGSIKAT pa lamang ng araw ay nakahanda na ang grupo ng mga rebeldeng nagpasiyang lisanin ang kilusan. Nais man itong pigilan ni Agueda sapagkat lubhang delikado kung sila'y lalayo sa kaniyang pangangalaga ngunit hindi niya hawak ang mga buhay nito—gayong wala siyang kakayahang diktahan ang kahit sinuman sa kanila.


Nakahanay ang labing walong mandirigma sa kaniyang harapan na binubuo ng mga kalalakihan at kababaihan. Ilang mga digmaan rin ang kanilang mga pinagsamahan kaya't masakit para sa Jefe ang pag-alis ng mga ito. Handa na ang bawat isa at nakabalot na rin ang lahat ng kanilang dadalhin.


"Hindi kayo ligtas rito sa Cavinti kaya't magtungo na lamang kayo sa Santa Cruz o sa karatig-bayan natin. Mamuhay kayo sa paraang nais niyo nang wala kayong tinatapakang ibang tao. Isang karangalan sa akin ang magkaroon ng mga matatapang na mga mandirigmang katulad ninyo. Muli ay humihingi ako ng tawad sa inyong lahat. Nawa'y gabayan kayo ng Maykapal sa inyong paglalakbay," mahabang salaysay ni Agueda.


Tumango lamang ang lahat at walang nangahas na magsalita. Bakas sa mga mukha nito ang lungkot sa kanilang paglisan. Hindi niya pinilit ang mga ito na sumali sa kilusan kung kaya't hindi niya rin pipiliting manatili ang mga ito.


"Landasin niyo na lamang ang daan sa Kanluran. Mapapahaba man ang inyong paglalakbay ngunit nakakatiyak akong ligtas kayong makakababa ng bundok," huling paalala niya.


Sabay-sabay na sumaludo ang lahat sa harapan ng dalaga sa huling pagkakataon. Sumagot naman rin ng isang saludo ang Jefe at ngumiti.


Pinanuod niya na lamang ang paglisan ng kalahati sa kaniyang mga nasasakupan. Hindi man nagpatuloy ang mga ito sa kanilang pakikibaka laban sa mga dayuhan ngunit kahit papaano'y hinahangan niya ang ito.


Hindi biro ang sumubok—hindi biro ang sumugal sa isang labang walang kasiguraduhan kaya't para kay Agueda, mga bayani pa rin ang mga Pilipinong lumaban kahit na hindi nakarating sa dulo.


"Jefe, ayos lang po ba kayo?"


Nilingon ni Agueda ang lalaking nakatayo sa kaniyang gilid.


Bumuntong hininga ang dalaga at pagkuwa'y napangiti kay Jose. Nilingon niya rin ang mga natitirang mandirigmang kasama niya hanggang ngayon sa kilusan. Kakaunti na lamang ang kanilang bilang ngunit hindi iyon hadlang sa kanilang mga layunin. Ang katunayan n'yan ay masaya siya sapagkat may natitira pa palang naniniwala sa kaniya.


"Mga kasama, tayo-tayo na lamang ang narito kaya't nais kong doblehin niya ang inyong tapang at pag-iingat. Hindi na natin makakaya pa kung isa rin sa atin ay mawawala. Ingatan ninyo ang bawat isa at magmula ngayon ay walang bababa ng bundok hangga't hindi ko sinabi. Kung mayroon mang bababa dahil kinakailangan, laging isaisip na tanging ang Kalurang daan na lamang ang ligtas nating gamitin. Magmula rin ngayon ay wala nang babalik sa ating unang kuta, maliwanag ba?"


"Ano na ang gagawin natin ngayon, Jefe?" nag-aalalang tanong sa kaniya ni Manuel.


"Pahihintulutan ko na ang lahat na gumamit ng baril. Mateo at Jose, batid kong hindi niyo pa gamay ang armas ngunit aatasan ko si Tigre na turuan kayo upang maipagtanggol niyo ang inyong mga sarili pagdating ng panahon."


"Masusunod po, Jefe," sambit ni Tigre. "Ngunit, napapansin kong hindi pa nakakauwi rito ang kapitan. Hindi ba nagtagpo ang inyong landas sa bayan."


Napatingin ang lahat kay Agueda. Pawang naghihintay rin ang mga ito ng sagot.


"Nakita ko siya bago ako pumarito ngunit pinili niyang magpaiwan sa mansion. Hindi ko rin alam kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakakabalik."


"Hindi kaya'y may nangyaring masama sa kaniya?" hinuha ni Jose dahilan upang mabatukan siya ni Mateo gawa ng walang preno niyang bibig.


"Hindi naman siguro, Jose. Batid kong may dahilan siya. Ngunit, kung hindi pa rin siya nakakabalik, mamayang hapon ay mababa na ako ng bundok upang tingnan ang kaniyang kalagayan."


"Mabuti pa nga, Agueda," sabad ni Miyong na ngayo'y nakisali na rin sa usapan.


"Mahaba pa ang araw kaya't simulan niyo na ang inyong pag-iinsayo," utos ng dalaga.


Kaagad namang ding kumilos ang lahat at dinampot ang kaniya-kaniyang riple upang sumali sa pagtuturo ni Tigre.


Napabuntong hininga si Agueda habang pinapanuod ng kaniyang mga kasama. Apat sa kaniyang mga kasapi ay mga kabataan. Kung ano man ang kakahantungan ng kanilang mga pinaglalaban, hinihiling niya ay nawa'y maging ligtas ang mga ito hanggang dulo.


LUMUBOG na ang araw nang matapos ang pagsasanay ng mga kabataan. Pagod na pagod ang mga ito nang pumasok sa kusina nang tawagin sila ni Josefa upang maghapunan na.


Nasa ikalawang palapag ng bahay ang Jefe. Natapos na niya ang paglalatag niya ng plano sa susunod na magiging hakbang ng kilusan. Ihahain na lamang niya ito sa kaniyang mga kasama upang hingin ang opinyon ng lahat.


Tinanaw ni Agueda ang silong ng bahay nang mapansin niyang tahimik na sa labas. Wala nang tao doon kaya't hinuha niyang natapos na ang pagsasanay ng lahat.


Niligpit na ng dalaga ang lahat ng kaniyang mga gamit at lumabas ng silid. Dapit-hapon na ngunit hindi pa rin nakakabalik si Artemio. Nag-aalala na siya rito kaya't bababa na siya ng bundok upang tingnan ang kalagayan ng lalaki. Dinampot ni Agueda ng kaniyang sombrero sa ibabaw ng mesa at isinuot ito upang muling itago ang nakatali niyang buhok.


Nadatnan niyang nagpapahinga ang kaniyang mga kasama nang bumaba siya. Nahulaan na kaagad ng lahat kung saan ito magtutungo nang makita ang kaniyang itsura.


"Jefe, nais mo bang samahan kita?" alok ni Manuel.


"Huwag na. Dumito na lamang kayo at hindi rin naman din ako magtatagal sa bayan. Maging alerto kayong lahat at panatilihin niyong ligtas ang paligid," habilin niya.


Tumango naman ang lahat sa kaniyang inutos. Nagtungo muna ang dalaga sa kusina upang magpaalam kay Ka Miyong. Tulad ni Manuel, iminungkahi rin nitong magsama siya ng isa pa nang gayon ay may kasama siya sa paglalakay ngunit tumanggi lamang rito ang babae.


Mag-isang bumaba si Agueda ng bundok. Inabutan pa siya ng ulan sa gitna ng kaniyang paglalakbay kung kaya't napilitan siyang tumigil at humablot ng dahon ng saging upang gawing panangga sa ulan habang naglalakbay.


Halos tatlong oras rin ang kaniyang nilakad bago siya tuluyang nakarating sa bayan. Basa man ang damit at nanginginig sa lamig, pinilit niya ang kaniyang sarili na maglakad ng maayos patungo sa mansion ng mga Ricarte. Wala pa ring nagbago sa bayan. Puno pa rin ito ng mga dayuhan. Ngunit, may napapansin siyang malilit na karatulang nakapaskil sa bawat katawan ng punong kaniyang nadadaanan. Bagama't nabasa na ng tubig ulan, nababasa niya pa rin ang nakasulat doon. Isa itong anunsyong kung saan magbibigay ng pabuya ang sandatahan ng guardia sibil sa kung sinuman ang makakahuli sa mga rebelde. Kung titingnan, malaking halaga rin pala ang nakapatong sa kanilang mga ulo.


Hindi rin nakaligtas sa mga mata ni Agueda ang isa pang karatula kung saan nakikita niya ang mga mukha ng kaniyang tatlong mga kasamang nasawi. Nakasulat rin doon ang mga tunay nitong mga pangalan. Pawang ipinangangalandakan nito ang kanilang pagiging rebelde at pagkakasangkot ng mga ito sa kilusan.


Ipinagpatuloy ni Agueda ang kaniyang paglalakad at napapapikit na lamang sa tuwing nilalagpasan ang mga karatulang kaniyang nakikita.


Hindi naglaon narating niya ang kalyeng tumutumbok sa mansion ng mga Ricarte. Hindi na siya nabigla nang makita ang dalawang guardia sibil na nagbabantay sa gilid ng malaking tarangkahan nito. Napilitan si Agueda na magtungo sa likurang bakod upang akyatin ito. Wala siyang ibang mapamimilian kundi ang pumuslit na lamang sa loob. Batid niyang maghihimutok sa galit ang kaniyang kinalakihang magulang kung magpapakita siya rito. Hindi man nito sinasabi ngunit alam rin niyang siya ang sinisisi ni Esteban sa pagkakasangkot ni Artemio sa gawain ng mga rebelde.


Madilim ang bahaging kinaroroonan ni Agueda kung kaya't walang sinuman ang nakapansin sa kaniya. Tinanaw ng dalaga ang bakuran ng mansion. Napabuntong hininga siya nang magsimula nang tumubo ang mga ligaw na damo sa kaniyang mga inaalagaang bulalak. Ang mga patay na dahon naman ng puno ay nagkalat lamang at halatang hindi pa nalilinis buhat nang mawala siya. Napapaisip tuloy siya kung ano ang ginagawa ni Maria simula nang mawala siya.


Lumapag ang dalaga nang tahimik sa lupa. Habang naglalakad, inangat niya ang kaniyang mga tingin sa ikalawang palapag. Kumunot ang kaniyang noo nang mapansing nakabukas ang bintana ng kaniyang silid.


Lumapit siya sa pader at inakyat ito sa pamamagitan ng pagtuntong sa mga nakausling bato. Sumilip siya sa awang ng bintana bago pumasok. Madilim ang looban ng silid ngunit naaninag niya ang isang lalaking may hawak ng gasera. Nabuhayan siya ng loob nang makilala niya si Artemio. Natulala lamang ang binata habang nakatitig sa kaniyang mga gamit—bagay na labis niyang ipinagtataka.


Kumapit siya sa bintana at ipinasok ang kaniyang kanang binti hanggang sa tuluyan siyang makapasok sa silid.


Napabunot pa si Artemio ng kaniyang rebolber biglaan niyang paglitaw ngunit agad rin itong napahinto nang makita siya.


"Agueda!?" bulalas ni Artemio.


Naibaba niya ang hawak niyang gasera at baril sa lamesa. Dagling lumapit ang binata sa pintuan upang tiyaking nakakandado ito.


"Anong ginagawa mo rito?" dagdag ng binata.


"Ligtas ka lamang pala. Anu't hindi ka pa rin bumabalik sa kuta?"


Bumuntong hininga ang binata. Inilayo niya ang kaniyang mga titig sa kausap at piniling umupo sa dulo ng kama.


"Humahanap lamang ako ng tiyempo upang makaalis," pagdadahilan ni Artemio. "Hindi ko pa maaring iwan ang aking ama."


Tumabi si Agueda sa kaniya. "Naiintindihan ko, Artemio. Batid kong hindi naging madali sa iyo ang lahat. Ngunit, kamusta siya?"


"Maayos lamang siya, Agueda. Hindi ko batid kong anong tumatakbo sa kaniyang isipan ngunit pumayag na siyang punduhan ang mga armas na gagamitin ng mga guardia sibil upang palawigin ang puwersa nito. Nakuha na rin nila ang suporta ng iba pang mayayamang pamilya rito sa bayan."


"Ang iyong ama at ang Gobernador-Heneral? Bakit ganoon lamang ang kanilang tiwala sa isat-isa. Matagal na ba silang magkakilala?"


"Hindi ko rin alam, Agueda. Gayunpaman, hindi ka na sana nagtungo pa rito. Lubhang delikado ang kalagayan mo ngayon rito sa mansion. Itinakwil ka na ng ating ama."


"Hindi na ako nagugulat pa, Artemio. Bagama't umasa akong susuporta niya ang aking layunin ngunit iba pala ang aking pagkakakilala sa kaniya."


Sinipat ng binata ang kaniyang kausap. Kita niya ang labis na pagkadismaya sa mukha nito. Kung alam lamang ng dalaga ang tunay na ginawa ni Esteban, tiyak siyang higit pa roon ang kaniyang mararamdaman. Kulang ang galit at lungkot upang ipakita niya rito ang kaniyang pagkasuklam.


"Huwag ka nang magtagal pa rito sa bahay sapagkat baka matunugan niyang narito ka," saad ni Artemio.


"Hindi ka ba sasama sa'kin? Kailangan ka ng kilusan, kapitan. Ngayon pa't kakaunti na lamang tayo."


Inabot ni Artemio ang palad ng dalaga. Bahagya pa siyang nagulat nang nanlalamig ang daliri nito. Hinaplos niya ito na animo'y isang babasaging bagay ang kaniyang hawak. Nagtatalo ang kaniyang isip kung sasabihin niya ba ang lahat ng kaniyang mga nalaman rito. Nais niyang maging tapat sa dalaga. May karapatan itong malaman ang tunay na nangyari. Ngunit, natatakot siya. Hindi pa siya handa.


"Susunod na lamang ako sa iyo, Jefe," wika nito.


"Artemio—"


"Pangako," kumbinsi ng lalaki. "Pangako sa iyo. Kapag ako'y handa na, magkikita uli tayo."


Tumangu-tango na lamang si Agueda.


"Huwag mo lamang tagalan. Batid mong mainipin akong tao."


Napatawa si Artemio sa biro nito. Sunud-sunod siyang umiling habang hindi nabubura ang ngiti sa kaniyang mukha.


"Nasa tabi mo na ako bago mo pa man mamalayan."


Isang ngiti na lang din ang isinukli ni Agueda sa kaniya. Hindi niya matukoy ngunit may kakaiba ngayon sa lalaki.


"Aalis na ako," paalam ng dalaga rito.


Dahan-dahan namang binitawan ni Artemio ang kaniyang mga kamay at tumayo. Buong akala ni Agueda ay lalabas na rin ito ng pinto ngunit dumiretso ang lalaki sa kaniyang aparador at humugot ng isang makapal na dyaket doon.


Nabigla si Agueda nang inilapat ito ng binata sa kaniyang balikat. Bahagya siyang nakaramdam ng init mula sa makapal na damit na yumayakap sa kaniya ngayon.


Tiningnan niya si Artemio at nginitian ito.


"Alagaan mo naman ang iyong sarili," turan ng lalaki. "Huwag kang magkakasakit hangga't hindi ko sinasabi."


***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro