Kabanata 43
MADILIM na ang paligid nang muling magmulat ang mata ng isang dalaga mula sa mahabang paghimbing. Unang bumungad sa kaniya ang tanglaw ng maliit na gasera na iniwan sa ibabaw ng kaniyang mesa. Sinubukang bumangon nito nang makaramdam siya ng pagkauhaw. Bahagyang nanumbalik ang kaniyang lakas nang makapagpahinga siya. Ngunit, bago pa man siya makababa sa kama naaninag niya ang isang taong nakatayo sa gilid ng nakabukas na binata. Kumunot ang kaniyang noo habang pinipilit itong kilalanin sa kabila ng madilim na paligid.
"Simeon?" Wala sa sariling tawag niya rito.
"Kanina pa siya nakababa ng bayan, Jefe."
Naglakad ang lalaki papalapit sa kaniya. Doon niya napagtanto na si Ka Miyong pala ang kaniyang napagkamalan.
"Ka Miyong, ikaw pala," paumanhin niya. "Pasensya na hindi kita agad nakilala."
Umupo ang matanda sa bakanteng upuang gawa sa kahoy na nakapuwesto sa gilid ng kaniyang kama. Hindi niya batid kung kailan pa nakarating ang matanda rito sa kanilang pangalawang kuta ngunit kung nakilala na nito si Simeon, malamang ay naulinigan na rin ng matanda ang lahat ng nangyari.
"Inasahan mo bang siya ang unang makikita mo sa iyong muling paggising," tanong ni Miyong.
Tumikhim si Agueda. "Hindi, ho. Siya ang aking kasama noong ako'y pumarito kaya't inakala kong narito pa siya. Mabuti at bumababa na pala siya ng bundok."
"Jefe, batid mo ba kung ano ang iyong ginagawa? Dayuhan ang binatang iyon."
Bumuntong hininga ang dalaga. Hindi na siya nagugulat sa daloy ng kanilang usapan ngayon. Hindi man lamang kinumusta ng matanda ang kaniyang kalagayan. Inuna pa nitong tuligsain ang kaniyang pagtitiwala sa isang dayuhan.
"Ka Miyong, alam ko kung ano klaseng sitwasyon ang aking kinaroroonan ngayon. Ngunit, maniwala ka, hindi ko ginusto itong mga nangyayari. Nangangailangan ako ng tulong at nagkataon lamang na siya ang naroon upang ibigay iyon."
"Jefe, ilang araw ka nang nawawala. Buhat nang mangyari ang barilan sa daungan ay hindi ka na nagpakita."
"'Pagkat nabaril ako ni Santiago noong araw na iyong kung kaya't mayroon akong sugat sa binti ngayon. Kung hindi ako tinulungan ni Simeon, malamang ay nahuli na ako."
"At nagtitiwala ka sa kaniya?!"
"Paanong hindi ako magtitiwala sa taong nagligtas ng aking buhay? Hindi lamang isang beses ngunit palagi—sa tuwing kailangan ko siya. Ayaw ko man ngunit palagi siyang dumarating—palagi siyang nariyan. Kaya't sabihin mo Ka Miyong, ano ang dahilan kung bakit hindi ko siya maaaring pagkatiwalaan?"
"Anak siya ng Gobernador-Heneral, sapat nang dahilan iyon, Agueda."
"Batid ko," sagot niya. "Batid ko iyan. Paulit-ulit kong sinasabi sa aking sarili ang katotoohanang iyan, Ka Miyong. Ngunit, kung huhusgahan ko lamang siya dahil sa kaniyang ama, anong karapatan ko upang pagkatiwalaan rin ng ibang tao gayong isang rebelde rin ang aking ina? Si Valeriano Alonso ang ating kalaban hindi ang kaniyang anak, hindi si Simeon Alonso."
"Ano bang pinakain sa iyo ng binatang iyon upang ipagtanggol mo siya ng ganito? Naririnig mo ba ang iyong sarili, Jefe? Nagtitiwala ka sa isang dayuhan. Pare-pareho lamang sila—mga sakim at makasarili."
"Ngunit, iba si Simeon. Matagal na niyang alam na kasapi ako ng kilusan ngunit hindi niya ako isinuplong sa kaniyang ama. Bagama't nakarating na siya rito sa ating kuta ngunit asahan mong mananatiling sekreto ang lahat ng kaniyang nalalaman."
Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Miyong. Nakikita niya ang ningning sa mga mata ng dalaga sa tuwing binabanggit nito ang pangalan ng binata. Hindi niya gusto ang kaniyang nasasaksihan ngayon. Pinili niyang maging pinuno ng kilusan si Agueda 'pagkat akala niya ay matibay ang puso nito at kailanman ay hindi maaaring baguhin ng isang pag-ibig lamang. Ngunit, iba ang kaniyang inaasahan sa mga nangyayari ngayon.
"Iniibig mo ba ang binatang iyon?" Walang pakundangan tanong ng matanda.
Napayuko si Agueda. Ayaw niyang sagutin ang tanong na iyon sapagkat hindi rin siya sigurado sa kaniyang nararamdaman. Ngunit, hindi niya maaaring lokohin ang kaniyang sarili. Umiindayog ang kaniyang puso sa tuwing nakikita niya ang binata. Mahabang panahon na niyang pinigilan ang kaniyang sarili. Lumayo siya rito ngunit hindi rin iyon nakatulong.
"Aaminin kong may isang lalaki akong pinapasok sa aking puso at isinasapanganib ko ang lahat para sa kanya."
"Agueda—"
"Ka Miyong, isang malaking kabaliwan itong aking ginagawa, hindi ba? Nais kong huminto ngunit iba ang sinasabi ng aking puso."
"Hindi kaya't marahil ay naguguluhan ka lamang? Siya ang laging nariyan para sa iyo kaya't inakala mong pag-ibig ang kaunting atensyon. Paano kong ginagamit ka lamang pala niya? Paano kung magtaksil siya sa iyo at piliin niya ang kaniyang ama?"
Matipid na ngumiti si Agueda.
"Kung masasaktan man ako o hindi, desisyon ko iyon. Kung pagkatiwalaan ko man siya at pagtataksilan niya ako sa bandang huli, kasalanan ko iyon. Ang pasiyang mahalin siya ay hindi niya hawak kaya't wala itong kinalaman sa kanya. Ito ay isang desisyon na ginawa ko sa aking sarili. Nagsanay ako hanggang sa puntong hindi ko na kailangan ng kalasag. Isa pa, hindi ko rin intensyong gamitin siya bilang isa sa anumang paraan. Habang nabubuhay ako, nais ko lang ibigay sa kanya ang aking puso."
Natahimik ang matanda. Ano pa man ang gawin o sabihin niya, nakikita niyag buo na ang loob na dalaga na panindigan ang lalaking iyon. Nawa'y hindi maging hadlang ang nararamdaman ng Jefe para sa anak ng Gobernador-Heneral upang hindi nito magampanan ng maayos ang tungkulin nito sa kilusan.
"Kung gayon, wala na akong iba pang sasabihin tungkol sa bagay na iyan," pagsuko ng matanda. "Ngunit, may isa pang suliranin kang dapat harapin. Batid na ng lahat ang iyong tunay na pagkataon. Naghihintay sila sa labas. Mahaba-habang paliwanag ang iyong dapat gawin, Jefe."
Tumango si Agueda. "Handa na ako para riyan."
NARIRINIG ni Agueda ang usapan ng mga tao habang siya'y bumababa ng hagdan. Tumigil lamang ang mga bulungan nang makita siya ng lahat. Hindi na niya inabala ang kaniyang sarili na itali ang kaniyang buhok o magsuot man lamang ng sombrero, malaya niya itong inilugay. Kita niya ang samu't saring reaksyon ng kaniyang mga kasama habang nakatitig sa kaniya. Karamihan rito ay nadismaya, nalulungkot, nagagalit sa ginawang niyang pagsisinunggaling. Ang mga kalalakihan naman tinitigan siya ng may halong kutya sa mga mata. Naiintindihan niya kung saan nanggaling ang sama ng loob ng mga ito.
Humugot si Agueda ng lakas ng loob sa kaniyang sarili bago magsalita.
"Marahil ay hindi na lingid sa inyong kaalaman aking tunay na pagkatao," panimula niya. "Ngunit, bago ko ipaliwanag ang aking sarili. Nais kong humingi ng tawad sa inyong lahat. Patawarin niyo ako kung itinago ko sa inyo ang totoo."
"Hindi ako nagdalawang-isip na sumali sa kilusang ito sapagkat akala ko'y isang matapang at matalinong lalaki ang mamumuno nito. Ngunit, hindi ko akalang isa ka lamang palang babae," saad ni Tigre na ngayo'y nakaupo sa hulihan.
"Tunay ngang isa akong babae ngunit kailanman ay hindi naging hadlang ang aking kasarian upang magampanan ko ng maayos ang aking katungkulan. Ginagawa ko naman rin ang mga ginagawa niyong mga kalalakihan at kaya ko pang higitan iyon."
"Ikaw nga ang aming Jefe ngunit sa iyong ginawa ay nawalan kami ng tiwala sa iyo," may diin na sambit ni Alunsina habang nakatitig sa sahig.
"Bumaba ba ang inyong tingin sa akin sapagkat isa akong babae? Nawalan na rin ba kayo ng tiwala sa akin dahil lamang inilihim ko sa inyo iyon?"
Umangat ang mga tingin ni Alunsina sa kaniya. Bakas pa sa mga namumugtong mata ng dalagita ang pagdadalamhati.
"Hindi iyan ang punto rito, Jefe. Ang mahalaga rito ay nagsinunggaling ka. Itinago mo iyon sa amin sapagkat hindi sapat ang iyong pagtitiwala sa iyong nasasakupan lalong lalo na sa iyong sarili."
"Alunsina!" saway sa kaniya ni Manuel na katabi niya sa upuan.
"Bakit? Tama naman ako hindi ba? Hindi mo pinaalam sa'min kung sino kang talaga sapagkat wala kang tiwala sa aming lahat! Maging ang ating ibang mga kasamang nasawi, hindi man lamang nila nalaman ang katotohanan."
"Hindi totoo iyan," sagot ni Agueda. "Batid ni Ka Miyong ang lahat. Alam rin ng Kapitan at ni Waldo."
"Kung gayon, kami lamang pala itong nangangapa sa dilim," sabad naman ni Alakdan.
"Pinili kong itago sa inyo iyon, hindi dahil wala akong tiwala sa inyo. 'Pagkat batid kong hindi pa handa ang ating bayan na makitang lumalaban ang mga kababaihan. Sa tingin niyo ba ay sasali kayo sa kilusan kung simula't sapol pa lamang ay alam niyong pinamumunuan ng isang babae? Huwag niyong lokohin ang inyong mga sarili sapagkat batid kong mahihina ang inyong tingin sa amin—lalo na ng mga kalalakihan. Noong hindi niyo nalaman na isa akong babae, ginagalang niyo ako at sinusunod bilang lider. Ngayo'y nalaman niyo ang totoo, halos kutyain niyo na ako sa inyong mga isip at salita. Anong kaya ng mga lalaki na hindi namin kayang gawin?"
Natahimik ang lahat.
"Sa ilang buwan kong pamumuno, sa tingin niyo ba ay hindi ko nagampanan ng maayos ang aking katungkulan bilang Jefe? Sa tingin niyo ba ay hindi ako naging patas at makatuwiran sapagkat isa lamang pala akong babae?" dagdag ng dalaga.
Walang pa ring umimik mula sa madla.
"Kung sa tingin niyo ay hindi na ako karapat-dapat sa aking puwesto. Pahihintulutan ko kayong lumabas ng silid ng ito at tumiwalag sa ating kilusan. Ngunit, kung mahal niyo ang ating bayan at hindi kayo tumitingin lamang sa kasarian o kahinaan ng isang tao upang ipagtanggol ito, maaari kayong manatili."
Nabuhayan ng loob ang lahat. Nagpalinga-linga ang mga ito sa kanilang mga kasama na animo'y tinatansiya kung ano ang kanilang magiging desisyon base sa kanilang nakikita. Isang lalaki ang nangahas na tumayo at lumabas. Napabuntong hininga si Agueda nang masundan pa ito ng isa at isa pa at isa pa hanggang halos kalahati na lamang ang bilang ng kanilang mga miyembro ang naiwan sa loob.
"Hindi ko huhusgahan ang mga kasapi nating lumabas sapagkat kahit papaano'y naiintindihan ko sila. Ngunit kayong mga naririto, kakaunti na lang man ang ating bilang ngunit ako'y nagagalak na malamang higit pa ang inyong pagmamahal sa bayan kumpara sa aking inaasahan."
"Noon pa man ay humanga na po ako sa inyo, Jefe," wika ni Manuel. "Hindi hadlang sa akin kung lalaki ka man o babae upang patuloy na lumaban. Hindi ako sumali sa isang kilusan upang tumigil lamang dahil sa ganoong dahilan. Hindi bumaba ang aking tingin sa inyo bagkus ay nadagdag pa ito nang malaman ko ang tunay mong kasarian."
"Jefe," sambit rin ni Jose dahilan upang mapatingin sa kaniya ang lahat. "Ang totoo niyan ay natutuwa ako na isa kang babae. Magiging magandang halimbawa po kayo sa lahat ng mga babaeng nais ring lumaban para sa bayan."
Tumango ang dalaga. Kahit papaano ay gumaan ang kaniyang dibdib sa mga naririnig mula rito.
"Maraming salamat sa inyong pag-unawa. Nawa'y tulungan niyo akong magampanan ng mas maayos ang aking tungkulin sa ating kilusan."
Isang ngiti ang binigay ni Agueda sa lahat. Kabilang sa mga naiwan sa loob ay sina Kuwago, Tigre, Alakdan, Jose, Manuel, Mateo, Alunsina, si Ka Miyong, si Josefa at ang anak nitong si Benito at ang labing anim pa nilang mga kasamahan.
"Isang tanong na lamang po, Jefe!" pahabol ni Jose.
"Ano iyon?"
"Kung hindi niyo po mamasamain, maari niyo bang ihayag sa amin kung ano ang inyong tunay na ngalan?"
Sandaling nag-isip si Agueda. Sa loob ng mahabang panahon, inilihim niya ang kaniyang tunay na kasarian at pagkatao bilang bahagi ng kaniyang pag-iingat. Ngunit, wala nang saysay na itago niya pa ito ngayon.
"Agueda," hayag ng dalaga. "Ako si Agueda Iniquinto."
KUMIKIROT ang ulo ni Artemio nang bumangon siya sa kaniyang kama. Umiikot pa rin ang kaniyang paningin kung kaya't paulit-ulit niyang kinukusot ang kaniyang mga mata upang matauhan.
Pinagmasdan niya ang paligid. Huling naalala niya ay nasa Hora Feliz siya at umiinom ngunit nasa sariling silid na siya ngayon. Wala siyang maalalang naglakad siya pauwi. Dumagdag sa kaniyang nararamdam ang sakit sa kaniyang batok. Namamanhid ang kaniyang leeg na para bang napuruhan siya ninuman. Hindi niya batid kung nakuha niya ba ito sa alak o sadyang mali lamang siya ng puwesto noong siya natulog.
Inamoy ng binata ang kaniyang sarili. Amoy pinaghalong suka at alak siya. Hindi niya batid kong ilang bote ang kaniyang nainom kagabi ngunit kung hindi na niya maalala ang lahat ng detalye ay malamang lupaypay nga siya ng umuwi. Pinili na lamang ng binata na linisin ang kaniyang sarili at magbihis ng damit.
Pagkababa niya ng salas, nadatnan niya si Esteban na prenteng nakaupo habang hawak sa mga kamay ang isang pahayagang nakasulat sa Espanyol. Maya't maya itong umiinom ng kape habang nagbabasa. Hindi niya ito pinansin at dinaanan lamang ang matanda na siyang ikinunot naman ng noo ni Esteban.
"Hindi ka man lamang ba babati sa inyong ama?" komento nito sa kaniyang inasal.
Tumigil si Artemio sa paglalakad. Paulit-ulit niyang pinapaaalahanan ang sarili na kontrolin ang emosyon.
"Wala akong sasabihin sa inyo," sagot ng lalaki.
Naibaba ni Esteban ang hawak niyang diyaryo upang lingunin ang kaniyang anak. Nagsalubong ang kilay niya nang bumungad ang malalamyang mga tingin sa kaniya ng binata. Na animo'y hindi ito natutuwa na nakita siya.
"Hanggang kailanman mo ba paiiralin ang tigas ng iyong puso at ulo?" panimula ng matanda. "Buhat nang mawala rito si Agueda, nag-iba na ang iyong pakikitungo sa akin. Dapat ka pa ngang magpasalamat sapagkat hindi ko na siya ipinahanap kahit kaninuman. Hindi ko rin siya isinuplong kay kapitan Santiago gayong batid kong kasapi siya ng isang kilusan."
"Subukan mong gawin iyan nang sa gayon ay tuluyan ka nang mawala ng anak," banta ni Artemio sa kaniya.
Napatigil si Esteban. Ramdam niya ang galit ng kaniyang kausap sa paraan kung paano siya nito tingnan.
"Artemio, aking anak. Makabubuti kung wala na si Agueda rito sapagkat iniimpluwensyahan ka lamang niya ng mga maling bagay at kaisipan. Nawa'y hindi na siya makabalik pa rito nang sa gayon ay matahimik na ang ating buhay."
Umiigting ang panga ng binata habang pinipigilan ang sarili.
"Paano mo iyan nasasabi sa isang taong tinuri mo nang anak?!"
"Ngunit, hindi ko pa rin siya tunay na anak. Kung tutuusin, wala akong kahit na anong responsibilidad sa batang iyan. Hindi ko na nga matandaan ang dahilan kung bakit ko siya tinanggap rito gayong batid kong galing siya sa isang rebeldeng pamilya."
"Akala mo ba'y maitatago mo ang iyong sekreto, ama? Batid ko na ang lahat! Batid kong matalik kang kaibigan ng ina ni Agueda ngunit ikaw rin ang nagtaksil sa kaniya. Isa kang mamamatay tao!"
Mistulang nabingi ang matanda sa kaniyang narinig. Nabitawan niya ang hawak niyang diyaryo dahil sa pagkabigla. Nanginginig ang kaniyang mga daliri dulot ng labis na takot. Paulit-ulit siyang umiiling sa kaniyang anak upang tumanggi ngunit hindi nagbabago ang ekspresyon sa mukha ni Artemio na parang buo na ang loob nitong kasuklaman siya. Paano nalaman ng kaniyang anak ang tungkol sa bagay na iyon.
"S-sinong nagsabi sa iyo n'yan! Saan nanggaling ang kabaliwang iyan!? Sinabi ba sa iyo ni Kapitan Santiago?" sunud-sunod na tanong ng matanda.
"Hindi, ama. Sa bibig mo mismo nanggaling ang katotoohanang iyon. Ikaw ang dapat magpasalamat dahil wala si Agueda ngayon sa bahay natin. Kung nandirito lamang siya ay batid kong hindi siya magdadalawang-isip na kitilin ang iyong buhay kapalit ng pagtataksil mo sa kaniyang ina!"
"Artemio, anak—"
"Huwag kang magkakamaling lumapit sa akin! Hindi ko ibig na hawakan ako ng isang mamamatay tao."
Napaupo na lamang si Esteban sa kalapit na upuan nang maramdaman niyang unti-unting bumibigay ang kaniyang tuhod. Nanghihina ang kaniyang katawan at namamanhid ang kaniyang dila. Nais niyang ipaliwanag ang kaniyang sarili rito ngunit nawalan na siya ng pagkakataon nang talikdan siya ng kaniyang anak at walang sabi-sabing umalis ng kanilang mansion.
Napahilamos sa mukha si Esteban. Dumating na nga ang araw na kaniyang ikinatatakot noon pa man; iyon ay ang malaman ng kaniyang anak ang kaniyang nakaraan.
Hindi man lamang lumilingon pabalik si Artemio habang naglalakad palayo sa kanilang mansion. Batid niyang nasaktan niya ang kalooban ng kaniyang ama ngunit nararapat lamang ito sa kaniya. Hindi man angkop ang araw at oras na malaman ng kaniyang ama na may alam na rin siya sa mga nangyayari ngunit nais niyang muling iparamdam rito ang takot at kaba.
Isang malaking pagkakasala ang nagawa ng kaniyang ama. Aaminin niyang isa sa kaniyang mga dahilan kung bakit hindi pa rin siya nagtutungo kay Agueda upang ipagtapat rito ang totoo sapagkat natatakot siyang kasuklaman rin siya ng dalaga.
Nilandas ni Artemio ang dahan patungo ng palengke. Hindi na siya nagdalawang-isip na pumasok sa Hora Feliz nang makita niyang naglilinis si Pablo sa loob.
"Magandang umaga, Pablo," bati niya rito.
Napatigil ang mestizo sa paglilinis nang makita siya.
"Artemio, mi amigo! Kay aga mo yata rito! Pitong bote ang nainom mo kagabi kaya't akala ko'y bagsak ka pa rin hanggang ngayon. Anu't narito ka? Huwag mong sabihin sa'king iinom ka na naman?"
Mahinang tumawa si Artemio. "Hindi, kaibigan. Masyadong masakit ang aking ulo ngayon upang dagdag pa iyon. Narito ako sapagkat nais kong magpasalamat sa iyo. Maraming salamat sa paghatid sa akin sa mansion. Hindi ko mawari kung paano ako nagkaroon ng kaibigang singbuti mo."
Tinapik ni Artemio ang balikat ni Pablo na ngayo'y alanganing napatawa sa winika nito.
"Marahil ay lasing na lasing ka nga kagabi sapagkat hindi mo na matandaan ang mga nangyari," saad ng mestizo.
Kumunot ang noo ng binata. "Anong ibig mong sabihin? May nangyari ba kagabi?"
"Hindi ako ang naghatid sa iyo, Artemio. Hindi ko kasi maiwanan ang aking tindahan sapagkat marami akong parokyano rito kagabi. Si Simeon—ang iyong matalik na kaibigan. Sa kaniya ka nararapat na magpasalamat sapagkat siya itong nagpakahirap na akayin ka mula rito hanggang sa inyong bahay."
"A-ano!? Si Simeon?" Hindi makapaniwalang saad ng lalaki.
Paano iyon nangyari? Wala siyang maalalang kahit na ano. Ni hindi nga niya matandaan kung paano niya ito nakita kagabi.
"Nagbibiro ka yata, kaibigan?" tawa ni Artemio na animo'y hindi kayang tanggapin ang kaniyang mga nalalaman.
Umaasa siyang babawiin ni Pablo ang kaniyang mga sinabi ngunit nawalan siya ng pag-asa nang makita niya itong umiiling.
"Totoo ang aking winika, mi amigo! Naabutan ka ni Simeon kagabi na lasing na lasing na. Hindi mo na siguro matandaan. Ngunit, huwag ka nang mag-aalala. Hindi nabago ang ginawa ni Simeon sapagkat gawain naman talaga iyon ng magkakaibigan."
Natahimik si Artemio. Iyon na nga ang problema ngayon—hindi niya tunay na kaibigan si Simeon.
Pilit na inaalala ng binata kung paano humantong ang kaniyang paglalasing sa ganoong sitwasyon. Buong akala niya ay nasa bundok pa ito kasama si Agueda.
Sandali—si Agueda. Kasama niya ba itong bumaba ng bundok kagabi?
Napikit ang lalaki nang biglang kumirot na naman ang kaniyang ulo. Kahit na anong pilit niya ay wala siyang maalala. Tanging pumapasok lamang sa kaniya ang katotohanang naglasing siya kagabi. Hindi niya na maalala kung sino ang kaniyang mga kasama o kung may nasabi ba siyang hindi niya dapat sabihin. Kailangan niyang makita ang lalaking iyon.
"Maraming salamat, Pablo. Ako'y aalis na," paalam niya sa kausap.
"O, siya sige. Magpahinga ka na rin."
Kalat ang isipan ng binata nang binabaybay niya ang daan. Hindi niya nalamang papalapit na pala siya sa mansion ng Gobernador-Heneral.
Bumuntong hininga si Artemio at bagsak ang mga balikat na pinagmamasdan ang mga pulutong ng mga guardia sibil na nagkalat sa paligid upang bantayan ang bahay.
Bakit ba siya narito?
Hindi siya magpapasalamat kay Simeon sapagkat hindi naman niya hiniling na tulungan siya nito.
Si Agueda—ang tungkol sa dalaga. Narito siya upang pag-usapan ang kalagayan nito.
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro