Kabanata 40
MALALIM na ang gabi. Dalawang araw na ang nakalipas ngunit hindi pa rin bumabalik ang Jefe at kapitan. Tulad ng nakapagkasunduan ng buong kilusan, bababa ang ilan sa kanila sa bundok upang hanapin na ang mga ito.
Abalang naglilinis si Waldo ng kaniyang sandatang dadalhin sa kanilang misyon. Wala mang maiiwang nakakatanda ang kilusan ngunit kailangan niyang bumaba ng bundok upang samahan ang kaniyang mga kasama sa paghahanap sa kanilang pinuno. Sa lahat, siya ang mas nakakaalam ng daan patungo sa mansion ng mga Ricarte. Makikipagsapalaran sila kung naroon nga ba ang kapitan.
"Hindi ba talaga ako makakasama?"
Umangat ang tingin ng binata. Hindi na siya nabigla nang makitang nakatayo sa kaniyang harapan si Alunsina. Pagkatapos nilang mag-usap noong gabing iyon, buong akala niya ay naiintindihan na siya nito ngunit hindi pa rin ito tumitigil sa pangungulit sa kaniya. Hindi na niya matandaan kung ilang beses na siya nitong kinumbinsi upang payagang sumama pababa ng bayan.
"Alunsina, kahit ano pa ang gawin mo ay hindi na magbabago ang aking desisyon. Maiwan ka na lamang rito. Kakailangan ka ng iba nating kasama," sambit ni Waldo at muling itinuon ang pansin sa riple na kasalukuyan niyang nililinis.
"Ngunit, wala naman akong ibang gagawin rito. Kaya't isama mo na lang ako. Pangako, hindi ako manggugulo. Nais kong tumulong sa paghahanap sa Jefe at kapitan."
"Hayaan mo na kami na lamang nina Kalapati at Buwitre ang lumuwas sa bayan. Sisilipin lang naman namin ang mansion ng mga Ricarte kaya't saglit lamang kami doon."
"Gayunpaman, nais ko pa ring sumama—"
"Alunsina!"
Ramdam ng dalagita ang inis sa tinig ng binata dahilan upang mapatahimik siya. Napagtanto naman ni Waldo ang pagtataas niya ng boses rito kung kaya't napayuko siya.
"Paumanhin sa aking ginawa. Hindi ko sinasadyang sigawan ka. Ngunit, kagaya ng aking sinabi sa iyo, kami na lamang nina Kalapati at Buwitre ang aalis. Maiwan ka rito."
Hindi na lamang ipinilit pa ni Alunsina ang kaniyang gusto rito. Naupo siya sa isang tabi upang panuorin ang ginawa nito. Pagkatapos linisin ang riple, pinuno niya ng lalaki ng bala ang kaniyang dadalhing rebolber saka ito itinago sa kaniyang likod. Sakto namang dumating si Manuel pagkatapos niyang maghanda.
"Kuya Waldo, naghihintay na po sina Kalapati at Buwitre sa labas," anunsyo nito.
"Susunod na ako."
Sinukbit ng binata ang riple sa kaniyang balikat at nagtungo na sa labas. Sumunod naman si Alunsina sa kaniya na hanggang ngayon ay nangingibabaw pa rin ang kagustuhan nitong sumama. Madilim na ang buong paligid nang lumabas sila, nakatulong ang mga ginawang sulo bilang tanglaw ilaw na siyang nakapalibot sa buong bahay upang maaninag nila ang paligid.
Nandatnan nilang naghihintay na sina Kalapati at Buwitre. Tulad niya, bitbit rin ng mga ito ang kani-kanilang mga armas. Naroon rin sina Manuel, Jose at Mateo upang palakasin ang kanilang mga loob.
"Handa na ba kayo?" tanong niya nang makalapit rito.
Tumango lamang ang dalawa sa kaniya. Sinipat ni Waldo ang kaniyang mga kasama sa kilusan. Nagbabantay ang ilan sa mga ito upang mapanatiling ligtas ang lugar. Ang iba nama'y naghahanda ng kanilang kakainin sa hapunan. Tanging ang apat na kabataan lamang ang naroon sa labas.
"Wala rito sina Alakdan, Kuwago at Tigre kaya't Manuel, ikaw na muna ang bahala rito," sambit ni Waldo. "Nasa unang kuta sila upang kahit papaano'y matulungan si Ka Miyong doon. Hangga't hindi pa sila nakababalik, panatilihin mong ligtas ang ating pangalawang kuta."
Tumango ang binatilyo. "Masusunod po."
"Babalik rin naman kaagad kayo, hindi ba?" alalang tanong ni Alunsina.
Napasulyap sa kaniya si Waldo. Nakikita niya ang takot sa mga mata nito.
"Ano ka ba, Alunsina," sabad ni Jose. "Hindi naman ito ang unang beses na bababa sila ng bundok, alam na nila kung anong gagawin kaya't huwag ka nang mag-alala riyan."
"Tama si Jose, Alunsina," sang-ayon ni Waldo. "Babalik rin kaagad kami."
"Hindi ligtas ang daan sa silangan kaya't ang kanlurang daan na lamang ang inyong landasin pababa," paalala ng dalagita.
"Kung doon kami daraan malamang ay maabutan kami ng bukangliwayway bago pa man kami makarating sa bayan," hayag ni Kalapati.
"Ngunit, iyon ang inabiso sa akin ni Ka Miyong. Maaaring nagsisiyasat pa ang mga guardia sibil."
Sandaling natahimik silang lahat. Naiintindihan nila kung saan nanggaling si Alunsina ngunit wala na silang sapat na panahon upang sundin pa ito. Sadyang malayo ang daan pakanluran kung iyon ang pipiliin nila. Ang daan sa silangan ang pinakamabilis na daan na maaari nilang gamitin upang makababa ng bundok.
"Malalim na ang gabi kaya't marahil tapos na ang pagsisiyasat ng mga dayuhan. Batid naming nag-aalala ka lamang ngunit wala kaming mapamimilian kundi ang landasin ang silangan."
Bumuntong hininga ang dalaga.
Hindi niya napigilan ang kaniyang sarili na lapitan si Waldo. Bigla niya itong niyakap. Isang mahigpit na yakap na parang ayaw na niya ito pakawalan pa bagay na ipinagtataka ng binata. Bagama't nagugulumihanan, niyakap na lamang niya pabalik si Alunsina. Ramdam niya ang panginginig ng mga daliri nito nang lumapat ang palad nito sa kaniyang likuran.
"Huwag kang matakot. Babalik rin ako kaagad," bulong niya rito.
"Pangako?"
Ngumiti sa kaniyang sarili si Waldo.
"Pangako sa iyo," bulong niya pabalik.
Pasimpleng hinagkan ng binata ang ulo ng dalaga. Hindi niya maipagkakailang masaya siya sa tuwing kasama niya ito. Humiwalay siya rito upang tingnan ang mukha ni Alunsina. Bakas pa rin ang pag-aalala nito. Nakakunot ang noo nito sa kaniya.
"Matulog ka nang mahimbing ngayong gabi at bukas na bukas ay narito na ako."
Tumango si Alunsina. "Hihintayin kita." Lumingon ito sa kaniyang mga kasama na ngayon ay kanina pa pala nakatitig sa dalawa. "Hihintayin namin kayo," dagdag niya.
"Kung gayo'y mag-iingat na lamang kayo, Kuya Waldo," bilin ni Manuel.
Pagkatapos magpaalam, kumuha ng tig-isang sulo ang tatlong lalaki bago tuluyang umalis. Kagaya ng sinabi nito, nilandas nila ang daan sa silangan.
Mabigat ang loob ni Alunsina habang pinapanuod ang pag-alis ng kaniyang mga kasama. Bagama't batid niyang may gulang na ang ito at kayang ipagtanggol ang kanilang mga sarili, hindi niya pa ring mapigilan ang kaniyang sarili na mag-alala.
"Alunsina, pumasok ka na sa loob," anyaya ni Manuel.
Tumango siya rito ngunit hindi pa rin gumagalaw sa kaniyang puwesto. Panay ang kaniyang tingin sa papalayong binata hanggang sa hindi na niya ito makita pa. Hindi niya nagugustuhan ang kaniyang nararamdaman ngayon. Pawang kumikirot ang kaniyang dibdib habang papalayo sa kaniya ang lalaki--na animo'y hindi na ito babalik.
SAMANTALA, lumipas ang isang oras ng paglalakbay, tahimik na naglakad sina Waldo, Kalapati at Buwitre sa gitna ng gubat. Bukod sa tunog ng kanilang mga yapak, naghahalo ang mga ingay ng kuliglig at huni ng mga ibon sa paligid. Madilim na ngunit nagbibigay tanglaw at gabay sa kanilang daan ang sulong bitbit ng bawat isa.
Tulad ng inaasahan, tinugpa ng tatlo ang daan mula sa Silangan upang mabilis na makarating sa bayan. Walang imik na naglalakad ang mga lalaki nang biglang mapahinto si Waldo dahilan upang magtaka ang kaniyang mga kasama.
"Waldo, ano iyon?" Lingon sa kaniya ni Kalapati.
Hindi nagsalita ang binata. Natuod lamang ito sa kaniyang kinatatayuan at pawang pinakikiramdaman ang paligid. Umiikot ang kaniyang tingin sa mga puno at nagtataasang damo sa tabi. Masama ang kaniyang kutob.
Hindi nagtagal, napansin ng dalawa niyang kasama ang kaniyang ipinapahiwatig. Akmang pupurma na sina Kalapati at Buwitre upang kunin ang kanilang mga baril ngunit sa isang kisapmata nagsilabasan ang hindi mabilang na mga guardia sibil mula sa likuran ng mga puno at mayayabong na damo. Ganoon na lamang ang pagkabigla ng tatlo nang palibutan sila ng mga ito sabay tutok ng mga dala nitong baril.
Nabitawan ng talo ang hawak nilang mga sulo at mabilis ring gumawa ng maliit na bilog at sabay-sabay na inangat ang kanilang mga armas sa direksyon ng kalaban.
Sandaling nagtutukan ng baril ang magkabilang panig. Doon na rin nila napagtanto kung gaano karami ang kanilang kalaban. Pawang isang malaking hukbo ng guardia sibil ang pumapalibot sa kanila ngayon.
Pagkuwa'y nagkatingnan ang tatlo na animo'y nagtatanong ang kanilang mga mata kung paano sila nito natunton. Gayunpaman, hindi namayani ang mga takot sa mga mukha nito bagkus galit ang kanilang nararamdaman.
"Hulihin sila!" sigaw ng isang teniente na siyang nanguna sa grupo.
Gumalaw ang mga guardia sibil at mahigpit na binantayan ang mga indio.
Bumibigat ang mga hininga ni Waldo habang pinag-aaralan ang kanilang sitwasyon. Kahit manlaban man sila o hindi, batid niyang wala na silang ibang kahahantungan kundi ang kamatayan. Mabuti nang mamatay sila ng lumalaban.
"Huwag kayong kikilos ng masama! Ibaba niyo ang inyong mga armas!" Malakas na sigaw ng teniente.
Humakbang ang unang linya ng mga dayuhan papalapit sa kanila ngunit hindi pa rin ibinababa ng tatlo ang hawak nilang mga baril.
"Waldo? Ano ang gagawin natin?" bulong ni Buwitre.
"Lalaban tayo!"
Sa sinabing iyon ni Waldo. Sabay silang nagpaputok ng baril dahilan upang matumba ang unang linya ng mga kawal. Nangingigil na sumisigaw ang mga ito habang walang tigil na pinapaulanan ng baril ang kanilang mga kaaway. Pawang wala nang paki-alam ang mga ito kung mamamatay man sila habang ginagawa iyon. Batid nilang kamatayan ang kanilang dadanasin ngunit hindi nila bibigyan ng isang matamis na tagumpay ang mga dayuhan.
Nabigla naman ang teniente sa biglagn atake ng mga ito at mabilis na nagtago sa likuran ng malaking puno. Walang itigil ring nagpapaputok ang mga guardia sibil upang ipagtanggol ang kanilang mga sarili. Umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng baril sa buong gubat nang sumiklab ang digmaan.
Napatigil lamang si Kalapati sa pagbabaril nang maramdaman niya ang mainit na likidong tumatagas sa kaniyang katawan. Sinuri niya ang kaniyang sarili at doon lamang niya napagtantong tadtad na ng bala ang kaniyang dibdib. Bagama't nagsisimula nang magdilim ang kaniyang paningin, hindi ito tumigil hangga't may natitira pang bala sa kaniyang baril. Napaubo na lamang siya ng dugo at napaupo sa lupa nang hindi na niya nakayanan pa.
"Kalapati!" sigaw ni Buwitre.
Ngunit, hindi na rin niya ito nagawang tulungan pa nang isang bala ang tumagos sa kaniyang noo. Animo'y isang kahoy na natumba ang lalaki sa lupa habang dilat ang mata.
"Putangina niyong lahat!" sigaw ni Waldo nang makita ang kalagayan ng kaniyang mga kasama.
Umalpas ang mga luha sa kaniyang mga mata habang walang tigil sa pagbabaril. Inilabas niya ang lahat ng kaniyang galit, kalungkutan at hinagpis sa kaniyang mga kalaban. Napatigil lamang siya sa pagbabaril nang tumama ang isang bala sa kaniyang tuhod dahilan upang mapaluhod siya sa lupa.
"Itigil niyo ang pagpapaputok!" Malakas na anunsyo ng teniente nang lumabas ito mula sa likuran ng puno.
Napahinto na rin sa pagpapatukok ng baril ang buong pulutong nang marinig ang iniutos ng kaniyang pinuno.
"Idiota!" mura nito.
Sinipa niya pa ang isang guardia sibil na malapit sa kaniya nang hindi siya makapagtimpi sa kaniyang galit.
"Bakit kayo kumilos ng wala akong inutos?! Kailangan natin sila ng buhay!"
Hindi nakaimik ang buong pulutong nang masaksihan ang galit ng teniente. Naglakad ito papalapit kay Waldo na ngayo'y namimilipit sa sakit dahil sa tamang natamo sa kaniyang tuhod. Marahas niyang hinila ang buhok ng lalaki upang suriin nang mabuti ang mukha nito. Isang ngiti ang kaniyang giniwad nang makita ang isa sa mga mukha sa likod ng kilalang grupo ng mga rebelde.
"Hindi ko akalaing ganito kayo kadaling hulihin," puna ng dayuhan.
Umiigting ang panga ni Waldo habang tinitignan ng masama ang dayuhan na nasa kaniyang harapan. Walang pagsidlan ang kaniyang galit na nararamdaman rito. Nais niyang hugutin ang mga mata nitong nangungutya habang nakatingin sa kaniya. Pawang kay liit lamang ng tingin ng mga dayuhan sa tulad niyang isang indio. Ramdam ni Waldo ang mga luhang nangingilid sa kaniyang mga mata dahil sa labis napanggigil.
"Bulagta na ang iyong mga kasama ngunit huwag kang mag-alala sapagkat wala akong balak na patayin ka. Kakailanganin ka pa ng aming kapitan," saad ng teniente.
Binitawan nito ang kaniyang buhok upang hugutin ang isang rebolber mula sa kaniyang gilid. Naglakad ang dayuhan papalapit sa mga walang buhay na katawan nina Kalapati at Buwitre saka ito walang pakundangang pinagbabaril.
Nanlaki ang mga mata ni Waldo sa nasaksihan.
"Putangina!"
Nanibasib ang kaniyang loob at akmang susugurin na sana ang teniente kung hindi lamang sa dalawang guardia sibil na pumigil sa kaniya. Dagli siya nitong muling pinaluhod sa lupa at hinawakan ang kaniyang magkabilang braso. Tahimik na lamang siyang umiyak nang wala na siyang ibang nagawa pa.
"Putangina niyong lahat! Mas masahol pa kayo sa hayop! Ikinasusuklaman ko kayo!"
Ngumisi ang teniente.
"Batid ko ang bigat ng mga salitang iyong binatawan. Kung hindi ka lamang namin kailangan ng buhay ay hindi ako magdadalawang-isip na hilain ang iyong maanghang na dila," nanggagalaiti nitong turan.
Tumawa si Waldo. Malakas siyang tumawa habang walang tigil pa rin sa paglaglag ang kaniyang mga luha. Nahulaan na niya kaagad ang nais na gawin sa kaniya ng mga dayuhan. Hindi siya kailanman magpapasakop sa mga ito.
Kaya't imbes na manatili sa kaniyang kinasasalampakan, mabilis na gumalaw si Waldo at inagaw ang hawak na baril ng isang guardia sibil. Sinipa niya ang isa pa kung kaya't lumuwag ang kapit nito sa kaniya. Imbes na itutok sa mga kalaban ang naagaw niyang armas, inilapat ni Waldo ang nguso ng kaniyang baril sa kaniyang sariling ulo.
Nanlaki ang mga mata ng teniente sa kaniyang nasasaksihan.
"Huwag mo ituloy ang iyong binabalak, indio. Sumuko ka na lamang," pakiusap ng dayuhan.
"Sa tingin niyo ba ay magpapahuli ako ng buhay sa inyo? Mamamatay ako hindi bilang isang rebeldeng sumuko sa mga dayuhan kundi isang magiting na Pilipinong handang mamatay para sa sariling bayan. Ako si Romualdo Pallera, miyembro ng kilusang La Independencia Filipinas. Ayon sa Artikulo Sinco ng kagalang-galang na kautusan; Huwag magpapahuli ng buhay."
Kasabay ng pagpikit ng kaniyang mga mata ay ang pag-alingawngaw ng malakas na tunog ng baril. Tumalsik ang dugo nito sa ere. Bumulagta siya sa lupa at umalpas ang mainit na pulang likido mula sa nawasak niyang bungo.
Bago siya nilamon ng kadiliman, nanumbalik sa kaniyang alaala ang mga eksenang tinuri niyang pinakamasayang sandali ng kaniyang buhay. Nakikita niya ang matatapang na mga Pilipinong kaniyang nakilala; ang Jefe, ang kapitan, si Ka Miyong at iba pa nilang kasamahan sa kilusan. Naalala niya ang mga ordinaryong araw kung saan natuto siyang lumaban.
Huling nasilayan niya ang imahe ng isang babae. Ang misteryoso nitong mga mata, ang mga matatamis nitong ngiti na siya lamang ang nakakakita, ang mga tingin nito sa kaniya.
Malinaw pa sa kaniyang isipan ang mukha ng isang dalagitang nakilala niya sa gitna ng kanilang pakikibaka. Si Alunsina noong kumain ito ng lugaw. Si Alunsina noong sila'y nasa daungan. Si Alunsina sa tuwing humawak ito ng baril at walang pag-aalinlangan na nakikipaglaban. Si Alunsina lamang--sa lahat ng araw.
Ang mga ordinaryong pagkakataon kung kailan niya ito nakasama, doon siya labis na naging masaya.
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro