Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 38

NAGSIMULA na ang kainan.


Inanyaya ang lahat ng mga dumalong panauhin na magtungo sa komedor ng mansion. Galak na galak ang karamihan sa mga ito nang makita ang mahabang mesa na puno ng iba't ibang putahe ng pagkain.


Ilang beses nang niyaya ni Pablo ang kaniyang kaibigan ngunit hindi pa rin ito natitinag sa kaniyang kinatatayuan. Pauli-ulit itong tumanggi sa kaniya at sinabing hindi pa ito nagugutom. Sa huli, mag-isang nagtungo ang mestizo sa komedor kasabay ang iba pang mga bisita upang kumuha ng pagkain.


Imbes na magtungo sa hapagkainan, pinili ni Simeon na magpaiwan sa salas. Nang masiguro niyang wala nang tao sa bulwagan, maingat niyang nilandas ang pasilyo patungo sa mahabang hagdan ng mansion.


Nagpalingon-lingon pa ito bago simulang pumanhik. Unti-unting humihina ang tugtugin mula sa orkestra habang papalayo siya sa bulwagan.


Mabilis niyang narating ang ikalawang palapag. Tulad ng unang beses niyang magawi rito, tahimik ang mga pasilyo. Ang mga tawanan, usapan at tugtugin sa ibaba ay hindi na niya halos marinig.


Maliwanag ang bawat sulok ng ikawalang palapag ng bahay na siyang nagmumula sa mga aranyang nakasabit sa kisame nito. Ilang mga nakasinding gasera rin ang kaniyang namataang nakalagay sa bawat haligi ng pasilyo.


Walang tao sa bahaging iyon kaya't hindi na siya nagdalawang-isip pa na tunguhin ang mga silid. Umalingawngaw ang bawat yapak ng kaniyang paa habang siya'y naglalakad. Una niyang tinungo ang kakaibang silid na nakita niya noong nakaraang araw.


Nakakandado pa rin ng tanikala ang pintuan nito. Itinapat niya ang kaniyang tenga rito ngunit wala rin siyang ibang naririnig maliban sa mga ingay nanggagaling sa ibaba.


Sinubukang buksan ni Simeon ang pintuan. Sinipa niya ito ng maka-ilang ulit ngunit hindi pa rin ito nagbubukas. Kinapa niya ang dala niyang baril sa likuran. Hindi siya maaaring magpaputok. Tiyak siyang mapapansin iyon ng mga tao lalo na ng mga guardia sibil na nagbabantay sa paligid ng mansion.


Sandaling nag-isip si Simeon ng paraan. Nilibot niya ang buong palapag upang maghanap ng bagay na maaari niyang magamit. Nasa dulo siya ng pasilyo nang mamataan niya ang isang imbakan ng mga kagamitang pang-hardin. Nakakita ang binata ng isang bolo, basahan, pala, kalaykay, at isang metrong haba na kinakalawang na bakal. Dagli niyang dinampot ang huli bagay na kaniyang nakita at muling bumalik sa silid.


Walang sabi-sabi niyang pinaghahampas ang kandado ng kadena na siyang gumawa naman ng malakas na ingay. Hindi tumigil si Simeon hanggang sa napansin niyang nayupi na ang kandado nito at mabilis niyang kinalas ang tanikala pumalibot rito.


Pagbukas niya ng pinto, kadiliman ang sumalubong sa kaniya. Wala siyang makitang kahit na anu o sinuman sa loob ng silid. Walang ilaw doon dahilan upang hindi niya makita ang buong lugar. Gayunpaman, nagtaka siya sapagkat kakaibang amoy ng silid. Amoy ng pinaghalong gamot at natuyong dugo ang paligid. Lumakas ang kaniyang pagtataka kung kaya't madali niyang dinikwat ang nakasabit na gasera malapit sa kaniya at inilawan ang silid.


Ganoon na lamang ang kaniyang pagkabigla nang maaninag niya ang isang babaeng nakaupo sa sahig at nakasandal sa hulihan ng kama.


"Agueda!?"


Naibaba ni Simeon ang hawak niyang gasera sa sahig at mabilis na nilapitan ang dalaga. Nanginginig ang kaniyang mga kamay nang hawakan niya ito sa balikat. Nagmulat ang mga mata ng babae at matagal siyang tinitigan. Tila kinakumbinsi nito ang kaniyang sarili kung totoo ba ang nakikita. Ganoon pa rin ang suot nito mula noong huli niya itong nakita. Ngunit, tuyo na ang labi nito, mugto ang mga mata at pawang hinang-hina na animo'y ilang araw na itong hindi kumakain.


"S-Simeon?" paos na sambit ng dalaga.


"Ako ito."


Hinaplos ni Simeon ang pisngi ng babae. Pawang natauhan naman si Agueda at napagtanto ang mga nangyayari. Nag-umpisang mangilid ang kaniyang mga luha hanggang sa hindi na niya ito mapigilan pa. Napapikit na lamang siya nang maglaglagan ang butil-butil niyang luha sa kaniyang pisngi. Mahigpit siyang niyakap ni Simeon na siyang lalo nagbigay sa kaniya ng labis na galak at lungkot. Hindi niya inasahang lilitaw ang binata sa mga oras kung kailan labis niya itong kailangan.


"Tahan na," alo sa kaniya ng binata. "Narito na ako."


Tumigil sa pag-iyak ang dalaga nang humiwalay sa kaniya ang binata. Gamit ang palad, pinahiran nito ang mga luhang umalpas sa kaniyang mga mata.


"Anong ginawa mo rito?" mahinang bulong ni Agueda.


Hindi siya humingi ng tulong rito noong minsang naparito ang binata sapagkat ayaw niya itong mapahamak ngunit hindi niya akalaing ito na mismo ang lalapit sa kaniya.


"Hindi ka na dapat nagpunta pa," dagdag niya.


Ngumiti si Simeon. "Marahil ay nakalimutan mo na ngunit araw ng Biyernes ngayon, Agueda."


"Baka nakakalimutan mo ring nagtapos na ang kasunduan nating iyan buhat nang isauli ko sa iyo ang singsing mo, dalawang buwan na ang nakaraan."


"Tama ngunit hayaan mo na ako. Nais lamang kitang makita."


Natahimik si Agueda. Ayaw na niyang dagdagan ang kaniyang utang na loob rito ngunit kahit anumang pigil niya, kusang pinaglalapit sila ng tadhana. Lumilitaw ang lalaki kung kailan kailangan niya ng masasandalan.


"Aalis tayo rito. Kaya mo bang tumayo?" tanong nito.


Tumango si Agueda.


Sinubukan niyang tumayo mula sa pagkakasalampak habang inaaalayan siya ni Simeon. Kumikirot pa ang kaniyang sugat kaya't paika-ika pa siya kung maglakad. Umakbay ang dalaga sa balikat ng lalaki at sabay nilang nilisan ang silid.


Unang bumungad sa kanila ang nakakasilaw na liwanag. Napapikit pa si Agueda nang manibago ang kaniyang mga mata doon. Ilang araw siya nakulong sa kaniyang kwarto ng walang ilaw kaya't hindi siya nasanay sa liwanag. Narinig niya rin ang mga masiglang tugtugin at tawanan ng mga tao sa ibaba.


"Anong mayroon?" nagtatakang tanong niya.


"Nagpaunlak ng isang selebrasyon si Don Esteban," sagot ni Simeon.


"Selebrasyon para saan?"


"Hindi ko rin batid kung para saan ang pagdiriwang na ito ngunit narito ang lahat ng mga mayayamang pamilya sa bayan at ibang kaibigan ng pamilyang Ricarte. Narito rin ang kapitan ng guardia sibil at ang aking ama."


Nanghihina man, pilit na pinagmasdan ni Agueda ng itsura ng lalaking kaniyang kasama. Ngayon niya lamang napagtantong nakasuot ito ng isang magarang damit. Iba rin ang ayos ng buhok nito kaya't muntik na niyang hindi ito makilala kanina.


"Hindi tayo maaaring dumaan rito sa hagdan sapagkat maraming tao sa ibaba. Alam mo ba kung saan tayo maaaring dumaan?" usisa ni Simeon.


"Si Artemio!" bulalas ni Agueda nang maalala ang lalaki. "Si Artemio! Nasaan siya?"


Napatigil si Simeon sa paglalakad upang tingnan ang dalaga.


"Wala siya sa ibaba. Malamang ay nasa kaniyang silid rin ito," sagot niya.


Pawang sinakop ng labis na pag-aalala ang mukha ni Agueda.


"Ikinulong rin siya katulad ko. Kailangan natin siyang puntahan. Hindi ko siya maaaring iwan na lamang rito."


Walang nagawa si Simeon kundi pagbigyan ang ninanais nito. Sabay nilang tinungo ang pangalawang silid mula sa kanan. Hindi tulad ng silid ni Agueda, walang kahit na anumang tanikala ang nakakabit sa pintuan nito.


Pinihit ni Simeon ang busol ng pinto. Pagbukas ay bumungad sa kanila ang isang lalaking nakaupo sa dulo ng kama. Malayo sa itsura ng kwarto ng dalaga ang kanilang nadatnan. Puno ng gasera ang silid upang magsilbing liwanag habang kapansin-pansin naman ang mga platong pinagkainan nito na iniwan lamang sa ibabaw ng mesa.


"Agueda!?"


Namilog ang mga mata ng kapitan nang makita ang kalagayan ng dalaga. Dagli niyang nilapitan ito at inakay palapit ng kama. Sumunod naman si Simeon sa loob at isinarado ang pinto.


"Agueda, anong nangyari sa iyo? Bakit ganyan ang iyong itsura?" sunud-sunod na tanong ni Artemio.


Hindi sumagot ang dalaga. Tanging iling lamang ang ginagawa nito. Maya't maya pa itong pumipikit dahil sa labis na panghihina. Gumalaw si Artemio at inabot ang isang baso ng tubig na nakapatong sa kaniyang lamesa. Inilapit niya ito sa bibig ng babae at halos maubos ni Agueda ang laman nito.


"Ikinulong siya sa kaniyang silid. Nanunuyo na ang kaniyang labi kaya't palagay ko ay ilang araw na siyang hinid kumakain at umiinom," si Simeon ang sumagot.


Napalingon naman sa kaniya si Artemio. Doon niya lamang nakilala ang lalaking kasama ng dalaga.


"Sandali lamang, anong ginagawa mo rito?" takang tanong niya.


Bumuntong hininga si Simeon. Wala siyang panahon upang magpaliwanag ngunit pinili niyang sagutin ito upang malinawan silang lahat.


"Hindi ko batid kung anong nangyayari sa inyong pamilya o kung anumang klase ng suliranin ang mayroon kayo ngayon ngunit hindi makatuwiran itong ginagawa ni Don Esteban. Nakakulong si Agueda sa kaniyang silid na siyang kinandaduhan ng isang tanikala nang matagpuan ko siya. Madilim ang kwarto niya at walang kahit na anumang pagkain o inumin sa loob. Pawang pinaparusahan siya."


"Alam na ng aming ama ang tungkol sa kilusan," diretsong sagot ni Artemio.


Kumurap si Simeon. Hindi niya akalaing iyon pala ang dahilan ng kanilang paghihirap ngayon.


"Kung gayon ay pinaparusahan nga kayo nito. Hindi na kayo ligtas rito."


Umiling si Artemio. Pagkuwa'y napatingin siya kay Agueda. Bigla siyang nakaramdam ng galit nang makita niya ang kalagayan nito. Sa loob ng tatlong araw, buong akala niya ay nasa maayos lamang ito. Akala niya'y tulad niya, nakakakain pa rin ito at kahit papaano'y ligtas sa loob ng sariling silid. Hindi niya inasahang naghihirap na pala ang dalaga sa mga panahong iyon. Napapikit si Artemio upang pigilan ang kaniyang galit.


"Si Agueda lamang ang hindi na ligtas rito. Batid ko kung bakit siya lamang ang pinapahirapan ng aking ama sapagkat akala niya ay si Agueda ang nag-udyok sa akin upang sumali sa kilusan. Isa pa, ako ang nag-iisang anak niya, hindi niya ako kayang saktan o parusahan man lang."


"Anong ibig mong sabihin?"


"Itakas mo si Agueda. Ilayo mo siya rito. Mainam kung dadalhin mo na lamang siya sa bundok. Batid niya kung saan ang aming pangalawang kuta."


Umiling si Simeon. "Hindi niya kayang maglakad ng mahaba sa ganiyang kondisyon."


"Kakayanin niya. Dapat niyang pilitin."


"Ngunit, paano ka?"


"Narinig ko ang trumpeta sa ibaba kaya't batid kong narito ang Gobernador-Heneral. Batid ko kung anong dahilan ng kaniyang pagparito. Kailangan kong alamin kung anong binabalak ng aking ama. Magpapaiwan ako."


"Hindi."


Kapwang napalingon ang dalawang lalaki nang marinig nila ang boses ng dalaga. Nakatitig sa kanila ang mga malalamyang mata ni Agueda na pawang kanina pa ito nakikinig sa kanilang usapan.


"Hindi ka magpapa-iwan rito, Artemio. Sumama ka sa'min."


Hinaplos ni Artemio ang kamay nito upang pakalmahin.


"Kailangan kong gawin ito. Susunod na lamang ako sa iyo."


Sunud-sunod na umiling si Agueda. "Hindi ako papayag. Kung magpapaiwan ka, hindi na rin ako aalis."


"Agueda," saway ng binata sa katigasan ng ulo nito. "Hindi ko ito ginagawa para sa iyo. Ginagawa ko ito para sa kilusan. Magtiwala ka lamang sa akin."


Nagtitigan ang dalawa. Nakaramdam si Simeon ng kaunting bahid ng paninibugho. Malakas siyang tumikhim upang agawin ang atensyon ng mga ito. Natauhan naman rin si Agueda. Kusa niyang inilayo ang kaniyang kamay na hawak ni Artemio.


"Tungkol sa inyong kilusan, sa tingin ko'y may dapat kayong malaman," pag-iiba ni Simeon ng usapan. "Noong isang araw, isang pagsisiyasat ang ginawa ng mga guardia sibil sa bundok Mirador. Nakakita sila ng isang sunog na bahagi ng gubat at mga bakas ng mga yapak ng tao at bakas ng kabayo. Sa kanilang palagay, doon sinunog ang mga kalesang ginamit ninyo noon sa daungan."


"Ano?" Hindi makapaniwalang tanong ni Artemio. "Hindi ko akalaing mararating nila ang pusod ng kagubatan. Hindi na nalalayo roon ang aming pangalawang kuta."


"Batid kong wala ako sa lugar upang sabihin ito ngunit kailangan niyo nang umalis upang abisuhan ang inyong mga kasama," saad ni Simeon. "May binabalak ang aking ama at ang buong sandatahan ng mga guardia sibil, hindi ko lamang alam kung ano iyon."


Nagkatinginan sina Artemio at Agueda. Sa lahat ng bagay, kapwa nilang pinapahalagahanng lubos ang kanilang kilusan. Nanumpa silang kapakapanan nito ang uunahan bago ang pansariling interes. Labag man sa kalooban ni Agueda, sinubukan niyang tumayo mula sa kama.


"Dadaan kami sa bintana," hayag niya. "Pipilitin kong makarating ng ligtas sa ating pangalawang kuta. Siguraduhin mong susunod ka, kapitan."


Tumayo na rin si Artemio. Bumuntong hininga siya at tiningnan sa mata ang kausap.


"Panghawakan mo ang aking salita, Jefe."


Nagpantig ang tenga ni Simeon sa narinig. Kumurap siya habang pinapanuod ang dalawa. Hindi siya maaaring magkamali. Tiyak siyang tama ang kaniyang narinig. Nagugulat siya sa kaniyang mga nalalaman ngayon. Hindi niya inasahang si Agueda pala ang pinuno ng kilusang kinabibilangan nito. Naiintindihan niya na ngayon kung bakit ganoon na lamang kalaki ang mga pagsasakripisyo nito.


Araw-araw na lamang siyang namamangha sa dalaga. Isang malaking karangalan na sa kaniya ang makakilala ng isang babaeng kayang lumalaban gamit ang baril. Ano pang mararamdaman niya ngayon na nalaman niyang hindi lamang ito isang pangkaraniwang mandirigma.


"Tayo na, Simeon."


Natauhan ang dayuhan nang maglakad si Agueda papalapit ng bintana. Binuksan ito ng babae dahilan upang pumasok ang malamig na simoy ng hangin sa loob. Akmang susunod na sana si Simeon nang bigla siyang pinigilan sa braso ni Artemio.


"Ikaw na ang bahala sa kaniya," habilin nito. "Wala akong mapamimilian ngunit kailangan kong magtiwala sa iyo."


Isang tango na lamang ang ibinigay rito ni Simeon bago niya ito nilampasan. Dumungaw siya sa bintana, nabigla pa siya nang mapagtantong nakababa na si Agueda sa lupa.


Bumuntong hininga siya. Ano pa bang inaasahan niya rito?


Tumalon na rin siya mula sa ikalawang palapag at tahimik na lumapag sa lupa. Mabilis siyang nagtago sa halaman, sa tabi ng dalaga.


"Hindi pa gumagaling ang iyong sugat at nanghihina pa ang iyong katawan, maari bang huwag ka munang gumalaw ng hindi ako kasama?" bulong ni Simeon.


Sinipat siya ni Agueda. "Sanay akong tumatalon sa bintana."


"Ngunit hindi ako sanay na nakikitang ganoon ang iyong ginagawa."


"Kaya ko na ang aking sarili—"


"Huwag kang magmagaling, Agueda. Maaari bang makinig ka na lang muna sa akin? Kahit ngayon lamang?"


Umismid na lamang ang dalaga nang mapansin ang pagsusungit ng binata. Hinayaan niyang hilain siya ni Simeon palayo sa mga nagbabantay na mga guardia sibil. Sabay nilang tinungo ang likurang bahagi ng mansion at lumapit sa matayog nitong bakod.


Madilim ang bahaging iyon kaya't walang sinuman ang nagbabantay. Lumuhod ang binata sa lupa upang maging baitang ni Agueda habang ito'y umaakyat. Bagama't kulay puti nag suot nitong amerikano, hindi nagdalawang-isip ang babae na apakan ang balikat nito. Matayog ang bakod ng mansion kung kaya't halos pagpawisan siya bago tuluyang makaakyat.


Nang makatawid si Agueda sa kabilang bahagi, bumwelo naman si Simeon upang siya naman ang umakyat. Walang kahirap-hirap niyang tinawid ang bakod at marahang bumaba sa kabilang bahagi.


Napapataas na lamang ng kilay si Agueda habang pinapanuod ito. Hindi na siya nagtataka. Una niya itong nakita sa itaas ng kampana ng simbahan habang namamaril. Isang kalokohan kung simpleng bakod lamang ay hindi nito kayang akyatin.


"Halika na," anyaya ni Simeon sa kaniya.


Bago tuluyang lumisan, nilingon pa ni Agueda ang malaking mansion kung saan siya lumaki at natuto sa buhay. Hindi niya alam kung kailan ulit siya makakauwi rito. Kahit papaano'y naging tahanan niya ito sa loob ng walong taon.


Batid niyang galit sa kaniya si Esteban. Nawa'y hindi matabunan ng galit ang natitira niyang pagmamahal rito. Lihim rin siyang nagdarasal sa kaligtasan ni Artemio. Marami na itong ginawa sa kanilang kilusan ngunit ito yata ang pinakamahirap sa lahat.


Nag-aalala siya sa kapitan. Gusto niya itong samahan ngunit batid niyang mas may mahalaga siyang bagay na kailangang gawin. Wala man siya sa tabi ni Artemio ngunit ibinubulong niya sa hangin ang kaligtasan nito hanggang sa susunod nilang pagkikita.


***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro