Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 36

TULALA lamang si Agueda habang nakatitig sa kisame ng kaniyang kwarto. Nakahiga siya sa malamig na sahig. Naglalakbay ang kaniyang isipan sa kung saan. Nais niyang tumakas at umalis sa mansion ngunit nakapinid ang lahat ng kaniyang bintana. Ginawa na niya rin ang lahat upang mabuksan ang kaniyang pintuan ngunit nakakandado ito mula sa labas.


Wala siyang ibang nararamdaman ngayon kundi ang pag-aalala. Hindi na niya alintana ang kaniyang sugat sa binti na maya't maya pang kumikirot. Maging ang gutom at pagkauhaw ay hindi na niya pinapansin. Nag-aalala siya sa kaniyang mga kasama sa kilusan. Tiyak siyang hindi na mapalagay ang mga ito dulot ng kaniyang pagkawala. Maging ang kapitan ngayon ay nakakulong rin sa sarili nitong silid.


Tanggap na ni Agueda ang kinahihinatnan ng kaniyang paglilihim sa ama. Hindi siya kayang suportahan nito sa kaniyang mga hangarin kaya't hindi na niya ipipilit pa iyon. Tutol si Esteban sa kaniyang pagsali sa kilusan ngunit hindi siya hihinto lamang dahil sa ganoong dahilan. Bagama't utang na loob niya ang buhay niya rito ngunit nangingibabaw pa rin sa kaniya ang pagmamahal niya sa bayan. Hindi na siya magugulat pa kung itatakwil siya nito. Hinihiling lamang niya ay sana'y hindi madamay sa galit nito si Artemio.


Bumuntong hininga si Agueda nang marinig niya ang pagkulo ng kaniyang sikmura. Nagugutom na siya. Hindi pa siya kumakain buhat nang makulong siya sa kaniyang silid. Maging tubig at gasera upang ilawan ang kaniyang kwarto ay hindi man lamang nag-abala ang kaniyang ama na dalhan siya.


Lumunok na lamang siya ng kaniyang laway habang hinahaplos ang kaniyang tumutunog na tiyan. Tatlong araw pa. Tatlong araw pa bago siya muling makalabas. Ngunit, batid niyang kapag dumating man ang araw na iyon ay wala na rin siya kalayaan pa. Tiyak siyang babakuran na ng kaniyang ama ang kanilang mansion at babantayan ang lahat ng kaniyang kilos.


Napamulat si Agueda nang makarinig siya ng kalabog mula sa pinto. Mabilis siyang gumapang patungo rito at itinapat ang kaniyang tenga ngunit wala siyang ibang naririnig sa labas. Malalim na buntong hininga ang kaniyang pinakawalan. Guni-guni lamang ba niya iyon?


Akmang lalayo na ang dalaga ngunit napatigil siya nang marinig ang isang pamilyar na boses ng lalaki sa labas.


"Maria, ikaw pala."


Kumunot ang kaniyang noo. Ilang beses na niyang kinagat ang kaniyang ibabang labi upang kumbinsihin ang sarili na totoo ang kaniyang mga naririnig ngunit nakakatiyak siyang hindi ito gawa ng kaniyang imahinasyon.


Nagmadali niyang muling itinapat ang kaniyang tenga sa pintuan upang marinig ang usapan sa labas.


"Naghahanap lamang ako ng palikuran."


Nabuhayan siya nang marinig ang boses ni Simeon. Hindi siya maaaring magkamali. Kilala niya ang boses ng lalaki.


"Naku! Wala po riyan ang palikuran nasa baba po. Gusto niyo po bang samahan ko kayo?"


"Huwag na. Kaya ko na ang aking sarili. Huwag mo na lamang sabihin sa aking Papa at kay Don Esteban na ako'y naligaw. Ayokong mapahiya."


Hindi batid ni Agueda kung anong ginagawa ng binata. Nais niyang humingi ng tulong rito ngunit nagdalawang-isip siya. Akmang kakatok na sana siya sa pinto upang malaman ng binata na naroon siya sa loob ngunit nangibabaw sa kaniya ang takot. Ayon sa kaniyang narinig, nasa mansion ang Gobernador-Heneral, ayaw niyang mapahamak ang lalaki dahil sa kaniya.


Imbes na gawin iyon, nanghihinang umupo na lamang si Agueda sa sahig at sumandal sa likuran ng pintuan. Nais niyang umiyak sa labis na pagkadismaya. Nais niyang isigaw ang pangalan ni Simeon. Nais niyang humingi ng tulong rito. Nais niyang makahanap ng taong masasandalan. Ngunit, ayaw niyang maging makasarili.


Siya ang mas nakakaalam kung anong klase ng sitwasyon ang mayroon siya ngayon. Batid niyang malalagay lamang sa panganib ang lalaki.


Base sa kaniyang narinig, kung tunay ngang narito ang Gobernador-Heneral sa mansion ng mga Ricarte, ayaw niyang aminin ngunit dahan-dahan na siyang nawawalan ng tiwala sa kaniyang ama. Kilala niya ito. May ugali rin itong magpagmataas at arogante. Natatakot siya sa posibilidad na marahil isiniwalat na ni Esteban sa Gobernador-Heneral ang lahat ng mga nalalaman nito.


SA karatig bundok ng Mirador.


Tanaw ni Alunsina ang kaniyang mga kasapi sa kilusan habang nagbabantay ang mga ito sa paligid ng kanilang pangalawan kuta. Malayo ang daang kaniyang tinahak kaya't ilang oras rin ang kaniyang ginugol sa paglalakbay. Gayunpaman, hindi pagod ang kaniyang nararamdaman ngayon. Nais niyang iulat sa kapitan ang nangyari sa kanilang unang kuta.


Kumaway ang dalagita nang mapalingon sa kaniya si Waldo. Napansin rin siya nina Manuel, Mateo at Jose. Agad na napatakbo ang mga ito upang salubingin siya.


"Alunsina! Anu't naparito ka?" Dagling tanong ni Waldo nang makalapit.


"Bakit mag-isa ka lamang?" tanong rin ni Manuel.


Sinipat niya ang mga lalaki. Ngunit, imbes na sagutin ang mga tanong nito. Pinili niyang pag-usapan ang kaniyang tunay na pakay.


"Nariyan ba ang kapitan?" usisa niya.


Natigilan ang mga ito sa paglalakad dahilan upang magtaka ang dalaga.


"Hindi pa napaparito ang kapitan buhat nang bumababa ito ng bundok upang hanapin ang Jefe," sagot naman ni Jose. "Dalawang araw na kaming naghihintay sa kaniya ngunit hindi pa rin siya nakakabalik."


"Ano!? Hindi niyo ba siya hinanap sa bayan?"


Umiling si Manuel. "Hindi, Alunsina. Ibinilin niyang walang aalis ng kuta hangga't hindi pa siya nakakabalik."


Sandaling nag-isip si Alunsina. Kailangan niyang makita ang kapitan ngayon. Kailangan niyang ipaalam rito ang nangyayari. Nawawala pa ang Jefe at hindi pa bumabalik ang kapitan. Hindi sila maaring kumilos ng sila-sila lamang.


"Bakit, Alunsina? Ano ang iyong pakay sa kapitan?" tanong naman ni Waldo nang mapansin nito ang kaniyang pagkabalisa.


"Wala ba kayong napapansing umaali-aligid rito?"


Nagkatinginan ang tatlong lalaki. Kapwang nagtatanong ang kanilang mga mata sa ibig ipahiwatig ng kasama.


"Katatapos lamang sa pagroronda ang iba nating kasapi," sagot ni Waldo. "May problema ba, Alunsina? May gumagambala ba sa iyo?"


"Isang pulutong ng mga guardia sibil ang nagsisiyasat rito sa bundok. Kaninang umaga, natagpuan nila ang kubo ni Ka Miyong."


Namilog ang mga mata ng tatlo sa narinig.


"Ano!? Ano ang nangyari? Nasaktan ba si Ka Miyong? Ikaw, nasaktan ka ba?" Sunud-sunod na tanong ni Waldo sa kaniya.


"Nasaan sina Ka Miyong?" usisa rin ni Jose.


"Nalaman ba nila ang ating sekreto?" tanong naman ni Mateo.


"Hindi ka na dapat naglakbay pa. Batid mong delikado," sambit naman ni Manuel.


"Huminahon lamang kayo. Hindi naman nila natunugan na ang maliit na kubong iyon ay kuta ng mga rebelde. Mabuti na lamang at nakapaglinis na tayo roon bago pa man nag-umpisa ang pagsisiyasat. Nais kong makausap ang Jefe o di kaya ang kapitan upang iulat sa kanila ang nangyari. Masama ang kutob ni Ka Miyong. Kung patuloy na gagalugarin ng mga dayuhan ang mga bundok, tiyak akong matutunton rin nila tayo rito."


"Isang suliranin na naman ito," puna ni Waldo. "Ngunit, ano na ang ating gagawin ngayon. Hindi tayo maaaring kumilos ng walang pahintulot mula sa Jefe o sa kapitan."


"Ngunit, hindi rin tayo maaaring umupo na lamang rito at maghintay," saad ni Alunsina. "Hindi tayo handa kung sakalimang sumugod ang mga dayuhan."


"May punto ka, Alunsina. Siya nga pala, saan ka ba dumaan? Wala ka bang ibang nakasalubong o nakasunod man lamang sa iyo?"


Umiling si Alunsina. "Wala, dumaan ako sa kanluran. Nag-ingat naman ako."


Tumango si Waldo at tinapik siya sa balikat. "Mabuti at ginawa mo iyon. Isang mahalagang ulat itong iyong ipinarating sa amin kaya't nararapat lamang itong malaman ng Jefe at kapitan."


"Ano ang gagawin natin?" Buntong-hininga ni Jose. "Hindi natin alam kung nasaan ang Jefe at nasa bayan rin ang kapitan."


Nagpantig ang tenga ni Alunsina nang marinig ang huling sinabi ng binata.


"Batid niyo ba kung nasaan ang bahay ng kapitan sa bayan?"


"Batid ko," sagot ni Waldo. "Gayunpaman, hindi magiging madali kung pupuslit man tayo sa loob. Ang Kapitan; siya si Artemio Ricarte, ang bugtong anak ng isa sa mga pinakamayamang pamilya sa bayan."


Nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nilang lahat. Kita ni Waldo ang pagkabigla sa mukha ng kaniyang mga kasama. Napakurap siya nang mapagtanto niya ang kaniyang sinabi.


"Hindi ko dapat sinasabi sa inyo ito. Ngunit, nais kong ipaalam sa inyo na hindi dapat tayo mag-alala sa kapitan sapagkat walang sinumang dayuhan ang mangangahas na kalabanin siya. Tanyag na mang-aalahas ang kaniyang ama. May yaman at kapangyarihan sila upang protektahan ang kanilang mga sarili."


"Nakakatiyak ka ba riyan, kuya Waldo?" pag-aalangan ni Jose. "Ang ibig mong sabihin ay nakatira ang kapitan sa malaking mansion ng Ricarte sa bayan?"


"Siyang tunay, Jose!"


"Hindi ako makapaniwalang mayaman pala ang kapitan!" sigaw nito sa galak.


"Ako rin! Naririnig ko na ang pangalang Artemio Ricarte ngunit hindi ko akalaing siya pala iyon." Wala sa sariling sambit ni Manuel.


"Ilihim niyo na lamang ang aking sinabi. Kilala ko rin ang Jefe kaya't magtiwala na lamang tayo sa kanila."


"Ngunit, ano ang ating gagawin?" tanong ni Alunsina. "Maghihintay na lamang ba tayo? Hindi ba tayo bababa ng bundok upang hanapin ang kapitan at Jefe?"


Bumuntong hininga si Waldo. "Ipaalam na lamang muna natin ito sa lahat ng ating mga kasapi. Bilang isang kilusan, gumawa tayo ng pagpapasiyang makabubuti sa lahat."


Sumang-ayon ang tatlo. Sabay silang nagtungo palapit sa kanilang kuta at inabusihan ang lahat sa gagawing pagpupulong. Agad na tumalima naman ang mga ito.


Sampung mga kalalakihan lamang ang hindi pumasok sa loob upang ipagpatuloy ang pagbabantay ng mga ito sa lugar.


Sa loob, diretsong inulat ni Alunsina ang nangyari sa kanilang unang kuta. Sari-saring reaksyon ang kanilang mga narinig mula sa kanilang mga kasamahan. Ang iba'y nag-aalala sa kalagayan nina Ka Miyong, mayroon ring nagagalit sa mga dayuhan at ang ilan ay nagsisimula nang matakot sa maaaring mangyari sa hinaharap.


"Batid ninyong lahat na hindi pa natin alam kung nasaan ang Jefe ngayon at hindi pa rin nakakabalik ang kapitan. Bagama't ginagalang natin ang kanilang posisyon, kakayahan at desisyon, ngunit, hindi tayo maaaring manatili na lamang rito at maghintay," paliwanag ni Waldo.


"Ano ang suhestiyon mong gagawin natin, Waldo?" tanong ni Buwitre habang nakasandal sa hamba ng pinto.


"Hindi mahalaga ang aking suhestiyon rito. Hinihingi ko ang inyong opinyon kung ano sa tingin niyo ang makabubuti sa ating kilusan."


Nagkaroon ng bulungan sa silid. Iba-iba ang kuro-kuro ng bawat isa hanggang sa itinaas ni Kalapati ang kaniyang kamay dahilan upang mapatingin sa kaniya ang lahat. Binigyan siya ng pagkakataon ni Waldo upang magsalita.


"Isang tagong lugar ang ating kuta kaya't tiyak akong hindi ito madaling matutunton ng mga dayuhan. Batid kong hindi kayo matutuwa sa aking sasabihin ngunit sa tingin ko ay hindi dapat tayo ang magdesisyon sa bagay na ito. Ang Jefe at kapitan, sila ang mas nakakaalam kung ano ang dapat nating gawin. Bakit hindi tayo maghintay ng dalawa pang araw. Kung hindi pa rin makakabalik ang Jefe at kapitan rito sa ating kuta, bababa na tayo ng bayan upang hanapin sila."


Tumangu-tango si Waldo. Nauunawaan niya ang hinaing nito.


"Sang-ayon ako sa suhestiyon ni Kalapati," anunsyo niya. "May iba pa bang gustong magsalita?"


"Sang-ayon rin ako sa kaniya," segunda naman ni Buwitre. "Hintayin na lamang muna natin ang Jefe at kapitan. Kilala niyo ang ating Jefe, ayaw niya ng pinangungunahan siya."


Tahimik na tumangu-tango na lamang ang iba pa nilang kasama. Ilang beses pang binigyan ni Waldo ang lahat upang magsalita ngunit lahat ay pumayag sa naging suhestiyon ni Kalapati.


"Sa susunod na dalawang araw, kung hindi pa nakakabalik ang Jefe at kapitan. Bababa tayo ng bundok upang hanapin sila sa bayan."


"Magp-presenta akong sumama!" sabad ni Alunsina dahilan upang mapatingin sa kaniya ang lahat. Gulat ang mga mukha nitong nakatitig sa kaniya.


"Hindi maaari!" kontra ni Waldo. "Hindi ka makakatulong kung ika'y sasama pa."


Kumunot ang noo ng dalagita. "Hindi makakatulong? Iniisip mo bang pabigat lamang ako?"


"Kami na lamang nina Kalapati at Buwitre ang bababa kung sakaliman."


"Waldo—"


"Ang pasiyang iyon ay pinal at hindi na mababago kaya't huwag ka nang magpumilit pa, Alunsina. Dumito ka na lamang sa ating kuta."


Natahimik na lamang ang dalagita nang mataman siyang tinitigan ni Waldo. Napayuko siya at pinigilan ang kaniyang sarili na magalit rito. Naiintindihan niya kung gaano ka-seryoso ang kanilang suliranin ngayon. Batid niyang wala siya gaanoong maitutulong ngunit hindi naman yatang tamang ipamukha sa kaniya nito na hanggang doon na lamang siya. Masakit iyon na marinig lalo na't sa isang binatang ginagalang niya ng husto.


Natapos ang buong pagpupulong nang hindi na siya umiimik. Imbes na matulog, dumireto si Alunsina sa labas upang magpahangin. Pagod ang kaniyang buong katawan ngunit hindi siya dinadalaw ng antok. Ayaw niyang umidlip ng masama ang kaniyang loob. Nais niyang palipasin muna ang kaniyang galit at pagkadismaya.


Nasa maliit na veranda siya ng ikalawang palapag ng bahay kaya't tanaw ni Alunsina ang kaniyang mga kasamahang nag-uumpisa na namang magronda sa paligid. Namukhaan niya sina Mateo, Jose at Manuel sa 'di kalayuan habang bitbit ang mga sulo nito. Ang grupo nila ang nakatukang magbantay ngayon ng kuta.


Bumuntong hininga ang dalagita. Nais niyang magpalipas ng oras ngunit wala naman siyang makausap. Akmang aalis na sana siya sa kaniyang kinauupuan nang biglang lumitaw si Waldo sa kaniyang tabi dahilan upang mapausog siya. Walang sabi-sabing umupo ito malapit sa kaniya. Napalunok siya nang makaramdam ng kaba.


"Galit ka ba sa'kin?" panimula nito sa kaniya.


"Ano?" sambit niya na halos pabulong na.


"Galit ka sa akin kaya't hindi ka makatulog? Hindi rin ako makatulog sapagkat batid kong masama ang iyong loob."


Pinagmasdan ni Alunsina ang mukha nito. Madilim man ngunit nakatulong ang sulong nakakabit sa tabi ng veranda upang maaninag niya ang wangis ng binata. Dilat na dilat pa ang mga mata nito na animo'y hindi talaga makatulog.


Tumikhim si Alunsina. Hindi naman siya nagagalit. Siguro'y pagkadismaya lamang ang kaniyang nararamdam. Ayaw niyang magalit rito. Hindi niya yata kaya.


"Hindi ako galit," paliwanag niya. "Ngunit, hindi ko rin nagustuhan ang iyong tinuran kanina. Sa iyong palagay, pabigat lamang ba talaga ako sa kilusan?"


Napalapit si Waldo nang husto sa kaniya nang banggitin niya ang tungkol doon. Hinawakan nito ang kaniyang mga kamay upang patigilin siya sa pag-iisip ng masama.


"Alunsina, huwag mong sabihin iyan. Kailanman ay hindi ko iyon naisip. Malaki ang iyong ambag sa kilusan. Isa ka sa mga pinakamagaling na mandirigmang aking nakilala."


"Kung gayo'y bakit hindi ka pumayag na ako'y sumama? Nais kong makatulong."


Ilang beses na umiling si Waldo. Marahan niyang hinaplos ang kamay ng dalaga. Hindi niya alam kung paano niya sasabihin rito ang totoo nang hindi nasasaktan ang damdamin nito. May tiwala naman siya rito ngunit hangga't maari, hindi niya hahayaang malagay ito sa kapahamakan. Isang mahalagang misyon ang kanilang gagawin kaya't sila na lamang ang gagawa n'on.


"Kaya ko namang ipagtanggol ang aking sarili. Ano pa ba ang dapat kong patunayan?" dagdag ni Alunsina.


"Wala kang dapat patunayan, Alunsina. Iniisip ko lamang ang iyong kaligtasan. Hindi ko rin magagampanan ng maayos ang aking tungkulin sapagkat mag-aalala ako sa iyo. Kaya't pakiusap, dumito ka na lamang."


"Waldo—"


"Waldo?" ngiti ng binata sa kaniyang sarili. "Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako sanay na tinatawag mo ako ng ganyan. Mas matanda ako ng apat na taon sa iyo."


Kumunot ang noo ni Alunsina. Hindi siya makapaniwalang iniiba nito ang kanilang usapan.


"Babalik ba ulit tayo sa ganiyang paksa?"


"Hindi, Alunsina. Ngunit, nais kong isipin mo ito. Pinayagan kitang tawagin ako gamit ang aking pangalan sapagkat batid kong hindi mo iyon ikakapahamak. Papayagan naman kitang gawin ang lahat ng kung ano ang iyong nais ngunit hindi ang mga bagay na maglalagay sa iyo sa kapahamakan, tulad ng iyong pagpupumilit na sumama sa amin."


Natahimik si Alunsina. Unti-unti niyang naiintindihan ang pinanggalingan nito.


"Naiintindihan mo ba ako?" tanong ni Waldo.


Matagal bago tumango ang dalagita.


"Nais kong sabihin mong naiintindihan mo ako, Alunsina," utos ng binata.


Bumuntong hininga ang kausap. Tiningnan siya sa mata ng dalagita sabay ngumiti.


"Maliwanag sa akin ang iyong sinabi."


Kinurot ni Waldo ang pisngi nito. Hindi niya kinakaya ang paraan kung paano ito magtampo.


"Kung gayon, makakatulog na ako ng mahimbing," turan ng lalaki.


***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro