Kabanata 34
PAPASIKAT pa lamang ang araw nang mamataan ni Miyong ang isang malaking pulutong ng guardia sibil ang paparating sa kanilang kubo.
Bitbit ng mga dayuhan ang mga de-kalibreng armas at suot ang karaniwang uniporme ng mga ito sa sandatahan. Rinig na rinig sa buong lugar ang mabibilis nitong mga yapak kung kaya't nabulabog ang kaniyang umaga.
Hindi na nagsayang ng oras ang matanda at mabilis na ibinaba ang hawak niyang tasa ng kape. Dagling nagtungo siya sa kusina kung nasaan si Josefa at ang anak nitong si Benito. Naroon rin si Alunsina na kasalukuyang naghuhugas ng dahong gulay ngunit napahinto nang marinig ang mga malalakas na yapak sa labas.
"Nariyan ang mga guardia sibil. Batid niyo na kung anong gagawin niyo," paalala ng matanda sa kaniyang mga kasapi.
Sabay na tumango ang dalawang babae.
Nagtungo si Alunsina sa isang silid upang palitan ang kaniyang damit ng baro't saya. Inilugay niya rin ang kaniyang mahabang buhok upang hindi siya makilala.
Kinuha rin ni Josefa si Benito sa mesa na kasalukuyang nagsusulat ng alpabeto. Mabilis niya itong hinila papasok ng silid at makailang beses na biniling huwag gumawa ng kahit na anumang ingay. Nagtaka pa ang bata ngunit hindi na ito nakaangal nang padaskol na isinira ni Josefa ang pintuan ng silid.
Walang kahit na anong armas ang naiwan sa kanilang unang kuta kaya't dapat silang mag-ingat upang hindi sila mabuko. Isa pa, kasama ang dalawang babaeng noong umatake sila sa daungan, kung hindi sila mag-iingat, tiyak na makikilala sila ng mga ito.
Bumalik si Alunsina sa kaniyang ginawa habang dumampot naman si Josefa ng tingting at lumabas ng kubo. Nagpanggap siyang nagwawalis ng mga tuyong dahon sa bakuran habang hinihintay ang pagdating ng pulutong.
Samantala, lumabas rin si Miyong sa kubo hawak-hawak ang tasa ng kaniyang kape at walang pakundangang kumaway sa mga dayuhan. Ngumiti pa ito na animo'y walang tinatagong sama ng loob.
"Magandang araw sa inyo!" Bati niya nang makalapit ang mga guardia sibil.
Huminto ang malaking pulutong sa harapan ng kanilang kubo.
"Magandang araw rin, indio," bati nito pabalik. "Hindi ka nakapag-aral ngunit kahit papaano'y alam mo kung paano umasta ng tama. Kahanga-hanga," sagot ng isang dayuhan na sa tingin ni Miyong ay isang teniente ng sandatahan base sa bilang ng medalyang nakasabit sa suot nitong uniporme.
Tumikhim ang matanda.
"Hindi ko naman kailangang mag-aral pa upang maging isang mabuting tao. Ngunit, ano nga pala ang inyong sadya rito? Kay aga ninyo yatang napadpad sa bundok Mirador?"
"Batid mo kung anong ipinunta nami rito, indio."
Nagkibit-balikat si Miyong. "Patawad ngunit wala akong kamuwang-muwang sa inyong sadya."
"Hindi mo ba naulinigan ang nangyari sa daungan?"
"Ano bang nangyari sa daungan?" maang-maangan ulit niya. "Mag-iisang buwan na akong hindi bumababa ng bundok kaya't hindi ko alam kung anong nangyayari sa bayan. Wala rin akong kapit-bahay rito upang makasagap ng balita."
"Nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng mga rebelde at ng mga guardia sibil noong nakaraang araw. Ninakaw ang mga kaban ng armas galing sa Espanya na siyang gagamitin sana upang palakasin ang aming sandatahan ngunit nadikwat ito ng mga rebelde."
Umiiling-iling si Miyong.
"Kay saklap ng balitang iyan."
"Wala nang mas sasaklap pa kung makakaabot ang balitang ito sa Hari kaya't narito kami sa bundok upang magsiyasat. Ayon sa aming dating Coronel Alonso, namataan niyang sa bundok Mirador pumasok ang mga rebelde noong sinundan niya ito."
Tumaas ang kilay ni Miyong. Walang nakapag-ulat sa kaniyang mga kasapi na nagawa pala silang sundan ng anak ng Gobernador-Heneral.
"Dito? Sa bundok Mirador? Nakakasiguro ka ba riyan, teniente? Wala kaming nauulinigang may mga armadong lalaking dumaan rito sa bundok."
"Nakakatiyak ka ba riyan, indio? Hindi kailanman magsisinunggaling ang aming Coronel."
"Wala akong tinatagong kahit katiting na impormasyon mula sa inyo, teniente. Inyo pang halughugin ang aking maliit na kubo ngunit wala kayong mahahanap. Pinili naming manirahan rito sa bundok kasama ang aking anak at mga apo sa pag-aakalang tahimik ang aming buhay rito."
Sumulyap si Miyong kay Josefa na ngayo'y nagsisiga ng mga tuyong dahon. Bagama't may kalayuan, ngunit rinig na rinig ng babae ang usapan sa pagitan ni Ka Miyong at ng dayuhan. Maging siya ay nabigla rin nang malamang may nakasundo sa kanila habang sila'y papatakas noon patungo ng bundok. Tiyak siyang magiging malaking suliranin ito para sa kilusan.
"Ang ginang na ito ba ay ang iyong anak?" tanong ng teniente nang mapadako ang kaniyang tingin sa babaeng naglilinis sa paligid ng kubo.
"Siyang tunay. May dalawa rin akong apo sa loob na ngayo'y kasalukuyang natutulog pa."
"Magsisiyasat kami sa loob at labas ng inyong kubo kaya't gisingin mo na lamang ang inyong dalawang apo upang hindi kami magambala sa aming pag-iimbestiga."
Kumunot ang noo ng matanda.
"Bakit kayo magsasagawa ng imbestigasyon sa aking bahay gayong wala naman kaming kinalaman sa nangyari sa daungan?"
Kumurap ang Teniente. Humakbang ito papalapit sa matanda at isang ngiti ang ibinigay rito.
"Hangga't hindi namin nahuhuli ang tunay na maysala, lahat ng indiong makikita ko ay salarin."
Bago pa man makahuma ang matanda. Mabilis na sinenyasan ng teniente ang kaniyang mga kasama upang utusan itong halughugin ang buong lugar. Nagsipasukan ang ilang guardia sibil sa loob ng bahay bitbit ang mga armas nito.
Umakma pa sanang pipigilan ito ng matanda ngunit hindi na siya nakagalaw pa nang biglang lumitaw ang dalawang sundalo sa kaniyang gilid upang hawakan ang kaniyang magkabilang braso.
Nabitawan rin ni Josefa ang hawak niyang tingting nang mapansin ang nangyayari. Gaya ni Miyong, dalawang guardia sibil rin ang pumigil sa kaniya.
"Sandali lamang! Ang anak ko! Huwag niyo siyang sasaktan! Benito!" sigaw ng ginang.
Mula sa labas, rinig na rinig nila ang pagbabagsakan ng mga gamit sa loob. Napapikit na lamang si Miyong nang umalingawngaw ang iyak ng isang batang lalaki. Ilang ulit siyang nagpumiglas upang makawala sa mga kamay ng mga dayuhan subalit tinutukan siya nito ng baril sa sintido kaya't wala siyang nagawa kundi ang manahimik na lamang.
Hinihila ng mga guardia sibil papalabas ang isang dalagita. Nagpupumiglas rin si Alunsina nang hawakan siya ng mga ito sa kaniyang braso. Sumasama ang tingin niya sa mga dayuhan lalo nang makita niyang nakatutok ang mga baril nito sa kaniyang mga kasama. Kung pinayagan lamang siya ng kapitan na bumitbit ng baril ay hindi siya mangingiming manlaban ngayon.
Sunod na lumabas ang isang batang umiiyak. Kumakaripas ito ng takbo habang isang guardia sibil naman ang may hawak ng baril ang nakasunod sa kaniya. Halos mapaiyak na rin si Josefa nang makita niya si Benito. Agad itong tumakbo sa kaniyang gawi nang makita siya ng bata. Marahas niyang itinulak ang dalawang nagbabantay sa kaniyang gilid upang salubungin ang anak ng isang yakap. Hinayaan na lamang ito ng mga dayuhan at pinanuod ang eksena ng mag-ina.
"May nakita ba kayo sa loob?" tanong ng teniente.
"Wala, teniente," sagot ng isang sundalo. "Pawang mga lumang gamit lamang ang laman ng bahay na ito. Walang kahit ni isang bagay rito ang maaaring ibenta man lang."
Bumuntong hininga ang dayuhan. "Wala bang kahit na anong kahina-hinala?"
Umiling ang sundalo.
"Wala kaming kinalaman sa mga nangyayari sa bayan. Nagmamakaawa ako, huwag niyong sasaktan ang aking pamilya," pakiusap ni Miyong.
Lumingon sa kaniya ang Teniente. "Nawa'y nagsasabi ka ng katotohanan, indio. Oras na malaman kong nagsisinunggaling ka sa amin ay hindi ako magdadalawang-isip na silaban itong inaanay mong kubo," banta nito.
"Sige't bitiwan niyo na sila!"
Tumalima naman ang mga guardia sibil at binitiwan ang mga indio.
Kaagad na tumakbo si Alunsina sa likuran ng matanda nang lumuwag ang pagkakahawak ng mga lalaki sa kaniyang braso. Pilit na tinatatagan ni Miyong ang kaniyang sarili nang sinimulang pagsisipain ng mga sundalo ang mga paso ng bulaklak na nadadaanan nito habang sila'y papaalis.
Tanging mga hikbi ni Benito ang nangingibabaw sa kaniya na animo'y nagpapaalalang upang kontrolin ang kaniyang galit. Ikakapahamak ng lahat kung hindi siya magtitimpi. Isa-isa nang nagsi-alisan ang pulutong. Nagtungo ito sa ibang daan, sa ibayong hilaga upang siyasatin ang karatig bundok doon.
Bumuntong hininga na lamang si Miyong nang hindi na niya matanaw ang mga dayuhan. Nilingon niya ang kaniyang mga kasapi. Halos mangiyak-ngiyak si Josefa habang inaalo ang kaniyang anak.
Samantala, nanginginig rin ang mga kamay ni Alunsina, ngunit batid ni Miyong na hindi iyon dahil sa labis na takot, kundi dulot ng lubhag pagkasuklam sa mga dayuhan.
"Hindi ba kayo nasaktan?" tanong niya sa mga ito.
"Paano nalaman ng mga dayuhan ang ating kuta?" alalang tanong ni Alunsina.
"Minsan na sila naparito upang magsiyasat dahil sa nangyari sa Gobernador-Heneral Lubaton noon ngunit wala naman silang napala. Hindi nila alam na ang ordinaryong kubong ito ay kuta ng mga rebelde. Bagama't inasahan ko nang mapapadpad sila rito upang mag-imbestiga sa nangyari sa daungan ngunit hindi ko akalaing magiging ganito sila karahas."
Tumaas ang sulok ng labi ng dalaga habang tinitigan ang daang tinatahak ng mga dayuhan kanina.
"Ano pa bang inaasahan mo sa mga dayuhan? Pare-pareho lamang silang lahat."
"Ngunit, mas nagulat ako sa aking narinig. Nakakatiyak ka bang walang nakasunod na sinuman sa inyo nang magtungo kayo rito sa bundok o di kaya'y habang papabalik kayo sa ating pangalawang kuta?"
Napatigil ang dalaga kaniyang narinig. "Anong ibig mong sabihin, Ka Miyong?"
Tumayo si Josefa nang tuluyang tumahan ang kaniyang anak. Nilapitan niya ang dalawa niyang kasama upang sumali sa usapan.
"Ang aking rinig mula sa mga dayuhan ay may isang Coronel Alonso daw ang nakasunod sa inyo habang kayo'y papaakyat ng bundok Mirador," sagot ng ginang. "Kung hindi ako nagkakamali, siya ang anak ng Gobernador-Heneral. Tiyak akong naiulat na ng binatang iyon ang lahat ng kaniyang mga nakita. Hindi na tayo ligtas sa bundok na ito."
Sandaling nag-isip ang dalaga. "Ngunit magkasama tayo habang tayo'y papatakas, Josefa. Habang kasama naman nina Manuel ang kapitan. Nakakatiyak akong walang nakasunod sa atin sapagkat lagi akong napapalingon habang naglalakbay upang siguraduhin iyon. Hindi kaya'y nasundan sila ang kapitan?"
Umiling si Miyong. "Hindi iyan mangyayari. Kilala ko ang kapitan. Maingat siyang tao. Sanay na siya sa digmaan at labanan kaya't mabilis niyang mawawari kung sakaling may nakabuntot nga sa kaniya."
Nagsasalubong ang kilay ni Alunsina habang pilit na iniintindi ang mga nangyayari.
"Kung gayon, ano itong sinasabi ng guardia sibil kanina? Hindi kaya'y gawa-gawa lamang iyon ng Coronel na tinutukoy nila?"
"Hindi," tanggi ng matanda. "Anak siya ng Gobernador-Heneral. Isa siyang dayuhan. Wala siyang dahilan upang magsinunggaling o kumampi sa ating panig."
"Ano man ang dahilan niya ngunit kailangan natin itong iulat sa kilusan," suhestiyon ng dalagita.
"Siyang tunay, Alunsina," sang-ayon ni Miyong. "Ngayon din ay magtungo ka sa ating pangalawang kuta upang ipaalam sa kapitan ang nangyari. Abisuhan mo ring maghanda sila. Masama ang aking kutob sa mga nangyayari. Hindi natin batid kung kailan sisiklab ang digmaan. Huwag kang dumaan sa kanluran, tiyak akong tutumbukin iyon ng mga dayuhan. Landasin mo na lamang ang silangan na bagama't malayo-layo ngunit ligtas ka namang makakarating."
"Ngayon din po. Ngunit, paano po kayo? Hindi po ba kayo magtutungo sa ating Puhon? Makabubuti kung sumama na lamang kayo sa akin lalo na't batid na ng mga dayuhan ang kubong ito."
Umiling ang matanda. "Magtataka ang mga iyon kung tayo'y lilisan na lamang pagkatapos ng kanilang pagsisiyasat. Huwag mo kaming alalahanin. Hindi pa naman nila natutunugan na tayo'y kabilang sa kilusan. Magiging ligtas lang kami."
Bumuntong hininga si Alunsina.
"Mag-iingat po kayo, Ka Miyong. Ngayon din ay magtutungo ako sa ating pangalawang kuta upang mag-ulat sa kapitan."
Kaagad na lumisan ang dalaga, dala-dala nito ang isang matulis na sibat na gawa sa kawayan.
Malalim na buntong hininga ang pinakawalan ng matanda habang pinapanuod itong papalayo. Hindi lamang ang suliraning ito ang kaniyang inaalala. Taimtim rin siyang nagdadasal na nawa'y makabalik na ang Jefe. Sapagkat aaminin niyang sa mga panahong ito, labis siyang kailangan ng kilusan.
SAMANTALA, sa ibayong kanluran ng bundok Mirador, tirik na ang araw at tagaktak na ang pawis ng bawat sundalo ng guardia sibil subalit wala pa rin silang nahahanap na maaaring makatulong sa kanilang isinasagawang imbestigasyon. Hindi nila kabisado ang daan sa bundok. Kung saan-saan na lamang sila napapadpad.
Umiiling na lamang ang teniente habang naglalakad. Bagama't kanina pa sila paikot-ikot sa lugar ngunit hindi sila maaaring bumalik sa bayan ng walang napapala. Sariwa pa sa kaniyang alaala ang ibinilin ng Kapitan Santiago. Tiyak siyang sila ang pagbubuntulan ng galit nito oras na malaman nitong bumalik sila ng walang dalang magandang balita.
Itinaas ng teniente ang kaniyang kanang kamay sa ere dahilan upang mapatigil sa paglalakad ang malaking pulutong na nakasunod sa kaniya.
"Sé que estás todo cansado. Magpahinga muna tayo rito sandali," utos niya.
Sunud-sunod na mga buntong hininga ang kaniyang narinig mula sa mga sundalo matapos sabihin iyon. Isa-isang nagsi-alisan ang mga ito sa hanay upang maghanap ng magandang puwestong maaaring pagpahingahan.
Nilingon ng teniente ang pulutong. Tulad niya hapung-hapo ang mga ito at pinapaypayan ang sarili dahil sa init. Bagama't nanghihina na rin siya, ngunit sa halip na magpahinga ay pinili niyang maglakad-lakad upang suriin ang paligid. Nasa bundok pa rin sila, isang lugar na hindi kabilang sa kanilang teritoryo kaya't mabuti nang makasiguro.
"Tú y tú," tukoy niya sa dalawang sundalong nakatayo malapit sa kaniya. "Bago kayo magpahinga ay suriin niyo muna kung ligtas ba ang paligid."
"Masusunod, teniente."
Tinungo ng dalawa ang kanang bahagi upang doon simulang suriin ang lugar habang tinahak naman ng teniente ang dakong kaliwang daan.
Ilang hakbang lamang mula sa kanilang pinagpapahingahan ay sumalubong na sa kaniya ang nagtataasang damo na kung tatanyahin ay aabot sa kaniyang tuhod. Isa sa mga gusto niya sa Pilipinas ay ang yaman ng kalikasan, namamangha siya sa iba't ibang uri ng halamang kaniyang nakikita.
Bago rin sa kaniyang paningin ang mga nagtataasang mga puno at naghahalong ingay ng mga hayop at ibon sa paligid. Naingganyo ang dayuhan sa kaniyang mga nakikita at naririnig dahilan upang lalong lumayo ang landas na kaniyang tinatahak. Naglalaro ang kaniyang mga mata sa luntiang paligid. Doon lamang niya napansing napalayo na siya nang umapak ang kaniyang paa sa malambot na lupa.
Napayuko siya nang mapadpad siya sa putikan. Napamura pa ang dayuhan nang makitang napuno ng putik ang kaniyang suot na sapatos.
Bumuntong hininga na lamang siya at nagpasyang bumalik. Ngunit, bago pa man siya tuluyang tumalikod, nahuli ng kaniyang paningin ang isang kakaibang marka ng paa na bumakat sa lupa. Nabuhay ang kaniyang kuryusidad at nilapitan ito. Hugis paa ang marka at patungo ito sa hilaga.
Tumaas ang sulok ng kaniyang labi nang mapagtanto ang nakita. Malakas ang kaniyang kutob na mga yapak ito ng mga rebelde. Hindi na nagsaya pa ng panahon ang dayuhan at kaagad na sinundan ang mga yapak ng paa.
Bukod pa roon, may iilang mga bakas ng mga paa ng kabayo rin siyang nakita. Ilang saglit lamang, nawala ang mga bakas dahilan upang mapatingin siya sa paligid. Saan man niya hanapin ngunit pawang huminto ang mga marka sa bahaging iyon sapagkat puro damuhan na ang bumungad sa kaniya. Nasa gitna siya ng isang malawak na espasyo ng gubat kung saan ga-sakong ng paa lamang ang taas ng damo kaya't madali niyang natanaw ang isang sunog na bahagi sa gitna nito.
Nagsalubong ang kaniyang kilay nang makitang halos mamatay ang mga damo sa paligid ng hawang iyon. Pawang may nagsimula ng apoy sa bahaging ito. Lalo pang lumapit ang teniente upang kumpirmahin ang kaniyang hinala.
Nangitim ang lupa at natuyo ang mga berdeng damo sa paligid nito. Lumuhod siya at dumagkot ng kaunting abong naiwan sa lupa. Hinaplos niya ito gamit ang kaniyang mga daliri at pagkuwa'y inamoy ito. Apoy natupok na kahoy.
Pinagmasdan niyang mabuti ang lawak ng lugar. Hindi lamang isang sunog sa gubat ang naganap rito. Tiyak siyang may sumadyang nagsunog ng mga gamit sa bahaging ito at base sa kaniyang tansiya, lampas tatlong araw na ang tagal nito, eksaktong bilang ng mga araw mula noong nangyari ang barilan sa daungan. Nadikwat ang mga kaban ng armas kasama ang mga kalesang ginamit noon. Sa kaniyang sapantaha, sa lugar na ito tinupok ng mga rebelde ang kanilang mga ebedensya.
Isang maliit na ngiti ang humulma sa kaniyang labi. Hindi na rin pala sila nalalayo sa kuta ng mga rebelde. Tiyak siyang nasa paligid lamang ang mga taong hinahanap nila.
Matapos pag-aralang mabuti ang kaniyang nakita, minabuti niyang balikan ang kaniyang mga kasama.
Noong mga oras ring iyon ay nagpagpasiyahan nilang bumalik na sa bayan. Ngayon pa lamang ay nakikinita na ng teniente ang reaksyon ng Kapitan Santiago sa balitang kaniyang isisiwalat.
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro