Kabanata 32
DAPIT-HAPON na.
atlong araw na ang nakalipas mula noong mangyari ang barilan sa daungan. Sinuyod ng mga kasapi ng kilusang La Independencia Filipinas ang buong bayan sa paghahanap sa Jefe ngunit hindi pa rin nila ito matagpuan. Habang tumatagal, sumisidhi ang kanilang pag-asang buhay ito at hindi nahuli ng mga dayuhan. Tiyak silang magkakagulo ang buong Cavinti kung sakalimang may nahuling rebelde ang mga guardia sibil.
Masyadong tahimik ang buong bayan ngayon kumpara nitong mga nagdaang araw ngunit kapansin-pansin ang labis na tensyon sa panig ng mga guardia sibil. Tunay ngang lalong humigpit ang kanilang pagbabantay sapagkat nagbaba ang Gobernador-Heneral ng bagong ordinansa tungkol sa kurpyo. Inilipat ito mula ala sais ng hapon hanggang ala sais ng umaga upang malimitahan ang mga galaw ng mga mamamayan.
Gayunpaman, hindi ito nakakaapekto sa mga layunin ng kilusan. Ngayon pa na lumakas ang kanilang puwersa dahil sa mga de-kalibreng armas nilang nadikwat mula sa mga dayuhan. Ngunit, hindi magpapatuloy ang kanilang mga plano kung wala ang namumuno rito. Nag-alala na ang kanilang mga kasapi sa tunay na sinapit ng Jefe kung kaya't naglakas-loob si Artemio na lumapit sa palacio ng Gobernador-Heneral.
Nakaabang ang isang lalaking nakasuot ng mamahaling terno at kurbat sa isang kantong ilang metro lamang ang layo mula sa bahay ng Gobernador-Heneral Alonso. Batid niyang mapanganib ang kaniyang ginagawa ngunit malakas ang kaniyang kutob na may alam ng anak nito kung nasaan si Agueda. Pangalawang araw na siyang nagmamanman rito ngunit kapansin-pansing hindi man lang lumalabas ng bahay si Simeon. Nakapinid rin ang mga bintana sa ikalawang palapag ng bahay na animo'y may kung anong tinitago ang mga tao sa loob nito.
Tulad ng kaniyang inaasahan, pinaliligiran ng mga guardia sibil ang buong bahay. Mahigpit ang seguridad nito sapagkat doon namamalagi ang kinatawan ng Espanya rito sa Pilipinas.
Umayos ng tindig si Artemio nang mapadaan ang tatlong babaeng panay ang sulyap sa kaniyang gawi. Suot ng mga ito ang mga mamahaling baro't saya at kumikintab na mga pamaypay na halos tinatabunan ang kalahati ng kanilang mga mukha habang nagbubulung-bulungan.
Sinulyapan ng kapitan ang mga guardia sibil sa 'di kalayuan na ngayo'y nagsisimula nang maghinala sa kaniyang mga kilos kaya't napalitan siyang lapitan ang mga binibini upang kausapin ito. Tanyag ang pamilyang Ricarte sa buong bayan kung kaya't kalat na rin sa lahat na siya ang bugtong anak ni Esteban Ricarte, ang tagapagmana ng lahat ng yaman at ari-arian nito.
Mabilis naman siyang nakilala ng tatlong babae na gulat na gulat pa sa ginawa ng binata.
SAMANTALA, natanaw ng isang taong nakasakay sa kalesa ang isang binata at tatlong dalagang masayang nag-uusap sa gilid ng daan. Kumunot ang kaniyang noo habang pinagmamasdan ito ngunit nang tuluyang makalapit ang kalesang kaniyang sinasakyan rito, sumilay ang kakaibang ngiti sa mga labi nito nang makilala ang lalaki.
Naputol ang usapan sa pagitan nina Artemio at ng mga binibini nang umangil ang paparating na kalesa. Tumabi sa daan ang mga babae dahil sa gulat. Nagsalubong naman ang kilay ni Artemio nang huminto ito sa kanilang tabi.
Sumilip sa maliit na bintana ang isang matandang lalaking sakay nito. Nakasuot ito ng kulay pulang uniporme na kaaraniwang isinusuot lamang ng isang taong may pinakamataas na katungkulan sa isang bansa. Isang malinis na puting sombrero naman ang nakaputong sa ulo nito at ang mga kulubot sa mukha nito ay senyales na marami na itong pinagdaanan.
"Magandang hapon sa inyo," bati nito.
Natigilan ang kapitan nang makilala ang taong kaharap. Nabuhay ang matinding galit sa kaniyang loob nang makitang nakangiti sa mismong harapan niya ang Gobernador-Heneral Alonso. Pinigilan niya ang kaniyang emosyon. Hindi ito ang tamang pagkakataon upang parusahan ang dayuhan.
"Ang Gobernador-Heneral!" bulalas ng isang dalaga.
Kaagad namang yumuko ang tatlong babae bilang tanda ng paggalang at respeto sa taong may mataas ang katungkulan.
Samantala, hindi natinag si Artemio sa kaniyang kinatatayuan at maiging pinagmasdan lamang ang matanda.
"Kung hindi ako nagkakamali ay ikaw ang nag-iisang anak ni Esteban Ricarte, hindi ba?" pakiwari nito.
Tumango si Artemio. "Ako nga Gobernador-Heneral ngunit paano niyo po ako nakilala?"
"Minsan ko nang nakilala ang iyong ama noong ako'y nagawi sa Maynila kaya't nabanggit ka niya sa akin. Kasa-kasama ka rin ng iyong ama sa tuwing lumuwas ito ng ibang bayan upang asikasuhin ang kaniyang negosyo kaya't kahit papano'y pamilyar ka sa akin."
"Isa lamang po akong ordinaryong tao upang pag-aksayahan niyo ng atensyon ngunit ako'y nagagalak sapagkat ako'y inyong nakilala."
Natawa ang matanda sa kaniyang tinuran.
"Hindi ka isang ordinaryong tao lamang, hijo. Alalahanin mong ikaw ang nag-iisang anak ni Esteban Ricarte, ibig sabihin lamang nito ay ikaw ang magmamana ng lahat ng yaman at ari-arian ng iyong pamilya. Hindi ka isang simpleng tao lamang kaya't ako'y nagtataka kung paano ka napadpad sa labas ng aking bahay?"
"Ipagpaumanhin ninyo, Gobernador-Heneral, ako'y napadaan lamang galing sa palengke ngunit nakakita ako ng magagandang dilag sa gawing ito kung kaya't naabutan mo kaming nag-uusap. Patawarin niyo sana ang aking kabastusang ginawa."
Yumuko si Artemio habang humihingi ng paumanhin ngunit sa likod ng kaniyang isipan minumura na niya ang taong kausap. Kinakagat niya ang kaniyang dila upang ipaalala sa sarili na kailangan niyang mag timpi.
"Huwag mo na iyong alalahanin pa," wika ng matanda. "Ang totoo niyan ako'y nagagalak na makita ka rito. Kung hindi ako nakakaabala sa inyong usapan, maaari ko bang imbitahan ang Señorito Ricarte sa aking tahanan?"
Sabay na humagikhik sa tuwa ang tatlong babae.
"Kasama ho ba kami Gobernador-Heneral?" tanong ng isa.
Kumurap ang matanda.
"Hindi." Mabilis nitong sagot. "Kayo ba'y mga bingi at hindi niyo narinig ang aking sinabi? Tanging ang Señorito Ricarte lamang ang aking inimbitahan sa aking bahay kaya't maari na kayong umalis."
Nawala ang mga ngiti sa mukha ng tatlong babae nang marinig ang tinuran ng Gobernador-Heneral. Napaismid ang mga ito at padaskol na naglakad palayo.
"Hindi ba ako nakakaabala sa iyo, Gobernador-Heneral?" usisa ni Artemio.
"Wala na akong ibang gagawin pa kaya't nais kong makipagkwentuhan naman sa iyo. Maaari bang maglakad ka na lang patungo sa aking bahay? Tutal, ilang hakbang na lang lamang ay makakarating ka na. Masyadong masikip ang looban ng aking kalesa para sa ating dalawa."
Patagong ngumisi ang binata. "Walang problema sa akin, Gobernador-Heneral."
"Kung gayo'y hihintayin kita."
Tumango si Artemio.
Muling umangil ang mga kabayo nang hinampas ito ng nagmamaneho ng kalesa. Napatakip na lamang ng ilong si Artemio nang halos pakainin na siya ng alikabok ng sasakyan. Hindi na siya nagdalawang-isip na sundan ang Gobernador-Heneral patungo sa bahay nito. Maganda itong pagkakataon upang makilala na niya ng harap-harapan ang anak nito. Kung itinatago nga ni Simeon si Agueda sa loob, malalaman niya iyon kung papasok siya.
Binilisan niya ang kaniyang mga lakad nang makitang bumaba na ng kalesa ang Gobernador-Heneral. Kumaway pa ito at ngumiti sa kaniya. Napansin iyon ng mga guardia sibil kung kaya't hinayaan na siya ng mga ito na tuluyang lumapit sa bahay.
Agad na umakbay si Valeriano sa binata nang makalapit ito sa kanila. Nagtataka naman si Artemio sa ikinikilos nito. Hindi sila ganoong magkakilala ng dayuhan kaya't tiyak siyang may mas malalim itong hangarin kaya siya nito nilapitan.
Bumukas ang malaking tarangkahan ng palacio at sabay silang pumasok ng matanda. Sinalubong naman sila ng apat na utusan sa loob ng bahay.
Lumaki si Artemio sa yaman at rangya. Hindi na siya namangha pa nang tumambad sa kaniya ang malawak ang looban ng bahay. Puno ng mamahaling muwebles ang salas. Pinapalamutian naman ng mga mamalaking larawan ang mga pader. Nagliliwanag ang buong lugar dahil sa ilaw na nagmumula sa malaking aranyang nakakabit sa kisame.
"Magandang hapon po, Gobernador-Heneral." Sabay-sabay na bati ng mga ito.
"May panauhin ako. Ipaghanda niyo kami ng merienda."
Tumalilis ang dalawang utusan patungo ng kusina habang ang isa ay sumalo sa sombrero ng matanda nang tanggalin niya ito at itinapon sa tabi. Lumapit ang isa pang katulong kay Artemio upang hingin ang kaniyang sombrero. Hindi na lamang siya nagtanong at ibinigay rito ang kaniyang suot. Nakita niyang iniayos ito ng babae sa lalagyang nasa gilid ng salas.
Umupo si Valeriano sa mahabang muwebles.
"Paminsan-minsan lamang ako rito sa aking bahay sapagkat maya't maya akong lumuluwas ng Maynila upang asikasuhin ang mga bagay-bagay. Ipagpaumanhin mo Señorito Ricarte kung kakaunti lamang ang gamit rito sa loob," panimula ng matanda.
Lumapit si Artemio rito at umupo na rin sa kaharap nitong upuan. Naglakbay ang kaniyang tingin sa paligid. Malayo sa sinabi ng matanda ang kaniyang nakikita. Hindi na siya magugulat kung may pupuslit ritong magnanakaw dahil sa gara ng mga kagamitan sa loob.
"Kay rangya na ng iyong bahay, Gobernador-Heneral. Hindi ko mawari kung ano pa ang iyong sinasabing kulang rito."
Tumawa ang matanda. "Naku, Señorito Ricarte. Wala sa kalingkingan ang bahay na ito kumpara sa aking bahay sa Espanya. Masyado itong maliit para sa akin at ng aking anak."
Nagpantig ang tenga ni Artemo nang marinig iyon.
"Ang iyong anak? Wala ba ito rito."
Sumulyap si Valeriano sa mahabang hagdang kumukunekta sa ikalawang palapag ng bahay. Sinundan naman ito ng tingin ng binata.
"Marahil ay nasa silid lamang ang aking anak. Hayaan mo at ipapatatawag ko siya sa mga katulong. Aaminin kong pili lamang ang mga kaibigan ni Simeon sapagkat ayaw ko siyang magkaroon ng ugnayan sa mga indio o sinumang mas mababa pa sa kaniya."
Tumaas ang sulok ng labi ni Artemio. "Kung gayo'y hindi pala ako magkakaroon ng pagkakataong kaibiganin ang inyong anak sapagkat isa akong indio."
Umiling si Valeriano.
"Ikaw ay hindi kabilang sa mga itinuturi kong indio sapagkat ika'y mayaman, makapangyarihan at may pinag-aralan. Tinutukoy ko ang mga indiong mangmang, tamad at wala kahit anumang pag-aari. Tingnan mo ang iyong sarili, Señorito. Malayo ka sa mga indiong nakikita ko sa gilid ng daan. Ikakagalak ko kung sakalimang maging magkaibigan kayo ng aking anak."
Matipid na ngumiti na lamang si Artemio habang pinipigilan ang kaniyang sarili. Kay lakas ng loob ng dayuhang ito na pagsalitaan ng masama ang kaniyang mga kalahi sa mismong harapan niya. Ang mga mananakop na tulad niya ang naging dahilan kung bakit hanggang ngayon ay nanatiling mangmang ang karamihan sa mga Pilipino. Hindi kailanman binigyan ng pagkakataon ang mga mahihirap upang makapag-aral. Sinusukat sa taglay na yaman at kapangyarihan ang iyong karapatan upang tratuhin ka bilang tao.
"Narito na po ang merienda, Gobernador-Heneral," sabad ng isang katulong.
Dala nito ang dalawang platong puno ng biskotsong ingles at empanada. Bibit naman ng isa pa ang isang bote ng alak at malalaking baso. Inilapag nila ito sa isang maliit na lamesitang pinapagitnaan nina Artemio at ng Gobernador-Heneral.
"Katukin ninyo ang Señorito Simeon sa kaniyang silid. Abisuhan mo siyang nais ko siyang pababain sapagkat may isang mahalaga akong taong ipapakilala sa kaniya."
"Masusunod po, Gobernador-Heneral."
Tumalima naman kaagad ang isa sa katulong. Pumanhik ito sa hagdan upang tunguhin si Simeon.
"Tikman mo itong biskotsong iniregalo sa akin ng Hari ng Espanya. Isang tanyag na panadero ang gumawa niyan kaya't wala itong katulad sa sarap," pagpapatuloy ng matanda.
Walang nagawa si Artemio kundi ang dumampot ng isang piraso sa lalagyan. Kulay dilaw ang tinapay sapagkat binudburan ito ng keso sa itaas. Hindi siya sanay kumain ng matatamis na pagkain ngunit bilang respeto ay kumagat siya ng isa. Itinago niya ang kaniyang ngiwi nang maramdaman ang tamis sa kaniyang dila.
"Kumusta ang lasa?" Nakangiting tanong ng matanda. Nakatuon sa kaniya ang bilog nitong mga mata na animo'y naghihintay sa susunod niyang sasabihin.
"Kay sarap ng tinapay na ito," pagsisinungaling niya.
"Aba'y dapat lamang sapagkat malaki ang ibinayad ko riyan."
"Ho? Ang akala ko ba ay iniregalo ito sa iyo ng Hari ng Espanya?"
"Siyang tunay! Ngunit, hindi magbibigay ang Hari ng walang kapalit kaya't nag-alay rin ako sa kaniya ng kaunti mula sa aking yaman. Itong alak na mula pa sa Alemanya, isang taon ko na itong hindi binubuksan sapagkat nanghihinayang ako sa kalidad nito. Narinig kong may interes ka sa alak kaya't ibibigay ko na lamang ito sa iyo."
"Siyang tunay?"
Sumulyap si Artemio sa isang bote ng alak na nakapatong sa mesa. Isa nga iyong bihirang uri ng alak.
"Isa kang mahalagang tao kaya't hindi maaaring tira-tira lamang ang aking ihanda sa iyo."
Tumawa ang matanda kung kaya't napilitang tumawa na rin si Artemio. Kailanman ay hindi niya talaga maintindihan ang mga dayuhan. Tulad ng kaniyang inaasahan, hindi tumatanaw ng utang na loob ang mga Kastila sa ibang tao.
"Kaya't dapat kang malugod, hijo, sapagkat sa lahat ng aking mga panauhin, sa iyo ko lamang inihanda ang ganito ka espesyal na pagkain."
"Ako'y nagagalak sapagkat maganda ang inyong trato sa akin. Hindi ko po alam kung paano ko po kayo masusuklian."
Umiiling ang matanda. "Huwag mo nang alalahain iyon, hijo. Ngunit, kung ika'y mapilit talaga. Bilang kapalit ng aking mainit na pagtanggap sa iyo dito sa aking tahanan, may hihilingan sana akong pabor sa iyong pamilya."
Ibinaba ni Artemio ang hawak niya biskotso sa plato at umaktong interesado sa sasabihin ng Gobernador-Heneral. Ngunit, sa likod ng kaniyang isipan, batid na niyang dito rin papunta ang kanilang usapan. Tulad ng sinabi ng matanda, hindi kailanman magbibigay ang isang dayuhan ng walang kapalit.
"Ano po iyon, Gobernador-Heneral?"
"Ang pamilyang Ricarte ang pinakamayaman sa bayan ng Cavinti. Bamaga't nariyan si Santiago at Alkadle Mayor upang suportahan ako. Ngunit, may yaman at kapangyarihan rin ang iyong angkan. Bilang ikaw ang tagapagmana nito, bakit hindi mo imungkahi sa iyong ama na punduhan ang mga armas na gagamitin ng mga guardia sibil?"
Nagpantig ang tenga ni Artemio dahil sa narinig.
"Ikinalulungkot ko, Gobernador-Heneral, ngunit hindi interesado ang aking ama sa mga armas. Umiikot lamang ang aming negosyo sa mga alahas."
"Batid ko iyon!" bulalas ng matanda. "Ngunit, bakit hindi kayo sumubok ng bago? Maganda rin naman itong pamumuhunan. Hindi niyo lamang pinapatunayan ang inyong katapatan sa Espanya kundi tinutulungan niyo rin ang inyong bayan. Bilang kapalit, sisiguraduhin kong sa abot ng aking makakaya ay ipagtatanggol ng guardia sibil ang buong angkan ng Ricarte mula sa mga rebelde."
"Mga rebelde?"
"Tiyak akong narinig mo na ang balita tungkol sa kanila."
"Nakaabot na sa akin ang balitang iyan. Pati na rin ang balitang nanakawan ng mga kaban ng armas ang guardia sibil sa daugan noong nakaraang araw. Kaya ba humihingi ka sa'kin ng pabor, Gobernador-Heneral?"
Tumikhim ang matanda. Umayos ito ng upo nang matumbok ng kausap ang nais niyang mangyari. Hindi niya pa naiiulat sa Hari ang masamang balita. Nag-iipon pa siya ng lakas ng loob upang sabihin ito. Ngunit, may maganda siyang ideya upang mabawi ang lahat ng mga armas na nawala. Iyon ay kung makukumbinsi niya ang mga mayayamang pamilya na pundohan ang mga armas ng sandatahan.
"Binibigyan ko lamang kayo ng pagkakataong iligtas ang inyong mga sarili mula sa nag-aambang kaguluhan. Kilala ko ang iyong ama. Isa siyang taong pinapahalagahan ng lubos ang kaniyang pamilya. Batid kong hindi niya matatanggihan ang aking alok kaya't ipaabot mo na lamang ang aking hiling sa kaniya."
Sandaling nag-isip si Simeon. Bumaling siya sa alak na nasa kaniyang harapan.
"Hayaan niyo't ipapaabot ko sa aking ama ang iyong mungkahi."
Naputol ang kanilang pag-uusap nang sunud-sunod na yapak ang kanilang narinig mula sa taong paparating. Sabay silang napalingon sa hagdan habang bumababa doon ang isang binatang nakasuot ng karaniwang camisa de chino.
Lumawak ang mga ngiti ng Gobernador-Heneral nang makita ang kaniyang nag-iisang anak.
Samantala, pawang pinag-aaralan naman ni Artemio ang pagkatao nito habang papalapit ang lalaki sa kanilang kinaroroonan. Kilala niya lamang ang anak ng Gobernador-Heneral sa pangalan bagama't nabanggit ito ni Agueda sa kaniya ngunit ngayon niya lamang ito nakita nang malapitan. Base sa tindig ng lalaki, nahinuha na niya kaagad na maalam ito sa pagkikipaglaban.
"Simeon, hijo, mabuti naman nandito ka na," bati ng matanda. "Nais kong ipakilala sa iyo ang aking panauhin."
Tumayo si Artemio nang mapadako sa kaniya ang tingin ng lalaki. Walang emosyon siyang tinitigan ni Simeon.
"Nais kong makilala mo si Ginoong Artemio Ricarte. Siya ang anak ni Señor Esteban Ricarte, isang tanyag na mag-aalahas at isa sa mga pinakamayamang pamilya rito sa Cavinti."
Sinulyapan ni Simeon ang kaharap niyang lalaki. Nakasuot ito ng malinis na terno at kurbata.
"Ikinagagalak kitang makilala," saad niya at nakipagkamay.
Dagli naman itong tinanggap ni Artemio.
"Nalulugod rin akong makilala ang nag-iisang anak ng Gobernador-Heneral Alonso, Simeon, tama ba? Nawa'y magkasundo tayo."
"Ngayon lamang kita nakita rito. Ano ang iyong pakay?" diretsong tanong ni Simeon.
Tumikhim ang Gobernador-Heneral nang mahimigan niya ang kabastusan ng kaniyang anak.
"Nagkasalubong kami ni Ginoong Ricarte sa labas kaya't hindi na ako nagdalawang-isip na imbitahan siya rito sa loob. Mainam na rin sapagkat nagkaroon kami ng pagkatataong pag-usapan ang isang mahalagang bagay."
Tumango si Simeon. Wala siyang balak na usisain pa ang panauhin ng kaniyang ama. Batid niyang tungkol sa negosyo at politika ang naging paksa ng usapan ng dalawa, bagay na walang siyang interes.
"Lo siento, Papa. Maiwan ko muna kayo ng iyong bisita. Nais ko lamang lumabas upang magpahangin," paalam niya.
Bumuntong hininga si Valeriano. Hindi na siya nagugulat sa reaksyon nito. Tuwing isanasama niya ang kaniyang anak upang matuto mula sa kaniya kung paano pagtakbuhin ang negosyo at politika ay kusa itong gumagawa ng paraan upang makaiwas. Gayunpaman, hindi niya maaring kunsintihin ang kinilos nito sapagkat walang ibang magmamana ng kaniyang ari-arian at susunod sa kaniyang mga yapak kundi si Simeon lamang.
"O, siya, sige." Ismid niya.
Agad na nilisan ni Simeon ang salas.
Samantala, nakatuon naman ang atensyon ni Artemio sa papalayong binata. Kumunot ang kaniyang noo nang imbes na lumabas ito ng pinto ay tinahak nito ang daan patungong kusina. Sandaling pinakiramdaman ito ni Artemio ngunit lumipas ang ilang minutong hindi pa rin nakakabalik si Simeon.
"Ngayon lamang ako nakapasok sa iyong mansion Gobernador-Heneral. Kaya kung inyong mamarapatin ay nais ko sanang maglibot sandali."
Tumangu-tango naman ang matanda. "Walang problema, hijo. Ngunit, ipagpaumahin mong hindi kita masasahan sapagkat mahina na ang aking tuhod. Bakit hindi na lang natin hintayin si Simeon upang samahan ka?"
Umiling si Artemio.
"Naku, Gobernador-Heneral! Huwag na po nating abalahin ang iyong anak. Ipasama niyo na lamang sa akin ang isa sa inyong mga katulong upang ako'y daluhan sa aking mga kailangan o katanungan."
Sandaling nag-isip ang matanda ngunit sa huli ay pumayag rin ito.
"O, siya, ipapasama ko na lamang sa iyo si Dolores!" sagot nito. "Dolores! Halika rito!"
Tumalilis naman ang isang babaeng nakasuot ng isang lumang baro't saya. Kung titingnan sa itsura, mas bata ito kaysa kay Artemio.
"Dolores, samahan mo ang Ginoong Ricarte upang maglilibot rito sa loob. Tiyakin mong maipapakita mo sa kaniya ang lahat ng sulok ng bahay. Huwag kang gumawa ng kung anong kabalbalan sapagkat isa siyang mahalagang panauhin."
Yumuko lamang ang babae at hindi sumagot. Inanyayahan siya nito ni Artemio upang simulan ang kanilang paglilibot. Nagpaalam ang binata sa Gobernador-Heneral na siyang nagtungo naman din sa kaniyang sariling silid upang magpalit ng damit.
Pinili nilang unahing tingnan ang ikalawang palapag. Nasa hagdan pa lamang silang dalawa ay hindi na matanggal ni Artemio ang kaniyang mga tingin sa pader. Puno ito ng iba't ibang larawan ng matanda kasama ang anak nito. Mayroon ring mga pintang galing sa iba't ibang bansa na ginawa ng ilan sa mga tanyag na pintor.
Umagaw ng pansin sa kaniya ang isang malaking larawan ni Valeriano habang suot nito ang isang magarang unipormeng pula na karaniwang sinusuot ng isang Gobernador-Heneral. Bagama't matanda na, bakas sa mukha nito ang labis na awtoridad. Puno ang magkabilang balikat nito ng mga medalyang nasuktin sa kaniyang paglilingkod sa serbisyo habang isang espada naman ang hawak sa kanang kamay.
Nilampasan na lamang ito ni Artemio at nagpatuloy sa kaniyang paglalakad hanggang sa tuluyan nilang narating ang ikalawang palapag ng bahay.
Humilera sa kaniyang harapan ang limang pintuan ng silid. Kaiba sa ibaba, walang kahit na anong palamuti sa dingding ang nakasabit rito kundi mga maliit na aranya lamang upang ilawan ang pasilyo.
Gayunpaman, hindi siya interesado sa yamang taglay ng Gobernador-Heneral. Iba ang kaniyang ipinunta rito. Tatlong araw nang nawawala si Agueda ngunit ni isang balita sa bayan ay wala silang narinig. Batid ng binata na walang ibang kakilala ang dalaga kaya't kung tunay ngang magkaibigan si Agueda at Simeon, tiyak siyang nandito ang babae. Ngunit, ang kaniyang ipinagtataka, anong nangyari rito dahilan upang hindi ito makauwi.
Tumikhim ang kapitan at tiningnan ang babaeng nakasunod sa kaniyang likuran.
"Dolores? Tama ba? Iyon ba ang iyong ngalan?" tanong niya rito.
Sandaling umangat ang tingin ng dalaga sa kaniyang ngunit nang magtagpo ang kanilang mga mata ay agad rin itong napayuko muli dahil sa hiya.
"O-opo, ginoo."
"Nasaan ba ang palikuran ninyo rito?"
"Ang palikuran po ay nasa dulong pinto ng pasilyong ito," sagot ng dalaga sabay giya ng kaniyang mga kamay sa daan.
Tumangu-tango si Simeon.
"Huwag mo na lamang akong hintayin sapagkat naasiwa akong isiping may isang dalagang nakaabang sa akin habang ako'y gumagamit ng palikuran. Bumaba ka na lang muna ng salas."
"Ngunit, ginoo, hindi ko po maaaring gawin iyan. Utos po sa akin ng Gobernador-Heneral na ika'y samahan rito sa loob ng mansion."
"Hindi naman ako maliligaw rito kaya't huwag ka nang mag-alala."
"Ngunit—"
"Ako na lamang ang magpapaliwanag sa Gobernador-Heneral Alonso kung siya'y magtatanong. Paumanhin ngunit nais ko na talagang gumamit ng palikuran ngayon."
Narinig ni Artemio ang malalim na pagbuntong hininga nito hanggang tuluyan na niya itong nakumbinsi.
Pinanuod niya ang pagbaba ng dalaga sa hagdan. Nang hindi na niya ito makita, saka siya bumalik sa kaniyang tunay na layunin.
Muli siyang luminga-linga sa buong lugar upang makasigurong nag-iisa na lamang siya. Mabibilis ang kaniyang mga hakbang at unang nilapitan ang pinakamalapit na pinto sa kaniya. Binuksan niya ito at bumungad sa kaniya ang isang malinis at bakanteng silid. Walang tao doon kaya agad siyang lumipat sa pangalawa. Kaiba sa una, puno ang pangalawang silid ng mga kaban. Hindi siya tiyak kung anong laman ng mga ito ngunit naamoy niya ang pulbura ng bala sa loob. Hindi niya mabilang kung ilan ang mga kaban sa loob ngunit tiyak siyang sasapat ang rami nito upang magamit ng isang malaking pulutong sa digmaan. Batid niyang mayaman ang pamilyang Alonso ngunit saan naman gagamitin ng Gobernador-Heneral ang ganito karaming bala.
Lumabas ang kapitan mula sa pangalawang silid at tinungo ang pangatlo. Maingat niyang pinihit ang busol ng pinto. Kaagad na bumungad sa kaniya ang isang malawak na silid. Magulo ang kama at nakabukas ang bintana. Ngunit, ang ipinagtataka niya, amoy gamot ang buong kwarto.
"Hinahanap mo ba siya?"
Napatigil si Artemio sa paghakbang nang marinig niya ang boses ng isang lalaki sa kaniyang likuran. Nilingon niya ito at nakitang nakatayo doon si Simeon Alonso.
Humigpit ang kaniyang hawak sa busol ng pintuan nang makita niya ang walang emosyong mukha ng lalaki habang nakatingin sa kaniya. Hindi man lamang ito nagulat nang makita ang kaniyang ginagawa. Pawang inasahan na nito ng binata.
Hindi na nakapagpigil pa si Artemio. Sinbilis ng kidlat ang kaniyang paglapit rito at kaagad na kinwelyuhan si Simeon. Marahas niya itong isinandal sa pader. Nanginginig ang kaniyang mga kamay at umiigting ang kaniyang panga na pinipigilan ang kaniyang galit habang nakatingin sa lalaki.
"Anong ginawa mo sa kaniya?" angil ni Artemio.
Hindi sumagot si Simeon. Mariin siyang napapikit nang matamaan ang kaniyang sugat sa braso. Tinitigan niyang mabuti ang lalaking umatake sa kaniya.
Kinutuban na siya kaagad sa pakay nito. Ilang araw na niya itong nakikita sa labas ng kaniyang bahay na mistulang nagmamaman. Buong akala niya na isa lamang itong naligaw na indio sa lugar ngunit nang ipinakilala ito ng kaniyang ama sa kaniya, hindi niya inasahang anak pala ito ng isang mayamang mag-aalahas sa bayan.
Tiyak siyang si Agueda ang hinahanap nito sa kanilang bahay. Hindi na rin siya magugulat kung malalaman niyang kasapi rin ang lalaki sa kilusang kinabibilangan ng dalaga.
"Wala na rito ang hinahanap mo," sagot ni Simeon.
"Nasaan siya? Anong ginawa mo sa kaniya!?"
"Nakaalis na siya. Walang akong ginawang masama sa kaniya. Tinulungan ko lamang siya."
Humigpit ang hawak ni Artemio sa kwelyo nito. Nagsasalubong ang kilay nito sa galit.
"Hindi pagtulong ang iyong ginagawa. Hindi ko man alam kung anong ugnayan ninyong dalawa ngunit ngayon pa lamang sinasabi ko na sa iyo na layuan mo si Agueda."
Umangat ang sulok ng labi ni Simeon.
"Hindi ko rin man alam kung anong ugnayan ninyong dalawa ngunit sa tingin ko ay wala ka sa lugar upang sabihin iyan."
"Kumpara sa iyo, mas may karapatan ako. Uulitin ko ang aking sinabi, layuan mo si Agueda. Kay lakas ng iyong loob na lapitan siya. Batid mo kung anong sitwasyon ngayon. Kung nakilala mo na nga siya, malamang nalaman mo na rin kung anong ipinaglalaban niya. Anak ka ng Gobernador-Heneral, isa kang kaaway at hindi magbabago ang pagtingin niya sa iyo dahil lamang tinulungan mo siya."
Hindi nakaimik si Simeon.
Marahas na binitiwan ng lalaki ang kaniyang kwelyo at kaagad itong naglakad palayo sa kaniya.
Pinanuod niya ito habang bumababa ng hagdan.
Lumiliit na ang kanilang mundo.
Ngayon, napagtanto niyang hindi lamang siya ang nag-aalala sa dalaga.
Bukod sa kaniya, may isang lalaki pa sa buhay nito.
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro